Tinulayan ng Hapón ang mga Dagat Nito
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
ANG pagtawid sa Seto Inland Sea ng Hapón sa pamamagitan ng bangkang pantawid ay karaniwang kumukuha ng isang oras. Subalit noong Abril 10 ng nakaraang taon, ang Tulay ng Seto Ohashi ay nabuksan, ikinakabit ang dalawang malaking isla ng Hapón, ang Honshu at Shikoku. Ang pagmamaneho sa Inland Sea ngayon ay kumukuha lamang ng wala pang sampung minuto.
Gayunman, ang kaginhawahang ito ay magastos. Ang bayad sa tol ay 5,500 yen (halos $45) sa bawat pagdaan. Subalit maliit iyan kung ihahambing sa kabuuang halaga: 1,130 bilyon yen (8.7 bilyong dolyar) at 17 buhay. At, ang paggawa nito ay kumuha ng sampung taon, o siyam na milyong araw, ng paggawa. Tiyak na may mabuting mga dahilan para sa gayon kagastos na kahanga-hangang gawa.
Sa isang bagay, ang transportasyon sa pagitan ng dalawang isla ay hindi na iniaasa sa awa ng di-mahulaang panahon. Noong 1955 isang bangkang pantawid ang lumubog, at 168 buhay ang nasawi. Higit pa riyan, ang tulay ay ipinalalagay na magpapaunlad sa kabuhayan ng pagsasaka sa Isla ng Shikoku ngayong ito’y naidugtong na sa Honshu, ang pangunahing isla ng Hapón. Sa halagang 380 yen (halos $3) ang bawat tao, ang tren ay tiyak na isang matipid na paraan ng pagtawid.
Bagaman tinutukoy na isang tulay, ito sa katunayan ay isang 9.4 kilometrong serye ng mga tulay at nakataas na mga haywey doon sa limang isla sa ibayo ng Seto Inland Sea. Ito ay binubuo ng tatlong suspension bridge, dalawang cable-stayed bridge, isang truss bridge, at mga viaducto na nagkakabit sa mga ito. Ang isa sa mga suspension bridge, ang Minami Bisan-Seto Ohashi, ang pinakamahabang double-decked suspension bridge sa daigdig na dinaraanan kapuwa ng tren at mga sasakyan.
Si Mr. Tetsuo Yamane ng Honshu-Shikoku Bridge Authority sa Tokyo ay nagbigay ng ilang kawili-wiling kabatiran tungkol sa konstruksiyon. Siya ay nagtrabaho sa proyekto ng tulay sa loob ng 13 taon at siya ang tagapangasiwa sa konstruksiyon para sa pundasyon ng tulay.
“Ang pinakamahirap sa lahat,” sabi ni Mr. Yamane, “ay ang paglalagay ng mga pundasyon sa ilalim ng dagat. Sa pamamagitan ng pagpapasabog sa ilalim ng dagat ay binasag namin ang bato sa ilalim ng dagat at hinukay ang pinakasapin ng dagat sa pamamagitan ng isang grab dredger. Pagkatapos, mga caisson (mga kahon na hindi pinapasok ng tubig na gamit sa gawaing konstruksiyon sa ilalim ng tubig), o mga frame form, na kasinlaki ng sampung-palapag na mga gusali ang ginawa sa gawaan ng barko, hinila sa dako ng konstruksiyon, at inilubog sa dagat. Nilagyan namin ng bato ang mga caisson at binuhusan ito ng argamasa, ginagamit ang bagong gawang lantsa de diskarga na planta-ng-argamasa na tinatawag na Century.”
Ang mga manggagawa ay kailangang magtrabaho sa ilalim ng pinakamasamang kalagayan. “Ang mga pundasyon ay inilagay na malalim sa ilalim ng dagat, mga 50 metro ang lalim,” patuloy ni Mr. Yamane. “Karagdagan pa riyan, napakalakas ng tubig sa paligid ng dako ng konstruksiyon, may bilis na limang knots. Ito ay katumbas ng pagtatrabaho sa 250 kilometro-por-ora na hangin. Ang mga paghukay at ang nakalubog na mga caisson ay kailangang inspeksiyunin samantalang tahimik ang tubig. Subalit wala ka halos makita sa tubig. Mga 10 o 20 metro sa ilalim ng tubig, talagang wala kang makikita. Nang dalhin ang mga ilaw sa ilalim ng tubig upang ilawan ang mga dakong kinakailangang inspeksiyunin, kumuha kami ng mga larawan at video mula sa layo na 50 centimetro.”
Yamang ang tulay ay nasa Seto-Inland Sea National Park, ang panlahat ng pagkakatugma ng tulay pati na ang tanawin sa paligid ay kailangang isaalang-alang. Ang disenyo ng “buong tanawin ay isang halamanang Haponés na may nakaayos na mga tuntungang-bato,” sabi ni Propesor Toshiaki Ohta, na siyang nagdisenyo ng tulay.
Isa pang uri ng pagkakatugma ang nagawa. Noong nakaraang Marso ang Tunel Seikan sa ilalim ng tubig ay binuksan, ikinakabit ang Hokkaido, ang pinakahilagang isla ng Hapón, sa Honshu. Ngayon, sa pagbubukas ng Seto Ohashi Bridge, ang huling kawing na nagdurugtong sa apat na pangunahing mga isla ng Hapón, ang Hokkaido, Honshu, Shikoku, at Kyushu, ay nagawa na. Sa gayon natupad din ang malaon nang pangarap ng mga Haponés.