Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yp2 kab. 18 p. 150-155
  • Paano Ako Kikita ng Pera?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Kikita ng Pera?
  • Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Makahahanap ng Trabaho
  • Manatiling Timbang
  • Paano Kaya Ako Kikita ng Salapi?
    Gumising!—1998
  • Paano Ako Matututong Humawak ng Pera?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Balanseng Pananaw sa Pera
    Gumising!—2015
  • Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
yp2 kab. 18 p. 150-155

KABANATA 18

Paano Ako Kikita ng Pera?

“Gusto kong magkapera para makabili ako ng kotse.”​—Sergio.

“Mahilig akong mag-shopping.”​—Laurie-Ann.

“May mga bagay na gustung-gusto ko sanang bilhin, pero hindi naman kaya ng badyet ng mga magulang ko.”​—Mike.

BAKA ganiyan din ang dahilan kung bakit gusto mong magkapera. O baka kailangan mong kumita para suportahan ang iyong pamilya. Kahit na hindi ka nakapag-aabot sa iyong magulang ng panggastos para sa bahay, may maitutulong ka pa rin. Halimbawa, kung ikaw na ang gagastos para sa sarili mong damit o iba pang personal na gamit, kabawasan din ito sa gastusin ng mga magulang mo.

Kailangan ang pera kung may gusto kang bilhin para sa iyong sarili at sa iyong pamilya. Nangako si Jesus na maglalaan ang Diyos para sa mga ‘humahanap muna sa Kaharian ng Diyos.’ Pero kailangan pa ring kumilos ang isang Kristiyano para may maitustos sa kaniyang sarili. (Mateo 6:33; Gawa 18:1-3; 2 Tesalonica 3:10) Kung gayon, paano ka kaya kikita ng pera? At higit sa lahat, ano ang puwede mong gawin para hindi makahadlang ang iyong trabaho sa paglilingkod mo sa Diyos?

Kung Paano Makahahanap ng Trabaho

Kung may kailangan ka talagang bilhin na mabigat sa bulsa ng mga magulang mo, baka puwede kang humanap ng trabaho para mabili mo ito at hindi ka na umasa pa sa kanila. Sabihin sa iyong mga magulang ang plano mo. Baka matuwa sila sa pagkukusa mo. Ipagpalagay nating pumayag sila at nasa tamang edad ka na rin naman para magtrabaho, narito ang apat na mungkahi na makatutulong sa iyo.

Ipaalam sa iba. Sabihin sa inyong mga kapitbahay, guro, at mga kamag-anak na naghahanap ka ng trabaho. Kung nahihiya kang magpatulong sa kanila, baka puwede mo na lang silang tanungin kung ano ang naging trabaho nila noong kabataan pa silang tulad mo. Miyentras mas marami ang nakaaalam na naghahanap ka ng trabaho, mas malaki ang tsansa mong makahanap ng mapapasukan.

Maghanap ng posibleng mapapasukan. Mag-aplay sa mga trabahong iniaanunsiyo sa diyaryo o sa Internet, at sa mga anunsiyong ipinapaskil sa tindahan, paaralan, at iba pang pampublikong lugar. “Sa ganiyang paraan ako nakahanap ng trabaho,” ang sabi ng kabataang si Dave. “Naghanap ako sa diyaryo ng mapapasukang trabaho, nag-fax ng aking résumé sa kompanya, at saka ako tumawag.” Kung hindi iyan umubra, baka puwede kang gumawa ng paraan para makumbinsi ang may-ari ng kompanya o negosyo na kailangan nila ang serbisyo mo.

Gumawa ng résumé at ipamahagi ito. Sa isang papel, isulat kung saan ka puwedeng makontak at ang mga kasanayan mo at karanasan sa trabaho. Wala kang mailagay? Mag-isip ka pa. Marunong ka bang mag-alaga ng bata? Nasubukan mo na bang mag-alaga ng nakababata mong mga kapatid noong wala ang mga magulang mo? Ibig sabihin, maaasahan ka. Nakakatulong ka ba sa tatay mo kapag nasisira ang inyong sasakyan? Aba, malamang na mahusay ka sa pagkukumpuni! Marunong ka bang mag-type o gumamit ng computer? O nakakuha ka ba ng mataas na grade sa isang magandang proyekto sa paaralan? Ang mga kasanayan at katangiang iyan ang hinahanap sa isang mahusay na empleado. Isulat ang mga ito sa iyong résumé. Magpadala ng kopya sa mga may-ari ng kompanya o negosyo, at hilingin sa iyong mga kaibigan at kamag-anak na ipamahagi ito sa sinumang naghahanap ng mga aplikante sa trabaho.

Gumawa ng sarili mong pagkakakitaan. Mayroon ba sa lugar ninyo na nangangailangan ng iyong serbisyo o ng ilang partikular na produkto? Halimbawa, kung mahilig ka sa mga hayop, baka puwede kang mag-alaga ng manok at ibenta ito. Marunong ka bang tumugtog ng isang instrumento? Puwede mong turuan ang iba para kumita ka. O baka puwede mong gawin ang mga trabahong ayaw ng iba, gaya ng paglalako ng pagkain. Hindi ikinahihiya ng mga Kristiyano ang manu-manong trabaho. (Efeso 4:28) Siyempre kung gusto mong magkaroon ng sariling pagkakakitaan, dapat na determinado ka, disiplinado, at may pagkukusa.

Isang payo: Alamin mo muna ang pasikut-sikot ng isang trabaho o negosyo bago mo ito pasukin. (Lucas 14:28-30) Una, sabihin mo sa iyong mga magulang ang plano mo. Magtanong din sa iba na makaranasan na sa gayong trabaho. Kailangan mo bang magbayad ng buwis? Kailangan mo bang kumuha ng lisensiya o permit? Tiyakin ang mga bagay na ito sa lokal na mga ahensiya.​—Roma 13:1.

Manatiling Timbang

Ipagpalagay nating habang nagbibisikleta ka ay may dala kang ilang bagay, gaya ng bag, bola, at marahil ng mga supot ng pinamiling groseri. Miyentras mas marami kang dala, mas mahirap manimbang! Ganiyan din ang situwasyon mo kung tatanggap ka ng napakaraming trabaho. Kung nauubos ang panahon at lakas mo at pagod na pagod na ang isip mo dahil nagtatrabaho ka pagkatapos ng klase, maaaring humina ang iyong katawan at bumaba ang mga grades mo. Baka mahirapan ka pa ngang dumalo sa pulong ng kongregasyon, mag-aral ng Bibliya, at makibahagi sa pangangaral. “Hindi na ako nakakadalo kasi pagod na ako matapos ang maghapong pag-aaral at pagtatrabaho,” ang sabi ng kabataang si Michèle.

Hindi katalinuhan na tumanggap ka ng napakaraming trabaho dahil lamang sa kagustuhan mong kumita nang malaki. Sinabi ni Jesus na ang mga taong tunay na maligaya ay yaong “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Sinabi rin niya: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Sinunod ng kabataang Kristiyano na si Maureen ang payong iyan. “Ayokong maging materyalistiko,” ang sabi niya. “Siguradong masisira ang kaugnayan ko sa Diyos kung pagkita ng pera ang aatupagin ko.”

Totoo, sa ilang bansa, may mga kabataang ginagawa nang araw ang gabi sa pagtatrabaho para lamang makaraos ang kanilang pamilya. Pero kung hindi naman ganiyan ang situwasyon mo, walang dahilan para sagarin mo ang iyong sarili sa pagtatrabaho. Ayon sa maraming eksperto, mabigat at hindi praktikal para sa isang estudyante ang magtrabaho nang 20 oras sa isang linggo. Sinasabi ng ilang eksperto na walo hanggang sampung oras lamang sa isang linggo ang dapat na maging trabaho ng isang estudyante. Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 4:6.

Tandaan na puwedeng unti-unting mawala ang sigasig mo sa paglilingkod sa Diyos dahil sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” (Marcos 4:19) Kaya kung magtatrabaho ka pagkatapos ng klase, ayusin mong mabuti ang iyong iskedyul para maging pangunahin pa rin sa iyo ang pagsamba sa Diyos. Ipanalangin ang bagay na ito sa Diyos na Jehova. Tutulungan ka niyang maharap ang mga hamon sa pagtatrabaho at makagawa ng matalinong mga pasiya para maingatan mo ang iyong kaugnayan sa kaniya.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 21

SA SUSUNOD NA KABANATA

Ikaw ba ang kumokontrol sa iyong pera o ang pera mo ang kumokontrol sa iyo? Alamin kung paano ka matututong humawak ng pera.

TEMANG TEKSTO

“Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad, ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.”​—Kawikaan 13:4, Magandang Balita Biblia.

TIP

Magpadala ng résumé sa mga kompanyang gusto mong pasukan kahit na hindi pa sila nangangailangan ng bagong mga aplikante.

ALAM MO BA . . . ?

Sa ilang lugar, mga 85 porsiyento ng mapapasukang trabaho ang hindi iniaanunsiyo.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para mas mabilis akong makahanap ng trabaho, ang gagawin ko ay ․․․․․

Magtatrabaho lang ako nang ․․․․․ oras sa isang linggo.

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit mo kailangang kumita ng pera?

● Anong mga problema ang puwedeng mapaharap sa iyo kapag may trabaho ka na?

● Ano ang dapat mong gawin para hindi makahadlang sa paglilingkod mo sa Diyos ang pagtatrabaho?

[Blurb sa pahina 153]

“Kung ang kaligayahan mo ay nakadepende lamang sa nabibili ng pera, hindi ka kailanman magiging maligaya. Laging may bagong bagay na magugustuhan ka. Dapat matuto kang maging kontento sa kung ano ang mayroon ka.”​—Jonathan

[Kahon sa pahina 155]

Pera​—Mabuting Gamitin, Masamang Ibigin

Para sa isang mahusay na kusinero, kapaki-pakinabang ang isang matalim na kutsilyo. Pero kung isang taong di-maingat o isang baguhan ang gagamit nito, maaari siyang masugatan, o masaktan. Ang pera ay parang isang matalim na kutsilyo. Kung marunong kang gumamit nito, mapapakinabangan mo ito. Pero kung hindi ka maingat, maaari kang masaktan! Halimbawa, nagbabala si apostol Pablo hinggil sa pag-ibig sa salapi. Dahil sa kagustuhang yumaman, iniwan ng ilan ang kanilang mga kaibigan, isinakripisyo ang kanilang pamilya, at ipinagpalit ang kanilang kaugnayan sa Diyos. Kaya “napagsasaksak [nila] ng maraming kirot ang kanilang sarili.” (1 Timoteo 6:9, 10) Ang aral? Maging matalino sa paghawak ng pera. Ang pera ay mabuting gamitin pero masamang ibigin!

[Larawan sa pahina 153]

Mahihirapan kang manimbang kung tatanggap ka ng napakaraming responsibilidad

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share