Pagtuturo—Ang Kasiyahan at ang Kagalakan
“Bakit ako nagpapatuloy bilang isang guro? Bagaman ang pagtuturo ay maaaring maging mahirap at nakapapagod, ang makita ang mga bata na gustung-gustong matuto at makita ang kanilang pagsulong ang siyang gumaganyak sa akin na magpatuloy.”—Leemarys, isang guro sa New York City.
SA KABILA ng lahat ng mga suliranin, hadlang, at mga kabiguan, milyun-milyong guro sa buong daigdig ang nagtitiyaga sa kanilang napiling propesyon. At ano ang gumaganyak sa libu-libong estudyante na magsikap na maging kuwalipikadong mga guro gayong alam nila na maaaring hindi sila tumanggap ng sapat na pagkilala? Bakit sila nagpapatuloy bilang mga guro?
Ganito ang paliwanag ni Inna, isang guro sa Russia: “Isang kalugud-lugod na karanasang makita ang iyong dating mga estudyante bilang mga adulto at marinig mula sa kanila na sulit ang natutuhan nila sa iyo. Lubhang nakapagpapatibay-loob kapag sinasabi nila na mayroon silang magagandang alaala ng mga taóng ginugol nilang kasama ka.”
Si Giuliano, isang guro na sinipi sa naunang artikulo, ay nagsabi: “Ang isa sa pinakamatitinding kasiyahan ay ang pagkatanto na nagtagumpay ka sa pagpukaw sa interes ng mga mag-aaral sa isang paksa. Halimbawa, pagkatapos kong maipaliwanag ang isang punto sa kasaysayan, ganito ang sabi ng ilang estudyante: ‘Sige pa po. Magkuwento pa kayo! ’ Pinasasaya ng gayong kusang pananalita ang mapanglaw na umaga sa paaralan sapagkat natatalos mo na napukaw mo sa mga kabataan ang damdamin na bago sa kanila. Nakatutuwang makita ang kanilang mga mukha kapag nagniningning ang kanilang mga mata sapagkat naunawaan nila ang isang paksa.”
Ganito naman ang sabi ni Elena, isang guro sa Italya: “Naniniwala akong karaniwang nasusumpungan ang kasiyahan sa maliliit na bagay sa araw-araw, sa maliliit na tagumpay ng mga mag-aaral, kaysa sa mahahalagang resulta, na bihirang mangyari.”
Si Connie, isang taga-Australia na mahigit nang 30 anyos, ay nagsabi: “Lubhang nakasisiya kapag ang isang estudyante na naging malapít sa iyo ay naglalaan ng panahon upang sumulat ng isang liham ng pagpapahalaga sa iyong mga pagsisikap.”
Gayundin ang nadarama ni Oscar, taga-Mendoza, Argentina: “Nadarama kong sulit ang lahat ng mga pagpapagal kapag nakakasalubong ko sa daan o sa ibang dako ang aking mga estudyante at nagpapahalaga sa itinuro ko sa kanila.” Si Angel, ng Madrid, Espanya, ay nagsabi: “Ang pinakamalaking kasiyahan para sa akin, sa pagtatalaga ng aking buhay sa kahanga-hanga subalit mahirap na propesyong ito, ay, walang alinlangan, ang makita ang mga kabataang naturuan ko na maging matuwid na mga lalaki at babae, sa bahagi bilang resulta ng aking mga pagsisikap.”
Si Leemarys, na sinipi sa pasimula, ay nagsabi: “Talagang nadarama ko na ang mga guro ay natatanging mga tao. Ibang klase rin kami sa pagkuha ng gayong kalaking pananagutan. Subalit kung makagagawa ka ng malaking pagbabago—sa sampung bata man o kahit na sa isa—ginawa mo ang iyong trabaho, at wala nang mas bubuti pang pakiramdam kaysa riyan. Ginagawa mo ito nang may kagalakan.”
Pinasalamatan Mo na ba ang Iyong mga Guro?
Ikaw ba, bilang isang estudyante o magulang, ay nakapagpasalamat na sa isang guro dahil sa panahon, pagsisikap, at interes na ipinakita niya? O nagpadala ka man lamang ba ng isang maikling sulat ng pasasalamat o isang liham? Si Arthur, ng Nairobi, Kenya, ay makatuwirang nagsabi: “Ang mga guro ay sumusulong din dahil sa papuri. Ang pamahalaan, mga magulang, at mga estudyante ay dapat na lubhang magpahalaga sa kanila at sa kanilang mga paglilingkod.”
Ang awtor-guro na si LouAnne Johnson ay sumulat: “Sa bawat negatibong sulat na natatanggap ko tungkol sa isang guro, tumatanggap naman ako ng sandaang sulat ng papuri, na nagpapatunay sa aking paniniwala na mas marami pa ring mahuhusay na guro kaysa sa hindi mahuhusay na guro.” Kapansin-pansin, maraming tao ang aktuwal na umuupa ng detektib upang “tumulong sa paghahanap sa isang dating guro. Gustong makita ng mga tao ang kanilang mga guro at pasalamatan sila.”
Inilalatag ng mga guro ang mahalagang pundasyon sa edukasyon ng isang tao. Kahit na ang pinakamahuhusay na propesor sa pinakaprestihiyosong mga unibersidad ay may utang na loob sa mga guro na gumugol ng panahon at pagsisikap upang ganyakin at linangin ang kanilang pagnanais ukol sa edukasyon, kaalaman, at kaunawaan. Ganito ang sabi ni Arthur, sa Nairobi: “Lahat ng matataas na opisyal sa pampubliko at pribadong mga sektor ay naturuan ng isang guro sa isang yugto ng kanilang buhay.”
Kaylaking pasasalamat natin sa mga babae at lalaki na pumukaw sa ating pagkamausisa, na nag-udyok sa ating isipan at puso, at nagpakita sa atin kung paano sasapatan ang pagkauhaw natin ukol sa kaalaman at kaunawaan!
Lalong higit tayong dapat magpasalamat sa Dakilang Edukador, ang Diyos na Jehova, na kumasi sa mga pananalita sa Kawikaan 2:1-6: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”
Pansinin ang kondisyon na “kung” na lumilitaw nang tatlong beses sa pumupukaw-kaisipan na tekstong iyan. Isip-isipin, kung handa tayong tanggapin ang hamong iyon, ating ‘masusumpungan ang mismong kaalaman sa Diyos’! Tiyak, iyan ang pinakadakilang edukasyon sa lahat.
[Kahon sa pahina 13]
Isang Maligayang Magulang
Ang sumusunod na liham ay tinanggap ng isang guro sa New York City:
“Nais ko po kayong pasalamatan nang buong puso at nang buong kataimtiman sa ginawa ninyo sa aking mga anak. Sa pamamagitan ng inyong pagmamalasakit, kabaitan, at kasanayan, natulungan ninyo sila na makamit ang maiinam na tagumpay na natitiyak kong hinding-hindi nila mararanasan kung wala kayo. Pinangyari ninyong ipagmapuri ko ang aking mga anak—isang karanasang hinding-hindi ko malilimot. Matapat na sumasainyo, S. B.”
May kilalá ka bang guro na mapatitibay-loob mo?
[Larawan sa pahina 12]
‘Nakatutuwang makita ang mga mata ng mga estudyante na nagniningning sapagkat naunawaan nila ang paksa.’—GIULIANO, ITALYA
[Mga larawan sa pahina 13]
‘Lubhang nakasisiya kapag ang isang estudyante ay naglalaan ng panahon upang sumulat ng isang liham ng pagpapahalaga.’—CONNIE, AUSTRALIA