Sa Kabila ng mga Pagsubok, Nanatiling Maningning ang Aking Pag-asa
AYON SA SALAYSAY NI ANDREJ HANÁK
Taong 1943, at nagngangalit ang Digmaang Pandaigdig II. Dahil sa aking neutral na paninindigan, nabilanggo ako sa Budapest, Hungary. Doon, inialok sa akin ng balbasing paring Ortodokso ang kaniyang Bibliya kapalit ng tatlong araw na rasyon ko ng tinapay. Bagaman halos mamatay na ako sa gutom, kumbinsido ako na maganda ang pakikipagpalitang iyon.
NAGING isang hamon ang pagpapanatili ng isang malinis na Kristiyanong budhi nang sakupin ng mga Nazi ang aming lupain noong Digmaang Pandaigdig II. Nang maglaon, sa mahigit na 40 taon ng pamamahalang Komunista, isang pagpupunyagi rin ang maglingkod sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, nang hindi ikinokompromiso ang mga simulain sa Bibliya.
Bago ko ilahad kung paano pinanatili noon ang katapatan sa Diyos, hayaan mong banggitin ko ang aking maikling kasaysayan. Walang-alinlangang mawiwili kang malaman kung ano ang binatá ng mga Saksi ni Jehova noong unang mga taóng iyon. Una, isasaysay ko ang relihiyosong kalagayan na nagtulak sa akin na pag-isipan ang mga prominenteng relihiyon sa aming lugar.
Isang Palaisipang Tanong sa Relihiyon
Ipinanganak ako noong Disyembre 3, 1922, sa Pácin, isang nayon sa Hungary na malapit sa hangganan ng Slovakia. Ang Slovakia ang bumubuo noon sa silangang bahagi ng Czechoslovakia. Nang sakupin ng Unyong Sobyet ang malaking bahagi ng Czechoslovakia makaraan ang Digmaang Pandaigdig II, iniurong ang hangganan ng Ukraine nang mga 30 kilometro papasok ng Pácin.
Pangalawa ako sa limang anak ng mga magulang na debotong Romano Katoliko. Nang ako ay edad 13, may nangyari na nag-udyok sa akin na mas seryosong pag-isipan ang relihiyon. Sinamahan ko si Inay sa 80-kilometrong relihiyosong paglalakbay patungo sa nayon ng Máriapócs sa Hungary. Naglakad kami roon sapagkat naniniwala kami na ang paggawa ng gayon ay titiyak sa mas maraming pagpapala namin. Kapuwa mga Romano Katoliko at Griego Katoliko ang nagsipaglakbay. Akala ko noon na bahagi ng nagkakaisang relihiyong Katoliko ang dalawang simbahang ito. Pero hindi nagtagal at nalaman ko na hindi pala.
Unang idinaos ang Misang Griego Katoliko. Kaya ipinasiya ko na iyon ang daluhan. Nang malaman ni Inay sa bandang huli na dumalo ako roon, nagalit siya. Medyo nalilito, nagtanong ako: “May pagkakaiba po ba kung anong Misa ang daluhan natin? Hindi ba sa iisang katawan ni Kristo nakikibahagi tayong lahat ?”
Palibhasa hindi makasagot, sinabi na lamang ni Inay: “Anak, kasalanan ang magtanong ng ganiyan.” Gayunman, hindi napawi ang mga tanong ko.
Nasagot ang mga Tanong Ko
Nang ako ay edad 17—pagkatapos na pagkatapos sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939—lumipat ako nang ilang kilometro ang layo sa Streda nad Bodrogom, isang maliit na bayang matatagpuan ngayon sa silangang Slovakia. Pumunta ako roon upang magtrabaho bilang isang aprentis sa isang panday na tagaroon. Ngunit nang ako’y nasa bahay niya, may natutuhan akong mas mahalaga pa kaysa sa paghahanda ng bakal ng kabayo at paghuhubog ng ibang mga bagay mula sa binubong metal.
Si Mária Pankovics, ang asawa ng panday, ay isang Saksi ni Jehova. Kaya natuto ako ng pagpapanday sa araw mula sa kaniyang asawa, ngunit sa gabi ay nag-aaral naman ako ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi na tagaroon. Bilang aprentis sa panday, nagkaroon ako ng mas malaking pagpapahalaga sa mga salita ng Awit 12:6: “Ang mga pananalita ni Jehova ay mga pananalitang dalisay. Gaya ng pilak na dinalisay sa tunawang hurno sa lupa, na makapitong nilinis.” Kaiga-igaya nga ang mga gabing iyon ng pagsusuri sa mga pananalita ni Jehova at pagkasumpong ng sagot sa mga tanong ko sa Bibliya!
Hindi ko sukat akalain na, habang umiinit ang labanan sa Digmaang Pandaigdig II, malapit nang masubok ang aking bagong natagpuang pananampalataya.
Ibinilanggo Dahil sa Aking Pananampalataya
Hindi pa natatagalan nang pasimulan ko ang pag-aaprentis sa panday nang hilinging makibahagi sa pagsasanay sa militar ang mga kabataang lalaki sa Hungary. Ngunit naipasiya kong sundin ang simulain sa Bibliya na nasa Isaias 2:4, na ‘hindi [na] mag-aral ng pakikidigma.’ Dahil sa aking desisyon, nahatulan ako ng sampung araw na pagkabilanggo. Pagkalaya ko, nagpatuloy akong mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos, noong Hulyo 15, 1941, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.
Nang panahong iyon, sinalakay ng Nazing Alemanya ang Unyong Sobyet, at nasa kasagsagan ng digmaan ang silangang Europa. Tumindi ang mga propaganda sa digmaan at lumaganap ang mga damdaming makabayan. Ngunit kasuwato ng kanilang mga salig-Bibliyang pananalig, ang mga Saksi ni Jehova ay nanatiling neutral.
Isang marahas na pagsalakay ang inorganisa laban sa amin noong Agosto 1942. Nagtalaga ng sampung dako ang mga awtoridad kung saan pinagsama-sama ang mga Saksi, kapuwa bata at matanda. Maging yaong mga hindi pa bautisado ngunit kilaláng nakikipag-ugnayan sa amin ay dinala rin sa mga lugar na iyon. Isa ako sa mga dinala sa bilangguan sa Sárospatak, isang lunsod na mga 20 kilometro ang layo mula sa nayon ko ng Pácin.
Tatlong buwan lamang ang edad ng pinakabatang bilanggo sa piitan. Ikinulong siya kasama ng kaniyang ina na Saksi. Nang humingi kami ng pagkain kahit man lamang para sa bata, sumagot ang guwardiya: “Hayaan ninyo siyang umiyak. Tutulong ito para lumaki siyang matatag na Saksi.” Naawa kami sa sanggol, subalit ikinalungkot din namin na ang puso ng batang guwardiya ay pinatigas na ng makabayang propaganda.
Sa aking paglilitis, hinatulan ako ng dalawang taóng pagkabilanggo. Pagkatapos ay inilipat ako sa bilangguan sa 85 Margit Körút sa Budapest. Siniksik ang mga 50 hanggang 60 katao sa mga selda na may sukat na mga apat na metro ang luwang at anim na metro ang haba. Walong buwan kaming tumira roon nang walang paliguan o mga palikuran. Kaya hindi kami makapaligo o makapaglaba man lamang. Kaming lahat ay kinuto, at sa gabi, ginagapang ng mga surot ang maruruming katawan namin.
Kailangan kaming gumising ng alas-kuwatro ng umaga. Maliit na tasa ng kape lamang ang almusal namin. Ganoon din karami ang sopas namin sa tanghali at mga 150 gramo ng tinapay kasama ng kaunting lugaw. Walang ibinibigay sa gabi. Bagaman 20 ang edad ko noon at nasa mabuting kalusugan, nanghina ako nang maglaon anupat hindi na makalakad. Nagsimulang mamatay ang mga bilanggo sa gutom at mga impeksiyon.
Nang panahong iyon, may dumating na bagong bilanggo sa aming selda. Siya ang balbasing paring Ortodokso na binanggit ko sa simula. Pinayagan siyang dalhin ang kaniyang Bibliya. Gustung-gusto ko ngang basahin iyon! Pero nang makiusap ako para basahin iyon, tumanggi siya. Gayunman, nang bandang huli, lumapit siya sa akin. “Binatilyo,” sabi niya. “Sa iyo na itong Bibliya. Ibebenta ko ito sa iyo.”
“Ibebenta? Sa anong halaga?” ang tanong ko. “Wala akong dalang pera.”
Iyon ang pagkakataon nang ialok niya sa akin ang kaniyang Bibliya kapalit ng tatlong araw na rasyon ko ng tinapay. Naging kasiya-siyang pálitan iyon! Sa kabila ng pisikal na gutom ko, tumanggap ako ng espirituwal na pagkain na nagpalakas sa akin at sa iba pa laban sa mga pagsubok sa amin sa maliligalig na panahong iyon. Iniingatan ko ang Bibliya na iyon hanggang sa araw na ito.—Mateo 4:4.
Sinubok ang Aming Neutralidad
Noong Hunyo 1943, dinala ang mga kabataang lalaki na Saksi mula sa buong Hungary—mga 160 kami—sa Jászberény, isang bayan na malapit sa Budapest. Nang tumanggi kaming magsuot ng mga gorang militar at gasa na may tatlong kulay sa aming mga bisig, inilulan kami sa mga bagon at dinala sa istasyon ng tren sa Budapest-Kőbánya. Isa-isang tinawag doon ng mga opisyal ng militar ang pangalan namin upang lumabas mula sa bagon, at inutusan kaming magreport bilang mga sundalo.
Inutusan kaming sabihin: “Heil Hitler,” na nangangahulugang “Kaluwalhatian kay Hitler.” Kapag tumatanggi ang bawat Saksi na gawin iyon, bubugbugin siya nang husto. Sa kalaunan, napagod ang mga tagapagpahirap, kaya sinabi ng isa sa kanila: “Sige, bugbugin pa natin ang isa, pero hindi na niya makakayanan iyon.”
Nakakuha ng listahan ng mga Saksi na nasa bagon si Tibor Haffner, isang mas matanda at matagal nang Saksi. Binulungan niya ako: “Kapatid, ikaw na ang susunod. Magpakalakas-loob ka! Magtiwala ka kay Jehova.” Tinawag na ako. Nang nakatayo na ako sa pinto ng bagon, pinababa ako. “Wala nang natitira pang bubugbugin sa kaniya,” sabi ng isa sa mga sundalo. Pagkatapos ay sabi niya sa akin: “Kung magrereport ka gaya ng hinihiling sa iyo, sisiguraduhin naming maatasan ka sa kusina para maghanda ng pagkain. Kung hindi, mamamatay ka.”
“Hindi ako magrereport para maglingkod sa militar,” ang sagot ko. “Gusto kong bumalik sa bagon kung nasaan ang mga kapatid ko.”
Palibhasa nahabag sa akin, dinampot ako ng isang sundalo at itinulak ako pabalik sa bagon. Yamang tumitimbang lamang ako ng wala pang 90 libra, hindi siya nahirapang gawin iyon. Lumapit si Brother Haffner at inakbayan ako, hinaplos ang mukha ko, at sinipi sa akin ang Awit 20:1: “Sagutin ka nawa ni Jehova sa araw ng kabagabagan. Ipagsanggalang ka nawa ng pangalan ng Diyos ni Jacob.”
Sa Kampo ng Sapilitang Pagtatrabaho
Pagkaraan nito, isinakay kami sa bapor at dinala sa Ilog Danube patungong Yugoslavia. Dumating kami noong Hulyo 1943 sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho na malapit sa lunsod ng Bor, na siyang may pinakamalaking minahan ng tanso sa Europa. Nang maglaon, umabot ang populasyon ng kampo sa mga 60,000 katao mula sa iba’t ibang bansa, kasama na ang mga 6,000 Judio at mga 160 Saksi ni Jehova.
Inilagay ang mga Saksi sa isang malaking kuwartel. Nasa gitna nito ang mga mesa at bangkô, at doon kami nagpulong nang dalawang beses sa isang linggo. Pinag-aralan namin ang mga magasing Bantayan na ipinuslit sa kampo, at binasa namin ang Bibliyang ipinalit ko sa aking rasyon ng tinapay. Nag-awitan din kami at sama-samang nanalangin.
Sinikap naming makipagpayapaan sa ibang mga bilanggo, at naging kapaki-pakinabang nga ito. Namimilipit sa sakit ng bituka ang isa nating kapatid na lalaki, ngunit ayaw ng mga guwardiyang magsaayos ng tulong para sa kaniya. Nang lumubha ang kalagayan niya, pumayag ang isang bilanggong Judio, isang doktor, na operahan siya. Binigyan niya ang kapatid ng sinaunang pampamanhid at isinagawa ang operasyon na gamit ang pinatalas na hawakan ng kutsara. Gumaling ang kapatid at nakauwi sa kanila pagkatapos ng digmaan.
Nakahahapo ang trabaho sa minahan, at salat sa pagkain. Dalawang kapatid na lalaki ang namatay sa aksidente sa trabaho, at ang isa naman sa sakit. Noong Setyembre 1944, habang papalapit na ang mga hukbong Ruso, ipinasiyang bakantehin ang kampo. Mahirap paniwalaan ang sumunod na nangyari kung hindi ko nga lamang nasaksihan ito mismo.
Kakila-kilabot na Martsa
Pagkatapos ng isang-linggong nakapapagod na martsa, dumating kami sa Belgrade kasabay ng maraming bilanggong Judio. Pagkatapos ay nagpatuloy kami nang ilan pang araw at nakatuntong kami sa nayon ng Cservenka.
Nang makarating kami sa Cservenka, inutusan ang mga Saksi ni Jehova na pumila nang tiglilima sa bawat hanay. Pagkatapos ay isang Saksi sa bawat ikalawang hanay ang kinuha. Lumuluha naming minasdan ang mga dinadala, anupat iniisip na papatayin sila. Ngunit bumalik sila pagkaraan ng ilang sandali. Ano ang nangyari? Gusto sana ng mga sundalong Aleman na maghukay sila ng mga libingan, subalit ipinaliwanag ng isang kumandanteng taga-Hungary na isang linggo na silang hindi kumakain kaya napakahina nila para magtrabaho.
Dinala kaming lahat na Saksi nang gabing iyon sa atik ng isang gusaling ginamit sa pagpapatuyo ng mga laryo. Sinabi sa amin ng isang opisyal na Aleman: “Manahimik kayo at manatili rito. Magiging kalunus-lunos ang gabing ito.” Pagkatapos ay ikinandado niya ang pinto. Pagkalipas ng ilang minuto, narinig namin ang hiyawan ng mga sundalo: “Bilisan ninyo! Bilisan ninyo!” Sumunod ang putok ng mga masinggan, na sinundan ng nakapanghihilakbot na katahimikan. Narinig na naman namin, “Bilisan ninyo! Bilisan ninyo!” at ang marami pang putok ng baril.
Nakikita namin ang nangyayari mula sa bubong. Nagdadala ang mga sundalo ng grupu-grupo ng tigdodosenang mga bilanggong Judio, pinatatayo sila sa gilid ng hukay, at saka binabaril ang mga ito. Pagkatapos ay naghagis ang mga sundalo ng mga granadang pangkamay sa mga bunton ng mga bangkay. Bago magbukang-liwayway, patay ang lahat ng mga bilanggong Judio maliban sa walo, at nagsilikas na ang mga sundalong Aleman. Lumung-lumo kami at lupaypay na lupaypay. Kasama sa mga Saksi na naroon sa pagpatay na iyon ay sina János Török at Ján Bali, na buháy pa hanggang ngayon.
Iningatang Buháy
Habang binabantayan kami ng mga sundalong taga-Hungary, patuloy kaming nagmartsa pakanluran at pahilaga. Paulit-ulit kaming pinasasali sa mga gawaing militar, ngunit nakapanatili kaming neutral at ligtas pa rin.
Noong Abril 1945, napagitnaan kami ng mga hukbong Aleman at Ruso sa lunsod ng Szombathely, malapit sa hangganan ng Hungary at Austria. Nang ihudyat ang pag-atake mula sa himpapawid, nakiusap ang isang kapitang taga-Hungary, na guwardiya namin: “Puwede ba akong sumama sa inyong humanap ng kublihan? Nakikita kong sumasainyo ang Diyos.” Pagkatapos ng pambobomba, umalis kami sa lunsod, anupat nadaraanan namin ang mga bangkay ng mga hayop at tao.
Yamang nakikini-kinita niya na malapit nang magwakas ang digmaan, tinipon kami ng kapitan ding iyon at sinabi: “Salamat at iginalang ninyo ako. Mayroon ako ritong kaunting tsa at asukal para sa bawat isa. Kahit paano mayroon.” Pinasalamatan namin siya dahil pinakitunguhan niya kami nang makatao.
Pagkalipas ng ilang araw, dumating ang mga Ruso at nagsimula kaming magsiuwian sa maliliit na grupo. Subalit hindi pa tapos ang aming mga kabagabagan. Pagdating sa Budapest, dinakip kami ng mga Ruso at minsan pang kinalap—sa pagkakataong ito ay sa hukbong Sobyet naman.
Ang nangangasiwa sa pangangalap ay isang doktor, opisyal ng Russia na may mataas na ranggo. Nang pumapasok kami sa silid, hindi namin siya nakilala, pero nakilala niya kami. Nakasama namin siya sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Bor, at isa siya sa iilang Judio na nakaligtas sa paglipol ng mga Nazi sa lahi. Nang makita kami, inutusan niya ang mga guwardiya: “Pauwiin ninyo ang walong lalaking ito.” Nagpasalamat kami sa kaniya, pero higit sa lahat, nagpasalamat kami kay Jehova sa kaniyang pagsasanggalang.
Maningning Pa Rin ang Aking Pag-asa
Sa wakas, noong Abril 30, 1945, nakauwi ako sa Pácin. Hindi pa natatagalan pagkalipas nito, bumalik ako sa tahanan ng panday sa Streda nad Bodrogom upang tapusin ang aking pag-aaprentis. Napakaraming ibinigay sa akin ng mga Pankovics—hindi lamang isang hanapbuhay na pagkakakitaan kundi mas mahalaga, ang katotohanan sa Bibliya na bumago sa buhay ko. Ngayon naman ay may ibinigay sila sa akin na higit pa. Noong Setyembre 23, 1946, napangasawa ko ang kanilang kahali-halinang anak, si Jolana.
Ipinagpatuloy namin ni Jolana ang aming regular na gawaing pag-aaral ng Bibliya at pangangaral. Pagkatapos, noong 1948, tinamasa namin ang karagdagang pagpapala na maging mga magulang ng aming anak na lalaki, si Andrej. Gayunman, hindi nagtagal ang aming kagalakan sa kalayaan sa relihiyon. Hindi nagtagal at kinubkob ng mga Komunista ang aming lupain, at nagsimula ang isa pang daluyong ng pag-uusig. Noong 1951, kinalap ako sa pagkakataong iyon ng mga awtoridad na Komunistang Czechoslovak. Naulit ang tagpo: paglilitis, sentensiya sa bilangguan, pagkabilanggo, sapilitang pagtatrabaho, at matinding gutom. Ngunit nakaligtas akong muli sa tulong ng Diyos. Bunga ng amnestiya, pinalaya ako noong 1952 at nakasama ko ang aking pamilya sa Ladmovce, Slovakia.
Sa kabila ng pagbabawal sa ating ministeryong Kristiyano, na tumagal nang mga 40 taon, ipinagpatuloy namin ang aming sagradong paglilingkod. Mula 1954 hanggang 1988, nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Dinalaw ko ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mga dulo ng sanlinggo at pinasigla ang mga kapatid na lalaki at babae na manatiling matatag sa kanilang katapatan. Pagkatapos, sa loob ng sanlinggo, kasama ko ang aking pamilya at naghahanapbuhay ako upang suportahan kami sa materyal. Nadama namin ang maibiging patnubay ni Jehova sa buong panahong ito. Napatunayan kong totoo ang salita ng salmista sa Bibliya: “Kung si Jehova ay hindi pumanig sa atin nang ang mga tao ay bumangon laban sa atin, nilamon na sana nila tayong buháy, nang nagniningas ang kanilang galit laban sa atin.”—Awit 124:2, 3.
Nang maglaon, maligaya kami ni Jolana na makitang ikinasal si Andrej at naging may-gulang na Kristiyanong tagapangasiwa nang dakong huli. Naging aktibong mga ministrong Kristiyano rin ang kaniyang asawa, si Eliška, at ang kanilang dalawang anak na lalaki, sina Radim at Daniel. Pagkatapos, noong 1998, dumanas ako ng napakalaking kawalan nang pumanaw ang aking minamahal na si Jolana. Sa lahat ng mga pagsubok na napagdaanan ko, ito ang pinakamahirap mabata. Nangungulila ako sa kaniya araw-araw, ngunit nakasusumpong ako ng kaaliwan sa napakahalagang pag-asa ng pagkabuhay-muli.—Juan 5:28, 29.
Ngayon, sa edad na 79, naglilingkod ako bilang isang matanda sa nayon ng Slovenské Nové Mesto, Slovakia. Nasusumpungan ko rito ang aking pinakamalaking kagalakan sa pagbabahagi sa kapuwa ko ng aking napakahalagang salig-Bibliyang pag-asa. Kapag nagbubulay-bulay ako sa nakaraan, at sa mahigit na 60 taon sa paglilingkod kay Jehova, kumbinsido ako na mababata natin ang lahat ng mga balakid at pagsubok sa tulong ni Jehova. Kasuwato ng aking hangad at pag-asa ang mga salita sa Awit 86:12: “Pinupuri kita, O Jehova na aking Diyos, nang aking buong puso, at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda.”
[Larawan sa pahina 20]
Ang Bibliya na tinanggap ko kapalit ng aking rasyon ng tinapay
[Larawan sa pahina 21]
Pinatibay-loob ako ni Tibor Haffner sa mga pagsubok sa akin
[Larawan sa pahina 22]
Mga Saksi sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Bor
[Larawan sa pahina 22]
Libing ng isang Saksi sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho sa Bor kasama ng mga sundalong Aleman
[Mga larawan sa pahina 23]
Sina János Török at Ján Bali (nakapaloob na larawan), na naroon din sa masaker
[Larawan sa pahina 23]
Napangasawa ko si Jolana noong Setyembre 1946
[Larawan sa pahina 24]
Kasama ang aking anak, asawa niya, at mga apo ko