Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 8/22 p. 5-8
  • May Lunas Ba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Lunas Ba?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Itapon, Iresiklo, o Bawasan?
  • Mga Panganib ng Pagkakaroon ng Kaisipang Palatapon
  • Kawalang-Galang sa Buhay
  • Pamumuhay sa Isang Lipunan na Palatapon
    Gumising!—2002
  • Kung Paano Mo Mapagtatagumpayan ang Isang Lipunan na Palatapon
    Gumising!—2002
  • Mga Produktong Isang-Gamit-Tapon ay Nagiging Basurang Di-nabubulok
    Gumising!—1990
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 8/22 p. 5-8

May Lunas Ba?

ANO ang dapat mong gawin sa isang bagay na hindi mo na kailangan? “Itapon mo na lang” ang waring simple at maliwanag na sagot. Gayunman, hindi laging napakadali ang pagtatapon ng basura. Itapon saan? Tinataya ng isang samahang pangkapaligiran sa Italya na ang isang boteng itinapon sa dagat ay mangangailangan ng 1,000 taon bago mabulok. Sa kabaligtaran, ang mga paper tissue ay mabubulok sa loob lamang ng tatlong buwan. Dinudumhan ng isang upos ng sigarilyo ang dagat nang hanggang 5 taon; mga supot na plastik, 10 hanggang 20 taon; mga bagay na nylon, 30 hanggang 40 taon; mga lata, 500 taon; at polystyrene, 1,000 taon.

Lubhang dumami ang gayong basura. Maraming ipinagbibili ang mga pamilihan sa ngayon, at gusto tayong papaniwalain ng daigdig ng pag-aanunsiyo na kailangan natin ang lahat ng ito. Sa maikli, ganito ang sinasabi ng pahayagang The Guardian sa Britanya: “Tinutulungan tayo ng mga tagapag-anunsiyo na sapatan ang mga pangangailangang hindi natin kailanman nalalaman na mayroon tayo.” Oo, natutukso tayong bumili ng pinakabagong bagay, sa takot na baka mawalan tayo ng pagkakataong masubukan ang isang bagay na bago. At, sabihin pa, sa termino ng pag-aanunsiyo ang “bago” ay nangangahulugang “mas mabuti at nakahihigit na uri,” samantalang ang “luma” ay nangangahulugang “nakabababang uri at lipas na sa panahon.”

Sa gayon, tayo ay madalas na hinihimok na bumili ng bago sa halip na kumpunihin ang luma. Ikinakatuwiran na mas praktikal at mas mura ang paghalili sa lumang mga bagay kaysa sa pagkumpuni sa mga ito. Kung minsan, totoo iyan. Gayunman, madalas na ang pagtatapon ng mga luma at paghalili rito ng bago ay magastos at hindi kinakailangan.

Maraming produkto ngayon ang dinisenyo upang itapon. Ang mga ito ay maaaring mahirap kumpunihin​—isang punto na dapat isaisip kapag bumibili. Ganito ang sabi ng isang magasin ng mamimili sa Alemanya: “Ang itinatagal ng isang produkto ay patuloy na umiikli. Ang ‘uso’ kahapon ay ‘hindi na uso’ ngayon at kadalasan ay ibinabasura. Kaya, ang mahalagang likas na materyales ay nagiging walang-halagang basura!”

Talaga nga bang pinakikinabangan ng mamimili ang lahat ng walang-taros na pagbiling ito? Sa katunayan, ang mga negosyo ang nakikinabang sa kinikita nilang salapi. Ganito ang katuwiran ng lingguhang pahayagang Die Weltwoche sa Switzerland: “Tiyak na babagsak ang ekonomiya kung gagamitin ng bawat isa ang kani-kaniyang muwebles at ang kani-kaniyang awto habang-buhay o kung dodoblihin niya ang tagal ng paggamit niya rito sa ngayon.” Walang alinlangan na hindi lunas ang pagbagsak ng ekonomiya, yamang mawawalan din ng trabaho ang mga mamimili. Kung gayon, ano ang ilan sa mga lunas sa tambak na basura?

Itapon, Iresiklo, o Bawasan?

Madaling solusyon ang ginagawa ng ilang industriyalisadong bansa sa pamamagitan ng pagtatapon ng kanilang basura sa papaunlad na mga bansa. Halimbawa, ipinakikita ng isang ulat na “sa isang bantog na dako sa Nigeria, nasumpungan ang 3,500 tonelada ng nakalalasong kemikal na tumatagas mula sa 8,000 kinakalawang at naaagnas na mga dram, anupat nilalason kapuwa ang lupa at ang tubig sa ilalim ng lupa.” Ang paraang iyon ng pagtatapon ng basura ay waring hindi isang mabisang lunas ni kapuri-puring paraan ng pakikitungo sa iba.

Kumusta naman ang pagreresiklo ng mga bagay na hindi mo na kailangan subalit maaari mo pang gamitin sa halip na basta itapon ang mga ito? Sabihin pa, ang gayong mga programa ay nangangailangan na pagbukud-bukurin ng mga mamimili ang kanilang mga basura sa iba’t ibang kategorya, isang bagay na hinihiling na ng batas sa ilang lugar. Maaaring hilingin ng mga opisyal na uriin ang mga basura sa mga kategoryang kagaya ng papel, cardboard, metal, bubog, at organikong mga basura. Ang bubog naman ay maaaring uriin ayon sa kulay.

Maliwanag na may mga bentaha ang pagreresiklo. Binabanggit ng aklat na 5000 Days to Save the Planet na ang pagreresiklo ng aluminyo ay “nakatitipid ng napakaraming enerhiya” at maaaring “makabawas sa pinsala sa kapaligiran na dulot ng pagmimina ng bauxite.” Susog pa ng aklat: “Para sa kasindami ng nagagawang papel, ang pagreresiklo ay gumagamit lamang ng kalahati ng enerhiya, at ikasampung bahagi ng tubig. . . . Maraming natatapon na produkto ang maaaring makuhang muli, iresiklo at muling gamitin. . . . Kahit na hindi na muling magamit ng mga industriya ang kanilang sariling basura, kung minsan ay maaari nilang iresiklo ang mga ito para gamitin ng iba . . . Sa Holland, isang grupo na nagpapalitan ng mga itinatapong produkto ang matagumpay na tumatakbo mula pa noong unang mga taon ng dekada ng 1970.”

Sa halip na humanap ng mga paraan upang itapon ang basura, unang higit na idiniriin ng mga awtoridad ang pag-iwas sa pagkakaroon ng basura. Ang nabanggit na aklat ay nagbababala na “kinakailangan ang apurahang pagkilos” kung ang sangkatauhan ay “aalis mula sa isang ekonomiyang palatapon . . . tungo sa isang lipunang matipid at nagsisikap na hindi maging palatapon ng basura at hindi maaksaya.”

Gayunman, yaong mga nagnanais na “umalis sa isang ekonomiyang palatapon” ay kailangang maging handa na gamitin ang kanilang mga binili sa loob ng pinakamatagal na panahon hangga’t maaari, anupat itatapon lamang ang mga ito kapag hindi na talaga makumpuni. Ang mga bagay na hindi na kailangan subalit nagagamit pa ay dapat na ipasa sa iba na gagamit nito. Tinataya ng tanggapan ng German-Öko-Institut (Institute for Applied Ecology) sa Darmstadt na ang isang sambahayan na palaging sumusunod sa simulaing “Gamitin sa halip na itapon” ay makababawas nang hanggang 75 porsiyento ng basura kaysa sa karaniwang sambahayan.

Subalit susundin kaya ng maraming sambahayan ang gayong mga simulain? Malamang na hindi. Ang problema ng sangkatauhan sa basura ay isa lamang sintomas ng mas malalaking isyu. Sa lipunan ngayon na palatapon, parami nang paraming tao ang nagtataglay ng matatawag nating kaisipang palatapon. Suriin natin ang saloobing iyan​—at ang ilan sa kalabisan kung saan maaari itong humantong.

Mga Panganib ng Pagkakaroon ng Kaisipang Palatapon

Ang isang kaisipang palatapon ay madaling maging higit pa kaysa sa bahagyang pag-aaksaya. Ang mga tao ay maaaring maging di-mapagpahalaga at walang-malasakit dahil dito, anupat nagiging bale wala lamang sa kanila ang pag-aaksaya ng maraming di-nagalaw na pagkain at iba pang bagay. Yaong mga makasarili at sumusunod sa uso at sa karaniwang mga bagay na nagugustuhan at di-nagugustuhan ay maaaring makadama na kailangang palaging palitan ng bago ang maaayos pang mga damit, muwebles, at iba pang mga bagay.

Gayunman, ang kaisipang palatapon ay maaaring mangyari hindi lamang sa mga bagay. Isang proyekto sa Alemanya na nakatuon sa paggamit ng itinapong mga kagamitan sa bahay ang nagsabi kamakailan: “Ang tingin natin sa ating mga muwebles sa sala, na hindi na nakaaakit sa atin at itinatapon pagkaraan ng limang taon upang palitan ng bagong mga muwebles, ay nakikita sa paraan ng pakikitungo natin sa mga tao. Ang tanong ay kung hanggang kailan ito pahihintulutan ng ating lipunan.” Ganito ang paliwanag ng ulat: “Kapag hindi na nagtatrabaho nang mahusay ang isang tao, pinapalitan na siya. Tutal, napakaraming makukuhang mga manggagawa!”

Sa kaniyang aklat na Earth in the Balance, ibinangon ng dating bise presidente ng Estados Unidos na si Al Gore ang mahalagang katanungan: “Kung itinuturing natin ang mga bagay na ginagamit natin bilang maitatapon, naging ganoon na rin kaya ang paraan ng ating pag-iisip tungkol sa ating mga kapuwa-tao? . . . Sa paggawa nito, nawala na ba natin ang pagpapahalaga sa pagiging bukod-tangi ng bawat isa?”

Malamang na masumpungan ng mga taong nawawalan ng pagpapahalaga at paggalang sa iba na mas madali​—at hindi gaanong masama​—​na itakwil ang mga kaibigan o ang mga kabiyak. Sa pagkokomento sa ganitong paraan ng pag-iisip, ganito ang katuwiran ng pahayagang Süddeutsche Zeitung sa Alemanya: “Bumibili tayo ng bagong mga damit makalawa sa isang taon, isang bagong kotse tuwing apat na taon, at isang bagong muwebles ng salas tuwing sampung taon; humahanap tayo ng bagong bakasyunan taun-taon; nagpapalit tayo ng bahay, hanapbuhay, negosyo​—kaya bakit hindi rin palitan ang ating kabiyak?”

Waring handang itapon ng ilang tao sa ngayon ang halos lahat ng bagay minsang ito’y naging pabigat. Halimbawa, tinatayang 100,000 pusa at 96,000 aso ang inabandona ng mga may-ari nito sa isang bansa sa Europa noong 1999. Sinasabi ng isang aktibista tungkol sa mga hayop doon na “hindi itinuturing [ng kaniyang mga kababayan] ang pagmamay-ari ng alagang hayop na isang pangmatagalang obligasyon. Bibili sila ng isang tuta sa Setyembre, pababayaan ito [pagkalipas ng isang taon kapag sila’y nagbakasyon] sa Agosto.” Mas masahol pa, naaapektuhan ng kaisipang palatapon ang buhay mismo ng tao.

Kawalang-Galang sa Buhay

Waring ipinalalagay ng marami sa ngayon na ang kanila mismong buhay ay walang gaanong halaga. Paano? Halimbawa, napansin kamakailan ng isang magasin sa Europa na nitong nakalipas na mga taon, lalong lumakas ang loob ng mga kabataan na suungin ang mga panganib. Makikita ito sa kanilang higit na pagnanais na makibahagi sa lubhang mapanganib na mga isport (extreme sports). Alang-alang sa ilang sandali ng katuwaan, handa nilang isapanganib ang kanila mismong buhay! Buong pananabik namang sinasamantala ng mga negosyanteng gutom sa pakinabang ang kausuhang ito. Napansin ng isang pulitikong Aleman na para sa mga tagapagtaguyod ng lubhang mapanganib na mga isport “madalas na mas mahalaga ang pagkakamal ng salapi kaysa sa kalusugan at buhay ng tao.”

At kumusta naman ang pagtatapon ng di-pa-isinisilang na buhay ng tao? Tinataya ng World Health Organization na sa “buong daigdig, walang sinuman ang aktuwal na may gusto sa humigit-kumulang 75 milyong bata na ipinagbubuntis taun-taon. Para sa maraming babae, ang aborsiyon ang tanging lunas.” Kahit pagkasilang, nanganganib ang mga sanggol. Ayon sa pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil, “dumarami ang mga kaso ng mga sanggol na iniiwan sa mga lansangan.” Totoo rin ba ito sa inyong lugar?

Nakikita natin sa lahat ng dako sa daigdig sa ngayon ang katibayan na ang buhay ng tao ay kadalasang itinuturing na mura, walang halaga at isang bagay na maaaring itapon nang halos gayon na lamang. Nakikita natin ang kausuhang ito sa karahasan ng popular na libangan, na pinapatay ng “mga bida” ang maraming “masasamang tao” sa isang pelikula o programa sa TV. Nakikita natin ito sa kasalukuyang mga daluyong ng marahas na krimen na lumalaganap sa daigdig, na pinapatay ng mga magnanakaw ang kanilang mga biktima upang makakuha lamang ng kaunting salapi​—o nang walang anumang dahilan. At nakikita natin sa mga balita ang nakababagabag na mga ulat tungkol sa mga gawa ng terorista, paglipol sa mga di-kalahi, at tahasang paglipol ng lahi, na pawang nagsasangkot ng walang-awa at lansakang pagpatay sa mga tao​—mahahalagang buhay na itinatapon na parang basura.

Maaaring hindi natin maiwasang manirahan sa isang lipunan na palatapon, subalit maiiwasan nating itaguyod ang isang kaisipang palatapon. Tatalakayin ng susunod na artikulo kung ano ang makatutulong sa atin upang mapagtagumpayan ang lipunan sa ngayon na palatapon gayundin ang di-kanais-nais na mga saloobin na nauugnay rito.

[Larawan sa pahina 6]

Kahilingan sa maraming lugar ang pagreresiklo

[Larawan sa pahina 7]

Inuudyukan ka ba ng nagbabagong mga uso na itapon ang maaayos pang damit at bumili ng mga bago?

[Larawan sa pahina 8]

Ang di-pa-isinisilang ay dapat na pakamahalin, hindi dapat itapon

[Credit Line]

Index Stock Photography Inc./BSIP Agency

[Larawan sa pahina 8]

Napakahalaga ng buhay upang isapanganib ito alang-alang sa katuwaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share