Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 7/22 p. 9-11
  • Iwasan ang Silo ng Pagsusugal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Iwasan ang Silo ng Pagsusugal
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagkaroon Sila ng Lakas Upang Magbago
  • Ano ba ang Masama sa Pagsusugal?
    Gumising!—2002
  • Pagsusugal
    Gumising!—2015
  • Mga Bagong Kalap sa Sugal—Mga Kabataan!
    Gumising!—1995
  • Hinahatulan ba ng Bibliya ang Pagsusugal?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 7/22 p. 9-11

Iwasan ang Silo ng Pagsusugal

“Hindi naman naaapektuhan ng pagsusugal ang aking pisikal na kalusugan, at palagi kong nakokontrol ang perang nauubos ko sa pagsusugal. Ngunit inaamin ko na kapag tumataya ako sa loterya, palagi kong pinipili ang itinuturing kong suwerteng mga numero ko.”​—Linda.

MARAMING nagsusugal ang nagkaroon ng paniniwala sa suwerteng mga numero o sa mga bagay na nagdudulot ng suwerte. Maaaring inaakala nila na hindi naman nila masyadong dinidibdib ang kanilang mapamahiing mga paniniwala, ngunit maaaring patuloy nilang isinasagawa ito sa paanuman.

Nananalangin pa nga sa Diyos ang ibang nagsusugal anupat humihiling na tulungan silang manalo sa kanilang piniling laro. Gayunman, isinasaad ng Bibliya ang paghatol ng Diyos sa mga nag-aangking sumasamba sa kaniya ngunit “nag-aayos ng mesa para sa diyos ng Suwerte.” (Isaias 65:11) Oo, kinasusuklaman ng Diyos ang mga gawaing nagtataguyod ng mapamahiing paniniwala sa suwerte. Ang pagsusugal, salig sa mismong katangian nito, ay nagpapasigla sa bulag na pagtitiwala sa sinasabing suwerte.

Walang-kahihiyang itinataguyod din ng pagsusugal ang pag-ibig sa salapi. Sa lipunan sa ngayon na higit at higit na di-nababahala sa mga espirituwal na bagay, ang salapi mismo ay naging isang kahaliling diyos, at ang pagsusugal ay naging isang popular na paraan ng pagsamba rito. Ang mga bagong katedral ay ang mararangyang kasino, at ang bagong kredo ay na mabuti ang kasakiman. Nasumpungan ng mga mananaliksik na ang lubhang nakararaming tao na pumupunta sa mga kasino ay nagsasabi na ginagawa nila ito, hindi para malibang o dahil sa lugar, kundi upang manalo ng “maraming-maraming salapi.” Gayunman, nagbababala ang Bibliya: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”​—1 Timoteo 6:10.

Sa 1 Corinto 6:9, 10, maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong palíligaw. Hindi ang . . . mga mananamba sa idolo . . . ni ang mga taong sakim . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Ang kasakiman ay hindi lamang isang nakapanghihinang sakit sa lipunan; ito ay isang nakamamatay na karamdaman sa espirituwal​—ngunit isang karamdaman na may lunas.

Nagkaroon Sila ng Lakas Upang Magbago

“Maraming beses ko nang sinubukang huminto sa pagsusugal,” ang gunita ni Kazushige, na binanggit sa panimulang artikulo. “Natanto ko na ang pagsusugal naming magkakaibigan sa karerahan ay sumisira sa aking pamilya. Palagi kong nawawaldas ang perang napanalunan ko. Naipatalo ko pa nga sa sugal ang perang inipon ng aking asawa para sa pagsilang ng aming ikalawang anak, at nang maglaon ay sinimulan kong isugal ang mga pondo ng aking kompanya. Bunga nito, lubusang nawala ang paggalang ko sa aking sarili. Madalas na umiiyak ang aking asawa at nagmamakaawa sa akin na ihinto ko na ang pagsusugal, ngunit hindi ko talaga kayang huminto.”

Nang maglaon, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si Kazushige sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya: “Habang lalo kong binabasa ang Bibliya, lalong lumalaki ang aking tiwala na may isang Diyos at na ako ay makikinabang sa pakikinig sa kaniya. Natanto ko na sa pamamagitan ng lakas na ibinibigay ng Diyos, maihihinto ko ang pagsusugal. Sa aking pagkamangha, hindi ko lamang naihinto ang pagsusugal kundi nalinang ko rin ang pagkamuhi rito. Ngayon, kapag naiisip ko ang pighating naidulot ng pagsusugal sa aking pamilya, talagang nalulungkot ako. Kaylaki ng aking pasasalamat sa Diyos na Jehova na tinulungan niya akong itigil ang aking pagkasugapa sa pagsusugal at na kaniyang tinutulungan ako na itaguyod ang isang makabuluhang buhay!”​—Hebreo 4:12.

Si John, na binanggit din sa panimulang artikulo, ay nagsimula ring mag-aral ng Bibliya. Naaalaala niya: “Natulungan ako ng aking pag-aaral sa Bibliya na muling suriin ang aking kalagayan. Sa kauna-unahang pagkakataon, talagang nabuksan ang aking mga mata sa pinsalang naidudulot sa aking pamilya at sa akin ng pagsusugal ko. Natanto ko na ang pagsusugal ay nagtataguyod ng isang mapag-imbot at sakim na saloobin sa mga tao​—mga katangiang kinamumuhian ni Jehova. Habang ipinagpapatuloy ko ang aking pag-aaral, ang pag-ibig ko kay Jehova ang nagbigay sa akin ng lakas upang makakalas sa pagsusugal. Nagsimula akong magsugal dahil pinangarap kong masumpungan ang isang mas magandang buhay. Ngayong iwinaksi ko na ang pagsusugal at maligayang naglilingkod kay Jehova, natupad ang pangarap na iyon.”

Ang asawa ni John na si Linda ay nagpasiya rin na iwasan ang pagsusugal. “Hindi ito madali,” ang sabi niya. “Ngunit nang magsimula kaming mag-asawa na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, natutuhan kong itutok ang aking pansin sa mas mahahalagang bagay sa buhay. Natutuhan ko hindi lamang ang ibigin ang mga bagay na iniibig ng Diyos kundi ang kapootan din naman ang mga bagay na kaniyang kinapopootan, pati na ang lahat ng uri ng kasakiman. Bukod sa pagtatamasa ng isang mas makabuluhang buhay, mas marami pa akong pera sa aking pitaka.”​—Awit 97:10.

Sa pamamagitan ng paglilinang ng kaugnayan sa Diyos na Jehova, makasusumpong ka rin ng lakas at karunungan na kinakailangan upang maiwasan ang silo ng pagsusugal. Ang paggawa ng gayon ay magpapabuti sa iyong pinansiyal, emosyonal, at espirituwal na kalusugan. Sa gayon ay matatamasa mo mismo ang pagiging totoo ng mga salitang nakaulat sa Kawikaan 10:22: “Ang pagpapala ni Jehova​—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”

[Blurb sa pahina 11]

Ang kasakiman ay hindi lamang isang nakapanghihinang sakit sa lipunan; ito ay isang nakamamatay na karamdaman sa espirituwal

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

Pagsusugal at ang Sobrenatural

Sa isang ulat sa National Gambling Impact Study Commission, tinukoy ng mga mananaliksik sa Duke University ang kaugnayan ng paraan ng pag-aanunsiyo sa pagsusugal at ng paniniwala sa sobrenatural. Sinasabi ng ulat: “Maraming anunsiyo [sa loterya] ang talaga namang materyalistiko . . . Ngunit hindi ito materyalismo salig sa puspusang pagpapagal at pagtitiyaga kundi sa halip ay sa pagtitiwala sa mga espiritu na naglilingkod sa kanilang mga amo, na nakaugat sa mga pag-asa, pangarap at pamahiin. At nalalaman ng bawat manedyer ng loterya na ibinabatay ng marami sa kaniyang pinakamadalas na mga parokyano ang kanilang tayâ sa personal na mga pamahiin, sa mga tsart sa astrolohiya, sa mga manghuhula, at sa pinagpipitaganang ‘mga aklat ng pangarap’ na nagtatala ng mga numerong iniuugnay sa mga pangalan, petsa, at panaginip. Sa halip na idiin na ang lahat ng numero ay may pare-parehong tsansa na mapili at na ang paglalaro ng popular na mga numero ay makababawas sa parte ng isa sa mga larong parimutuel, pinasisigla ng mga ahensiya ng loterya ang mga tumataya na pumili ng (at manatili sa) pakiwari nila’y mahahalagang numero.”

[Mga larawan sa pahina 10]

“Ang pag-ibig ko kay Jehova ang nagbigay sa akin ng lakas upang makakalas sa pagsusugal.”​—John

“Bukod sa pagtatamasa ng isang mas makabuluhang buhay, mas marami pa akong pera sa aking pitaka.”​—Linda

[Mga larawan sa pahina 10]

“Sa aking pagkamangha, hindi ko lamang naihinto ang pagsusugal kundi nalinang ko rin ang pagkamuhi rito.”​—Kazushige

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share