Kung Paano Mo Mapagtatagumpayan ang Isang Lipunan na Palatapon
“SA KALIKASAN . . . walang naaaksaya.” Ayon sa magasing Time, iyan ang opinyon ng isang iginagalang na eksperto sa pagreresiklo. Tinutukoy niya ang kamangha-manghang paraan na doon ang isang walang-buhay o itinapong materyal mula sa isang bahagi ng isang sistema ng ekolohiya ay laging ginagamit upang mapakinabangan ng iba pang mga bahagi. Iniulat na inaakala rin ng ekspertong ito na “matutularan ng tao ang mga paraan ng kalikasan na walang basura, subalit mangangailangan ito ng bagong teknolohiya at isang malaking pagbabago sa saloobin.”
Marahil, karamihan sa atin ay kaunti lamang ang magagawa upang makabuo ng bagong teknolohiya. Subalit maaari nating supilin ang ating saloobin! At ang tamang saloobin sa ilang mahahalagang simulain ng mabuting paggawi ang tutulong sa atin na higit na magtagumpay sa pagharap sa mga problema ng pamumuhay sa isang lipunan na palatapon.
Iwasan ang Pag-aaksaya
Bawat ikalimang tao sa lupa ay natutulog nang gutom. Ang pagkaalam nito ay dapat magkintal sa ating isipan ng pangangailangang pahalagahan ang pagkain at iwasan ang pag-aaksaya nito. Isang mag-asawang nagbalik sa Europa pagkalipas ng 28 taon sa gawaing misyonero sa Aprika ang nagsabi na ang isa sa kanilang pinakamalaking hamon upang masanay muli sa kanilang sariling bansa ay ang pagharap sa “maaksayang paraan ng pagtatapon ng pagkain ng mga tao.”
Tinuturuan ng matatalinong magulang ang kanilang mga anak na maglagay lamang sa kanilang mga pinggan ng pagkaing kaya nilang kainin. Ang paggawa nito ay nakababawas ng basura at pag-aaksaya ng mga bagay. Mas mabuting kumuha ng kaunti lamang sa simula bago humingi ng karagdagan. Sabihin pa, dapat magpakita ng halimbawa ang mga magulang. Si Jesus ay nagpakita ng halimbawa para sa ating lahat sa pamamagitan ng tunay na pagpapahalaga sa mga paglalaan ng Diyos, kapuwa sa pisikal at espirituwal. Ipinakikita ng Bibliya na maingat na iniwasan ni Jesus ang pag-aaksaya ng pagkain—kahit na ito ay saganang ginawa sa makahimalang paraan!—Juan 6:11-13.
Ang simulain ng pag-iwas sa pagiging maaksaya ay maikakapit din sa pananamit, muwebles, at mga makina. Ang pag-iingat sa mga bagay na nasa mabuting kondisyon at paggamit sa mga ito hangga’t praktikal pang gawin ito ay nagpapakita na pinahahalagahan natin kung ano ang mayroon tayo. Hindi tayo kailangang magpabiktima sa mga pagsisikap ng daigdig ng pag-aanunsiyo anupat pinangyayari na tayo ay di-masiyahan sa tinataglay natin sa pamamagitan ng pag-aalok sa atin ng isang bagay na mas malaki, mas mabuti, mas mabilis, mas malakas. Mangyari pa, maaaring may karapatan tayo na palitan ang mga tinatangkilik natin na magagamit pa. Subalit bago natin gawin ito, baka nanaisin nating suriin muna ang ating mga saloobin at mga motibo.
Iwasan ang Kasakiman
Habang naglalakbay sila sa ilang patungo sa Lupang Pangako, ang mga Israelita ay binigyan ng pagkain sa anyong manna. Ayon sa ulat ng Bibliya, itinutustos ang sapat na dami ng manna. Gayunman, binabalaan ang mga Israelita na huwag maging sakim; kukuha lamang sila ng sapat para sa kanilang pangangailangan. Natuklasan niyaong mga sumuway na hindi kapaki-pakinabang ang maging sakim, sapagkat ang natirang manna ay inuod at bumaho. (Exodo 16:16-20) Maliwanag, mahigpit at paulit-ulit na hinahatulan ng Bibliya ang kasakiman.—Efeso 5:3.
Hindi nag-iisa ang Bibliya sa bagay na ito. Halimbawa, kinilala ni Seneca, isang Romanong pilosopo at manunulat ng dula noong unang siglo, na ang taong sakim ay hindi kailanman nasisiyahan. Sabi niya: “Hindi masasapatan ng lahat ng kalikasan ang kasakiman.” Gayundin ang naging konklusyon ni Erich Fromm, isang pilosopo noong ika-20 siglo: “Ang kasakiman ay tulad ng isang walang-katapusang hukay na nagpapahapo sa isang tao sa walang-hanggang pagsisikap na masapatan ang pangangailangan nang hindi kailanman nasisiyahan.” Bukod sa pag-iwas sa kasakiman at pagiging maaksaya, pinili ng marami ang ilang positibong hakbang.
Matutong Magbahagi sa Iba
Bago itapon ang mga bagay na maayos pa naman, isaalang-alang kung sino ang maliligayahang tumanggap nito. Halimbawa, kapag kinalakhan na ng mga bata ang kanilang mga damit, magagamit pa kaya ito ng ibang mga batang pagpapasahan? Magagawa mo rin ba ang gayon sa iba pang mga tinataglay mo na may halaga pa subalit hindi mo na gaanong ginagamit na gaya noon? Ibahagi ang kagalakang naidulot sa iyo ng isang bagay sa pamamagitan ng pagpapasa nito sa iba. Ang Amerikanong awtor at mapagpatawa na si Mark Twain ay minsang sumulat: “Upang magkaroon ng lubos na kagalakan, dapat mong ibahagi ito sa iba.” Marahil ay naranasan mo na nadodoble ang kagalakang pinagsasaluhan. Isa pa, kung ibinabahagi mo ito sa iba, tumutulong ka na malabanan ang di-kanais-nais na mga epekto ng kaisipang palatapon.
Ang pagbabahagi sa iba ay isang kagalingan na lubusang inirerekomenda ng Bibliya. (Lucas 3:11; Roma 12:13; 2 Corinto 8:14, 15; 1 Timoteo 6:18) Oo, mas maganda sana ang daigdig kung ang lahat ng naririto ay handang magbahagi sa iba!
Maging Kontento sa mga Pangangailangan
Maligaya ang taong kontento. Totoo ito sa lahat ng dako at sa lahat ng panahon. Isang kawikaang Griego ang nagsasabi: “Walang pagkakontento ang isa na hindi nakokontento sa kakaunti.” At sinasabi naman ng mga Haponés: “Siyang hindi nakokontento ay dukha.” Lubhang pinapupurihan din ng Bibliya ang pagiging kontento. Ating mababasa: “Ang totoo, ito ay isang paraan ng malaking pakinabang, itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:6-8; Filipos 4:11.
Sabihin pa, ang pagiging kontento sa kung ano ang tinataglay natin ay mangangailangan ng “isang malaking pagbabago sa saloobin.” Natanto kamakailan ng isang kabataang babaing nagngangalang Susanne na kailangan niyang gumawa ng gayong pagbabago. Sabi niya: “Naipasiya ko na yamang hindi ko makukuha ang lahat ng bagay na gusto ko, dapat kong maibigan kung ano ang mayroon ako. Ako ngayon ay maligaya at kontento.”
Ang pagiging kontento ay talagang umaakay sa kaligayahan. Ganito ang sabi ni Propesor Argir Hadjihristev, isang taga-Bulgaria na dalubhasa sa paksa ng pagtanda: “Una sa lahat, masama ang hindi pagiging kontento sa kaunti na tinataglay ng isang tao.” Sa pagtukoy sa mga pakinabang sa kalusugan ng pagiging kontento, sinabi pa niya: “Ang taong hindi nagsisikap na mahigitan ang paraan ng pamumuhay ng kaniyang kapitbahay, isa na hindi laging nagsisikap na magkaroon ng higit at higit pa, ay namumuhay nang walang kompetisyon at samakatuwid ay walang kaigtingan. At pinapawi niyan ang kabalisahan.”
Oo, hindi kailanman magdudulot ng tunay na kaligayahan ang isang lipunang palatapon. Gaano pa kaya ang isang kaisipang palatapon! Lumilitaw na nauunawaan ng parami nang paraming tao ang puntong ito. Nauunawaan mo ba?
[Larawan sa pahina 9]
Dapat matutuhan ng mga bata kung paano maiiwasan ang pag-aaksaya ng pagkain
[Larawan sa pahina 9]
Si Jesus ay nagpakita ng mainam na halimbawa sa pamamagitan ng hindi pag-aaksaya
[Larawan sa pahina 10]
Bakit hindi ibigay sa iba ang hindi mo na ginagamit sa halip na itapon ito?