Ang Globalisasyon na Magiging Kapaki-pakinabang sa Iyo
“Para magtagumpay ang globalisasyon, dapat itong maging kapaki-pakinabang kapuwa sa mahirap at sa mayaman. Dapat na maipagkaloob nito ang mga karapatan ng tao at hindi lamang basta kayamanan. Dapat na mailaan nito ang katarungan sa lipunan at pagkakapantay-pantay at hindi lamang basta pag-unlad sa ekonomiya at dapat na pasulungin nito ang komunikasyon.”—KOFI ANNAN, KALIHIM-PANGKALAHATAN NG UNITED NATIONS.
GAYA ng sinabi ni Kofi Annan, mapasusulong ng tunay na matagumpay na globalisasyon ang buhay ng bawat naninirahan sa pangglobong komunidad. Subalit malayung-malayo sa huwarang kalagayan ang nakita natin sa nakaraang mga taon. Labis nang napag-iwanan ng teknikal at materyal na pagsulong ang mga karapatang pantao at pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Ang kagustuhang kumita lamang ng salapi ang pangunahing problema na nagtulak sa globalisasyon sa ekonomiya. Bihirang isaalang-alang ng hangaring kumita ang mahihirap at kapos-palad o ang pangmatagalang mga pangangailangan ng planeta. “Ang walang kaayusang pangglobong ekonomiya na pinangingibabawan ng mga korporasyon na kumikilala sa salapi bilang ang tanging pinakamahalaga para sa kanila ay talagang mabuway . . . at pinagdarahop nito ang sangkatauhan nang higit pa sa pinansiyal na paraan,” ang pangangatuwiran ni Dr. David C. Korten.
Makokontrol kaya ng mga gobyerno sa daigdig ang pangglobong ekonomiya upang maibigay nito ang katarungan sa lipunan? Waring hindi mangyayari iyan. Sa kasalukuyan, nahihirapan ang mga pamahalaan na lutasin ang anumang pangglobong problema—ito man ay pangglobong krimen, pag-init ng globo, o pangglobong karukhaan. “Kailangan ang sama-samang pagkilos upang maingatan ang kapakanan ng daigdig,” ang paliwanag ni Annan, “subalit sa globalisasyon sa daigdig sa ngayon, ang mga pamamaraang magagamit para sa pangglobong pagkilos ay nasa panimulang yugto pa lamang.”
Hindi lamang ang pangglobong mga pamamaraan upang asikasuhin ang mga problema sa daigdig ang siyang kahilingan. Ipinaliliwanag ng Commission on Global Governancea na nangangailangan din ang daigdig ng mga pamantayan sa etika. “Kung walang pangglobong etika,” ang sabi ng kanilang ulat, “titindi ang hidwaan at tensiyon sa pamumuhay sa pangglobong komunidad; kung walang pangunguna, maging ang pinakamahuhusay na institusyon at mga estratehiya ay mawawalan ng saysay.”
Anong uri ng pangglobong etika ang kanilang inirekomenda? “Dapat na pakitunguhan ng mga tao ang iba sa paraang ibig nilang pakitunguhan sila,” ang sabi ng ulat. Itinuro ni Jesu-Kristo, ang pinakadakilang lider na nakilala kailanman sa daigdig, ang pamantayang ito ng paggawi mga dalawang libong taon na ang nakararaan. (Mateo 7:12) Subalit ang prinsipyong ito ay nanatiling mabisa hanggang sa ngayon. Ang globalisasyong nakasalig sa pamantayang iyan ay walang-alinlangang magiging kapaki-pakinabang sa lahat. Mangyayari pa kaya ito?
Isang Pangglobong Lunas na Kakaibang Uri
Inihuhula ng Bibliya na sa malapit na hinaharap, pagkakaisahin ng isang pangglobong pamahalaan ang sangkatauhan na nakasalig sa kawalang-kaimbutan sa halip na sa salapi o teknolohiya. Magiging matagumpay ito dahil sa may kapangyarihan at mga pamamaraan ito na ipatutupad sa daigdig para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Itinampok mismo ni Jesu-Kristo ang pangglobong pamahalaang ito nang turuan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin na ‘dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at mangyari nawa ang kalooban ng Diyos sa lupa.’—Mateo 6:10.
Ang Kaharian ng Diyos, isang makalangit na pamahalaan sa mga kamay ni Jesu-Kristo, ay magbibigay-halimbawa sa isang bagong pangglobong etika, ang mismong itinuro ni Jesus nang siya’y nasa lupa pa. Ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapuwa ang uugit na mga simulain. (Mateo 22:37-39) Binalangkas sa Bibliya ang maraming hula hinggil sa gagawin ng bagong pamahalaang ito. May kinalaman sa Tagapamahala nito, si Jesu-Kristo, nangangako ang Bibliya: “Siya’y hahatol nang may katarungan sa mahirap at ipagtatanggol nang walang pagtatangi ang hamak sa lupain.” (Isaias 11:4, The New English Bible) Hindi pagsasamantalahan ng mayaman at makapangyarihan ang mga kapos-palad. Si Jesus ay ‘maaawa sa maralita at sa dukha. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.’—Awit 72:13, 14.
Ang mga problema sa kapaligiran ay lulutasin sa tamang paraan. Sa halip na unti-unting pagkatigang ng lupa, “ang disyerto ay magsasaya, at mamumulaklak ang iláng.” (Isaias 35:1, Today’s English Version) Sa halip na magkaroon ng kakapusan sa pagkain, “magkakaroon ng saganang butil sa lupa.”—Awit 72:16.
Pagkakaisahin ng Kaharian ng Diyos ang mga taong may iba’t ibang pinagmulan. “Ilalagay ko sila sa pagkakaisa, tulad ng mga tupa sa kural,” ang pangako ng Diyos. ‘Ibibigay ko sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang paglingkuran nila ako nang balikatan.’ (Mikas 2:12; Zefanias 3:9) Pinagkakaisa ng “dalisay na wika” na ito, kasali na ang pangkaraniwang kalipunan ng moral at relihiyosong mga pamantayan, ang mga tao maging sa ngayon.
Dahil sa mga paraan ng paglalakbay sa buong daigdig, regular na nakapagdaraos ang mga Saksi ni Jehova ng malalaking internasyonal na kombensiyon, na nagpapatibay ng buklod sa pagitan ng magkakaibang lahi, bansa, at katutubong mga grupo. Ang mga kombensiyong ito ay buháy na patotoo ng pagkakaisa na nagsasangkot ng puso at isip, sa halip na basta teknolohiya at komersiyo. (Tingnan ang kasamang kahon.) Ganito ang sulat ng isang Kastilang teologo na nakadalo sa gayong mga kombensiyon: ‘Umalis ako roon na napatibay ang loob ko, hindi lamang dahil sa nagbibigay-liwanag na maka-Kasulatang mga pahayag kundi dahil din sa pagkakaisa na umiiral sa mga taong ito, sa kanilang matataas na pamantayang moral, at sa kanilang mainam na paggawi.’
Sinasamantala rin ng mga Saksi ni Jehova ang iba pang aspekto ng globalisasyon upang mapadali ang kanilang pangangaral ng mabuting balita hinggil sa Kaharian ng Diyos. Halimbawa, isinasalin ang Gumising! sa mahigit na 80 wika ng maraming tagapagsalin sa buong daigdig na ginagamit ang mga sistema ng computer at electronic mail. Nakatutulong sa mga Saksi ni Jehova ang gayong mga kasangkapan upang talagang gawing pangglobo ang kanilang programa ng pagtuturo sa Bibliya. Maliwanag, ang mga pamamaraan ng globalisasyon ay magagamit para sa kapakinabangan at kapinsalaan din naman.
Sa katulad na paraan, sa halip na lumikha ng mga suliranin, gaya ng ginawa ng globalisasyon ng tao, ang pangglobong pamahalaan na itinatag ng Diyos ay magbibigay ng mga solusyon. Taglay natin ang lahat ng dahilan para magtiwala sa makalangit na pamamahalang ito. “Gumagawa ako ng bagong lupa,” ang pangako ng Diyos. “Ang mga pangyayari nang nakaraan ay lubusan nang malilimutan. Magalak at magsaya magpakailanman sa mga nilikha ko.” (Isaias 65:17, 18, TEV) Tunay ngang makikinabang ang mga tao sa buong daigdig sa “bagong lupa” ng Diyos.
[Talababa]
a Ang komisyong ito, na binubuo ng 28 kilalang lider sa daigdig, ay gumawa ng mahabang ulat noong 1995, na pinamagatang “Our Global Neighbourhood,” kung saan kanilang binalangkas ang mga panukala nila sa pagpapasulong ng pamamahala sa daigdig.
[Kahon sa pahina 12]
NAPAG-UGNAY-UGNAY SUBALIT NAGKAKABAHA-BAHAGI PA RIN
Bagaman maaaring mas pinaliit ng teknolohiya ang daigdig, ang pagkakabaha-bahagi ay nananatiling nakaugat. Napatunayang kapaki-pakinabang ang telebisyon, mobile phone, at Internet para mapag-ugnay-ugnay ang mga tao subalit hindi upang mapagkaisa ang mga ito. Ang pagsasama-sama ng ekonomiya at ang wakas ng alitan ng makapangyarihang mga bansa ay nakabawas sa dami ng mga digmaan sa pagitan ng mga Estado, subalit patuloy na pumapatay at pumipinsala ng daan-daang libong tao ang malulupit na alitang sibil taun-taon.
Bakit? Sapagkat ang pagkapoot sa pagitan ng magkakalabang grupong etniko, lahi, at relihiyon—ang ugat na dahilan ng mga digmaang sibil—ay walang palatandaan na humupa. At tinitiyak ng pangglobong mga negosyo at sindikato ng krimen na maraming mumurahing sandata ang makukuha upang magkaroon ng sapat na armas ang nagdidigmaang mga panig. Hindi kailanman maaaring dayain ng elektroniko ang tunay na pagkakaisa. Ni maitataguyod man ang katarungan sa lipunan dahil sa pag-unlad ng stock market.
Sa ilang paraan, maaari talagang magdulot ng kawalang pagkakaisa ang globalisasyon sa ekonomiya. Kapag ang pag-unlad ng negosyo ay sinundan ng pagliit ng pambansang kita (recession), ang nagdarahop na mga tao ay madaling nabibiktima ng panatikong mga pulitiko na nagsasamantala sa kahirapan ng buhay para sa pansarili nilang kapakinabangan. Ano ang solusyon? “Kailangang lumikhang muli ng isang pambansa at pangglobong pamamahala—na ang pinakamahalagang pagtutuunan ng pansin ay ang sukdulang pagpapasulong sa sangkatauhan at pagkakapantay-pantay,” ang inamin ng Human Development Report 1999. Iyan ang talagang gagawin ng Kaharian ng Diyos.
[Mga larawan sa pahina 13]
Ang pangglobong programa ng pagtuturo sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong upang pagkaisahin ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan