Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Umasa ang mga Kristiyano ng Proteksiyon Mula sa Diyos?
Madalas na tinutukoy ng Bibliya ang kakayahan ng Diyos na ipagsanggalang ang kaniyang mga mananamba mula sa kapahamakan. Sinabi ni Haring David: “Iligtas mo ako, O Jehova, mula sa masasamang tao; bantayan mo nawa ako mula sa taong may mga gawang karahasan.” (Awit 140:1) Marami sa mga mananamba ng Diyos sa ngayon na napaharap sa karahasan, krimen, o likas na mga sakuna ang muntik-muntikan nang mamatay o mapinsala. Nag-iisip ang ilan kung binigyan sila ng Diyos ng makahimalang proteksiyon sa mga pagkakataong iyon, lalo na yamang may mga pangyayari na hindi nakatakas ang mga taong may takot sa Diyos kundi nakaranas sila ng matitinding trahedya, maging ng marahas na kamatayan pa nga.
IPINAGSASANGGALANG ba ng Diyos na Jehova ang ilang indibiduwal mula sa pinsala ngunit ang iba naman ay hindi? Dapat ba tayong umasa na tumanggap ng makahimalang pagliligtas mula sa karahasan at mga sakuna sa ngayon?
Makahimalang Proteksiyon Ayon sa mga Ulat ng Bibliya
Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming ulat kung saan makahimalang namagitan ang Diyos alang-alang sa kaniyang mga mananamba. (Isaias 38:1-8; Gawa 12:1-11; 16:25, 26) Inilalahad din ng Kasulatan kung paanong sa ibang pagkakataon ay hindi naligtas ang mga lingkod ni Jehova mula sa kalamidad. (1 Hari 21:1-16; Gawa 12:1, 2; Hebreo 11:35-38) Maliwanag kung gayon, maaaring pagpasiyahan ni Jehova na maglaan ng proteksiyon dahil sa isang partikular na kadahilanan o layunin kailanman niya ito gustuhin. Kaya kapag ang indibiduwal na mga Kristiyano ay hindi nailigtas sa mga pagsubok, hindi nila dapat ipalagay na pinabayaan sila ng Diyos. Dapat nating tanggapin ang katotohanan na magaganap ang masasamang bagay, maging sa mga tapat na lingkod ni Jehova. Bakit gayon?
Kung Bakit Nagaganap ang Masasamang Bagay sa mga Tapat na Lingkod ng Diyos
Ang isang dahilan ay nagmana tayong lahat ng kasalanan at di-kasakdalan kina Adan at Eva. Kaya napapaharap tayo sa kirot, pagdurusa, at kamatayan. (Roma 5:12; 6:23) Ang isa pang dahilan ay nabubuhay tayo sa mga huling araw. Inilalarawan ng Bibliya ang mga tao sa ating panahon bilang “mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:1-5) Makikita ang ebidensiya nito sa pagiging laganap ng panghahalay, pagkidnap, pagpaslang, at iba pang brutal na mga krimen.
Maraming tapat na lingkod ng Diyos ang naninirahan at nagtatrabaho kasama ng mararahas na tao at kung minsan ay nagiging tudlaan ng mga ito. Maaaring mapaharap tayo sa isang situwasyon na nagsasapanganib ng ating buhay dahil lamang sa nagkataong naroon tayo sa isang lugar kung saan nagaganap ang isang masamang pangyayari. Karagdagan pa, nararanasan natin ang katotohanang ipinahayag ni Solomon nang kaniyang sabihin na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11.
Bukod pa rito, sinabi ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay magiging tudlaan ng pag-uusig dahil sa sinasamba nila ang Diyos. Ganito ang sabi niya: “Sa katunayan, lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” (2 Timoteo 3:12) Napatunayang totoo ito sa ilang bansa nitong kamakailang mga taon.
Kung gayon, hindi ligtas ang mga taong may takot sa Diyos mula sa mga epekto ng karahasan, krimen, likas na sakuna, o kamatayang dulot ng aksidente. Sinisikap ni Satanas na gamitin ang pangangatuwiran na waring naglalagay si Jehova ng isang bakod sa palibot ng Kaniyang bayan upang hindi nila maranasan ang kalamidad sa buhay. (Job 1:9, 10) Hindi nga gayon. Subalit makatitiyak tayo na kahit hindi naglalaan si Jehova ng makahimalang pagliligtas mula sa isang situwasyon, talagang binibigyan niya ng proteksiyon ang kaniyang bayan.
Kung Paano Binibigyan ng Proteksiyon ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Ngayon
Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, inilalaan ni Jehova ang kaniyang patnubay upang bigyan ng proteksiyon ang kaniyang bayan. Ang espirituwalidad at kaalaman sa Bibliya ay makapagdudulot sa atin ng mabuting pagpapasiya at katinuan ng isip, na makatutulong sa atin upang maiwasan ang di-kinakailangang mga pagkakamali at upang makagawa ng matatalinong desisyon. (Awit 38:4; Kawikaan 3:21; 22:3) Halimbawa, ang pagsunod sa payo ng Bibliya hinggil sa seksuwal na moralidad, kasakiman, galit, at karahasan ay nakapagligtas sa mga Kristiyano mula sa maraming kalamidad. Gayundin, sa pamamagitan ng hindi pagkakaroon ng malapit na pakikipagsamahan sa masasamang tao, mas malamang na wala tayo sa lugar kung saan maaaring mangyari ang kalamidad—sa lugar na kung saan nagaganap ang masamang pangyayari. (Awit 26:4, 5; Kawikaan 4:14) Yaong namumuhay sa mga simulain ng Bibliya ay nakapagtatamasa ng mas mainam na paraan ng pamumuhay, na kadalasa’y nagbubunga ng mas mabuting kalusugan ng isip at pangangatawan.
Ang higit na nakaaaliw ay ang pagkaalam na bagaman hahayaan ng Diyos na maganap ang masasamang bagay, paglalaanan naman niya ang kaniyang mga mananamba ng kinakailangang lakas upang mabata nila ang mga ito. Tinitiyak sa atin ni apostol Pablo: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.” (1 Corinto 10:13) Ipinangangako rin ng Bibliya ang “lakas na higit sa karaniwan” upang matulungan tayong mabata ang mga kalamidad.—2 Corinto 4:7.
Kumikilos ang Diyos Ayon sa Kaniyang Kalooban
Dapat bang umasa ang mga Kristiyano na ililigtas sila ng Diyos sa makahimalang paraan sa bawat nagbabantang kasakunaan? Hindi sinusuportahan ng ulat ng Bibliya ang gayong pag-asam.
Siyempre pa, maaaring magpasiya ang Diyos na Jehova na mamagitan nang tuwiran alang-alang sa sinumang lingkod niya. At kung ang sinuman ay naniniwala na nakaligtas siya sa kapahamakan dahil sa namagitan ang Diyos, hindi siya dapat punahin. Ngunit kapag nagpasiya si Jehova na hindi mamagitan, hindi ito dapat ituring kailanman na isang tanda ng kaniyang di-pagsang-ayon.
Nawa’y taglayin natin ang pagtitiwala na anumang pagsubok o situwasyon ang mapaharap sa atin, si Jehova ay magbibigay ng proteksiyon para sa kaniyang tapat na mga lingkod, ito man ay sa pamamagitan ng pag-aalis sa di-kaayaayang situwasyon, pagbibigay sa atin ng lakas upang mabata ito o, kung mamatay man tayo, sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa atin tungo sa walang-hanggang buhay sa kaniyang bagong sanlibutan.—Awit 37:10, 11, 29; Juan 5:28, 29.