“Kayo ang Asin ng Lupa”
“Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maisasauli ang alat niyaon?”—MATEO 5:13.
1. Ano ang karaniwang asin?
ANG asin ay isang kamangha-manghang sustansiya. Ito’y binubuo ng sodium, isang pambihirang metalikong elemento, at chlorine, isang gas na nakalalason. Ang bagay na maaaring magsama ang dalawang mapanganib na mga elementong ito upang bumuo ng isang kapaki-pakinabang na kombinasyon ay isang kamangha-manghang paglalaan ng Maylikha para sa ikabubuti ng tao.—Awit 104:24.
2. Paano maipaghahalimbawa na ang asin ay nakapipigil sa pagkabulok at maaaring gamitin na pampreserba?
2 Unang-una, ang asin ay napakamabisa sa paghadlang sa pagkabulok. Bilang halimbawa: May isang lalaki na naglagay sa taguan ng kaniyang kotse ng balat ng dalawang kinatay na tupa at pagkatapos ay nagbiyahe nang malayo sa kainitan ng araw sa Aprika. Nang sa wakas ay buksan niya ang taguan, umalingasaw ang baho at mga uod ang gumagapang sa nabubulok na mga balat na iyon! Gayunpaman, yao’y hinugasan, at lubusang kinuskos ng asin. Ang epekto? Ang balahibong ito ng tupa ay nagsilbing malambot na banig sa sahig na matagal ding nagamit.
3. Ano ang masasabi tungkol sa halaga ng asin at sa kung ito ba’y sagana?
3 Maliwanag, kung gayon, na ang asin ay totoong mahalaga bilang isang preserbatiba. Ito rin naman ay may mga iba pang gamit. Sa katunayan, sa sinaunang Tsina ito ay pagkamahal-mahal at pangalawa sa ginto sa halaga. Ang salitang Latin para sa “asin” ay sal, at noong mga kaarawan ng imperyo ng Roma, asin ang ibinabayad sa mga sundalo bilang bahagi ng kanilang suweldo (salarium). Dito nanggaling ang salitang Ingles na “salary” o suweldo. Subalit ngayon, sa karamihan ng lugar ang asin ay palasak na at mura. Ang karagatan ay mayroong mga apat at kalahating milyong milya kubiko (19 na milyon cu km) ng asin—na sapat upang doo’y maibaon ang buong Estados Unidos nang isang milya (1.6 km) ang lalim! Kahit na noong si Jesu-Kristo ay narito sa lupa marami na rin ang asin. Halimbawa, sa tubig ng Dagat na Patay ay nakakakuha ng maraming asin, at mayroon ding mga burol na pinagkukunan ng asin malapit sa lugar na kung saan ang asawa ni Lot ay naging “isang haliging asin.”—Genesis 19:26.
4. Bakit natin masasabi na mahalaga ang asin kung tungkol sa buhay?
4 Ang asin ay nagsisilbi ring gamot. Ang ating katawan ay mayroong humigit-kumulang walong onsa (230 g) ng asin, at kung wala ito ay mamamatay tayo. Samakatuwid ang asin ay kailangan para mabuhay. Subalit ayon sa pagkagamit nito sa Bibliya, ang asin ay mayroon ding makasagisag na kahulugan may kaugnayan sa buhay at gawaing Kristiyano.
“Timplado ng Asin”
5. Tungkol sa pagkain, ano ang layunin ng paglalagay ng asin?
5 Pagka nakalimutan ng isang kusinero na gumamit ng asin sa kaniyang niluluto, marahil nagiging totoong matabang ang pagkaing iyon kung kayat ayaw kainin iyon ninuman. Gaya ng sinabi ni Job: “Makakain ba nang walang asin ang matabang?” (Job 6:1, 6) Lalong pinasasarap ng asin ang isang pagkain. Ang ganitong katangian ng asin at ang gamit nito bilang isang preserbatiba ay ginagamit sa simbolikong paraan sa Kasulatan. Ang asin ay ginagamit lalung-lalo na sa pagtukoy sa tamang uri ng pananalita.
6. Paano kumakapit sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova ang Colosas 4:6?
6 Si apostol Pablo ay sumulat: “Ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw, timplado ng asin, upang inyong maalaman kung paano ninyo dapat sagutin ang bawat isa.” Ganito ang isa pang pagkasalin: “Ang inyong pakikipag-usap nawa’y maging laging magiliw, at hindi kailanman nakababagot.” (Colosas 4:6; The New English Bible) Ang mga tunay na Kristiyano ay gumugugol ng maraming oras ng pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. Mangyari pa, hindi lahat ng mga Saksi ni Jehova ay likas na mahuhusay magsalita. Gayunman, kung kanilang lubhang pinahahalagahan ang mensahe ay sila’y nagsasalita nang may pananalig at init, ang puso ng maraming tao ay maibabaling nila sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Kung gayon, anong halaga nga na ang pananalita ng mga lingkod ni Jehova ay maging magiliw at kaakit-akit!
7. Anong mabuting epekto ang magagawa ng ‘timpladong’ mga salita ng isang Kristiyano?
7 Dahilan sa ‘timpladong’ mga pananalita ng isang Kristiyano hindi lamang nalalasap ng tagapakinig ang kasarapan ng mensahe ng Bibliya kundi inililigtas din nito ang mga buhay ng mga taong nakikinig doon. Samakatuwid, kung paanong ang asin ay kailangan para mabuhay, ang pananalita ng mga lingkod ni Jehova ay maaaring mangahulugan ng buhay para sa mga nakikinig nang may pag-unawa sa kanilang sinasabi tungkol sa layunin at Kaharian ng Diyos.—Ihambing ang Juan 6:63, 68.
8. Bakit ang mga ministrong Kristiyano ay dapat magsalita nang magiliw?
8 Kaya naman, kailangan magiliw ang pananalita ng mga Kristiyano pagka sila’y nakikipag-usap sa mga di-sumasampalataya. Kung minsan ang mga tagapakinig sa mensahe ng Kaharian ay tumutugon sa pamamagitan ng mabagsik o magaspang na paraan. Subalit ang mga lingkod ni Jehova ay hindi dapat gumanti sa pamamagitan ng ganoon ding paraan ng pagsasalita. Bagkus, sa tuwina’y kailangang sila’y magiliw. Ano ba ang ibig sabihin ng pagkamagiliw? Ang ibig sabihin ay ang pagiging mabait, kalugud-lugod, magalang, at maawain. Ang mabait, matiyaga na paraan ng Kristiyano sa pagsagot sa mga tanong, sa mga pagtutol, sa mga pamimintas, o sa masamang pakikitungo sa kanila ang kadalasa’y ipinagkakaiba nang malaki. Gaya ng sabi ng isang kawikaan: “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang salitang nakakasakit ay humihila ng galit.” (Kawikaan 15:1) Ang mga sagot na magiliw, magalang, at matakteka kung nangangaral ang isang Kristiyano ay maaaring magpalambot sa kalooban ng mga tao na, bagamat marahas at magaspang makitungo, ay talaga namang may mabubuting puso.—Kawikaan 25:15.
9. Paano dapat makipag-usap sa mga kapananampalataya ang mga Kristiyano, at bakit?
9 Kung gayon, papaano dapat makipag-usap ang mga Kristiyano sa kanilang mga kapananampalataya? Sa pangit na paraan ba? Hindi! Bakit? Sapagkat ang nag-alay na mga lingkod na iyon ni Jehova ay bahagi rin ng “kawan ng Diyos,” na kinakailangan pakitunguhan nang malumanay.—Ihambing ang 1 Pedro 5:2-4; Gawa 20:29.
10. Ano ang dapat maging kaugnayan ng Efeso 4:29-32 sa pananalitang ginamit ng mga lingkod ni Jehova?
10 Ang isang lingkod ba ni Jehova ay dapat gumamit ng pangit na pananalita pagka nakikipag-usap sa mga kamanggagawa niya na marahil ay kinayayamutan niya? Tumpak ba para sa isang kapatas na Kristiyano na gumamit ng mga pangit na salita pagka ang kaniyang mga manggagawa ay hindi nakalugod sa kaniya? Pagka ang mga mag-asawang Kristiyano ay medyo nagkainisan, dapat ba nilang sigawan ang isa’t-isa o ang kanilang mga anak? Hindi! Si Pablo ay sumulat: “Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig . . . lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat na kasamaan. Kundi maging mabait kayo sa isa’t-isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t-isa gaya nang saganang pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.”—Efeso 4:29-32.
“Taglayin Ninyo sa Inyong Sarili ang Asin”
11, 12. “Asin” na anong uri ang tinutukoy ni Jesus sa Marcos 9:50, at ang mga salitang iyan ay humihingi ng anong uri ng pananalita at paggawi?
11 Yamang tayo ay di-sakdal, lahat tayo, paminsan-minsan ay nagsasalita sa paraan na di-nababagay para sa isang Kristiyano. Gaya ng inamin ng alagad na si Santiago: “Tayong lahat ay malimit na natitisod. Kung sinoman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na nakapagpipigil din ng kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2, 8-10) Ang mga sinaunang alagad ni Jesus ay hindi natatangi rito, at sila man ay kinailangang pagsabihan dahilan sa pagsasalita sa di-magiliw na paraan sa isa’t-isa. Halimbawa, minsan ang mga alagad ay mainitang nagtalu-talo tungkol sa kung sino ang pinakadakila sa kanila. Sa buong grupo ay nagbigay si Jesus ng ilang maiinam na payo laban sa pagtisod sa iba at sa gayo’y pagkaranas nila sa sila’y “asnan sa apoy,” o puksain sa Gehenna. At pagkatapos ay sinarhan niya sa ganitong mga salita: “Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo’y magkaroon ng kapayapaan sa isa’t-isa.”—Marcos 9:33-50.
12 Maliwanag, hindi ang tinutukoy diyan ni Jesus ay yaong kaunting literal na asin na matatagpuan sa mga katawan ng kaniyang mga alagad. Bagkus, ang kaniyang tinutukoy ay ang kanilang pagiging makonsiderasyon, matakteka, kaaya-aya, at pagkamapayapa sa pananalita at paggawi—na kumikilos nang nasa ayos sa pakikitungo sa iba. Ito’y kailangan upang ang mga tunay na Kristiyano ay makapanatiling mapayapa sa pakikitungo sa isa’t-isa.
“Ang Asin ng Lupa”
13. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod, “Kayo ang asin ng lupa”?
13 Tungkol sa kaniyang mga tagasunod, sinabi rin ni Jesus: “Kayo ang asin ng lupa.” (Mateo 5:13) Hindi ang ibig sabihin dito ni Jesus ay na literal na asin ang kaniyang mga alagad. Bagkus, ang asin ay isang preserbatiba o pangtinggal, at ang mensahe na dinadala ng mga tagasunod ni Jesus sa mga tao ang magpipreserba sa buhay ng marami. Oo, ang kaniyang mga alagad ay nagsisilbing pampreserba sa mga taong nakikinig sa kanilang mensahe, at ang gayong mga tao ay nananatiling malusog sa espirituwal at sa moral. Tiyak na ang mabuting balita na ipinangangaral ng mga tagasunod ni Jesus ay tagapag-ingat ng buhay.—Gawa 5:20; 13:46-48.
Ang Asin ay Pampreserba Buhat sa Pagkabulok
14. Upang maiwasan ang makasanlibutang kabulukan, ano ang kailangan?
14 Sa punto-de-vista ng Diyos na Jehova, ang buong balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay tulad niyaong mga balat ng tupa na binanggit na sa unahan. Bago ito nilinis at ginamitan ng asin, ito’y umaalingasaw ang amoy at inuuod na. Oo, sa papaano man lahat ay apektado ng mga kalagayan sa sanlibutang ito, at upang maiwasan ang kabulukan na makikita sa lahat ng pitak ng buhay, ang isang tao ay nangangailangan ng tibay-ng-loob at kailangan panatilihin niya ang kaniyang katapatan sa Diyos. Sa ganito lamang paraan maaaring maingatan ng isang tao ang kaniyang sarili buhat sa kabulukan ng asal. Kailangan niya hindi lamang ang magiliw na pagsasalita kundi gayundin naman ang katangian na nagsisilbing preserbatiba kung kayat naiiwasan niya ang kabulukan anomang anyo ito. Kung gayon, kailangang-kailangan ngayon ang “asin.”—1 Pedro 4:1-3.
15. Anong mainam na mga halimbawa ang ipinakita ni Jesus at Daniel?
15 Ang isang tapat na lingkod ni Jehova ay kailangang nakapagpapa-hindi sa masasamang gawa at tukso. Tandaan na makatatlong beses na nakapag-hindi si Jesus nang siya’y tinutukso ni Satanas sa ilang. (Mateo 4:1-10) At nariyan din ang halimbawa ni propeta Daniel. Sa kabataang gulang pa lamang ay natuto siyang magpa-hindi. Nang si Daniel ay isang kabataan pa na nasa palasyo ng hari sa Babilonya, siya at ang kaniyang mga kasama ay inalok ng “araw-araw na rasyon buhat sa masasarap na pagkain ng hari.” Subalit si Daniel at ang kaniyang mga kaibigan ay tumanggi. Ito’y hindi isang pagtanggi sa isang pagmamagandang-loob. Bagkus, ang ibig ng apat na kabataang Hebreo ay yaong pagkain na binubuo ng mga gulay at tubig lamang sapagkat sila’y umiiwas sa pagkaing ibinabawal ng Kautusan ni Jehova o sa pagkahawa sa karumihan ng mga rituwal pagano. Para makakilos ng gayon ay kinakailangan ang lakas-ng-loob. At kapaki-pakinabang naman ang naging resulta, sapagkat sa katapusan ng itinakdang panahon ng pagsubok, ang kanilang mga katawan ay lalong lumusog kaysa roon sa mga tumanggap ng pagkain ng hari. At kinamit ng mga Hebreong iyon ang espirituwal na pagpapala at paglingap ni Jehova.—Daniel 1:5-17.
16. Bakit masasabi na si Daniel ay “mahusay-ang-pagkaasin” na lingkod ni Jehova?
16 Pinapangyari ng Diyos na Jehova na si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay maipreserba o maingatan dahilan sa ‘pagkakaroon ng asin sa kanilang sarili.’ Subalit higit pa riyan ang maaari nating matutuhan kay Daniel. Siya’y inilagay sa isang mataas na tungkulin sa pamahalaan ng Babilonya. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan maraming beses na kinailangang tumanggi siya sa maraming bagay, sapagkat siya’y napalilibutan ng mga taong pagano, at tiyak na ang mga tao sa palasyong iyon ay punô ng imoralidad, pagsisinungaling, mga suhol, mga intriga sa politika, at iba pang mga gawang kabulukan. Malimit na si Daniel ay nasa ilalim ng matinding panggigipit. Subalit bagamat siya’y nasa gitna ng “sanlibutan” noong kaarawang iyon, siya’y “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Si Daniel ay isang tapat, “mahusay-ang-pagkaasin” na lingkod ni Jehova. Siyanga pala, marahil dahilan sa pagkayamot ng mga kaaway ni Daniel sapagkat dahilan sa kaniyang integridad at katapatan ay napabilad sila, kanilang pinagsikapan na iligpit siya! Gayunpaman, inamin nila na “siya’y mapagkakatiwalaan at hindi kinasumpungan ng anomang kapabayaan o kalikuan.” (Daniel 6:4, 5) Anong gandang halimbawa!
17. Anong mahihirap na pagsubok ang nakaharap sa mga kabataang Kristiyano ngayon?
17 Tulad ng kabataang si Daniel at ng kaniyang mga kaibigan, ang mga kabataang Kristiyano sa ngayon ay napapaharap sa mahihirap na mga pagsubok. Lalung-lalo na sa paaralan, kailangang iwasan nila ang droga, sigarilyo, mga inuming de-alkohol, malalaswang pananalita, imoralidad, pandaraya, espiritu ng paghihimagsik, huwad na pagsamba, nasyonalismo, masasamang kasama, mga huwad na turo na gaya ng ebolusyon, at iba pang masasamang impluensiya. Kailangan ang isang “mahusay-ang-pagkaasin” na kabataang Kristiyano upang makapanatiling tapat sa harap ng lahat ng tuksong iyan.
18. (a) Makabubuting pag-isipan ng mga magulang Kristiyano ang anong mga tanong? (b) Ano ang ipinapayo sa mga magulang na nahihirapan na tumulong sa kanilang mga anak?
18 Kung gayon, kayong mga magulang na Kristiyano, maingat na pag-isipan ninyo ang kalagayan ng iyong pamilya. Lahat ba ng mga miyembro nito ay sumusulong sa espirituwalidad? Inyo bang nahadlangan ang makasanlibutang kabulukan upang huwag mahawahan ang inyong mga anak? Alam ninyo ba kung ano ang ginagawa nila at kung ano talaga ang kanilang iniisip at nadarama tungkol sa tunay na pagsamba? Kanila bang kinasusuklaman ang maruruming bagay ng sanlibutang ito o sila ba ay nanganganib na madala niyaon? (Amos 5:14, 15) Kung kayo’y mga magulang na walang matalik na kaugnayan sa inyong mga anak upang matulungan sila, o mahirap para sa inyo na gawin ito, bakit hindi taimtim na ipanalangin ito kay Jehova? Tiyak, kaniyang matutulungan kayo na mapagtagumpayan ang mga na ito.—1 Juan 5:14.
19. Ano ang ilang mga bagay na dapat pa-hindian ng mga magulang na Kristiyano?
19 Bilang mga magulang na Kristiyano, ano bang halimbawa ang ipinakikita ninyo? Kayo ba’y matatag sa inyong pagpapa-hindi sa malabis na pagkain at pag-inom at sa maraming anyo ng imoralidad at karumihan na palasak ngayo? Inyo bang pinahihindian ang suhol, ang kahit bahagyang pang-uumit, at ang masasagwang biruan at bukang-bibig ng mga taong makasanlibutan? Sa inyong trabaho o sa inyong mga kalapit-bahay, kayo ba’y nakikilala bilang mga taong malilinis, tapat sa kapuwa, at matutuwid? Ang pagpapa-hindi kung kailan kailangan sabihin ito ay mahalaga sa pagiging “ang asin ng lupa.”
Pagkapermanente at Katapatan
20. Paanong ginagamit ang asin may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova sa sinaunang Israel?
20 Walang alinlangan na dahilan sa ang asin ay sumasagisag sa bagay na ito’y panghadlang sa pagkabulok, kaya naman ginamit ito sa pagsamba kay Jehova ng Israel. Halimbawa, lahat ng handog sa dambana ay kinakailangang asnan. Sa Kautusan na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, sinabi: “Huwag mong hahayaang sa iyong handog na harina ay mawala ang asin ng tipan ng iyong Diyos. Lahat ng handog mo’y lalagyan mo ng asin.” At ang “isang tipan ng asin” ay itinuturing na mabisa.—Levitico 2:13; Bilang 18:19; 2 Cronica 13:4, 5.
21. Bilang “ang asin ng lupa,” ano ang kahilingan sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
21 Bilang mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang mga lingkod sa ngayon “ang asin ng lupa.” Kahilingan ito na sila’y maging walang kasiraan, may pananampalataya, at tapat. Sila’y kailangan na masikap sa pagpapaunlad ng mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23) Ang mga bunga ng espiritu ang pinagmumulan ng mga katangian na espirituwal, tulad-asin. Subalit hindi dahil sa ang mga iba ay naglingkod na kay Jehova nang kung ilang mga taon ay, sa ganang sarili, garantiya nga ito na sila’y hindi na mahuhulog. (1 Corinto 10:12) Si Jesus mismo ang nagbabala sa atin tungkol dito.
22. Ano ang kahulugan ng huling bahagi ng Mateo 5:13?
22 Tandaan na pagkatapos sabihin ni Jesus na, “Kayo ang asin ng lupa,” kaniyang isinusog: “Ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maisasauli ang alat niyaon? Ito’y wala nang silbi kundi itapon na lamang sa labas at matapakan ng mga tao.” (Mateo 5:13) Ang iba sa asin na ginagamit nang si Jesus ay narito sa lupa ay may kahalong mga ibang bagay. Kaya naman kung ang purong asin ay naaagnas ng ulan o natangay sa ibang paraan, ang natira ay dapat itapon na lamang sa labas, sa mga daan at tapakan ng mga dumaraan. Maliban sa ang asin ay manatiling maalat, ito’y nawawalan ng silbi.
23. Bilang mga Saksi ni Jehova, ano ang dapat na pagkakilala natin sa mga salita ni Jesus na, “Kayo ang asin ng lupa”?
23 Bilang tapat na mga lingkod ni Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, kung gayon, pakaingat tayo na huwag tayong ‘tumabang,’ o mawalan ng dalisay na tulad-asin na mga katangian. Bagkus, gawin natin ang lahat ng pagsisikap na mapaunlad ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Harinawang tayo ay maging laging magiliw sa pagsasalita, na masigasig na nangangaral ng pabalita ng Kaharian at sa gayo’y tinutulungan na maipreserba o mapanatili ang buhay ng iba. Huwag nawa tayong madaig ng balakyot na sanlibutang ito, kundi harinawang laging isaisip natin ang malawak na kahulugan at ang dakilang pribilehiyong kaugnay ng mga sinabi ni Jesus na: “Kayo ang asin ng lupa.”
Tingnan Kung Natatandaan Mo
◻ Paano natin magagawang ‘magkatimplang asin ang ating pananalita’?
◻ Bakit kailangan na ang mga Kristiyano’y ‘may asin sa kanilang sarili’?
◻ Paanong ang mga tagasunod ni Jesus “ang asin ng lupa”?
◻ Ano ang ilan sa mga bagay na iniiwasan ng “mahusay-ang-pagkaasin” na mga Kristiyano?
◻ Sa liwanag ng Mateo 5:13, ano ang dapat maging saloobin ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon?
[Larawan sa pahina 25]
Sa maagang edad, si Daniel ay natutong magpa-hindi