Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 6/22 p. 6-10
  • Kapag Nagwakas Na ang Pang-aalipin!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Nagwakas Na ang Pang-aalipin!
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Inaalipin ng Pagkasugapa
  • “Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo”
  • Ang Pinakamapanlinlang na Pang-aalipin
  • Isang Tiyak na Saligan ng Pag-asa
  • Isang Bayang Malaya Ngunit may Pananagutan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Ang Daan Pabalik sa Isang Kasiya-siyang Buhay
    Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo
  • Kinunsinti ba ng Diyos ang Pangangalakal ng mga Alipin?
    Gumising!—2001
  • Maglingkod kay Jehova, ang Diyos ng Kalayaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 6/22 p. 6-10

Kapag Nagwakas Na ang Pang-aalipin!

KALAYAAN! Iilang salita lamang ang mas kalugud-lugod sa puso ng tao. Ang mga tao ay nakipagbaka at nagdusa, nabuhay at namatay, sa paghahangad ng kalayaan. Subalit nakalulungkot, gayon ang ginawa ng marami nang hindi nakikita ang maraming tunay na pagsulong tungo sa kanilang tunguhin. May pag-asa ba na mapalaya mula sa pang-aalipin​—isang pag-asa na hindi mauuwi sa kabiguan at pagkasiphayo? Mayroon.

Si apostol Pablo ay kinasihang isulat ang pangako ng Diyos: “Ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Subalit paano tayo makatitiyak na talagang pangyayarihin ng Diyos ang gayong “maluwalhating kalayaan”? Ang isang paraan ay suriin ang pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan sa buong kasaysayan.

“Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan,” ang sabi ng Bibliya. (2 Corinto 3:17) Oo, ang espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, ay lubhang makapangyarihan. Malaon na niyang ginagamit ito upang magdala ng kalayaan sa iba’t ibang uri ng pang-aalipin. Paano? Buweno, dapat nating isaisip na maraming uri ng pang-aalipin. Natalakay na natin ang isa sa pinakamasasamang uri, kung saan inaalipin ng malakas ang mahina sa pamamagitan ng dahas at karahasan. Subalit isaalang-alang ang iba pang uri ng pang-aalipin.

Maaaring alipinin ng mga tao ang kanilang sarili sa iba’t ibang pagkasugapa na totoong lubhang mahirap matakasan. At ang mga tao ay maaaring alipinin ng mga kasinungalingan at pandaraya, anupat nalinlang sa buhay na sinusupil ng mga huwad na turo. At lubhang mapanlinlang sa lahat, nariyan ang uri ng pang-aalipin na nagpapahirap sa bawat isa sa atin​—nalalaman man natin ito o hindi​—​at ang mga epekto nito ay nakamamatay. Gayunman, dapat idiin na bagaman pinagsasama-sama natin ang ilang uri ng pang-aalipin sa pagtalakay na ito, hindi natin ito itinuturing na magkakapareho. Magkaibang-magkaiba ang mga ito. Gayunman, may mahalagang karaniwang elemento sa mga ito. Sa katapusan, titiyakin ng Diyos ng kalayaan na ang lahat ng mga uri ng pasaning ito ng pang-aalipin ay aalisin sa sangkatauhan.

Kapag Inaalipin ng Pagkasugapa

Pansinin kung paano inilalarawan ng aklat na When Luck Runs Out ang di-mapigil na pagsusugal: “Isang sakit na doon ang indibiduwal ay nauudyukan ng isang napakatindi at di-mapigil na simbuyo na magsugal. Ang simbuyo ay nagpapatuloy at tumitindi at nagpupumilit . . . hanggang, sa wakas, ito ay kumakalat, unti-unti nitong pinipinsala at kadalasa’y sinisira ang lahat ng mahalaga sa kaniyang buhay.” Walang nakaaalam kung gaano karaming tao ang napaalipin sa pagsusugal. Ang tantiya sa isa lamang bansa, ang Estados Unidos, ay halos anim na milyon.

Ang pagkasugapa sa alkohol ay maaaring maging gayundin kapanganib, kung hindi man mas mapanganib, at sa maraming lugar ay mas laganap. Sa isang malaking bansa, mga kalahati ng mga lalaking nasa hustong gulang ang dumaranas ng ilang antas ng alkoholismo. Si Ricardo, na naging alkoholiko 20 taon na ang nakalipas, ay nagpaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng uring ito ng pagkasugapa: “Mula sa paggising mo, hinahanap na ng katawan mo ang alkohol​—upang kumalma ka, makalimutan mo ang iyong mga problema, o basta magbigay sa iyo ng sapat na pagtitiwala-sa-sarili upang makayanan ang buhay. Wala ka nang iniisip kundi ang uminom ng alak, gayunman ay kinukumbinsi mo ang iyong sarili at ang iba na nasa palibot mo na normal lamang ang iyong paggawi.”

Ang alkohol ay hindi siyang tanging nakasusugapang sustansiya na umaalipin sa mga tao. Sa buong daigdig, milyun-milyong tao ang umaabuso sa ipinagbabawal na gamot. Isa pa, mga 1.1 bilyon ang gumagamit ng tabako​—na naglalaman ng isa sa lubhang nakasusugapa sa lahat ng droga. Gustong huminto ng maraming tao sa bisyo ng tabako, subalit nadarama nilang sila’y naging alipin nito. Si Jehova ba ay talagang isang mabisang Tagapagpalaya ng mga tao mula sa gayong makapangyarihang mga anyo ng pang-aalipin?a

Isaalang-alang ang halimbawa ni Ricardo. “Mga sampung taon na ang nakalipas, natanto ko na sinusupil ng alkohol ang aking buhay,” ang paliwanag ni Ricardo. “Sinisira nito ang pagsasama naming mag-asawa, ang aking trabaho, at ang aking pamilya, at batid kong hindi ko kailanman malulutas ang aking mga problema malibang makaalpas ako sa kontrol nito. Mula sa pag-aaral ng Bibliya, nalaman ko na ang karalitaan​—kapuwa sa literal at espirituwal​—ay sumasalot sa mga labis uminom. (Kawikaan 23:20, 21) Nais kong magkaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos, at ang taimtim kong paghingi ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ay tumulong sa akin na maging tapat sa aking sarili. Isang lalaki ang nagdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa akin at napatunayan na isang mahalagang kaibigan. Kapag ako’y nagbabalik sa dating gawi, hindi siya nawawalan ng pag-asa sa akin, kundi may-pagtitiyaga at may-katatagan niyang ipinakikita sa akin ang landasin na binabalangkas ng Diyos para sa tunay na mga Kristiyano.”

Nadarama ngayon ni Ricardo na siya’y napalaya na mula sa kaniyang dating pagkaalipin​—sa paano man kung ihahambing sa dati. Inaamin niya na sa simula ay dumanas siya ng paminsan-minsang pagbalik sa dating gawi. “Subalit sa kabila ng mga kabiguang iyon,” aniya, “ang hangarin kong paglingkuran si Jehova nang may katapatan, lakip na ang suporta ng aking asawa at iba pang kapuwa Kristiyano, ay tumulong sa akin na makontrol ang kalagayan. Tumatanaw ako sa hinaharap kapag ang pangako ng Diyos na ‘walang sinuman ang magsasabi, “Ako ay may sakit” ’ at ang alkoholismo ay magiging bahagi na ng nakalipas. Samantala, patuloy akong makikipagbaka araw-araw upang iharap ang aking katawan bilang ‘isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos.’ ”​—Isaias 33:24; Roma 12:1.

Sa buong daigdig libu-libong tao ang nakaranas mismo ng tulong ng Diyos habang sinisikap nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa iba’t ibang pagkasugapa. Walang alinlangan, may malaking papel sila sa kanila mismong pagkaalipin, marahil ay napadadala sa iba’t ibang panggigipit o mga tukso. Gayunpaman, nasumpungan nila na si Jehova ay isang lubhang matiising Tagapagpalaya. Handa siyang tumulong at magpalakas sa lahat na talagang nagnanais na maglingkod sa kaniya.

“Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo”

Kumusta naman ang pagkaalipin sa mga kasinungalingan at panlilinlang? Tinitiyak sa atin ni Jesu-Kristo na posible ang kalayaan mula sa gayong pagkaalipin. “Kung kayo ay nananatili sa aking salita,” sabi niya, “kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Noong panahong nagsalita siya, marami sa kaniyang mga tagapakinig ay napaalipin sa mahigpit na mga tuntunin ng tradisyon ng mga Pariseo. Sa katunayan, ganito ang sinabi ni Jesus hinggil sa mga lider ng relihiyon noong kaniyang panahon: “Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang galawin ang mga ito ng kanilang daliri.” (Mateo 23:4) Pinalaya ng mga turo ni Jesus ang mga tao mula sa gayong pagkaalipin. Inilantad niya ang relihiyosong mga kasinungalingan, ipinakikilala pa nga niya ang pinagmulan ng mga ito. (Juan 8:44) At pinalitan niya ang mga kasinungalingan ng katotohanan, anupat malinaw na isinisiwalat ang makatuwirang mga kahilingan ng Diyos sa sangkatauhan.​—Mateo 11:28-30.

Tulad ng mga alagad ni Jesus, libu-libong tao sa ngayon ang nakasusumpong na sa tulong ng Diyos ay makalalaya sila mula sa relihiyosong mga kasinungalingan at huwad na mga tradisyon na umalipin sa kanila. Pagkatapos matutuhan ang nakagiginhawang mga katotohanan sa Bibliya, nasumpungan nila ang kanilang sarili na malaya mula sa mapaniil na takot sa mga patay, malaya sa pagkasindak sa walang-hanggang pagpapahirap sa isang maapoy na impiyerno, at malaya mula sa panggigipit na magbayad ng salapi na kanilang pinagpagalang ipunin para sa mga relihiyosong paglilingkod na isinasagawa ng mga klero na nag-aangking kumakatawan kay Kristo​—na nagsabi: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Isa pa, malapit nang dumating ang mas malaking kalayaan.

Ang Pinakamapanlinlang na Pang-aalipin

Pansinin kung paano inilarawan ni Jesus ang isang mapanlinlang na anyo ng pang-aalipin, na nabanggit kanina, na nakaaapekto sa lahat ng lalaki, babae, at bata sa lupa: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan.” (Juan 8:34) Sino ang makapagsasabi na hindi siya nagkakasala? Maging si apostol Pablo ay umamin: “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ang siyang aking isinasagawa.” (Roma 7:19) Bagaman walang sinuman ang makapagpapalaya sa kaniyang sarili mula sa mga gapos ng kasalanan, may pag-asa ang ating kalagayan.

Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung palalayain kayo ng Anak, sa gayon ay talagang magiging malaya kayo.” (Juan 8:36, Today’s English Version) Ang katuparan ng pangakong ito ay tiyak na mangangahulugan ng tunay na kalayaan mula sa pinakanakapipinsala sa lahat ng anyo ng pang-aalipin. Upang maunawaan kung paano tayo makaliligtas mula rito, dapat muna nating maunawaan kung paano tayo naging alipin.

Isinisiwalat ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang tao na may kalayaang magpasiya at walang hilig na magkasala. Subalit nais ng isang mapag-imbot at di-nakikitang espiritung anak ng Diyos na magkaroon ng kapangyarihan sa sangkatauhan, anumang paghihirap ang idulot nito sa tao. Upang makamit ang tunguhing iyan, itinalikod ng mapaghimagsik na anghel na ito, na nang maglaon ay tinawag na Satanas na Diyablo, ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, mula sa Diyos. Pagkatapos na sadyang sumuway si Adan sa espesipikong mga tagubilin ng Diyos, hindi lamang siya naging isang makasalanan kundi ipinasa rin niya ang di-kasakdalan at kamatayan sa lahat ng kaniyang mga inapo. (Roma 5:12) Nang dakong huli, si Satanas ay naging ‘ang tagapamahala ng sanlibutan,’ at ang “kasalanan ay namahala bilang hari kasama ang kamatayan.”​—Juan 12:31; Roma 5:21; Apocalipsis 12:9.

Paano tayo mapalalaya? Sa pamamagitan ng pagiging mga alagad ni Jesus, makikinabang tayo mula sa sakripisyong kamatayan ni Kristo, na may kapangyarihang ‘pawiin ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo at upang mapalaya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.’ (Hebreo 2:14, 15) Gunigunihin iyan​—kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan! Hindi ba’t kalugud-lugod sa isipan ang gayong kalayaan?

Kumusta naman ang tungkol sa uri ng pang-aalipin na tinalakay natin sa pasimula? Magkakaroon pa ba ng wakas ang sapilitang pang-aalipin sa tao nang labag sa kanilang kalooban?

Isang Tiyak na Saligan ng Pag-asa

Tunay, makapagtitiwala tayo na ang gayong kasuklam-suklam na anyo ng pang-aalipin ay aalisin. Bakit? Buweno, isaalang-alang ito: Ang Diyos na Jehova ang tuwirang may pananagutan sa pinakadakilang pagmamartsa tungo sa kalayaan sa buong kasaysayan ng tao. Maaaring pamilyar ka sa rekord ng kasaysayan.

Ang bansang Israel ay naging alipin sa Ehipto, sapilitang pinagtrabaho ng mabibigat at sumailalim sa malupit na pagtrato. Humingi sila ng tulong sa Diyos, at siya, sa kaniyang dakilang awa, ay nakinig sa kanila at kumilos. Sa paggamit kina Moises at Aaron bilang kaniyang mga tagapagsalita, ipinag-utos ni Jehova na palayain ng Paraon ng Ehipto ang mga Israelita. Paulit-ulit na tumanggi ang mapagmataas na haring iyon, kahit na pagkatapos magpadala si Jehova ng sunud-sunod na mapangwasak na mga salot sa lupain. Nang dakong huli, pinangyari ng Diyos na sumuko si Paraon. Sa wakas ay napalaya ang mga Israelita!​—Exodo 12:29-32.

Isa itong kawili-wiling ulat, hindi ba? Gayunman, baka magtanong ka kung bakit hindi ginawa ng Diyos ang katulad na mga bagay sa makabagong panahon. Bakit hindi siya nakialam sa mga gawain ng tao at wakasan ang pang-aalipin? Alalahanin, hindi si Jehova ‘ang tagapamahala ng sanlibutan’​—si Satanas ang tagapamahala nito. Dahil sa mga hamon na ibinangon sa Eden noon, pinahintulutan ni Jehova ang balakyot na Kaaway na ito na mamahala sa loob ng limitadong panahon. Ang pang-aalipin, paniniil, at kalupitan ay mga palatandaan ng pamamahala ni Satanas. Sa ilalim ng gayong impluwensiya, ang kasaysayan ng pamamahala ng tao ay tunay na isang kabiguan. Maikli subalit malinaw na binubuod ng Bibliya ang rekord na iyon: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”​—Eclesiastes 8:9.

Subalit hanggang kailan? Ipinaliliwanag ng Bibliya na tayo ay nabubuhay na sa “mga huling araw,” isang panahon kapag ang kaimbutan at kasakiman ay magiging laganap. (2 Timoteo 3:1, 2) Nangangahulugan ito na malapit nang itatag ng Kaharian ng Diyos, na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin, ang isang matuwid na lipunan kung saan ipagbabawal ang pang-aalipin. (Mateo 6:9, 10) Kikilos si Jesu-Kristo, ang Haring hinirang ng Diyos, upang durugin ang lahat ng bakas ng pang-aalipin hanggang sa ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mapawi na.​—1 Corinto 15:25, 26.

Kapag sa wakas ay dumating na ang araw na iyon, makikita ng tapat na sangkatauhan na ang pagpapalaya sa bayan ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay isa lamang patiunang pagpapaaninaw ng lalong dakilang kalayaan na ito. Oo, sa kalaunan, “ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan.” Sa wakas, ang lahat ay lubusang magtatamasa ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

[Talababa]

a Noong unang siglo, ang labis na pagkain at pag-inom ay karaniwan sa malalaking piging ng mga Romano. Kaya, ang mga Kristiyano ay binabalaan laban sa pagpapahintulot sa pagkain o anumang bagay na katulad nito na umalipin sa kanila.​—Roma 6:16; 1 Corinto 6:12, 13; Tito 2:3.

[Larawan sa pahina 7]

Tinatayang anim na milyon katao ang napaalipin sa pagsusugal sa Estados Unidos pa lamang

[Mga larawan sa pahina 7]

Daan-daang milyon ang napaalipin sa droga, alkohol, at tabako

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Tulad ni Ricardo, naranasan ng libu-libo ang tulong ng Diyos upang makalaya sa pagkasugapa

[Mga larawan sa pahina 10]

Kung paanong ang mga Israelita noon ay napalaya sa pagkaalipin, malapit nang tamasahin ng mga tunay na mananamba ng Diyos ang lalong dakilang kalayaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share