Isang Nakarerepreskong Inumin Mula sa Isang Kakaibang Halaman
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NIGER
NASISIYAHAN ka ba sa malamig na inumin sa isang mainit na araw? Maraming pamilya sa Kanlurang Aprika ang nasisiyahan sa isang nakarerepreskong inumin na makulay, masarap, nakapagpapalusog, at mura—at, ito ay gawa mula sa isang halaman. Ang inumin ay tinatawag na bissap, at ang halamang namumulaklak na pinagkunan nito ay kapamilya ng gumamela (hibiscus sabdariffa). Ang halamang ito ay tumataas nang dalawang metro o higit pa. Ito ay itinatanim sa iba’t ibang rehiyon sa daigdig ngunit partikular na sa mas tuyong mga klima na matatagpuan sa mga bansang tulad ng Niger, Mali, at Senegal.
Kung Paano Inihahanda ang Bissap
Isang kutsara ng mga dahong-talulot ng halaman ang inilalagay sa mga isang litro ng tubig. Pinakukuluan ito at pagkatapos ay hinahayaang mababad nang 15 hanggang 20 minuto. Sinasala ang mga dahong-talulot, at ang tsa ay maaaring inumin nang mainit o malamig, nang may asukal o wala. Sa araw na ito, nais nating maghanda ng isang malamig na inumin na magugustuhan ng mga bata, kaya lagyan natin ito ng asukal. Inihahanda rin ng ilang pamilya ang inuming ito na may pampalasang yerbabuena o banilya. Ang malamig at kulay matingkad na pulang bissap ay ibinubuhos sa maliit, malinaw na mga plastik na supot, na ibinubuhol sa ibabaw. Handa na ngayon itong ibigay sa sabik na sabik na mga bata! Tuwang-tuwa nilang kinagat ang isang dulo ng supot at nasiyahan sa kanilang paboritong inumin. Sabihin pa, mas gusto ng ilan na inumin ito sa baso.
Maliban sa ito’y masarap, ang bissap ay sinasabing makabubuti para sa iyo. Mayroon itong kalsiyum, phosphorous, iron, bitamina A at C, at iba pa! Sinasabi ng ilan na ang bissap ay isang banayad na pampadumi, pampaihi, at pampasigla sa atay. Sa paanuman, kayligaya natin na maliban sa magandang tingnan, ang halamang ito ay nagbibigay sa atin ng isang nakapagpapalusog at nakarerepreskong inumin!
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Photo by Kazuo Yamasaki