Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 7/8 p. 24-27
  • Ang Pinakamahabang Tunél sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinakamahabang Tunél sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Problema ng Konstruksiyon
  • Paano Naglaan ng Bentilasyon?
  • Gaano Ito Kaligtas?
  • Paano Naiiba ang Tunél na Ito?
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Ang Pakikipagpunyagi Para sa Isang Tunél
    Gumising!—1994
  • “Mole People”
    Gumising!—1991
  • Pagtawid sa Great Belt ng Denmark
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 7/8 p. 24-27

Ang Pinakamahabang Tunél sa Daigdig

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NORWAY

KUNG nais mong makakita ng kahanga-hangang mga bundok at mga fjord (ilog na pasukan sa pagitan ng mga dalisdis), pumunta ka sa kanlurang Norway! Hahanga ka nang husto! Bukod pa riyan, ang makikitid at paliku-likong daan at maraming tunél ay nagpapatunay sa pagkamalikhain ng tao. Kamakailan, isang bagong tunél ang natapos​—isang tagumpay ng inhinyeriya na nakahihigit sa anumang kagaya nito. Ito ang Laerdal Tunnel, ang pinakamahabang tunél sa daigdig​—isang haywey na 24.5 kilometro ang haba, na binutas sa solidong bato! Gunigunihin ang pagmamaneho papasok sa tunél, na batid mong pagkaraan lamang ng ilang minuto, mayroong mahigit 1,000 metro ng bundok sa itaas mo!

Bakit kinailangan ang gayon kahabang tunél? Mahalagang bahagi ito ng pangunahing kawing na nag-uugnay sa dalawang pinakamalalaking lunsod sa Norway, ang Oslo (ang kabisera, sa silangan) at Bergen (sa kanlurang baybayin). Mahirap magmaneho sa ibang mga daan sa bundok sa pagitan ng mga lunsod na ito sa panahon ng taglamig dahil sa niyebe at hangin. Kaya, isang bagong ruta, isa na maaasahan sa masamang panahon, ang lubhang kinakailangan. Noong 1992, ipinasiya ng parlamento ng Norway na isama sa bagong haywey ang isang tunél sa pagitan ng maliliit na pamayanan ng Aurland at Laerdal. Pagkaraan ng limang taon ng konstruksiyon, ang tunél ay opisyal na binuksan noong Nobyembre 2000. Paano natapos ang kahanga-hangang gawang ito ng inhinyeriya? Gaano kaligtas ang tunél? Ano ang pakiramdam ng pagmamaneho sa loob nito? Ating alamin.

Ang mga Problema ng Konstruksiyon

Pinagdugtong ng tunél ang Laerdal at Aurland, subalit ang mga manggagawa ay aktuwal na nagsimula sa tatlong lugar nang magkakasabay. Tig-isang pangkat ang nagsimula sa magkabilang dulo, at pinasimulan naman ng ikatlong pangkat ang tunél para sa bentilasyon na 2 kilometro ang haba, na aabot sa pangunahing tunél na 6.5 kilometro ang layo mula sa pasukan ng Laerdal. Paano pagtutugmain ng tatlong pangkat ang pagbubutas upang matiyak na magtatagpo sila sa loob ng bundok? Upang matiyak ang eksaktong lugar na pagsisimulan ng bawat pangkat, ginamit ang mga satellite navigation system, at ang direksiyon ng pagbubutas ay giniyahan ng mga laser beam. Kontrolado ng mga laser beam na ito ang kilos ng mga makinang pambutas upang matiyak na ang mga butas para sa mga pampasabog ay maipuwesto nang tama.

Para sa bawat pagpapasabog, mga 100 butas ang ginawa, bawat isa ay 5.2 metro ang lalim. Ang mga butas na ito ay pinunô ng mga 500 kilo ng mga pampasabog, na ang resulta ay mga 500 metro kubiko ng durog na bato. Saka naman hahakutin ng trak palabas ang nadurog na mga batong ito. Bago magsimulang muli ang pagbubutas, ang mga dingding at bubong ng tunél ay kailangang patibayin. Ginamit ang mahahabang turnilyong asero, at ang ibabaw ay binugahan ng kongkretong fiber-reinforced, na kilala bilang shotcrete. Ang bawat pangkat ay umabante nang mga 60 hanggang 70 metro linggu-linggo. Noong Setyembre 1999, nabutas ang huling bahagi ng bato nang ang dalawang pangkat na gumagawa sa pangunahing tunél ay magtagpo, na lumihis lamang nang mga 50 sentimetro! Pagkaraan ng labing-apat na buwan, ang tunél ay binuksan alinsunod sa iskedyul. Sa ngayon, ang halaga nito ay umabot nang $120 milyon.

Paano Naglaan ng Bentilasyon?

Ang pagtiyak sa daloy ng sariwang hangin ay laging naghaharap ng problema sa mga inhinyero sa tunél. Yamang nangangailangan ng humigit-kumulang 20 minuto ng pagmamaneho sa Laerdal Tunnel, lalo nang mahalaga na ang hanging malalanghap ay malinis. Paano ito nagawa?

Ang 2 kilometrong tunél para sa bentilasyon, na 6.5 kilometro mula sa pasukan ng Laerdal, ay umaabot hanggang sa isang kalapit na libis at nagsisilbing tsiminea, o labasan. Lumalagos sa tunél ang sariwang hangin mula sa magkabilang dulo, at ang maruming hangin ay lumalabas sa tunél para sa bentilasyon. Dalawang malalakas na bentilador ang ikinabit sa tunél para sa bentilasyon​—na may pinagsamang sukdulang kapasidad na 1.7 milyong metro kubiko sa isang oras​—na magagamit upang dagdagan ang daloy ng hangin kapag lubhang marumi ang hangin. Ang sistemang ito ay nagtutustos ng sapat na sariwang hangin sa panig ng tunél sa Laerdal; gayunman, may dapat pang gawin sa panig ng Aurland, na mas mahaba. Kaya, 32 mas maliliit na bentilador, mga bentilador na malakas bumuga ng hangin, ang ikinabit sa bubong ng tunél upang palakasin ang daloy ng hangin patungo sa bentilasyon para sa tunél. Gayunman, habang dumadaloy ang hangin sa mahabang distansiya mula sa panig ng Aurland tungo sa pasukan ng bentilasyon para sa tunél, parumi ito nang parumi. Paano lulutasin ang problemang ito?

Ang solusyon ay magtayo ng isang planta na maglilinis sa hangin na 100 metro ang haba na kahilera ng tunél, mga 9.5 kilometro mula sa bungad ng Aurland. Sa magkabilang dulo, ang tunél na ito ay konektado sa pangunahing tunél. Ang hangin sa pangunahing tunél ay inililihis sa kahilerang tunél na ito, kung saan hanggang 90 porsiyento ng alikabok at nitrogen dioxide ang inaalis.

Sa pamamagitan ng sistemang ito ng bentilasyon at proseso ng paglilinis, napangangasiwaang mabuti ng Laerdal Tunnel ang hanggang 400 kotse sa isang oras. Sinusubaybayan ng mga sensor sa loob ng tunél ang kalidad ng hangin at kinokontrol ang epekto ng sistema ng bentilasyon. Kung lubhang tumaas ang antas ng polusyon, ipasasara ang tunél upang hindi daanan ng mga sasakyan, subalit hindi pa naman ito kinailangang gawin.

Gaano Ito Kaligtas?

Ang ilang tao ay nangangambang magmaneho sa tunél. Ang bagay na ito pati na ang malulubhang aksidente at sunog kamakailan sa ilang tunél sa Europa ay nagpangyaring gawing priyoridad ang kaligtasan sa Laerdal Tunnel. Ano ba ang nagawa na upang gawing ligtas ang tunél?

Laging sinusubaybayan ng isang control center sa Laerdal ang iba’t ibang sistema ng seguridad sa tunél, at kung nanganganib ang kaligtasan, ang tunél ay ipinasasara. Maraming pag-iingat ang ginagawa upang mapabilis ang pagsara at paglikas mula sa tunél. Gayundin, naglagay ng mga teleponong pangkagipitan sa bawat 250 metro, at dalawang pamatay ng apoy sa bawat 125 metro. Awtomatik na itinatala ng control center ang kinaroroonan ng anumang pamatay ng apoy na inalis sa lugar nito. Kapag inalis ang isa nito, ang pulang mga ilaw sa trapiko ay nagbababala sa mga drayber na huwag pumasok sa tunél, at tinatagubilinan ng mga babala at ilaw sa loob ng tunél ang mga drayber na lumabas ng tunél patungo sa direksiyon na ligtas at malayo sa panganib. Maaaring iliko ng mga drayber ang kanilang mga sasakyan sapagkat may mga likuan para sa mga kotse sa bawat 500 metro at 15 lokasyon kung saan makaliliko ang mas malalaking sasakyan. Ang tunél ay nasasangkapan din ng isang radio antenna system na nagpapangyaring mabigyan ng impormasyon ang drayber sa pamamagitan ng kanilang radyo sa kotse. Sinusubaybayan ng sistema ng pagbilang at pagkuha ng litrato ang lahat ng sasakyang nagdaraan sa loob at labas ng tunél. Itinuturing ito ng mga awtoridad sa daan na napakaligtas dahil sa kakaunti ang mga kotseng nagdaraan sa tunél.

Paano Naiiba ang Tunél na Ito?

Ano ang katulad ng pagmamaneho sa tunél? Ang isang mahalagang layon ng mga inhinyero ay gawing kasiya-siyang karanasan ang pagmamaneho sa tunél upang madama ng mga drayber na sila ay ligtas at makapagmamaneho rin nang ligtas. Upang maisagawa ito, ang loob ng tunél ay dinisenyo sa tulong ng, kabilang sa iba pang bagay, mga sikologo sa trapiko sa isang institusyon sa pananaliksik at propesyonal na mga tagapagdisenyo ng ilaw, gayundin ng isang driving simulator.

Ang resulta? Buweno, ang tunél ay hindi tuwid. Ang bahagyang mga kurbada ay tumutulong sa mga drayber na huwag antukin, gayunman nakikita nila ang nasa unahan na mga 1,000 metro ang layo. Ginagawa ring madali ng mga kurbada na matiyak ang distansiya ng paparating na sasakyan. May tatlong malalaking tulad-kuwebang mga silid sa bundok upang huwag maging nakababagot ang paglalakbay. Lumilikha ito ng ilusyon na pagmamaneho sa apat na mas maiikling tunél sa halip na sa isang mahabang tunél. Ang pantanging ilaw sa mga silid na ito, na may dilaw o berdeng ilaw sa sahig at asul na ilaw sa itaas, ay nagbibigay ng ilusyon ng pumapasok na liwanag kung araw at pagsikat ng araw. Ang epekto ng pantanging mga ilaw na ito pati na ang sapat na liwanag sa kahabaan ng tunél ay nagpapangyaring maging komportable at ligtas ang mga drayber.

Maaari na ngayong masiyahan ang mga manlalakbay sa pambihirang karanasan ng pagdaan sa pinakamahabang tunél sa daigdig. Ang kamangha-manghang gawa na ito ng makabagong inhinyeriya ay nagbunga ng isang maaasahang kawing sa pagitan ng silangan at kanluran ng Norway. Isa itong matibay na ebidensiya ng kung ano ang magagawa ng tao kapag ginagamit niya ang kaniyang kasanayan at pagkamalikhain sa kapaki-pakinabang na paraan.

[Dayagram/Larawan sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ruta ng tunél

Laerdal ← → Aurland

[Dayagram/Mapa sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang Laerdal Tunnel

Mga haywey

↑ Patungong Laerdal

→ E16 patungong Oslo

* Ang kinaroroonan ng mga bentilador na malakas bumuga ng hangin

Direksiyon ng daloy ng hangin

↓

silid sa bundok

↓

Istasyon ng bentilador → tunél para sa bentilasyon

↑

*

↑

silid sa bundok

↑

*

air-treatment plant

↑

*

silid sa bundok

*

↑

*

↑

Direksiyon ng daloy ng hangin

Aurland

↓ E16 patungong Bergen

1 milya

1 kilometro

[Credit Line]

Statens vegvesen, Sogn og Fjordane

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

NORWAY

Laerdal Tunnel

Bergen E16 OSLO

[Larawan sa pahina 25]

Pasukan sa Laerdal

[Larawan sa pahina 25]

Guhit na larawan ng air-treatment plant

[Larawan sa pahina 25]

Cross section ng tunél, na ipinakikita ang mga turnilyong asero na nakakabit sa mga dingding at bubong

[Larawan sa pahina 26]

Ang tunél ay may mga 100 teleponong pangkagipitan at halos 400 pamatay ng apoy

[Larawan sa pahina 26]

May tatlong silid sa bundok na may pantanging mga epekto ng ilaw

[Picture Credit Lines sa pahina 24]

Aerial view: Foto: Leiv Bergum; air treatment plant: ViaNova A/S; lahat ng larawan sa pahina 24-6: Statens vegvesen, Sogn og Fjordane

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share