Pagsusuri sa Isang Lindol
“SANAY NA TAYONG MABUHAY SA MATATAG NA LUPA ANUPAT KAPAG ITO AY NAGSIMULANG YUMANIG, HINDI ITO NAKAKAYANAN NG ISIP.”—“THE VIOLENT EARTH.”
“ANG MGA LINDOL ay kabilang sa pinakamapangwasak at pinakamalakas na mga puwersa sa kalikasan,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. Ang pananalitang iyan ay hindi isang kalabisan, sapagkat ang enerhiyang inilalabas ng isang malakas na lindol ay maaaring maging 10,000 ulit na mas malakas kaysa sa nagawa niyaong unang bomba atomika! Nakadaragdag pa sa kakilabutan ang bagay na ang mga lindol ay maaaring mangyari sa anumang klima, sa anumang panahon, at sa anumang oras. At bagaman may ilang ideya ang mga siyentipiko kung saan malamang na mangyari ang malalakas na lindol, hindi nila matiyak kung kailan.
Ang mga lindol ay nangyayari bilang resulta ng mga bunton ng bato na nagbabago ng posisyon sa ilalim ng lupa. Patuloy na nagaganap ang uring ito ng pagkilos. Kadalasan, hindi sapat ang lakas ng resultang mga pagyanig upang madama ang mga ito sa ibabaw ng lupa, subalit ang mga ito’y maaaring matunton at maitala ng isang seismograph.a Sa ibang pagkakataon, sapat na bato ang nadudurog at sapat na pagkilos ang nangyayari upang yumanig nang husto ang ibabaw ng lupa.
Subalit bakit may patuloy na pagkilos sa ibabaw ng lupa? “Masusumpungan ang isang paliwanag sa mga tektonikong plato, isang ideya na ganap na bumago sa kaisipan hinggil sa mga siyensiya ukol sa Lupa,” ang sabi ng National Earthquake Information Center (NEIC). “Alam na namin ngayon na may pitong malalaking crustal plate, na nahahati sa maraming mas maliliit na plato,” ang sabi pa ng NEIC, “ang lahat ay walang-tigil na kumikilos na nauugnay sa isa’t isa, sa bilis na mula 10 hanggang 130 milimetro [tatlong ikawalo ng isang pulgada hanggang limang pulgada] sa bawat taon.” Karamihan sa mga lindol, sabi ng NEIC, ay nasa makikitid na mga belt na nagtatakda ng mga hangganan ng mga plato. Dito malamang na mangyari ang 90 porsiyento ng karamihan sa mga lindol.
Magnitude at Intensity
Ang kalubhaan ng isang lindol ay maaaring masukat sa pamamagitan ng magnitude (lakas) o ng intensity (tindi) nito. Si Charles Richter ay gumawa ng isang scale (sukatan) noong dekada ng 1930 upang sukatin ang magnitude ng mga lindol. Habang dumarami ang mga istasyon ng seismograph, nagkaroon ng mas bagong mga scale batay sa ideya ni Richter. Halimbawa, sinusukat ng tinatawag na moment magnitude scale ang enerhiyang lumalabas sa pinagmumulan ng lindol.
Mangyari pa, hindi laging isinisiwalat ng mga scale na ito ang antas ng pinsala na idinudulot ng isang lindol. Isaalang-alang ang isang lindol sa gawing hilaga ng Bolivia noong Hunyo 1994, na may magnitude na 8.2, na iniulat na kumitil lamang ng lima katao. Gayunman, ang lindol sa Tangshan, Tsina noong 1976—na may mas mababang magnitude na 8.0—ay nagbunga ng daan-daang libong kamatayan!
Kung ihahambing sa magnitude, ipinakikita ng naitalang intensity ang mga epekto ng isang lindol sa mga tao, mga gusali, at sa kapaligiran. Higit na inilalarawan nito ang tindi ng isang lindol may kinalaman sa kung paano nito naaapektuhan ang mga tao. Kung sa bagay, ang mga pagyanig sa ganang sarili ay karaniwan nang hindi nakapipinsala sa mga tao. Bagkus, ang gumuguhong mga pader, napuputol na mga tubo ng gas o linya ng kuryente, nahuhulog na mga bagay, at iba pa ang sanhi ng karamihan sa mga pinsala at kamatayan.
Ang isang tunguhin ng mga seismologo ay ang makapagbigay ng maagang mga babala tungkol sa pagkilos ng lindol. Isang programang digital na tinatawag na Advanced Seismic Research and Monitoring System ang ginagawa. Ayon sa isang report ng CNN, ang sistemang ito—kalakip ang mas mabilis na pagpasok at mas malalakas na software application—ay tutulong sa mga opisyal na “maituro halos karaka-raka ang mga lugar kung saan nangyari ang pinakamalakas na pagyanig ng isang lindol.” Ito naman ang mas magpapadali sa mga awtoridad para makapagpadala ng tulong sa mga apektadong lugar.
Maliwanag, ang pagiging handa para sa isang lindol ay makababawas ng mga pinsala sa tao, ari-arian at—higit na mahalaga—makapagliligtas ito ng buhay. Subalit, patuloy na nangyayari ang mga lindol. Kaya bumabangon ang tanong: Paano natulungan ang mga tao na maharap ang naging resulta ng lindol?
[Talababa]
a Ang seismograph ay isang aparatong sumusukat at nagtatala sa pagkilos ng lupa sa panahon ng isang lindol. Ang una ay nagawa noong 1890. Sa ngayon, mahigit na 4,000 istasyon ng seismograph ang gumagana sa buong daigdig.
[Chart sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Gaano Karaming Lindol?
Tagapaglarawan Magnitude Katamtamang Bilang Bawat Taon
Great 8 at mas mataas pa 1
Major 7-7.9 18
Strong 6-6.9 120
Moderate 5-5.9 800
Light 4-4.9 6,200*
Minor 3-3.9 49,000*
Very Minor <3.0 Magnitude 2-3: mga
1,000 bawat araw
Magnitude na 1-2: mga
8,000 bawat araw
* Tantiya.
[Credit Line]
Pinagkunan: National Earthquake Information Center
Sa kapahintulutan ng USGS/National Earthquake Information Center, EUA
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Seismogram sa pahina 4 at 5: Larawan sa kagandahang-loob ng Berkeley Seismological Laboratory