Hinahatulan ba ng Bibliya ang Pagsusugal?
KARANIWAN nang inilalarawan sa popular na mga pelikula at palabas sa telebisyon ang pagsusugal—lalo na sa mga casino—bilang libangan ng mga maganda, mayaman, at sopistikadong tao. Sabihin pa, alam ng mga mánonoód na ang mga paglalarawang ito ay pantasya lamang o hindi totoo.
Sa totoong buhay, ang pagtaya sa lotto, pagpusta sa mga laro, at pagsusugal sa Internet ay kakompetensiya ng mga casino. Ang pagsusugal ay “isang palasak na bisyo na nakakaengganyo at mabilis na kumakalat,” ang sabi ng aklat na Internet Gambling. Halimbawa, ang poker ay isa na ngayong karaniwang laro sa telebisyon at Internet. Ayon sa isang pahayagan, tinataya ng mga dalubhasa na sa Estados Unidos, ang bilang ng mga naglalaro ng poker ay dumoble sa loob ng 18 buwan.
Ang pagsusugal ay inilalarawan bilang pagtaya ng pera nang hindi tiyak ang kalalabasan. Nangangatuwiran ang maraming tao na wala namang masama rito basta’t pera naman ng nagsusugal ang ginagamit niya at hindi siya nagiging sugapa. Sa katunayan, sinasabi ng The New Catholic Encyclopedia na ang pagsusugal “ay hindi itinuturing na kasalanan malibang nahahadlangan na nito ang isa sa pagsasagawa ng kaniyang mga obligasyon.” Pero wala naman itong binabanggit na mga teksto sa Kasulatan na sumusuporta sa ideyang iyon. Kung gayon, ano ang dapat na maging pananaw ng isang Kristiyano sa pagsusugal? Sinasang-ayunan ba ito o hinahatulan ng Bibliya?
Pansinin na ang Banal na Kasulatan ay walang tuwirang binabanggit tungkol sa pagsusugal. Pero hindi ito nangangahulugan na walang simulaing gagabay sa atin sa bagay na ito. Sa halip na magbigay ng mga tuntunin para sa bawat gawain o sitwasyon, pinasisigla tayo ng Bibliya na “patuloy ninyong unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.” (Efeso 5:17) Ayon sa iskolar ng Bibliya na si E. W. Bullinger, ang salitang Griego na isinaling “unawain” ay nangangahulugang pagtitipon ng mga aspekto ng isang paksa sa pamamagitan ng “pag-iisip, pagkuha ng kaalaman mula sa pagbubulay-bulay.” Kung gayon, mauunawaan ng isang Kristiyano ang kalooban ng Diyos sa bagay na ito sa pamamagitan ng pagtitipon at pagbubulay-bulay sa mga simulain ng Bibliya na may kaugnayan sa pagsusugal. Habang binabasa mo ang mga teksto sa artikulong ito, tanungin ang sarili: ‘Sinasang-ayunan ba ng tekstong ito ang pagsusugal? Ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa pangmalas Niya may kinalaman sa bagay na ito?’
Paniniwala sa Suwerte
Yamang ang pagsusugal ay nangangahulugan ng pagpusta sa mga bagay na walang katiyakan, malaking papel ang ginagampanan ng paniniwala sa suwerte—isang mahiwagang puwersa na sinasabing may kontrol sa di-inaasahang takbo ng mga pangyayari—lalo na kapag may itinayang pera. Halimbawa, pumipili ng diumano’y buwenas na mga numero ang mga bumibili ng tiket ng lotto; para sa mga mapamahiing naglalaro ng madyong, bawal bigkasin ang ilang salita; at hinihipan ang dice bago ito ihagis. Bakit? Suwerte raw ito, ayon sa maraming nagsusugal.
Talaga bang hindi masama ang magtiwala sa suwerte? Ganiyan ang akala ng ilan noon sa sinaunang Israel. Naniniwala sila na maaaring umunlad ang kanilang buhay dahil sa suwerte. Ano ang pangmalas dito ng Diyos na Jehova? Sa pamamagitan ng propeta ng Diyos na si Isaias, sinabi Niya sa kanila: “Kayo yaong mga umiiwan kay Jehova, yaong mga lumilimot sa aking banal na bundok, yaong mga nag-aayos ng mesa para sa diyos ng Suwerte at yaong mga nagbubuhos ng hinaluang alak para sa diyos ng Tadhana.” (Isaias 65:11) Sa paningin ng Diyos, ang paniniwala sa suwerte ay isang anyo ng idolatriya at hindi kaayon ng tunay na pagsamba. Nagpapakita ito ng pagtitiwala sa isang likhang-isip na puwersa sa halip na sa tunay na Diyos. Tiyak na hindi nagbago ang pananaw rito ng Diyos.
Kung Paano Napananalunan ang mga Premyo
Tumataya man sa Internet, bumibili ng tiket ng lotto, pumupusta sa laro, o naglalaro sa casino, kadalasang nakakaligtaan ng mga nagsusugal kung saan nanggagaling ang premyong gusto nilang mapanalunan. Ang pagsusugal ay naiiba sa isang lehitimong transaksiyon o pagbili, dahil pera ng mga natalo ang gustong mapanalunan ng nagsusugal.a “Sa bawat nagiging milyunaryo sa loterya,” sabi ng Centre for Addiction and Mental Health ng Canada, “milyun-milyon ang nawawalan ng pera!” Anu-anong simulain sa Bibliya ang makatutulong sa isang Kristiyano na maunawaan ang pangmalas dito ng Diyos?
Ang huli sa Sampung Utos na ibinigay sa Israel ay nagsasabi: “Huwag mong nanasain ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalaki ni ang kaniyang aliping babae ni ang kaniyang toro ni ang kaniyang asno ni ang anumang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.” (Exodo 20:17) Ang pagnanasa sa mga pag-aari, kayamanan, at pera ng iyong kapuwa ay isang malubhang kasalanan, katulad ng pagnanasa sa kaniyang asawa. Pagkalipas ng mga dantaon, inulit ni apostol Pablo sa mga Kristiyano ang utos na ito: “Huwag kang mag-iimbot.” (Roma 7:7) Masasabi bang mapag-imbot ang isang Kristiyanong naghahangad na mapanalunan ang pera ng iba?
“Aminin man nila [karamihan ng mga nagsusugal] o hindi,” ang isinulat ng kolumnistang si J. Phillip Vogel, “bago pa man sila magsugal, lihim na nilang pinapangarap na manalo nang malaking halaga kahit na ilang dolyar lamang ang kanilang itinaya.” Pangarap nilang yumaman sa isang iglap nang walang kahirap-hirap. Maliwanag na salungat ito sa utos ng Bibliya na ang isang Kristiyano ay dapat “magtrabaho . . . nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.” (Efeso 4:28) Espesipiko ring sinabi ni apostol Pablo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.” Sinabi pa niya: “Dapat silang kumain ng pagkain na kanila mismong pinagpagalan.” (2 Tesalonica 3:10, 12) Pero maituturing bang trabaho ang pagsusugal?
Bagaman ang pagsusugal ay maaaring isang mahirap na laro, anumang perang nakuha mula rito ay napanalunan, hindi kinita kapalit ng trabaho o serbisyo. Sa pagsusugal, ang pera ay itinataya sa isang bagay na walang katiyakan at nakadepende sa tsamba. Nagbabakasakali ang nagsusugal na sa malao’t madali ay susuwertihin siya. Sa maikli, umaasa siyang makakuha ng isang bagay na hindi naman niya pinagpaguran. Pero ang mga tunay na Kristiyano ay pinapayuhang kumita ng pera sa pamamagitan ng matapat na pagtatrabaho. “Sa tao ay wala nang mas mabuti kundi ang kumain siya at uminom nga at magdulot ng kabutihan sa kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pagpapagal,” ang isinulat ng matalinong si Haring Solomon. Idinagdag pa niya: “Ito ay mula sa kamay ng tunay na Diyos.” (Eclesiastes 2:24) Oo, ang mga lingkod ng Diyos ay hindi umaasa sa pantasya ni naghahangad man na biglang yumaman. Sa halip, umaasa sila sa Diyos upang lumigaya at pagpalain.
“Isang Silo” na Dapat Iwasan
Kahit na manalo pa ang isa, makabubuting isaalang-alang niya hindi lamang ang panandaliang katuwaan na dulot ng pagkapanalo kundi ang pangmatagalang epekto rin ng pagsusugal. Ganito ang sabi ng Kawikaan 20:21: “Ang mana ay nakukuha sa pamamagitan ng kasakiman sa pasimula, ngunit ang kinabukasan nito ay hindi pagpapalain.” Nakalulungkot, natuklasan ng maraming nanalo sa lotto at ng iba pang mga nagsusugal na ang kayamanang napanalunan nila ay hindi nagdulot sa kanila ng kaligayahan. Mas mabuting sundin ang payo ng Bibliya na huwag umasa sa “walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.”—1 Timoteo 6:17.
Hindi lamang basta pagkapanalo o pagkatalo ang nasasangkot sa pagsusugal. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” (1 Timoteo 6:9) Ang isang silo ay dinisenyo para hindi makatakas ang biktima. Maraming tao na determinadong tumaya lamang nang kaunti o kaya’y magsugal paminsan-minsan ang naging sugapa sa pagsusugal at hindi na nakatakas dito. Dahil sa pagsusugal, nasira ang kanilang buhay, nasaktan ang kanilang mga minamahal, at nawasak ang kanilang pamilya.
Matapos isaalang-alang ang maraming tekstong nauugnay sa pagsusugal, naunawaan mo na ba kung ano ang kalooban ng Diyos hinggil dito? Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Ang buhay ng isang Kristiyano ay dapat gabayan ng kalooban ng Diyos, hindi ng opinyon ng mga tao. Bilang ang “maligayang Diyos,” gusto ni Jehova na masiyahan tayo sa buhay, malaya sa masasaklap na resulta ng silo ng pagsusugal.—1 Timoteo 1:11.
[Talababa]
a Ipinaliliwanag ng Gumising!, isyu ng Oktubre 8, 2000, pahina 25 hanggang 27, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ang pagkakaiba ng pamumuhunan sa stock market at ng pagsusugal.
[Blurb sa pahina 14]
Ang mga lingkod ng Diyos ay kumikita ng pera sa matapat na pagtatrabaho
[Kahon sa pahina 13]
Ang Pananabik na Manalo
Ang pagsusugal ba ay isang bisyo na madaling nauuwi sa pagkasugapa? Sa pagsusuri sa reaksiyon ng mga nananalo o natatalo sa sugal, sinabi ni Dr. Hans Breiter na “ang perang napanalunan sa isang eksperimento sa pagsusugal ay may epekto sa utak na maihahalintulad sa nangyayari sa isang sugapa sa cocaine kapag gumagamit ng cocaine.”
[Larawan sa pahina 13]
Kaninong pera ang gustong mapanalunan ng mga nagsusugal?