Asin—Isang Mahalagang Produkto
“KAYO ang asin ng lupa,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad. (Mateo 5:13) Sinasabi ng mga Arabe, “May asin sa pagitan natin,” at tinatawag naman ng mga Persiano ang isang tao na “di-tapat sa asin” (di-matapat o walang utang na loob). Dahil sa mga katangian nito bilang preserbatibo, ang salitang “asin” ay naiugnay sa mataas na pagtingin at karangalan kapuwa sa sinauna at makabagong mga wika.
Ang asin ay naging sagisag din ng katatagan at pagiging permanente. Kaya, sa Bibliya ang di-nagbabagong tipan ay tinatawag na “isang tipan ng asin,” kadalasang sabay na kumakain ang magkabilang panig, na may asin, upang pagtibayin ito. (Bilang 18:19) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, nilalagyan ng asin ang mga handog na inihahain sa dambana, na tiyak na nagpapahiwatig ng kawalang-kasiraan o kawalang-kabulukan.
Kawili-wiling Kasaysayan
Sa buong kasaysayan, ang asin (sodium chloride) ay naging isang napakahalagang produkto anupat nagkaroon pa nga ng mga digmaan dahil dito. Ang isa sa naging mga dahilan ng Rebolusyong Pranses ay ang mataas na buwis sa asin na ipinataw ni Louis XVI. Ginamit din ang asin bilang isang mahalagang instrumento sa pagpapalitan ng kalakal. Ipinagpapalit ng mga negosyanteng Moro ang asin para sa ginto, isang gramo ng asin sa isang gramo ng ginto, at ginagamit naman ng ilang tribo sa sentral Aprika ang tipak-tipak ng asin bilang salapi. Ang salitang Ingles na “salary” na nagmula sa salitang Latin na salarium (mula sa sal, “salt”), ay tumutukoy sa suweldo ng sinaunang sundalong Romano, na ang bahagi nito’y sustentong asin. Ginamit ng mga Griego ang asin na pambili ng mga alipin, na pinagmulan ng ekspresyon na “hindi sulit ang halaga ng asin na ipinambili sa kaniya.”
Noong Edad Medya, ilang pamahiin ang lumitaw may kaugnayan sa asin. Ang pagkatapon ng asin ay sinasabing nagpapahiwatig ng kapahamakan. Halimbawa, sa pinta ni Leonardo da Vinci na “Huling Hapunan,” iginuhit doon ang isang lalagyan ng asin na nakataob sa harapan ni Judas Iscariote.a Sa kabilang dako naman, hanggang noong ika-18 siglo, ipinahihiwatig ng pag-upo sa itaas o ibabang posisyon ng asin sa isang hapag-kainan ang katayuan ng isa sa lipunan, ang may kagalang-galang na posisyon ay nakaupo sa itaas na posisyon ng lalagyan ng asin, malapit sa kabisera ng mesa.
Mula pa noong sinaunang panahon, natutuhan na ng tao na kumuha ng asin mula sa likas na tasik (brine), tubig-dagat, at tipak ng asin. Binabanggit ng isang sinaunang artikulo ng mga Tsino tungkol sa pharmacology ang mahigit na 40 uri ng asin at inilalarawan nito ang dalawang paraan ng pagkuha ng asin na katulad na katulad ng ginagamit sa ngayon. Halimbawa, ang enerhiya mula sa araw ay ginagamit upang kumuha ng asin mula sa tubig-dagat sa pinakamalaking pagawaan ng asin sa daigdig na gumagamit ng sikat ng araw, na nasa baybayin ng Bahía Sebastián Vizcaíno sa Baja California Sur, Mexico.
Kapansin-pansin, tinataya na kung ang lahat ng karagatan sa daigdig ay lubusang matutuyo, “makakakuha sila ng humigit-kumulang 19 na milyong kilometro kubiko ng asin, o halos 14.5 ulit ng bunton ng buong kontinente ng Europa sa itaas ng kapantayan ng tubig kapag taog,” ayon sa Encyclopædia Britannica. At ang Dagat na Patay ay mga siyam na ulit na mas maalat sa karagatan!
Ang Gamit ng Asin sa Makabagong Panahon
Sa ngayon, ang asin ay isa pa ring mahalagang produkto na ginagamit na pampalasa sa pagkain, pampreserba sa karne, at sa paggawa ng sabon at salamin, bukod pa sa ibang gamit nito. Subalit ang mas kapaki-pakinabang na gamit nito ay sa larangan ng pampublikong kalusugan. Halimbawa, sa maraming bansa sa daigdig, ang asin ay dinaragdagan ng iodine upang sugpuin ang kakulangan ng iodine sa partikular na mga lugar, na kinakikitaan ng goiter (paglaki ng glandulang thyroid) at, sa malulubhang kaso, ng sakit sa isip. Bukod dito, sa ilang bansa ay dinaragdagan ng flouride ang asin upang maiwasan ang pagkabulok ng ngipin.
Bagaman ang asin ay mahalaga para sa mabuting kalusugan—pagkontrol sa dami at presyon ng dugo—ano naman ang tungkol sa kontrobersiyal na kaugnayan sa pagitan ng pagkain ng asin at mataas na presyon ng dugo? Pangkaraniwan nang ipinagbabawal ng mga doktor sa mga pasyenteng may alta presyon ang pagkain ng asin at sodium. Halos sangkatlo hanggang sa kalahati ng mga taong mataas ang presyon ng dugo ay sensitibo sa asin. Sa kalagayang ito, ang kaunting pagkain ng asin ay napatunayang nagpapababa sa presyon ng dugo.
Tiyak na nakadaragdag sa kasiyahan sa pagkain ang asin, gaya ng ipinakita ni Job nang kaniyang itanong: “Ang mga bagay ba na matabang ay kakainin nang walang asin?” (Job 6:6) Tayo’y talagang makapagpapasalamat sa ating Maylalang, “na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay sa ating kasiyahan,” kasali na ang mahalagang produkto, ang asin.—1 Timoteo 6:17.
[Talababa]
a A saltcellar is a dish or shaker for holding salt.
[Larawan sa pahina 15]
Ilan sa maraming uri ng asin (paikot sa kanan mula sa itaas): (1) ‘Alaea na asin mula sa dagat, Hawaii; (2) fleur de sel, Pransiya; (3) likas na organikong asin mula sa dagat; (4) sel gris (abuhing asin), Pransiya; (5) magaspang na asin mula sa dagat; (6) giniling na itim na asin, India