Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 2/8 p. 24-27
  • Pagtawid sa Great Belt ng Denmark

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagtawid sa Great Belt ng Denmark
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtawid sa Great Belt
  • Sakit ng Ulo ng mga Tagaplano
  • Ang Western Bridge
  • Ang Dobleng Tunel
  • Mga Suliraning Nakaharap
  • Ang Nakabiting Tulay
  • Ang Pagbubukas
  • Kung Ano ang Epekto ng Link
  • Mga Tulay—Paano Na Kaya Tayo Kung Wala ang mga Ito?
    Gumising!—1998
  • Ang Golden Gate Bridge—50 Taóng Gulang
    Gumising!—1987
  • Isang Tulay na Isinunod sa Pangalan ni Vasco Da Gama
    Gumising!—1998
  • Tinulayan ng Hapón ang mga Dagat Nito
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 2/8 p. 24-27

Pagtawid sa Great Belt ng Denmark

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA DENMARK

KUNG titingnan ang mapa ng Denmark, madali nating mauunawaan kung bakit ang mga Danes ay matagal nang mga mandaragat at tagapagtayo ng mga tulay. Ang Denmark ay binubuo ng 483 isla at isang peninsula na tumatagos hanggang sa dagat mula sa kontinente ng Europa. Kaya laging kailangang tumawid sa tubig kapag naglalakbay sa palibot ng Denmark.

Alam ng mga ninunong Viking ng mga Danes kung paano gumawa ng matitibay na barko. At waring sa paglipas ng panahon, bawat munting nayon sa baybayin ng Denmark ay nagkaroon ng mga bangkang pantawid patungo sa ibang bayan sa kalapit na isla.

Pagtawid sa Great Belt

Subalit ang paglalakbay sakay ng barko ay lagi nang isang mapanganib na gawain. Totoo ito kung tungkol sa pagtawid sa malawak na dagat na naghihiwalay sa dalawang pinakamalalaking isla ng Denmark, ang Sjælland at Fyn. Ang kahabaang ito ng tubig, ang Store Strait, ay parang isang malapad na sinturon ng tubig mula hilaga hanggang timog; kaya naman ito’y malimit na tawaging Great Belt.

Upang maglakbay sa pagitan ng gawing kanluran ng Denmark at Sjælland, kung saan naroroon ang kabisera ng bansa na Copenhagen, kailangan mong tawirin ang Great Belt. Noong unang panahon, maaari itong mangahulugan ng paggugol ng mga araw sa paghihintay na magbago ang direksiyon ng hangin, humupa ang bagyo, o matunaw ang yelo. Maaaring matagal at mapanganib ang pagtawid. Noong ika-16 na siglo, dahil sa yelo, isang grupo ng mga maharlika ang nabalam ng isang linggo sa munting isla ng Sprogø, sa kalagitnaan ng dalawang baybayin.

Hindi nakapagtataka, kung gayon, na ang ideya ng isang tulay sa dakong ito ay matagal nang inasam ng mga Danes. Ngunit maaari bang masaklaw ng anumang maitatayo ng mga tao ang katubigan na kasinlawak ng Great Belt? Iyon ay dapat na hindi kukulangin sa 18 kilometro ang haba, pati na ang bahaging itinayo sa Sprogø. Lalampas pa iyon sa maaabot ng tanaw sa isang normal na lagay ng panahon​—at patawid sa laot ng dagat. Kung ihahambing, ang Golden Gate Bridge sa San Francisco ay wala pang tatlong kilometro.

Sakit ng Ulo ng mga Tagaplano

Ang totoo, sinimulang pagtalunan ng Parlamento ng Denmark ang paksa tungkol sa isang tulay noong ika-19 na siglo. Sa paglakad ng mga taon, ang mga tagaplano ay nagtuon ng pansin sa mga tanong na gaya nito: Gusto ba natin ng isang tulay o ng isang tunel? Ang tulay ba ay dapat na para sa mga tren, kotse, o pareho? Anong problema kung gagamit na lamang ng mga bangkang pantawid?

Libu-libong kalkulasyon ang ginawa, at milyun-milyong salita ang binigkas. Ang ekspresyong “Great Belt debate” ay naging singkahulugan na ng walang-katapusang pagtatalo sa Denmark. Ngunit sa wakas, noong 1987, nagkaroon ng kasunduan. Ang tulay, na mag-uugnay sa dalawang malaking isla sa pinakamalapit na mga dulo ng mga ito, ay para sa mga tren at mga kotse. Ang proyekto ay bubuuin ng dalawang tulay at isang tunel​—isang kombinasyong 18 kilometro ang haba​—na magkasamang tatawaging ang Great Belt Link.

Ang Western Bridge

Mula sa isla ng Fyn​—kung saan isinilang ang Danes na kuwentistang si Hans Christian Andersen​—isang kombinasyon ng riles ng tren at tulay para sa kotse na yari sa matibay na kongkreto ang siyang unang bahagi ng proyekto. Natapos noong Enero 1994, ito ang bumubuo sa kalahati ng link sa gawing kanluran. Ito na ngayon ang pinakamahabang tulay na pinagsamang riles at daan sa Europa. Labingwalong metro ang taas nito mula sa dagat, at may habang anim na kilometro pasilangan mula sa Fyn hanggang Sprogø.

Ang Western Bridge na ito, na sinusuhayan ng mga kongkretong haligi sa dagat, ay binubuo ng maraming magkakahiwalay na bahagi ng daan, na ang karamihan dito ay may habang 110 metro. Ang mga kongkretong bahaging ito ay ibinuhos at tinapos sa dalampasigan. Ngunit paano dinala sa dagat ang bawat bahagi upang ikabit sa naunang bahagi? Upang magawa iyan, ginamit ang isa sa pinakamalaking lumulutang na crane sa daigdig. Ang napakalaking pambuhat na kasangkapang ito ay mahigit sa 90 metro ang haba at nakabubuhat ng isang kargada na may bigat na 7,100 tonelada at madadala iyon sa dagat. Iyan ay mas mabigat pa sa isang malaking bangkang pantawid na may sakay na 1,000 kotse!

Subalit hindi sapat ang pagtatayo ng isang dalawahang-linyang riles ng tren at isang haywey na may apat na linya patungo sa munting isla ng parola sa Sprogø. Mula roon, kailangan itong ikawing sa dalawang bahagi pa ng proyekto. Sa dulo ng Western Bridge, humihiwalay ang haywey mula sa riles ng tren at nagpapatuloy pasilangan sa isa pang tulay. Subalit ang riles ng tren ay lumulusong patungo sa isang dobleng tunel at tinatapos ang paglalakbay nito sa ilalim ng dagat.

Ang Dobleng Tunel

Ang tunel, na siyang ikalawang bahagi ng proyekto, ay isang malaking tagumpay sa ganang sarili. Dalawahang tubo, na 8 metro ang diyametro ng bawat isa, ang ginawa para sa mga tren. Ang mga tubo ay ibinaon sa 7.4 na kilometro ng putik, bato, at mga deposito ng dagat. At hindi detalyadong natiyak ng mga nagtayo ng tunel ang uri ng lupang ito sa ilalim bago sila nagsimulang humukay.

Ang tunel ay nasa pagitan ng 10 at 40 metro sa ilalim ng sahig ng dagat, depende sa kalupaan ng ilalim ng dagat​—ang pinakamalalim na bahagi ay 75 metro mula sa ibabaw ng tubig. Humigit-kumulang 200 metro ang haba bawat isa ng mga makinang ginamit sa paghukay ng tunel, pati na ang suportang mga tren. Sa natapos na mga tubo ay nakahanay ang 60,000 kurbadong mga piraso ng semento, na bawat isa’y may bigat na halos walong tonelada.

Sa sabayang pagpapasimula ng tunel mula sa magkabilang dulo, buong-kahusayang nagtagumpay ang mga nagtayo na magtagpo sa kalagitnaan na ang lihis ay wala pang apat na centimetro. Iyon ay isang pantanging okasyon na matagal nang hinihintay nang opisyal na pinagkabit ni Prinsipe Joachim ng Denmark, noong Oktubre 15, 1994, ang dalawang kalahatian ng tunel sa pamamagitan ng pagtuntong mula sa isang makinang pambutas tungo sa isa pa. Mula Sprogø sa kalagitnaan ng Great Belt, ang dalawang nakumpletong tunel ay umaabot na ngayon sa gawing silangan sa baybayin ng Sjælland. Mula noong kalagitnaan ng 1997, regular na bumibiyahe ang mabibilis na tren patawid sa Great Belt.

Mga Suliraning Nakaharap

Mahaba na ang nahuhukay para sa dobleng tunel sa ilalim ng sahig ng dagat nang biglang-biglang magkatotoo ang kinatatakutan ng lahat ng manggagawa sa tunel​—nagsimulang tumaas ang tubig papasok sa mga tubo. Ligtas namang nakalabas ang mga tauhan sa tunel, bagaman muntik na silang hindi makatakas. Gayunman, ang dalawang butas ng tunel ay napuno ng tubig, at maraming kasangkapan ang nasira. Ano ba ang nangyari? Naengkuwentro ng mga makinang pambutas ang isang di-inaasahang deposito ng tubig sa sahig ng dagat. Natural lamang na naantala ang buong proyekto dahil sa ganitong nakapanghihina-ng-loob na karanasan, at kinailangang gumawa ng mga bagong pamamaraan upang malusutan ang problema.

Pagkatapos, isang araw, nagkaroon ng sunog, at ang isa sa mga tubo ay agad na napuno ng usok. Gaya ng pagkasabi ng isang kapatas, “gayon na lamang kakapal ang usok anupat hindi na makita ni Pinocchio ang kaniyang ilong.” Iniwan ang dakong iyon, pinatay ang sunog, at nahinto ang trabaho hanggang sa mabatid ang sanhi​—nagliyab ang hydraulic oil. Ito at ang iba pang problema ay paulit-ulit na nakaantala sa buong proyekto.

Ang Nakabiting Tulay

Ang ikatlo at ikinararangal na bahagi ng Great Belt Link ay ang magandang 6.8-kilometrong nakabiting tulay para sa mga sasakyan. Kalakip sa tulay ang isang walang-suhay na daan na may distansiyang mahigit sa isa at kalahating kilometro, kung kaya ito ay isa sa pinakamahahabang nakabiting tulay sa daigdig. Ang daanan sa bahaging ito ng Great Belt Link sa gawing silangan ay nakabitin sa taas na 67 metro mula sa ibabaw ng dagat. Kailangan ang gayong taas sapagkat ang Great Belt, isa sa pinakaabalang daang-tubig sa daigdig, ay kailangang panatilihing bukas para sa mga sasakyang pangkaragatan.

Ang dalawang dambuhalang tore sa tulay, o mga pylon, na halos 254 kilometro ang taas ng bawat isa, ang siya ngayong pinakamatataas na istraktura sa Denmark. Kung ihahambing, ang Statue of Liberty sa New York Harbor ay may taas na 151 talampakan, hindi kasali ang pundasyon nito. Natural lamang, kailangan ng malalaking toreng ito sa dagat ang isang matibay na pundasyon. Upang ilaan ito, ang sahig ng dagat ay buong-ingat na pinatag at tinambakan ng isang batong “kutson” na nagsisilbing patungan ng mga caisson, malalaking kongkretong kahon na kinatatayuan ng mga tore. Bawat caisson ay may sukat na 78 metro ang haba, 35 metro ang lapad, at 19 na metro ang taas at tumitimbang ng 35,000 tonelada.

Para maitayo ang mga pylon, gumamit ng isang pantanging nakikilos na andamyo. Baha-bahagi ang pagbuhos ng semento​—4 na metro pataas sa bawat pagkakataon. Kapag natapos ang isang bahagi, itinataas ang andamyo, at 14 pang metro ang idinaragdag sa ibabaw. Gumugol ng 58 baytang paitaas upang matapos ang bawat tore.

Isang kawili-wiling bahagi sa pagtatayo ng nakabiting tulay ang pagpilipit ng matitibay na kable na ginamit bilang suhay. Ang mga kableng ito ay buong-ingat na pinagsamang talaksan ng 169 na mas maliliit na kable, na bawat isa naman ay binubuo ng 127 alambreng bakal, na ang diyametro ng bawat isa’y dalawang ikasampung bahagi ng isang pulgada. Paano naitaas ang gayong mabibigat na talaksan? Hindi sila itinaas! Sa halip, ang mga ito’y pinagkabit-kabit doon mismo. Bawat alambre ay ikinabit sa isang pantanging trolley na humihila roon paakyat sa taluktok ng tore, pababa sa kabilang panig, pagkatapos ay paakyat sa kabilang tore, at sa wakas ay pababa sa pundasyon. Bawat biyahe ay bahagyang nagpapakapal sa kable. Pagkatapos ng isang taon at mga 20,000 ng gayong mga biyaheng parang roller coaster, sa wakas ay nakumpleto ang kable.

Ang Pagbubukas

Sa wakas, noong Hunyo 1998, lahat ng bahagi ng link ay handa na para sa opisyal na pagbubukas. Ang Great Belt Link ay isang pakikipagsapalaran at magastos na proyekto para sa isang maliit na bansa, at wiling-wili ang mga Danes sa pagsubaybay sa pagtatayo nito. Dahil dito, ang pagbubukas ay isinaplano bilang isang kapistahan para sa lahat ng ibig makibahagi rito.

Bago ipagamit ang mga tulay sa trapiko, ang mga taong naglalakad at mga siklista ay nagkaroon ng di-na-mauulit-pang pagkakataon na tumawid sa mga ito. Isang maaliwalas na araw ng Hunyo, mahigit sa 250,000 katao, kasali na ang mga taong naglalakad, mga skateboarder, roller skater, at siklista, ang humugos sa makulay na ‘opening village’ ng mga tindahan ng hot dog, mga banda ng musiko, at mga tindahan ng mga subenir at nagtungo sa mga tulay upang masiyahan sa nakagiginhawang tanawin sa dagat at baybayin.

Sa panahon ng mga kasayahan, sinabi ng reyna ng Denmark sa isang talumpati na ang terminong “tagapagtayo ng tulay” ay isa sa pinakamagagandang pananalita na maaaring gamitin tungkol sa sinumang tao. Ang mabibilis na eroplanong nakahanay sa paglipad ay tumawid sa ibabaw ng tulay. Ang bagong komposisyon na “Bridge Cantata” ay tinugtog. Kasali rito ang isang saludo ng pamamaalam mula sa isa sa mga lumang bangkang pantawid. Bilang bahagi ng musika, nang itutok ng konduktor ang kaniyang baton sa isang kamera ng TV, isang naghihintay na bangkang pantawid na isang kilometro ang layo ang tumanggap ng hudyat at nagpatunog nang ubod-lakas sa busina nito upang marinig ng lahat.

Sa gabi pagkatapos ng pagbubukas, ang mga bangkang pantawid na hindi na ngayon kailangan ay nagtipon sa ilalim ng nakabiting tulay at nagpatunog ng kanilang mga busina upang ipanaghoy ang bagay na ang mga ito’y malapit nang maglaho.

Kung Ano ang Epekto ng Link

Ngayong tapos na ang pagsisikap ng libu-libong tagaplano at manggagawa, ano ang resulta? Tiyak, nagkaroon na naman ang Denmark ng isang pang-akit sa mga bisita, yamang ang mga tulay ay tunay na isang magandang tanawin mula sa lupa o mula sa dagat. Habang sakay ng kotse, isang pambihirang karanasan ang magmaneho patawid sa isang tulay na totoong malaki anupat ang dalawang dulo ay kadalasang hindi na matanaw! At, siyempre, talagang mabilis ngayon ang pagtawid. Samantalang inaabot ng mahigit na isang oras sakay ng bangka, pitong minuto na lamang ngayon ang pagtawid ng isang tren!

Binabago na ng link ang ilang bagay sa mga mamamayan. Mas marami nang Danes ang dumadalaw sa mga kaibigan, nagnenegosyo, o naghahanap ng libangan sa kabilang dagat. Naapektuhan na ang urbanisasyon at pag-unlad ng negosyo dahil posible na ngayong magtrabaho sa isang panig ng belt at manirahan naman sa kabilang panig. At mas mabilis ang paghahatid ng mga kalakal sa bansa.

Ngunit isang bagay rin ang naglaho. Ang mga bangkang tumatawid sa katubigang ito ay kumatawan sa isang tradisyon sa loob ng mga siglo, at medyo naiibigan ng mga manlalakbay ang pahinga na idinulot sa kanila ng pagsakay sa bangka. “Hahanap-hanapin ko ang mga bangkang pantawid,” ang malungkot na sinabi ng isang negosyante. “Kawili-wili ang tubig at ang malalaking bangka. Gustung-gusto ko ang hihip ng hangin sa ibabaw ng kubyerta.” Gayunpaman, walang alinlangan na ang bagong link ay lalong maglalapit sa iba’t ibang bahagi ng kaharian ng isla ng Denmark at magpapaalwan sa pagpaparoo’t parito sa hilagang Europa.

[Mga mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DENMARK

FYN

SJÆLLAND

FYN

WESTERN BRIDGE

SPROGØ

TUNEL

NAKABITING TULAY

SJÆLLAND

RILES NG TREN

DAANAN NG MGA SASAKYAN

[Larawan sa pahina 26]

Ang gabi ng pagbubukas para sa natapos na nakabiting tulay

[Credit Line]

Nordfoto, Liselotte Sabroe

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share