Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 5/22 p. 3-6
  • Globalisasyon—Ang mga Inaasam at mga Pinangangambahan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Globalisasyon—Ang mga Inaasam at mga Pinangangambahan
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba Talaga ang Globalisasyon?
  • Mga Inaasam Para sa Mas Maunlad na Daigdig
  • Pinangangambahan ang Mas Nagkakabaha-bahaging Daigdig
  • Talaga Kayang Malulutas ng Globalisasyon ang Ating mga Problema?
    Gumising!—2002
  • Pangglobong Kalakalan—Ang Epekto Nito sa Iyo
    Gumising!—1999
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 5/22 p. 3-6

Globalisasyon​—Ang mga Inaasam at mga Pinangangambahan

“Ang globalisasyon ang pinakamalaking pangyayari sa ekonomiya sa ating kapanahunan. . . . Nagbibigay ito ngayon ng walang-kaparis na mga oportunidad sa bilyun-bilyong tao sa buong mundo.”​—MARTIN WOLF, KOLUMNISTA SA PINANSIYAL.

“Kami, ang mga tao sa Lupa, ay isang malaking pamilya. Ang bagong kapanahunan ay naghaharap ng bagong mga hamon at bagong mga problema sa daigdig, gaya ng mga kasakunaan sa kapaligiran, pagkaubos ng mga kayamanan, madugong mga labanan at karukhaan.”​—EDUARD SHEVARDNADZE, PRESIDENTE NG GEORGIA.

NOONG Disyembre 1999, ang pulong ng World Trade Organization na ginanap sa Seattle, E.U.A., ay ginambala ng isang kaguluhan. Gumamit ang mga pulis ng tear gas, gomang bala, at pepper spray upang maisauli ang kapayapaan. Sa wakas, naaresto nila ang daan-daang nagprotesta.

Ano ang nag-udyok sa kaguluhang ito sa Seattle? Ang buong talaan ng mga problema tungkol sa kasiguruhan sa trabaho, kapaligiran, at kawalang-katarungan sa lipunan. Gayunman, sa simpleng pananalita, ipinangangamba ng mga nagprotesta ang globalisasyon​—ang epekto nito sa mga tao at sa planeta.

Hindi humupa ang kanilang mga pinangangambahan. Sapol noong 1999, ang mga protesta laban sa globalisasyon ay lalong lumaki at naging matindi. Sa ilang kaso, sinisikap ngayon ng mga lider sa daigdig na ganapin ang kanilang mga pulong sa liblib na mga lugar kung saan mahihirapang guluhin ng mga nagpoprotesta ang mga kapulungan.

Mangyari pa, hindi naman itinuturing ng lahat na isang banta ang globalisasyon. Samantalang hinahatulan ito ng ilan bilang ugat ng mga problema sa daigdig, ipinagbubunyi naman ito ng iba bilang lunas sa karamihan ng mga problema sa daigdig. Totoo, ang patuloy na debateng ito ay waring walang epekto para sa karamihan sa sangkatauhan, na marami sa kanila ay may malabong ideya tungkol sa globalisasyon. Subalit anuman ang iyong pangmalas, nakaaapekto na sa iyo ang globalisasyon, at malamang na makaapekto pa nga ito sa iyo nang higit sa hinaharap.

Ano ba Talaga ang Globalisasyon?

Ang “globalisasyon” ay katagang ginamit ng ilan upang ilarawan ang lumalawak na pandaigdig na pagkaumaasa ng mga tao at mga bansa sa isa’t isa. Gayon na lamang kabilis ang takbo ng prosesong ito sa nakalipas na dekada o higit pa, pangunahin nang dahil sa malalaking pagsulong sa teknolohiya. (Tingnan ang kahon sa pahina 5.) Sa panahong ito, ang nagkakasalungatang mga bansa noong Cold War ay halos naglaho na, nabuwag ang mga hadlang sa kalakalan, nagsama-sama ang pangunahing mga stock market (pamilihan ng sapi) sa daigdig, at naging mas mura at madali ang paglalakbay.

Ang lumalawak na pandaigdig na pagsasama-samang ito ay nagdulot ng panlahatan at kawing-kawing na mga resulta ng pagbabago​—sa ekonomiya, pulitika, kultura, at kapaligiran. Nakalulungkot, ang ilan sa mga resultang ito ay maaaring di-kaayaaya. Ipinaliwanag ng publikasyon ng United Nations na Human Development Report 1999 ang ganito: “Lalong lumalim ang ugnayan sa buhay ng mga tao sa palibot ng daigdig, mas punô ng buhay, mas malapít higit kailanman. Nagbukas ito ng maraming oportunidad, anupat nagbibigay ng bagong pagkakataon para sa kapaki-pakinabang at nakasasamang mga pagbabago.” Tulad ng maraming tagumpay na naisagawa ng tao, ang globalisasyon ay may mabubuti at masasamang aspekto.

Mga Inaasam Para sa Mas Maunlad na Daigdig

“Pinagyaman [ng globalisasyon] ang daigdig sa larangan ng siyensiya at kultura at nagbigay rin ng pakinabang sa maraming tao ukol sa kabuhayan,” ang sabi ng nagwagi ng Nobel Prize sa ekonomiks na si Amartya Sen. Sinabi rin ng Human Development Report 1999 na ang globalisasyon ay “naghaharap ng pagkalalaking posibilidad na maalis ang karukhaan sa ika-21 siglo.” Ang dahilan sa optimismo na ito ay ang nakagugulat na pag-unlad na idinulot ng globalisasyon. Tatlong ulit na mas malaki ang kinikita ng pangkaraniwang pamilya sa ngayon kaysa noong nakalipas na 50 taon.a

Nakikita ng ilang analista ang isa pang bentaha ng pagsasama-sama ng ekonomiya: Ipinalalagay nila na gagawin nitong mas bantulot ang mga bansa na makipagdigma. Iginigiit ni Thomas L. Friedman, sa kaniyang aklat na The Lexus and the Olive Tree, na “higit na hinihimok [ng globalisasyon] na huwag makipagdigma at pinatataas nito ang gastusin sa pakikipagdigma sa mas maraming paraan kaysa sa anumang naunang kapanahunan sa makabagong kasaysayan.”

Isang potensiyal din ang higit na pagtutulungan ng mga tao para sa pagsulong ng pagkakaisa sa mundo. Napakinabangan ng ilang organisasyon para sa karapatang pantao ang ilang mapagkukunan ng impormasyon sa Internet upang palaganapin nang mas mabisa ang kanilang mga adhikain. Halimbawa, ang internasyonal na tratado noong 1997 na nagbabawal sa nakatanim na mga bomba ay bahagyang naisakatuparan dahil sa paggamit ng electronic mail upang pakilusin ang iba’t ibang grupong sumusuporta sa buong mundo. Ang pamamaraang ito na nagsasangkot ng pangkaraniwang mga tao ay pinapurihan bilang “isang bagong paraan ng pagsasagawa ng internasyonal na diplomasya, kung saan magkasamang nagtutulungan ang mga gobyerno at pangkaraniwang mga mamamayan upang lutasin ang mga krisis ng mga tao sa mundo.”

Sa kabila ng ganitong magagandang resulta, pinangangambahan pa rin ng maraming tao ang bagay na madaraig ng nakapipinsalang mga epekto ng globalisasyon ang mga bentaha nito.

Pinangangambahan ang Mas Nagkakabaha-bahaging Daigdig

Marahil ang pinakamalaking ikinababahala tungkol sa globalisasyon ay ang ginawa nitong pagpapalawak sa agwat ng mayayaman at mahihirap. Bagaman ang kayamanan sa daigdig ay walang-alinlangang dumami, natipon naman ito sa iilang tao lamang at sa iilang bansa. Ang neto na halaga ng mga ari-arian ng 200 pinakamayayamang tao sa lupa ngayon ay nakahihigit nang 40 porsiyento kaysa sa pinagsama-samang kita ng mga taong nabubuhay sa planeta​—humigit-kumulang 2.4 bilyon katao. At habang patuloy na tumataas ang mga kita sa mayayamang bansa, nasaksihan mismo ng 80 naghihikahos na mga bansa ang pagbaba ng katamtamang kita sa nakalipas na sampung taon.

Ang isa pang pangunahing ikinababahala ay ang kapaligiran. Ang globalisasyon sa ekonomiya ay pinasigla ng mga impluwensiya ng pamilihan na mas interesado sa kita kaysa sa pangangalaga sa planeta. Ipinaliwanag ni Agus Purnomo, pinuno ng World Wide Fund for Nature sa Indonesia, ang hinggil sa problema: “Tayo’y patuloy na nagkukumahog sa pagsulong. . . . Nag-aalala ako na sa loob ng isang dekada, tayong lahat ay magiging palaisip sa kapaligiran, subalit wala nang matitira pa para pangalagaan.”

Ikinababalisa rin ng mga tao ang tungkol sa kanilang mga trabaho. Kapuwa ang mga trabaho at kinikita ay lalong nagiging di-tiyak, yamang ginigipit ng pagsasama-sama ng mga kompanya sa daigdig at matinding kompetisyon ang mga kompanya na gawing mas simple ang kanilang mga palakad. Ang pag-upa at pagsisante ng mga manggagawa ayon sa kasalukuyang pangangailangan sa pamilihan ay waring makatuwiran para sa isang kompanya na nababahala sa paglaki ng kita nito, subalit nagdudulot ito ng labis na kaligaligan sa buhay ng mga tao.

Ang globalisasyon sa internasyonal na pangangapital at dayuhang pautang ay nagharap ng isa pang salik para sa kawalang-katatagan. Maaaring magpautang sa papaunlad na mga bansa ang mga pandaigdigang namumuhunan subalit sa dakong huli ay biglang kukunin ang kanilang salapi kapag lumalala ang situwasyon sa ekonomiya. Ang gayong malakihang paglalabas ng salapi ay makapagpapabulusok sa maraming bansa sa krisis sa ekonomiya. Ang krisis sa pananalapi sa Silangang Asia noong 1998 ang nagpangyari na mawalan ng trabaho ang 13 milyong tao. Sa Indonesia, nabatid mismo ng mga manggagawang hindi natanggal sa trabaho na nabawasan nang kalahati ang halaga ng kanilang kinikita.

Kung gayon, mauunawaan na ang globalisasyon ay naghaharap ng mga pangamba at gayundin ng mga pag-asa. May dahilan ka ba para pangambahan ang globalisasyon? O inaasahan mo bang mas mapauunlad nito ang iyong buhay? Nabigyan ba tayo ng dahilan para maging optimistiko hinggil sa hinaharap dahil sa globalisasyon? Sasagutin ng ating susunod na artikulo ang mga katanungang iyan.

[Talababa]

a Gayunman, ang pagiging katamtaman, lalo na sa pandaigdig na antas ng pagiging katamtaman, ay maaaring nakalilito. Sa maraming lugar, hindi man lamang tumaas ang kita ng mga pamilya sa nakalipas na 50 taon, samantalang ang kita ng iba ay ilang ulit nang lumaki.

[Blurb sa pahina 3]

Ang neto na halaga ng mga ari-arian ng 200 pinakamayayamang tao sa lupa ay nakahihigit nang 40 porsiyento kaysa sa pinagsama-samang kita ng mga tao sa daigdig

[Kahon/Mga larawan sa pahina 5]

ANG TEKNOLOHIYA SA LIKOD NG GLOBALISASYON

Lubusang binago ng teknolohiya ang komunikasyon sa nakalipas na dekada. Ang pakikipag-ugnayan ng tao at pagkuha ng impormasyon​—kahit saanmang lugar sa daigdig​—ay naging mas mabilis, mas mura, at mas madali.

TELEBISYON Ang karamihan ng mga tao sa daigdig sa ngayon ay nakapanonood sa telebisyon, kahit na wala sila nito. Noong 1995, mayroong 235 TV set sa bawat 1,000 katao sa buong daigdig, halos doble ng dami noong 1980. Maaaring maghatid ng balita mula sa buong daigdig ang isang maliit lamang na satellite dish sa mga taong nakatira sa liblib na mga lugar. “Sa ngayon, walang bansa ang talagang makabubukod ng sarili nito mula sa pangglobong media,” ang sabi ni Francis Fukuyama, isang propesor sa pampulitikang ekonomiya.

INTERNET Mga 300,000 ang bagong gumagamit na nakapapasok sa Internet linggu-linggo. Noong 1999 tinataya na 700 milyon katao ang gagamit ng Internet sa taóng 2001. “Ang resulta,” paliwanag ng awtor na si Thomas L. Friedman, “ay hindi pa kailanman nangyari sa kasaysayan ng daigdig na ang gayon karaming tao ay nakaaalam tungkol sa buhay ng maraming iba pang tao, mga produkto at mga ideya.”

TELEPONO Ang mga kableng fiber optic at satellite network ang nakabawas sa gastos sa telepono. Ang halaga ng tatlong-minutong tawag mula New York patungo sa London ay bumaba mula $245 noong 1930 tungo sa 35 sentimo noong 1999. Ang mga network na walang kawad ang nagpangyari na maging pangkaraniwan ang mobile phone (nabibitbit na telepono) na tulad ng computer. Sa pagtatapos ng taóng 2002, tinataya na isang bilyon katao ang gagamit ng mobile phone, at marami sa mga gumagamit nito ang makagagamit ng kanilang telepono upang makapasok sa Internet.

MICROCHIP Ang lahat ng produkto ng teknolohiya sa itaas, na patuloy na pinasusulong, ay nakadepende sa mga microchip. Sa nakalipas na 30 taon, ang kakayahan ng mga microchip sa mga computer ay nadodoble sa bawat 18 buwan. Hindi pa kailanman nangyari na gayon karaming impormasyon ang naimbak sa gayon kaliit na espasyo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share