Ginintuang Wattle—Sumasalubong sa Tagsibol sa Australia
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
ANG nakapalamuting bulaklak sa mga pahinang ito ay hindi pangkaraniwang bulaklak. Ito ay tanyag at kinagigiliwan sa Australia. Sa katunayan, mula noong 1912, pinalamutian nito ang eskudo ng Australia, at noong 1988 ay idineklara ito bilang ang opisyal na sagisag na bulaklak ng Australia. Makikita rin ito sa mga barya at mga selyo ng Australia. Bakit ito popular?
Ang bahagi ng sagot ay maaaring masumpungan sa isang tula na isinulat ni Veronica Mason at inilathala noong 1929. Matapos ilarawan ang mapupusyaw na “kulay berde at kape at abo” na nangingibabaw sa tanawin sa pagtatapos ng taglamig, masayang inihahayag ng tula: “Ngunit ngayon ay sumapit na ang Tagsibol / Na may mga bulaklak ng Wattle.”
Sa wari, halos ang lahat ay tuwang-tuwa sa balita na malapit na ang tagsibol. Sa Timugang Hemispero sa Australia, ang tagsibol ay nagsisimula habang nag-uumpisa ang taglagas sa Hilagang Hemispero. Tinatamasa ng timugang kontinente ang maagang hudyat na parating na ang tagsibol—ang kagyat na pamumulaklak ng ginintuang wattle. Kaya naman, tuwing Agosto ay maaaring marinig na binibigkas ng mga estudyante ang tula ni Mason. At noong 1992, idineklara ng gobernador-heneral ng Australia na ang Setyembre 1 ay Pambansang Araw ng Wattle.
Sabihin pa, ang ginintuang wattle ay hindi lamang basta nagpapatalastas na sumapit na ang tagsibol—ipinatatalastas nito ang tagsibol sa kalugud-lugod at magandang paraan. Binabanggit ng tula ni Mason ang “marikit at bahagyang yumuyukod na Wattle,” anupat tinutukoy ang pagyukod at pag-indayog ng mga sanga na hitik sa bulaklak sa mga simoy ng hangin sa tagsibol. Gayunman, hindi wattle ang opisyal na pangalan ng punungkahoy na ito. Ang totoo ay kabilang ito sa kawili-wiling pamilya ng mga punungkahoy na kilalang-kilala sa mga lugar sa palibot ng daigdig na doo’y mainit ang klima.
Isang Matibay at Tanyag na Pamilya
Ang pangalan sa botanika ng ginintuang wattle ay Acacia pycnantha. Ito ay isang palumpong o maliit na punungkahoy, na ang taas ay mula apat hanggang walong metro. Subalit may mga 600 hanggang 1,000 uri ng akasya sa Australia, kung saan sila ay tinatawag na mga wattle. Sa katunayan, mahigit sa kalahati ng mga uri ng akasya na kilala sa daigdig ay masusumpungan sa Australia. Sa Europa at Amerika, ang akasya ay karaniwan nang tinatawag na mimosa. Isa pang uri ng akasya ang madalas banggitin sa Bibliya. Iniutos ng Diyos na ang kaban ng tipan at ang mga bahagi ng tabernakulo ay gawing yari sa kahoy ng akasya.—Exodo 25:10; 26:15, 26.
Ang isang tanyag na miyembro ng pamilya ng akasya ay ang hugis-payong na uri na masusumpungan sa Aprika. Ang mga dahon ng akasyang iyon ay paboritong pagkain ng mga giraffe. Sa katunayan, uubusin nila ang dahon ng akasya kung hindi lamang sa pambihirang tambalan ng punungkahoy at ng isang uri ng langgam. Ang punungkahoy ay naglalaan sa langgam ng tirahan at nektar na makakain. Tinitibo naman ng langgam ang matakaw na giraffe, anupat itinataboy ang mahinay na higante upang manginain sa iba namang punungkahoy. Ang gayong tambalan ay nagpapatunay sa kahanga-hangang katibayan ng matalinong pagkakadisenyo, hindi ba?
Ang mga uri ng akasya sa Australia ay hindi nanganganib sa alinmang giraffe. Gayunman, napapaharap pa rin sila sa mga kaaway, tulad ng tagtuyot, at hinggil dito ay mayroon silang mabisang depensa. Ang balat ng buto ng akasya ay napakatibay anupat ito ay kailangang mabasag sa paanuman bago makapasok ang tubig at magsimula ang pagtubo. Gayon na lamang katibay ang mga butong ito anupat kailangan itong ibabad ng mga naghahalaman sa kumukulong tubig upang ang mga namintog na mga buto ay tumubo kapag itinanim. Sa ilang, ang buto ng akasya ay maaaring hindi tumubo sa loob ng maraming dekada! Sa wakas, isang sunog sa kakahuyan ang magiging sanhi upang tumubo ang maliit na butong ito. Dahil dito, kahit sa panahon ng pinakamatitinding tagtuyot, mayroon pa ring “taguan ng buto” ng akasya na ligtas na nakabaon sa lupa, naghihintay lamang na tumubong muli.
Maraming taon na ngayon ang nakalipas, iniluwas sa Aprika ang ilang matitibay na wattle ng Australia upang gamitin bilang potensiyal na mapagkukunan ng pagkain sa mga panahon ng tagtuyot. Ang malaking bentaha ay na maaaring mabuhay ang mga akasyang ito sa tigang at di-matabang mga lupa. Ang ilang uri ay maaari pa ngang tumubo sa buhanginan! Ginagawang siksik ng mga punungkahoy na ito ang lupa, sinusuplayan ng nitroheno, at nagsisilbing isang kanlungan sa hangin, sa gayon ay pinabubuti ang kapaligiran para sa ibang mga halaman.
Ang Maraming Gamit ng Wattle
May mga siyentipiko na minamalas ang ilang butong wattle bilang potensiyal na pagkaing pananim, anupat binibigyang-pansin ang mataas na protinang taglay nito at inihahambing ang halaga nito bilang pagkain sa ibang mga binutil. Kung iihawin, ang mga buto ay may kaayaaya at tulad-pili na lasa; kapag pinakuluan, ang ilang uri ay may lasa na gaya ng lentehas. Ang mga buto ng wattle ay ginigiling upang maging harina at ginagawang tinapay at pasta pa nga. Ang ilang uri ng wattle ay umaani ng hanggang 10 kilong buto bawat taon.
Ang mabangong bulaklak ng wattle ay ginagamit sa paggawa ng pabango. Karagdagan pa, malawakang ginagamit ang punong akasya upang maging pagkain ng hayop at upang mapigilan ang pagkaagnas ng lupa. Subalit halos hindi natin nabanggit ang marami pang gamit ng kahoy ng akasya.
Ang sinaunang mga Katutubo sa Australia ay gumawa ng mga boomerang na yari sa kahoy ng akasya. Ang isang uri ng wattle, ang Acacia acuminata, ay tinatawag na raspberry jam dahil sa ang kahoy nito ay naglalabas ng amoy na kagaya ng pinisáng mga raspberry kapag bagong putol. Subalit ang paggamit ng mga akasya sa konstruksiyon ang naging dahilan kung bakit tinawag ito na wattle.
Ang terminong “wattle” ay isang sinaunang salita. Dati ay tumutukoy ito sa kahoy na ginamit sa paraan ng pagtatayo ng mga Anglo-Saxon noong edad medya na kilala bilang wattle and daub (sala-salang patpat at pangkulapol na putik). Nilalagyan ng sapin-saping putik ang sala-salang mga patpat, na tinatawag na mga wattle, upang gumawa ng mga dingding para sa gusali. Ginamit ng sinaunang mga kolono sa Australia ang mga punong akasya para sa kanilang tinatawag na wattle-and-daub na mga bahay. Nang maglaon, ang mga punong akasya ay nakilala sa sinaunang Ingles na pangalang wattle, at ang pangalang iyon ay patuloy na ginamit.
Hindi ba’t kahanga-hanga ang dami ng mapaggagamitan ng mga punungkahoy na ito? Gayunman, kapag sumasapit ang tagsibol sa Australia, hindi ang maraming gamit ng wattle ang sumasagi sa isip. Sa halip, habang nagmimistulang ginto ang mga dalisdis ng burol dahil sa animo’y kulandong ng umiindayog at malalambot na bulaklak nito, nalilipos sa kagalakan ang bawat puso at naaalaala ang mga tulang patungkol sa wattle. Kapuwa ang kagandahan at pagiging maraming gamit ng punungkahoy ay nagpapaalaala sa maraming humahanga sa pagkamalikhain at talino ng isa na “nagtayo ng lahat ng bagay,” ang Diyos.—Hebreo 3:4.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Mga bulaklak ng “wattle” at mga balat ng buto
[Credit Line]
© Australian Tourist Commission
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Wattle: © Copyright CSIRO Land and Water; selyo: National Philatelic Collection, Australia Post; sagisag: Used with permission of the Department of the Prime Minister and Cabinet