Talaga Kayang Malulutas ng Globalisasyon ang Ating mga Problema?
“Ang pangglobong komunidad natin sa ngayon, gaya ng karamihan ng komunidad, ay malayung-malayo sa pagiging uliran; marami itong depekto. Hindi lahat ng mga mamamayan nito ay napakikitunguhan nang pantay-pantay; hindi magkakatulad ang kanilang mga oportunidad. Milyun-milyon ang napagkakaitan anupat hindi nga nila naiisip kung sila’y bahagi pa ng komunidad.”—“OUR GLOBAL NEIGHBOURHOOD.”
ITINUTURING ni Fatima, isang naninirahan sa isang malaking lunsod sa Aprika, ang kaniyang sarili na mapalad. Sa paanuman, mayroon siyang repridyeretor. Subalit ang tahanan ng kaniyang pamilya ay barungbarong lamang na yari sa lata na nakatayo sa tabi ng tatlong marmol na nitso. Tulad ng kalahating milyong iba pang mamamayan, siya’y nakatira sa isang malaking sementeryo. At maging ang sementeryo ay nagiging siksikan na. “Napakaraming tao ang lumilipat,” ang reklamo niya, “lalo na dito sa mga nitso.”
Mga 15 kilometro naman mula sa tahanan ni Fatima ay matatagpuan ang isang pribado at bagong lugar ng maluluhong tirahan, na kumpleto sa eleganteng mga restawran at pagkalaki-laking laruan ng golf na may 27 hole. Ang halaga ng isang laro ng golf ay mahigit pa sa kalahati ng buwanang suweldo na kinikita ng bawat tao sa bansang ito sa Aprika. Palaging sinasalot ng karukhaan ang lunsod, subalit ang mga laruan ng golf—isang simbolo ng pilíng mga tao—ay kapuwa isang bago at nakayayamot na bagay. Sa ating pangglobong komunidad, may panganib sa magkasabay na pag-iral ng karangyaan at labis na karukhaan.
Ang Wadi Hadhramaut, na nagpapagala-gala sa tigang na lupain ng Yemen sa Gitnang Silangan, ay isang sinaunang grupo ng mga naglalakbay na kalát-kalát sa matatandang lunsod. Sa unang tingin, para bang huminto ang panahon sa liblib na libis na ito. Subalit maaaring mapandaya ang panlabas na anyo. Sa kalapit na lunsod ng Saywūn, humingi ng tulong ang museo sa isang nagtapos sa pamantasan upang gumawa ng isang Web site para itala ang lahat ng mga kayamanan nito. Bagaman tagaroon ang babaing nagtapos sa pamantasan, siya’y nag-aral sa Ohio, E.U.A. Sa ngayon, maaaring magpaikut-ikot sa palibot ng daigdig kapuwa ang mga tao at mga ideya na hindi pa nangyayari kailanman.
Mga ilang libong kilometro pakanluran, sa Sahara, isang komboy ng tatlong trak ang tumatakbo nang dahan-dahan patungo sa isang nakabukod na daan. Ipinaliliwanag ni Mashala, isa sa mga drayber, na siya’y naghahatid ng mga telebisyon, video recorder, at mga satellite dish. Maging siya mismo ay sumusubaybay sa mga kaganapan sa daigdig sa pamamagitan ng panonood ng mga balitang isinasahimpapawid ng Amerika. Sa aming nayon, “lahat kami ay may mga satellite dish,” ang paliwanag niya. Iilang lugar lamang sa lupa ang hindi nararating ng pangglobong media.
Ang patuloy at pandaigdig na pagdagsa ng mga tao, ideya, balita, salapi, at teknolohiya ay lumikha ng bagong pangglobong komunidad na nagdudulot ng mga pakinabang. Nakatulong ang globalisasyon upang ipakilala ang lokal na kultura sa Yemen at nagpangyari kay Mashala na kumita ng hanggang $3,000 sa loob ng tatlong-linggong paglalakbay. Subalit hindi naman nakararating ang salapi sa lahat. Napagmamasdan ni Fatima at ng kaniyang mga kapitbahay ang mangilan-ngilang tao na nasisiyahan sa mga pakinabang ng globalisasyon, samantalang sila’y nananatiling nagdidildil ng asin.
Bagaman malayo sa pagiging uliran ang ating pangglobong komunidad, ang proseso ng pangglobong pagsasama-sama ng mga bansa ay malamang na di-mababago. Isasara ba ng mga tao ang kanilang mga TV, itatapon ang kanilang mga mobile phone, sisirain ang kanilang mga computer, at hihinto sa paglalakbay sa ibang lupain? Lubusan bang ibubukod ng mga bansa ang kanilang sarili mula sa ibang bahagi ng daigdig, sa pampulitika at pang-ekonomiyang paraan? Malamang na hindi ito mangyari. Walang sinuman ang may gustong isaisang-tabi ang mga pakinabang ng globalisasyon. Subalit kumusta naman ang kaakibat na mga suliranin? Ang mga ito’y nagiging sanhi ng tumitinding pagkabahala, at naaapektuhan nito ang buhay ng lahat. Isaalang-alang natin sa maikli ang ilang mas seryoso at di-kaayaayang mga epekto ng globalisasyon.
Ang Lumalawak na Agwat
Hindi kailanman naging pantay-pantay ang pamamahagi ng kayamanan sa daigdig, subalit pinalawak ng globalisasyon sa ekonomiya ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Totoo, lumilitaw na nakinabang ang ilang papaunlad na bansa mula sa kanilang pagsama-sama ukol sa pangglobong ekonomiya. Sinasabi ng mga eksperto na sa nakalipas na sampung taon, ang bilang ng mga tao sa India na mas mahirap pa sa daga ay bumaba mula sa 39 na porsiyento tungo sa 26 na porsiyento at gayundin ang nakitang pagsulong sa Asia sa kabuuan. Ipinakikita ng isang pag-aaral na noong 1998, 15 porsiyento lamang ng populasyon sa Silangang Asia ang nabubuhay sa halagang $1 sa isang araw, kung ihahambing sa 27 porsiyento sa nakalipas na sampung taon. Gayunman, ang tanawin sa buong mundo ay hindi gayon kaganda.
Sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika at sa ilan pang hindi mauunlad na lupain, talagang bumaba ang kita sa nakalipas na 30 taon. “Pinangyayari ng pangglobong komunidad . . . ang halos 3 bilyon katao—halos kalahati ng buong sangkatauhan—na mabuhay sa $2 o mababa pa rito sa isang araw sa isang daigdig na may di-mapapantayang kayamanan,” ang sabi ni Kofi Annan, kalihim-pangkalahatan ng UN. Ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkalaki-laking agwat na ito sa lipunan ay ang pansariling pinansiyal na pakinabang. “Sa buong daigdig, bumabagsak ang pribadong mga pinansiyal na pamilihan pagdating sa mga taong nagdarahop,” ang paliwanag ni Larry Summers, dating kalihim ng ingat-yaman ng Estados Unidos. “Hindi nagtatayo ang pangkaraniwang mga bangko sa mahihirap na komunidad—sapagkat walang kikitain ang mga bangko roon.”
Ang napakalaking pagkakaiba ng kita sa pagitan ng mayaman at mahirap ay naghihiwalay sa mga tao at maging sa mga bansa. Hindi pa natatagalan, nahigitan ng kayamanan ng pinakamariwasang tao sa Estados Unidos ang pinagsamang neto na halaga ng ari-arian ng mahigit na 100 milyon ng kaniyang kababayang mga Amerikano. Naging pabor din ang globalisasyon sa pag-unlad ng mayayamang multinasyonal na mga kompanya na siyang halos kumontrol sa mga negosyo sa daigdig para sa pantanging mga produkto. Halimbawa, noong 1998, sampung kompanya lamang ang kumontrol sa 86 na porsiyento ng $262-bilyong negosyo sa telekomunikasyon. Malimit na nadaraig ng kapangyarihan at impluwensiya ng multinasyonal na mga kompanyang ito ang mga gobyerno at, gaya ng sinabi ng Amnesty International, “ang karapatang pantao at mga karapatan sa pagtatrabaho ay hindi priyoridad sa kanilang talausapan.”
Mauunawaan naman na ikinababahala ng mga organisasyon para sa karapatang pantao ang hinggil sa natitipong mga kayamanan sa daigdig na nasa mga kamay lamang ng iilang piling mga tao. Ibig mo bang manirahan sa isang komunidad kung saan ang 20 porsiyento ng pinakamayayamang tao ay kumikita nang 74 na ulit na mas mataas kaysa sa pinakamahihirap? At dahil sa telebisyon, alam na alam ng 20 porsiyento ng nagdarahop na mga tao kung paano namumuhay ang kanilang mayayamang katapat, bagaman halos wala silang makitang tsansa na mapasulong ang kanila mismong kalagayan. Ang gayong lubusang di-pagkakapantay-pantay ay maliwanag na naghahasik ng maraming binhi ng kawalang-katatagan at pagkasiphayo.
Ang Globalisasyon sa Kultura
Kasali sa isa pang larangan na ikinababahala ay ang pagkakasalungatan ng kultura at ang paglaganap ng materyalistikong mga paniniwala. Ang pagpapalitan ng mga ideya ay isang mahalagang pitak ng globalisasyon, at wala nang iba pang magandang halimbawa sa pambihirang pangyayaring ito kundi ang Internet. Nakalulungkot, ang Internet ay hindi lamang ginagamit upang maghatid ng kapaki-pakinabang na impormasyon, kultura, at komersiyo. Pinalalaganap ng ilang Web site ang pornograpya, pagtatangi ng lahi, o pagsusugal. Espesipiko pa ngang itinuro ng ilan kung paano gumawa ng mga bomba sa bahay. Gaya ng sinabi ni Thomas L. Friedman, “sa Internet, ang problema ay nagpapasimula sa ilang pindot lamang sa mouse. Maaari mo pa ngang makita na parang totoong-totoo sa computer ang “Beer Hall Putsch” ni Hitler o ang aklatan ng taong mahilig sa pornograpya, . . . at walang sinuman ang pipigil o magtuturo sa iyo roon.”
May napakalaki ring impluwensiya ang telebisyon at mga pelikula sa kung paano nag-iisip ang mga tao. Ang mga mensahe ng mga pelikula sa daigdig ay malimit na nagmumula sa Hollywood, ang pangunahing pinagmumulan ng kuwento sa daigdig ng pagkukunwari. Ang mga pamantayang moral na ipinakikita ng pagkalaki-laking industriya ng libangang ito ay malimit na nagtataguyod ng materyalismo, karahasan, o imoralidad. Maaaring ang mga pamantayang ito’y talagang malayung-malayo sa lokal na kultura ng maraming bansa sa daigdig. Gayunman, imposibleng may magawa ang mga gobyerno, tagapagturo, at mga magulang upang sugpuin ang kausuhang ito.
“Gustung-gusto namin ang kultura ng Estados Unidos,” ang paliwanag ng isang naninirahan sa Havana, Cuba, sa isang bisita na taga-Hilagang Amerika. “Kilala [namin] ang lahat ng inyong mga artista sa Hollywood.” Ipinakilala rin ng Kanluraning kultura ang mga fast food at soft drink. Ganito ang sinabi ng isang negosyanteng taga-Malaysia: “Halíng na halíng ang mga tao rito sa anumang bagay mula sa Kanluran, lalo na mula sa Amerika. . . . Gusto nila ang pagkain nito at maging tulad ng mga taga-Kanluran.” Ganito ang malungkot na inamin ng rektor ng Havana College: “Ang Cuba ay hindi na isang isla. Wala nang mga isla rito. Iisa na lamang ang daigdig.”
Nakaaapekto ang mapanghimasok na Kanluraning kultura sa mga inaasam at mga naisin ng mga tao. “‘Ang pakikipagsabayan sa iba’ ay nagbago mula sa pagpupunyagi na tapatán ang tinataglay ng kapitbahay tungo sa pagtataguyod ng istilo ng buhay ng mayayaman at mga sikát na napapanood sa mga pelikula at palabas sa telebisyon,” ang sabi ng Human Development Report 1998. Maliwanag, hindi kailanman matatamo ng kalakhan ng sangkatauhan ang gayong istilo ng buhay.
Ang Globalisasyon ba ang Lunas?
Tulad ng karamihan sa mga proyekto ng mga tao, napatunayang kapuwa may kapaki-pakinabang at nakasasamang epekto ang globalisasyon. Nagdulot ito ng mga kapakinabangan sa kabuhayan ng ilan, at ipinakilala nito ang isang panahon ng pangglobong komunikasyon. Magkagayunman, naging pabor ito para sa mayayaman at sa maimpluwensiyang mga tao kaysa sa mga dukha at naghihikahos. At mas mabisang kinasangkapan kapuwa ng mga kriminal at sakit na dulot ng mga virus ang mga kapakinabangan ng globalisasyon kaysa sa mga gobyerno.—Tingnan ang mga kahon sa pahina 8 at 9.
Sa mas malawak na antas, pinalaki ng globalisasyon ang mga problema na dati nang umiiral sa ating di-sakdal na daigdig. Sa halip na magbigay ng lunas sa mga suliranin sa daigdig, ito’y naging bahagi ng problema. Lalong lumaki ang agwat ng katayuan sa buhay ng mga tao, at tumindi ang kabiguan. Sinisikap na samantalahin ng mga gobyerno sa palibot ng daigdig ang pakinabang ng globalisasyon samantalang iniingatan ang kanilang mga mamamayan laban sa nakasasamang mga epekto nito. Magtatagumpay kaya sila? Ang pagiging makatao ba ng globalisasyon ang magiging kasagutan? Susuriin ng susunod na artikulo ang mga katanungang ito.
[Mga Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
ANG GLOBALISASYON SA KRIMEN AT TERORISMO
Sa kasamaang palad, ang mga pamamaraang ginagamit sa kalakalan at komersiyo ay madaling magamit upang maging mga kasangkapan sa krimen. “Habang organisadong sinisikap ng multinasyonal na mga korporasyon na pag-isahin ang ekonomiya sa daigdig, kasimbilis rin itong sinasamantala ng ‘multinasyonal na krimen’—ang organisadong krimen ng mga sindikato,” ang paliwanag ng Human Development Report 1999. Paano nakinabang sa globalisasyon ang organisadong krimen?
Nasumpungan ng mga kartel ng droga ang pagkarami-raming pagkakataon upang mailipat ang bilyun-bilyong dolyar na kita nila para ilihim ang ilegal na pinagmulan nito. Ang pag-aalis ng maraming kinokolektang buwis ng adwana at ang dumaraming tao na naglalakbay ang nagpadali rin sa mga kartel na ihatid ang ilegal na mga droga sa iba’t ibang bansa o iba’t ibang kontinente. Kapansin-pansin, nadoble noong dekada ng 1990 ang produksiyon ng cocaine at naging triple naman ang produksiyon ng opyum. Ang mga grupo ng internasyonal na Mafia ay nakagawa rin ng isang negosyo ng prostitusyon na malaki ang kita. Taun-taon, nagpapadala sila ng mga 500,000 babae at batang babae sa Kanluraning Europa para sa layuning ito—labag sa kalooban ng karamihan sa kanila ang bagay na ito.
Pinag-isa ng mga sindikato ng krimen, tulad ng multinasyonal na mga korporasyon, ang kanilang kapangyarihan nitong nakalipas na mga taon. Marami sa mga ito ang kumikilos sa buong daigdig, at sila-sila mismo ay kumikita nang tinatayang $1.5 trilyon sa isang taon—mahigit pa sa pangkabuuang produktong pambansa ng Pransiya.a
Napatunayan din na naging isang mahusay na kasangkapan ng di-tapat na mga eksperto sa computer ang Internet. Noong 1995, ninakaw ng isang hacker (isang eksperto sa paggawa at paglutas ng program sa computer) ang impormasyon na diumano’y nagkakahalaga ng $1 milyon gayundin ang 20,000 pribadong numero ng credit card. “Ang pagnanakaw sa pamamagitan ng paggamit ng bagong teknolohiya ay hindi gaanong mapanganib at mas malaki ang kita,” ang paliwanag ni José Antonio Soler, isang Kastilang bangkero.
Ginagamit din ng mga terorista ang mga pamamaraan ng globalisasyon. Dahil sa pangglobong saklaw ng pagbabalita, ang pagkidnap sa ilang turistang taga-Kanluran sa liblib na lugar sa planeta ay tumutulong upang mabigyan ng kagyat na publisidad ang halos anumang kawalang-katarungan sa pulitika.
INAAYAWANG MGA “MANLALAKBAY”
Ang mga sakit katulad din ng mga tao ay nakapaglalakbay sa palibot ng daigdig, at ang ilan sa mga ito ay nakamamatay. “Ang nakagugulat na pagdami ng naglalakbay na mga tao, produkto, at ideya sa sandaigdigan ang nagtutulak na puwersa sa likod ng globalisasyon sa sakit,” ang paliwanag ni Propesor Jonathan M. Mann, isang dalubhasa sa mga epidemya. “Ang daigdig ay mabilis na nagiging mas madaling tablan ng biglang lumilitaw na sakit at higit na naaapektuhan ng paglaganap at maging ng pagkalat sa buong daigdig ng kapuwa bago at dati nang nakahahawang mga sakit, na siyang pinakamalala pa nga.”
Wala nang iba pang mas matinding halimbawa sa bagong kalagayang ito sa daigdig ng pagiging madaling mahawahan kaysa sa paglaganap ng AIDS sa buong mundo, na kumikitil sa ngayon ng halos tatlong milyon katao taun-taon. Sa ilang bansa sa Aprika, ikinatatakot ng mga manggagawa sa kalusugan na sa dakong huli’y mapapatay ng sakit ang dalawang-katlo ng lahat ng mga kabataang lalaki at babae. “Sa loob ng sanlibong taon, sa kabila ng pagkakaroon ng epidemya, digmaan at taggutom, hindi pa kailanman nangyari sa kasaysayan na gayon karami ang mga namamatay sa gitna ng mga kabataang adulto,” ang ulat ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS.
Hindi lamang mga mikrobyo at virus ang inaayawang mga “manlalakbay.” Nakatakas na ang mga hayop, halaman, at insekto mula sa kanilang likas na tirahan at sumalakay na sa ibang kontinente. Ang mga uri ng makamandag na ahas mula sa Australia ay nakapasok kamakailan sa mga isla sa Pasipiko, wari bang pumuslit na nakisakay sa eroplano. Nalipol na nito ang halos lahat ng ibon sa kagubatan ng Guam. Ang water hyacinth mula sa Timog Amerika ay kumalat na sa 50 tropikal na bansa, anupat nakapagpabara sa mga kanal at nakapinsala sa mga palaisdaan doon. “Daan-daang bilyong dolyar taun-taon ang nagiging kalugihan sa pangglobong ekonomiya dahil sa sumasalakay na mga ‘dayuhan’ na nagiging dahilan din ng pagkalat ng mga sakit at nagdudulot ng malawakang pagkawasak ng ekolohiya,” ang ulat ng International Herald Tribune.
[Talababa]
a Ang “pangkabuuang produktong pambansa” (gross national product) ay tumutukoy sa kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo sa pamilihan na produksiyon ng bansa sa loob ng isang taon.
[Mga larawan]
PAGPUPUSLIT NG SALAPI
Natuklasan sa isang kargamento ng mga laruang oso
PAGPUPUSLIT NG COCAINE
$4,000,000 halaga ng cocaine ang natuklasan sa isang sasakyang panlibangan na nakuha sa isang tawirang hangganan
BIOTERORISMO
Hinahalughog ng mga sundalo ang Capitol Hill, Washington, D.C. para hanapin ang anthrax
PAMBOBOBOMBA
Isang bomba sa bus ang sumabog sa Israel
PAGKALAT NG AIDS SA BUONG DAIGDIG
Gayon na lamang kalawak ang epidemya ng AIDS sa Timog Aprika anupat ipinagtatabuyan ng ilang pampublikong ospital ang mga tao
PANANALAKAY NG MGA URI NG HAYOP
Halos nilipol na ng mga brown tree na ahas ang mga ibon sa kagubatan ng Guam
WATER HYACINTH
Binarahan ng halamang ito ang mga kanal at tabing-ilog ng mga 50 bansa
[Credit Lines]
Ipinuslit na salapi at cocaine: James R. Tourtellotte at Todd Reeves/U.S. Customs Service; bioterorismo: AP Photo/Kenneth Lambert; nasusunog na bus: AP Photo/HO/Israeli Defense Forces; bata: AP Photo/Themba Hadebe; ahas: Kuha ni T. H. Fritts, USGS; water hyacinth: Staff CDFA, California Dept. of Food & Agriculture, Integrated Pest Control Branch
[Mga larawan sa pahina 7]
Pinalawak ng globalisasyon sa ekonomiya ang agwat ng mayaman at mahirap
[Credit Lines]
UN PHOTO 148048/J. P. Laffont-SYGMA
[Mga larawan sa pahina 10]
Ginagamit ang Internet upang palaganapin ang terorismo