Natuto Akong Manalig kay Jehova
INILAHAD NI JÁN KORPA-ONDO
Noon ay 1942, at binabantayan ako ng mga sundalong Hungaryo malapit sa Kursk, Russia. Mga bihag kami ng mga kapangyarihang Axis (binubuo ng Alemanya, Italya, at Hapon) na nakikipaglaban sa mga Ruso noong Digmaang Pandaigdig II. Nahukay na ang aking libingan, at binigyan ako ng sampung minuto para magpasiya kung pipirma ako sa isang dokumento na nagsasabing hindi na ako isang Saksi ni Jehova. Bago ko ilahad kung ano ang sumunod na nangyari, hayaan mong sabihin ko kung paano ako napunta roon.
ISINILANG ako noong 1904 sa munting nayon ng Zahor, na matatagpuan ngayon sa silanganing Slovakia. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang Zahor ay naging bahagi ng bagong tatag na bansang Czechoslovakia. Ang aming nayon ay binubuo ng mga 200 tahanan at dalawang simbahan, ang isa ay Griego Katoliko at ang isa naman ay Calvinista.
Bagaman nagsisimba ako sa Simbahang Calvinista, mahalay ang aking pamumuhay. Hindi kalayuan sa akin ay nakatira ang isang taong ibang-iba. Isang araw ay kinausap niya ako at pinahiram ng Bibliya. Noon ko lamang nahawakan ang aklat na iyon. Nang panahon ding iyon, noong 1926, pinakasalan ko si Barbora, at nagkaanak kaagad kami ng dalawa, sina Barbora at Ján.
Sinimulan kong basahin ang Bibliya, pero marami akong hindi maintindihan. Kaya pinuntahan ko ang aming pastor at hiniling ang kaniyang tulong. “Ang Bibliya ay para lamang sa mga taong edukado,” sabi niya, “huwag mo man lamang subuking unawain ito.” Saka niya ako inanyayahang maglaro ng baraha.
Pagkatapos nito ay pinuntahan ko ang taong nagpahiram sa akin ng Bibliya. Isa siyang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nalulugod siyang tulungan ako, at nang maglaon ay nabuksan ang aking mga mata sa katotohanan. Huminto na ako ng paglalasing at nagsimulang ayusin ang aking buhay; ipinakipag-usap ko pa nga sa iba ang tungkol kay Jehova. Nagkaugat na ang katotohanan ng Bibliya sa Zahor noong maagang mga taon ng 1920, at di-nagtagal ay naitatag ang isang aktibong grupo ng mga Estudyante ng Bibliya.
Gayunpaman, matindi ang pagsalansang ng simbahan. Sinulsulan ng pari sa aming lugar ang halos buong pamilya ko para kalabanin ako, anupat sinabing ako’y nasisiraan ng bait. Ngunit nagsimulang magkaroon ng layunin ang aking buhay, at ako’y matatag na nagpasiyang maglingkod sa tunay na Diyos, si Jehova. Kaya naman, noong 1930, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova at ako’y nabautismuhan.
Pasimula ng Matitinding Pagsubok
Noong 1938, ang aming rehiyon ay pinamahalaan ng Hungary, na kumampi sa Alemanya noong Digmaang Pandaigdig II. Noon ay mga 50 kaming Saksi sa aming nayon na wala pang isang libo katao. Patuloy kaming nangaral kahit na sa paggawa nito ay nanganib ang aming buhay at kalayaan.
Noong 1940, ako’y kinalap sa hukbo ng Hungary. Ano ang gagawin ko? Buweno, nabasa ko ang mga hula sa Bibliya tungkol sa mga tao na pupukpukin ang kanilang mga sandatang pandigma para maging mga kasangkapan sa kapayapaan, at batid ko na pagsapit ng panahon, pahihintuin ng Diyos ang lahat ng digmaan sa lupa. (Awit 46:9; Isaias 2:4) Kaya naman, kinapootan ko ang digmaan, at ako’y nagpasiyang huwag umanib sa hukbo, anuman ang mangyari.
Ako’y nasentensiyahang mabilanggo ng 14 na buwan at ginugol ko ang aking sentensiya sa Pécs, Hungary. Lima pang Saksi ang nasa bilangguan doon, at pinahalagahan namin ang pagkakataong makapagsama-sama. Subalit may panahon na ako’y nasa bartolina na nakakadena ang aking mga paa. Nang tumanggi kaming magtrabaho ng anumang may kaugnayan sa digmaan, kami’y binugbog. Gayundin, pinilit kaming tumayo nang tuwid sa buong maghapon, maliban sa dalawang oras sa bandang tanghali. Nagpatuloy ang pagsubok na ito sa loob ng ilang buwan. Subalit maligaya kami sapagkat taglay namin ang malinis na budhi sa harap ng ating Diyos.
Ang Suliranin ng Pakikipagkompromiso
Isang araw, isang grupo ng 15 paring Katoliko ang dumating upang sikaping kumbinsihin kami na mahalagang suportahan namin ang pakikidigma sa pamamagitan ng pag-anib sa hukbo. Sa pag-uusap ay sinabi namin: “Kung mapatutunayan ninyo mula sa Bibliya na ang kaluluwa ay imortal at na pupunta kami sa langit kapag namatay kami sa digmaan, aanib kami sa hukbo.” Sabihin pa, hindi nila mapatunayan iyan, at ayaw na nilang ipagpatuloy ang usapan.
Natapos ang aking sentensiya noong 1941, at umaasa ako na makapiling muli ang aking pamilya. Sa halip, ako’y nakakadenang dinala sa isang base ng hukbo sa Sárospatak, Hungary. Nang dumating kami, binigyan ako ng pagkakataong makalaya. “Ang gagawin mo lamang,” ang sabi sa akin, “ay pirmahan ang pangakong ito na magbabayad ka ng 200 pengö pag-uwi mo.”
“Paano mangyayari iyan?” tanong ko. “Aanhin ninyo ang pera?”
“Kapalit ng pera,” sabi sa akin, “tatanggap ka ng katibayan na hindi ka nakapasa sa medikal na pagsusuri para sa hukbo.”
Mahirap na pasiya ito para sa akin. Sa loob ng mahigit na isang taon, di-makatao ang naging pagtrato sa akin; napapagod na ako. Ngayon, sa pagpayag na magbayad, makalalaya na ako. “Pag-iisipan ko,” ang bulong ko.
Ano ang ipapasiya ko? Kailangan kong isipin ang aking asawa at mga anak. Buweno, nang panahong iyon ay nakatanggap ako ng liham mula sa isang kapuwa Kristiyano na doo’y naglaan siya ng pampatibay-loob. Sinipi niya ang Hebreo 10:38, kung saan inulit ni apostol Pablo ang mga salita ni Jehova: “ ‘Ang aking matuwid na isa ay mabubuhay dahil sa pananampalataya,’ at, ‘kung siya ay umurong, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.’ ” Di-nagtagal, kinausap ako ng dalawang opisyal na Hungaryo sa baraks, na ang isa sa kanila ay nagsabi: “Hindi mo alam kung gaano kalaki ang paggalang namin sa iyo dahil sa iyong matatag na paninindigan sa mga simulain ng Bibliya! Huwag kang susuko!”
Kinabukasan, pinuntahan ko ang nag-alok sa akin ng kalayaan kapalit ng 200 pengö at sinabi ko sa kanila: “Yamang pinahintulutan ako ng Diyos na Jehova na mabilanggo, siya na rin ang mag-aasikaso sa aking paglaya. Hindi ako magbabayad para makalaya.” Kaya ako’y nasentensiyahang mabilanggo ng sampung taon. Ngunit hindi pa riyan natapos ang mga pagtatangka para makipagkompromiso ako. Nag-alok ang hukuman na patatawarin ako kung papayag akong maglingkod sa hukbo sa loob lamang ng dalawang buwan, at hindi man lamang ako kailangang magdala ng sandata! Tinanggihan ko rin ang alok na iyan, at nagsimula ang aking sentensiya.
Tumindi ang Pag-uusig
Muli na naman akong dinala sa bilangguan sa Pécs. Ngayon ay mas matindi ang pagpapahirap. Ang aking mga kamay ay iginapos sa aking likuran, at nakabitin ako nang gayon sa loob ng mga dalawang oras. Bunga nito, napilayan ako sa aking mga balikat. Paulit-ulit ang gayong pagpapahirap sa loob ng mahigit na anim na buwan. Salamat na lamang kay Jehova at ako’y hindi sumuko.
Noong 1942, isang grupo kami—mga pulitikal na bilanggo, mga Judio, at 26 na Saksi ni Jehova—na dinala sa lunsod ng Kursk sa lugar na sakop ng mga tropang Aleman. Ibinigay kami sa mga Aleman, at pinagtrabaho nila ang mga bilanggo sa pagdadala ng pagkain, armas, at damit ng mga sundalo sa labanan. Kaming mga Saksi ay tumangging magtrabaho dahil labag ito sa aming pagiging neutral bilang Kristiyano. Bunga nito, ibinalik kami sa mga Hungaryo.
Nang dakong huli, ikinulong kami sa bilangguan sa Kursk. Sa loob ng ilang araw, tatlong beses sa isang araw na kami’y pinaghahahampas ng pamalong goma. Tinamaan ako sa sentido at bumagsak ako. Habang hinahampas ako, naisip ko, ‘Hindi naman napakahirap ang mamatay.’ Namanhid ang aking buong katawan, kaya wala akong anumang maramdaman. Tatlong araw na hindi kami pinakain. Pagkatapos ay dinala kami sa hukuman, at anim ang sinentensiyahang mamatay. Nang ipatupad ang hatol, 20 kaming naiwan.
Ang mga pagsubok sa pananampalataya noong mga araw na iyon sa Kursk nang bandang Oktubre ng 1942 ang siyang pinakamatindi sa naranasan ko. Ang aming nadama ay akmang-akma sa ipinahayag ni Haring Jehosafat noon nang mapaharap ang kaniyang bayan sa gabundok na mga hadlang: “Sa amin ay walang kapangyarihan sa harapan ng malaking pulutong na ito na dumarating laban sa amin; at hindi namin alam kung ano ang dapat naming gawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”—2 Cronica 20:12.
Kaming 20 ay inilabas upang hukayin ang paglilibingan sa amin, habang binabantayan kami ng 18 sundalong Hungaryo. Nang matapos na kaming maghukay, sinabihan kami na mayroon kaming sampung minuto para pirmahan ang isang dokumento, na kababasahan sa isang bahagi: “Mali ang turo ng mga Saksi ni Jehova. Hindi na ako maniniwala o susuporta rito. Lalaban ako alang-alang sa inang-bayan ng Hungary . . . Pinatutunayan ko sa pamamagitan ng aking lagda na ako’y umaanib sa Simbahang Katoliko Romano.”
Pagkaraan ng sampung minuto ay lumabas ang utos: “Liko sa kanan! Magmartsa sa libingan!” Pagkatapos ay ang utos: “Ang una at ikatlong preso, lumusong sa hukay!” Ang dalawang ito ay binigyan pa ng sampung minuto para magpasiyang lumagda sa dokumento. Isa sa mga sundalo ang nakiusap: “Talikuran na ninyo ang inyong relihiyon at umahon kayo sa libingan!” Walang umimik. Nang magkagayo’y binaril silang dalawa ng opisyal na namamahala.
“Paano na ang mga natitira?” tanong ng isang sundalo sa opisyal.
“Igapos sila,” sagot niya. “Pahihirapan pa natin sila at saka babarilin bukas sa alas sais ng umaga.”
Bigla akong natakot, hindi dahil sa ako’y mamamatay, kundi dahil sa baka hindi ko matiis ang pagpapahirap at ako’y makipagkompromiso. Kaya lumapit ako at nagsabi: “Ginoo, lumabag kami kagaya ng aming mga kapatid na katatapos lamang ninyong barilin. Bakit hindi pa ninyo kami barilin din?”
Ngunit hindi nila ginawa iyon. Iginapos ang aming mga kamay sa aming likuran. Pagkatapos ay ibinitin kami nang gayon. Kapag nawalan kami ng malay, binubuhusan nila kami ng tubig. Napakatindi ng sakit dahil napilay ang aming balikat sa bigat ng aming katawan. Nagpatuloy ang ganitong pagpapahirap sa loob ng mga tatlong oras. Pagkatapos, biglang-bigla, dumating ang utos na huwag nang barilin ang mga Saksi ni Jehova.
Inilipat sa Silangan—Saka ang Pagtakas
Pagkaraan ng tatlong linggo, kami’y nagmartsa sa loob ng ilang araw hanggang sa marating namin ang pampang ng Don River. Sinabihan kami ng mga nangangasiwa na hindi na kami ibabalik nang buhay. Sa araw, kami’y pinagtrabaho nang walang-saysay, na pinaghukay ng mga trintsera at saka tinabunan ang mga iyon. Sa gabi, medyo malaya kaming gumala-gala.
Sa pagsusuri ko, may dalawang posibilidad. Maaari kaming mamatay roon mismo, o maaari kaming tumakas mula sa mga Aleman at sumuko sa mga Ruso. Tatlo lamang sa amin ang nagpasiyang tumakas patawid sa nagyeyelong Don River. Noong Disyembre 12, 1942, kami’y nanalangin kay Jehova at lumisan. Narating namin ang tropa ng mga Ruso at kami’y agad na dinala sa isang kampong piitan na may mga 35,000 bilanggo. Pagsapit ng tagsibol, mga 2,300 bilanggo na lamang ang natitirang buhay. Ang iba ay namatay dahil sa gutom.
Kalayaan Ngunit Karagdagang Trahedya
Nakaligtas ako sa digmaan, pati na sa loob ng ilang buwan pagkatapos nito, bilang isang bilanggo sa Russia. Sa wakas, noong Nobyembre 1945, nakauwi ako sa Zahor. Masama ang kalagayan ng aming bukid, kaya kinailangan kong magsimulang muli. Ang bukid ay sinaka ng aking asawa at mga anak noong panahon ng digmaan, ngunit noong Oktubre 1944, inilipat sila sa gawing silangan dahil papalapit na ang mga Ruso. Ninakaw ang lahat ng aming pag-aari.
Pinakamasaklap, nang makauwi ako, malubha ang aking asawa. Namatay siya noong Pebrero 1946. Siya’y 38 taong gulang lamang. Napakaikli ng aming panahong ginugol para masiyahan sa aming muling pagsasama pagkatapos ng mahigit na limang mahahaba at mahihirap na taon ng pagkakahiwalay.
Nakasumpong ako ng kaaliwan sa piling ng aking espirituwal na mga kapatid, sa pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Noong 1947, nakahiram ako ng salapi para makapaglakbay sa Brno, isang biyahe na may layong mga 400 kilometro, upang makadalo sa isang kombensiyon. Doon, kapiling ng aking mga kapatid na Kristiyano, pati na si Nathan H. Knorr, na presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ako’y nakatanggap ng malaking kaaliwan at pampatibay-loob.
Hindi namin natamasa nang matagal ang aming kalayaan matapos ang digmaan. Noong 1948, kami’y sinimulang siilin ng mga Komunista. Marami sa mga kapatid na nangunguna sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Czechoslovakia ang inaresto noong 1952, at ako ay nabigyan ng pananagutang mag-asikaso sa mga kongregasyon. Noong 1954, ako ay nadakip din at sinentensiyahang mabilanggo ng apat na taon. Ang aking anak na lalaki, si Ján, at ang kaniyang anak na si Juraj ay ibinilanggo rin dahil sa pananatiling neutral bilang Kristiyano. Gumugol ako ng dalawang taon sa bilangguan ng estado ng Pankrác sa Prague. Nagdeklara ng amnestiya noong 1956, at ako’y pinalaya.
Sa Wakas, Kalayaan!
Sa wakas, noong 1989, humina na ang Komunismo sa Czechoslovakia, at legal na nairehistro ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kaya naman, malaya na kaming magtipon nang sama-sama at mangaral nang hayagan. Noon ay halos isang daan na ang mga Saksi sa Zahor, na nangangahulugang 1 sa bawat 10 katao sa nayon ay Saksi. Ilang taon na ang nakalipas, nagtayo kami ng isang maganda at maluwang na Kingdom Hall sa Zahor, na maaaring maupo ang mga 200.
Hindi na mabuti ang aking kalusugan, kaya inihahatid ako ng mga kapatid patungo sa Kingdom Hall. Tuwang-tuwa akong naroroon at nasisiyahan sa pagkokomento sa Pag-aaral sa Bantayan. Lalo na akong naliligayahang makita ang mga kinatawan ng tatlong henerasyon ng aking pamilya na naglilingkod kay Jehova, pati na ang ilang apo. Ang isa sa kanila ay naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova sa Czechoslovakia hanggang sa hindi na niya nagawa ito dahil sa mga pananagutan sa pamilya.
Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagpapalakas sa akin sa maraming pagsubok. Ang pagpapako ng aking pansin sa kaniya—“na gaya ng nakakakita sa Isa na di-nakikita”—ang siyang umalalay sa akin. (Hebreo 11:27) Oo, nadama ko ang kaniyang kapangyarihang magligtas. Kaya naman, kahit ngayon, patuloy kong sinisikap na maging presente sa mga pulong ng kongregasyon at makibahagi sa paghahayag ng kaniyang pangalan sa pangmadlang ministeryo hanggang sa aking makakaya.
[Larawan sa pahina 25]
Ang Kingdom Hall sa Zahor
[Larawan sa pahina 26]
Pinahahalagahan ko ang pribilehiyo na magkomento sa Pag-aaral sa Bantayan