Mga Kapistahan ng Vía Crucis sa Mexico
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
UPANG gunitain ang kamatayan ni Jesus, mga 300 relihiyosong kapistahan ang idinaraos taun-taon sa Mexico. Ang isa sa pinakamalaki ay ang Vía Crucis, kasama na ang mga prusisyon at mga pagtatanghal nito ng mga huling araw sa buhay ni Jesus. Ang Vía Crucis ay galing sa wikang Latin na nangangahulugang “Daan ng Krus.” Sa distrito ng Iztapalapa sa Mexico City, ipinaliwanag ng patnugot ng House of Culture doon ang pinagmulan nito: ‘Noong 1833, ang Iztapalapa ay dumanas ng epidemya ng kolera. Upang mabawasan ang salot, sinimulan ng mga miyembro ng komunidad ang pagtatanghal ng Senakulo.’
Ganito ang karaniwang nangyayari sa Vía Crucis: Maraming tao ang nagtitipon upang makita ang paglalarawan sa mga lider na Judio, mga senturyon, mga apostol ni Jesus, at ang mga kababaihang sumunod sa kaniya, kasama na si Maria. Isang binata ang gumaganap sa papel ni Jesus. Isinasaulo niya ang mga talata sa Bibliya upang sipiin habang nagaganap ang mga pangyayari. Ang mga nagtatanghal ay gumagamit ng mga peluka, balbas, at bigote at nakasuot ng makakapal at mahahabang damit. Sumusunod din ang “mga Nazareno” kay “Jesus,” na nakayapak o nakasandalyas na katad at nakasuot ng mga koronang tinik upang tularan ang paghihirap na dinanas ni Jesus. Kung minsan, ang mga ito ay umaabot sa bilang na 2,500. Sa araw ay pinapasan nila ang mga krus hanggang sa Cerro de la Estrella (Burol ng Bituin), ang dakong pinili upang “ipako sa krus” si Jesus.
Inilalako ng mga nagtitinda ang mga paninda nila gaya ng mga sombrero, inumin, relihiyosong mga larawan na ibinabakat sa mga pisngi o sa mga bisig, mga lobo, kendi para sa mga bata, at marami pang ibang bagay. Nagtatayo pa nga ng karnabal para sa okasyong iyon.
Sa lunsod ng Querétaro, ang mga nagpepenitensiya ay nagsisikap na lumakad habang ang kanilang mga paa ay nakatanikala. Sa Taxco, ang mga lalaki ay nagpapasan ng mga tungkos na tinik na tumitimbang nang 40 hanggang 50 kilo sa loob ng halos limang oras. Ang iba naman ay sumusunod sa prusisyon na nilalatigo ang kanilang sariling katawan. Kadalasan, marami sa mga nakikilahok na ito ay naoospital.
Ipinagugunita sa atin ng ganitong uri ng pagsamba ang mga sinabi ni apostol Pablo nang magsalita siya laban sa “ipinataw-sa-sariling anyo ng pagsamba at pakunwaring kapakumbabaan, isang pagpapahirap sa katawan.” (Colosas 2:23) Ginugunita nga ng tunay na mga Kristiyano ang kamatayan ni Kristo, subalit iniiwasan nila ang mga tradisyong nag-uugat sa kasinungalingan at na salungat sa mga simulain ng Bibliya.