Pagmamasid sa Daigdig
“Mga Kendi” Para sa mga Ibon
‘Isang halaman sa Brazil ang gumagamit hanggang sa ngayon ng di-kilalang pamamaraan upang mapabilis ang polinisasyon nito,’ ang ulat ng magasing Aleman na GEO. Sa halip na maiinom na likidong nektar, iniaalok ng Combretum lanceolatum sa mga bisita nito ang “mga kendi.” Sa loob ng magdamag, naglalabas ang mga bulaklak ng palumpong na ito ng matamis na jelly na parang perdigones na naging matigas na limpak at humigit-kumulang anim na milimetro ang diyametro. Pinatatamis ng glucose at fructose ang gel, na ayon sa mga mananaliksik ang lasa ay “nakakatulad ng mga jelly baby,” isang komersiyal na kendi. Ipinaliliwanag ng ulat na “kapag ibinukadkad ng mga bulaklak ang mga dahon nito sa pagsikat ng araw, ang kumikinang at malinaw na mga kendi ay nakahanda na para bang nasa isang bandeha.” Ang matamis na jelly na ito ng bulaklak ay umaakit sa humigit-kumulang “28 uri ng mga ibon mula sa walong pamilya ng mga ibon.” Habang naghahanap ng pagkain sa iba’t ibang palumpong, ang mga ibon ay napupuno ng polen, sa gayo’y napabibilis ang pagdami ng halaman.
Maliligayang Batang Italyano
“Ang batang Italyano ang pinakamaligayang bata sa Europa,” ang sabi ng pahayagan sa Roma na La Repubblica sa isang pag-uulat hinggil sa pagsusuri ng Italian National Center for Documentation and Analysis of Childhood and Adolescence. Natuklasan ng mga mananaliksik na 96 na porsiyento ng mga batang Italyano ay lumalaki sa mga tahanang may dalawang magulang, na mas mataas na porsiyento kaysa sa ibang mga bansa sa Europa, kung saan higit na pangkaraniwan ang paghihiwalay at pagdidiborsiyo. Isa pa, mahigit sa kalahati ang mayroon ding mga lolo’t lola na kapisan sa iisang bahay o kalapit lamang. Sa gayon, nakikita ng “8 mula sa 10” lolo’t lola ang kanilang mga apo “nang mahigit sa isang beses sa loob ng isang linggo.” Sinasabi ng ulat na ito ay nakatutulong sa pagkakaroon ng isang bata ng “malapit na kaugnayan” at nakababawas sa kalungkutan. Sinabi ng sikologo na si Alessandra Graziottin: “Ang kaligayahan ng isang bata, tulad ng isang adulto, ay nagmumula sa pagkadama na sila’y iniibig, hindi mula sa kayamanan o may tatak na mga damit.”
Mabuting Pagsakay sa Eroplano
Para sa higit na kaayaayang pagsakay sa eroplano, iminumungkahi ng pahayagang El Universal sa Mexico City ang mga sumusunod: (1) Dahil maaaring maging napakatuyo ng hangin sa eroplano, uminom ng maraming likido. (2) Makasasakit sa mga mata ang tuyong hangin, kaya magsuot ng salamin sa mata sa halip na mga contact lens. (3) Gawin ang simpleng mga ehersisyo sa upuan mo upang marelaks ang iyong mga kalamnan at mapasigla ang daloy ng dugo sa iyong mga binti. (4) Maglakad-lakad paminsan-minsan sa pasilyo. (5) Magsuot ng sapatos na madaling hubarin, at gumamit ng tuntungan sa paa—marahil ang iyong maliit na maleta. (6) Magsuot ng komportable at hindi nalulukot na mga damit na yari sa di-sintetikong materyal upang makalabas ang hangin sa iyong balat. (7) Uminom nang katamtamang dami ng inuming de-alkohol o iwasan pa ngang uminom nito, yamang pinatitindi ng altitud ang mga epekto ng alkohol. (8) Iayos ang air-conditioning upang hindi ito tumama nang tuwiran sa iyong leeg o likod. (9) Sikaping matulog, na marahil ay gumagamit ng pantakip sa mata (eye mask). (10) Ngumuya ng isang bagay kapag lumipad at bumaba ang eroplano upang mabawasan ang presyon sa mga tainga. Maaaring bigyan ang mga sanggol ng pacifier.
Mga Batang Laki sa Layaw sa Alemanya
“Isang bagong kalakaran ng pagpapalayaw” sa mga bata ang napansin sa mga magulang, ang sabi ni Udo Beckmann, ang tsirman ng samahan ng mga guro sa Alemanya. Ayon sa pahayagang Südwest Presse, sinabi ni Beckmann na parami nang paraming bata ang labis na pinalalaki sa layaw at, bunga nito, hindi na nagsusunog ng kilay sa kanilang pag-aaral. “Sinabi niya na pangkaraniwang nadarama ng mga magulang na ang mga takdang-aralin ay ‘labis na nagpapahirap’ sa kanilang mga anak at na ‘di-makatuwirang’ hilingin sa mga bata na mag-aral para makapasa sa mga pagsusulit sa klase.” Sinabi rin ng ulat na kapag laging sumusunod ang mga magulang sa kanilang mga anak upang maiwasan ang pagtatalo, pinagkakaitan nila ang mga bata ng “pagkakataong mamuhay nang responsable.” Ang mga batang sunod sa layaw, sabi ni Beckmann, ay lumalaking “sakim na mga adulto” na gusto ang lahat ng bagay subalit hindi naman handang paghirapan ito.
Kung Bakit Lumilipad na Nakahugis-V ang mga Ibon
Taglay ngayon ng mga mananaliksik ang katibayan na ang mga ibong tulad ng gansa at mga pelikano ay “lumilipad nang nakahugis-V upang mabawasan ang puwersa sa pagsalunga sa hangin at upang makatipid ng enerhiya sa malayuang pandarayuhan,” sabi ng The Daily Telegraph ng London, bilang pagtalakay sa isang ulat mula sa magasing Nature. Binilang ng mga siyentipiko mula sa National Centre of Scientific Research sa Villiers en Bois, Pransiya, ang tibok ng puso ng walong pelikano na lumilipad nang nakahugis-V at pagkatapos ay inihambing ang mga bilang na ito sa “kampay ng pakpak at mga direksiyon sa paglipad.” Natuklasan ng mga mananaliksik na ang bilis ng tibok ng puso ng ibon ay bumababa kapag lumilipad nang nakahugis-V at mas madalang na ikampay ng mga ito ang kanilang mga pakpak kaysa kapag lumilipad nang mag-isa, bagaman pareho ang kanilang bilis. “Sa mga ibong lumilipad nang nakahugis-V,” sabi ng Nature, “ang bawat pakpak ay kumakampay sa paitaas na hangin na nalikha ng mga pagkampay ng iba pang ibon na nasa ayos.” Pinangyayari ng pamamaraang ito na makatipid ng enerhiya nang hanggang 20 porsiyento ang malalaki at puting pelikano kaysa kapag lumilipad ito nang nag-iisa.
Pagbabasa ng Bibliya sa Pransiya
Bagaman ang 42 porsiyento ng mga Pranses na sinurbey ay may Bibliya, mga 2 porsiyento lamang ang nagsasabi na halos nababasa nila ito araw-araw, ayon sa surbey na inilathala ng pahayagang Katoliko na La Croix. Pitumpu’t dalawang porsiyento ang nagsabi na sila’y “hindi kailanman nakabasa ng Bibliya.” Sa mga sinurbey na ito, itinuring ng 54 na porsiyento ang Bibliya bilang “isang lumang aklat” anupat “wala na sa uso sa makabagong daigdig.” Ipinaliliwanag ng ulat na “una, itinuturing ng mga Pranses ang Bibliya mula sa pangkulturang pangmalas,” anupat sinusuri ito para maipaliwanag ang “pinagmulan ng Judaismo at Kristiyanismo.” Sinasabi ng La Croix na “bawat taon, halos 250,000 Bibliya at 30,000 Bagong Tipan ang naipagbibili sa Pransiya.”
Kinilalang Paaralan ng Astrolohiya
Isang paaralan sa Estados Unidos “kung saan natututo ang mga estudyante na sumulat ng mga horoscope at magpayo hinggil sa kinabukasan . . . ang kinilala ng isang organisasyon ng pederal na pamahalaan, na itinuring na kauna-unahang paaralan ng astrolohiya,” ang sabi ng The New York Times. Ayon sa tagapagtatag ng institusyon, “ang mga bituin ay nakaayon” noong buwan na kinilala ang paaralan. Tinawag na Astrological Institute, kasali sa mga kurso sa paaralan ang “isang master class ukol sa mga diyosa ng mga asteroid” at isang klase “kung paano sumulat ng tudling hinggil sa astrolohiya.” Karamihan sa mga nagsipagtapos “ay nagtayo ng sariling negosyo, bagaman ang ilan ay kinukuha naman ng mga pagamutan para sa holistic healing, mga spa at mga barkong pangliwaliw.” Sinabi ng Times na “kinilala ang institusyon . . . pagkatapos ipakita na kuwalipikado ang mga guro nito at maaaring makakuha ng trabaho ang mga nagsipagtapos dito.” Gayunman, ayon sa pinuno ng Council for Higher Education Accreditation, “hindi pinatototohanan ng pagkilala ang pagiging tumpak ng astrolohiya, kundi kinikilala lamang nito na tinupad ng paaralan ang mga pangako nito sa mga estudyante.”
Paglilinis sa Bundok Everest
Ang pangkaraniwang larawan ng Bundok Everest, ang pinakamataas na bundok sa lupa (8,850 metro), ay isa na napakaganda at napakaringal dahil sa kalinisan nito. Gayunman, isiniwalat ng isang ulat ng magasing Down to Earth sa New Delhi na ang Bundok Everest ay naging isang malaking tambakan ng basura. Talagang nag-iwan ng tone-toneladang basura ang daan-daang umakyat sa mga dalisdis ng Everest sa nakalipas na mga dekada, kasali na ang “mga basyo ng tangke ng oksiheno, lumang mga hagdan o mga tikin at mga plastik na tungkod.” Ang pinakamaruming kampo, sabi ng ulat, ay “ang kampo ng South Col, na huling lugar na inaakyat ng karamihan sa mga namumundok para akyatin ang taluktok ng bundok.” Sinabi ni Bhumi Lal Lama, isang opisyal ng Nepal Mountaineering Association, na “pinag-iisipan namin na bayaran ang [mga Sherpa] ng US $13.50 sa bawat kilo [2.2 libra] ng basura na kanilang makokolekta.” Ang mga Sherpa “ay karaniwang nagsisilbing mga giya at nagdadala ng mga suplay sa mga tao” na umaakyat sa Everest, ang sabi ng ulat.
Pagtumbalik ng “Madyik”
“Isang lalaking taga-Ghana ang nabaril at napatay ng isang kanayon niya habang sinusubukan niya ang madyik na nilayon upang huwag tablan ng bala ang isa,” ang ulat ng serbisyo sa pagbabalita na Reuters. Hiniling ng maraming taganayon sa hilagang-silangang Ghana sa isang albularyo na gawin silang di-tinatablan ng mga bala. “Pagkatapos pahiran ang kaniyang katawan ng pinaghalu-halong damong-gamot sa araw-araw sa loob ng dalawang linggo,” ang sabi ng ulat, ang biktima ay “nagboluntaryong magpabaril upang matiyak kung may bisa talaga ang madyik.” Agad na namatay ang biktima sa isang putok ng baril. Pagkatapos, sinunggaban ng galít na mga kapitbahay ang albularyo at binugbog ito nang husto dahil hindi tumalab ang kaniyang madyik. Kapag naghahanap ng proteksiyon laban sa kaaway na mga tribo, ang mga taong nakatira sa dulong hilaga ng Ghana ay malimit na kumokonsulta sa mga albularyo.