Hindi Lamang Isang Panaginip ang Pandaigdig na Kapayapaan!
KUNG makapagbabalik-tanaw si Alfred Nobel sa nakaraang siglo, magiging optimistiko kaya siya tungkol sa mga inaasam para sa pandaigdig na kapayapaan? Walang alinlangan, matutuwa siyang malaman na marami ang taimtim na nagsikap upang wakasan ang digmaan. Gayunman, mapapaharap siya sa masaklap na katotohanan. Ganito ang mahusay na pagkakabuod ni Propesor Hugh Thomas: “Ang ikadalawampung siglo—bagaman nakilala dahil sa pagpapasulong sa lipunan at pinag-ibayong pagsasaalang-alang ng pamahalaan sa buhay ng mga maralita—ay pinangibabawan ng machine gun, tangke, B-52, bombang nuklear at, sa wakas, ng missile. Naging kilala ito dahil sa mas madugo at mapangwasak na mga digmaan kaysa sa iba pang panahon.” Idinagdag pa ni Thomas na “sa gayon, ito’y isang opinyon lamang kung maituturing nga bang masulong o hindi ang panahong ito.”
Ang mga inaasam ba para sa pandaigdig na kapayapaan ay waring mas malaki sa ngayon dahil sa tayo’y nakapasok na sa ika-21 siglo? Hinding-hindi! Bilang pagtukoy sa mga pagsalakay ng terorista noong Setyembre 11, 2001, sa New York City at sa Washington, D.C., ganito ang sinabi ng magasing Newsweek: “Sa daigdig kung saan ang mga eroplanong 767 ay maaaring gawing missile na nakokontrol, tila wala nang imposible, kakatwa—o, pinakamasahol pa, hindi na mahahadlangan pa.”
Sinasabi ng ilan na upang maging makatotohanan ang pandaigdig na kapayapaan, dalawang bagay ang dapat na mangyari: Una, kailangang magkaroon ng malalaking pagbabago sa pangmalas at pag-uugali ng mga tao; at pangalawa, ang lahat ng bansa ay dapat na magkaisa sa ilalim ng nag-iisang pamahalaan. Inihuhula ng Bibliya ang isang panahon kapag ang kapayapaan ay matatamo na—subalit hindi sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng sangkatauhan. Ang Awit 46:9 ay nagsasabi hinggil sa Maylalang, ang Diyos na Jehova: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.” Paano ito gagawin ng Diyos? Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, na paulit-ulit na ipinanalangin ng maraming taimtim na mga tao. Ang Kahariang iyan, ay hindi isang mahirap ipaliwanag na kalagayang nasa puso lamang, kundi isang tunay na gobyerno na sa pamamagitan nito’y itatatag ng Diyos ang kapayapaan mula sa magkabilang dulo ng lupa. Inihula ng kinasihang propeta na si Isaias na ang mga sakop ng gobyernong iyan ay hindi na ‘mag-aaral pa man ng pakikipagdigma.’ (Isaias 2:4) Sa pamamagitan ng pandaigdig na programa ng pagtuturo, matututuhan ng mga tao na mamuhay sa kapayapaan at sa gayo’y “pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.”
Maging sa ngayon, ito ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Tumatanggi silang gumamit ng mga sandata laban sa kanilang kapuwa, bagaman sila’y nagmula sa marami at magkakaibang etnikong grupo at naninirahan sa mahigit na 200 iba’t ibang lupain. Ang kanilang neutral na katayuan sa gitna ng isang daigdig na nagngangalit sa digmaan ay nagpapatunay na ang kapayapaan ay hindi isang mahirap paniwalaang panaginip kundi isang makatotohanang posibilidad.
Ibig mo bang matuto nang higit tungkol sa pag-asang ito na nakasalig sa Bibliya para sa tunay na kapayapaan? Pakisuyong sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito, na ginagamit ang direksiyong pinakamalapit sa inyo na nakatala sa pahina 5, o makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.