Ang Napakaraming Gawain ng mga Ina
4:50 n. ma. Si Alex, ang sanggol, umiiyak at naalimpungatan, ay tumabi kay Helen, ang kaniyang ina. Ang dalawa pang bata—sina Penny (5) at Joanna (12)—at ang asawa niya, si Nick, ay natutulog pa. Binuhat ni Helen si Alex sa kama at pinasuso ito. Hindi na siya nakatulog pang muli.
5:45 n. ma. Dahan-dahang nagtungo sa kusina si Helen, nagtimpla ng kape, at nagbasa.
6:15–7:20 n.u. Bumangon na si Nick. Ginising ni Helen sina Penny at Joanna, naghanda ng almusal, at inasikaso ang ilang gawaing-bahay. Nang sumapit ang 7:15, pumasok na sa trabaho si Nick at inihatid sa paaralan si Joanna. Dumating naman ang ina ni Helen upang mag-alaga kay Alex.
7:30 n.u. Inihatid ni Helen si Penny sa paaralan nito sa kindergarten. Ang pagbibiyahe patungo sa trabaho ay nagbigay ng panahon kay Helen na mapag-isip-isip ang katotohanan ng pagiging isang ina. “Ito ang pinakamahirap na trabaho ko kailanman,” ang sabi niya.
8:10 n.u. Nakaharap si Helen sa nakatambak na trabaho sa kaniyang mesa. Nag-aalala siya na ang isa pang pagdadalang-tao ay baka mangahulugan ng pagkawala ng kaniyang trabaho. Kailangan ng pamilya ang karagdagang kita.
10:43 n.u. Pagkatapos ibaba ni Helen ang telepono—tawag iyon tungkol sa kaniyang mga anak—inaliw naman siya ng kaniyang katrabahong si Nancy: “Napakahusay ng ginagawa mo para sa kanila.” Pumatak ang mga luha ni Helen sa kaniyang mga pisngi.
12:05 n.t. Mabilis na kinain ni Helen ang isang sandwich at nagbalik-tanaw sa panahon bago niya isinilang ang kaniyang panganay na babae. Noon ay may mga plano siyang gawin sa kaniyang “malayang” oras. ‘Kalokohan!’ ang hinuha niya.
3:10 n.h. Pagkatapos makatanggap ng ilang tawag mula sa bahay tungkol sa mga nakatutuwang kapilyuhan ni Alex, binanggit ni Helen ang pantanging buklod na taglay niya sa kaniyang mga anak: “Hindi pa ako kailanman nakadama ng ganitong pag-ibig kaninuman.” Nakatulong ang taimtim na damdaming ito sa kaniya upang makayanan ang pasimula at di-inaasahang mga problema.
5:10 n.h. Pagkatapos sunduin si Joanna, saglit na ginawa ni Helen ang iba’t ibang bagay. Tinawagan niya si Nick at ipinaalaala rito na si Nick naman ang susundo kay Penny.
6:00–7:30 n.g. Pag-uwi sa bahay, pinagpahinga ni Helen si Lola sa pag-aalaga kay Alex, inasikaso ang gawaing-bahay, at naghanda ng hapunan. Nang tanungin tungkol sa mga pangangailangan ng isang sanggol, napabuntunghininga si Helen: “Walang ibang hinahanap ang sanggol kundi ang ina lang mismo: ang kaniyang mga bisig, katawan, at ang gatas at pinupuyat nito ang kaniyang ina.”
8:30–10:00 n.g. Tinulungan ni Helen si Joanna sa takdang-aralin nito at pinasuso si Alex. Samantalang binabasahan ni Nick si Penny sa loob ng kalahating oras, marami pang gawaing-bahay ang inaasikaso ni Helen.
11:15 n.g. Pagkatapos patulugin sina Penny at Joanna, gising pa rin si Alex na karga ng kaniyang ina, subalit nakatulog din ito sa wakas. “Sa palagay ko’y puwede na itong ibaba sa kama,” ang sabi ni Helen kay Nick, na medyo nakakatulog na.