Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 10/8 p. 16-19
  • Naiiba ang Buhay sa Australia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naiiba ang Buhay sa Australia
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paninirahan ng mga Europeo
  • Naiiba Rin ang mga Tao
  • Pagmamaneho​—Isang Malaking Pagkakaiba
  • Naiibang Takbo ng Lagay ng Panahon
  • Iba Pang Pagkakaiba
  • Napakalalawak na Espasyo
  • Ang Pagdalaw ng Papa sa Australia—Isa Lamang Peregrinasyon?
    Gumising!—1987
  • Kung Saan ang mga Kamelyo at mga Brumby ay Malayang Gumagala
    Gumising!—2001
  • Sa Paghahanap ng Ginto, Nakakita Sila ng Tahanan
    Gumising!—2011
  • Mag-ingat! Ako’y Makamandag
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 10/8 p. 16-19

Naiiba ang Buhay sa Australia

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG “gawing ibaba” (down under) ay isang kasabihan na naging pamilyar na sa marami nitong nakalipas na mga taon. Ngunit sa ibaba ng ano? Ito’y tumutukoy sa mga bansang nasa ibaba, o nasa ilalim, ng ekwador. Sa teknikal na pananalita, lahat ng bansa sa Timugang Hemispero ay maaaring tawaging “gawing ibaba.” Gayunman, ang Australia at New Zealand lamang ang madalas na pinagtutukuyan nito. Ang artikulong ito ay tatalakay lamang sa Australia, na ang pangalan ay galing sa salitang Latin na australis, na nangangahulugang “timugan.”

Ang buhay sa Australia ay naiiba kaysa sa buhay sa maraming lupain sa Hilagang Hemispero. At hindi lamang ang heograpikong lokasyon nito ang dahilan. Marami pang ibang pagkakaiba ang napapansin ng mga namamasyal dito.

Paninirahan ng mga Europeo

Noong 1788, nagsimulang manirahan ang mga Europeo sa malaki at maaraw na bansang ito. Isang grupo ng mga barkong may layag na kilala bilang ang Unang Plota ang naglayag patungong Sydney Cove. Karamihan sa mga pasahero nito ay mga bilanggo mula sa Inglatera, Ireland, at Scotland, na siyang nagdala ng wikang Ingles. Sa sumunod na 150 taon, ang karamihan sa mga dayuhan ay nagmula sa Britanya.

Kasunod ng Digmaang Pandaigdig II, ang takbo ng pandarayuhan ay nagbago. Sa ngayon, mayroon nang libu-libong “bagong Australiano” mula sa iba’t ibang bansa, anupat ang pinakamalaking bilang ay mula sa Italya at Gresya. Pinalawak ng mga dayuhan ang paraan ng pamumuhay sa Australia at dinala nila ang kani-kanilang wika at naiibang bigkas ng Ingles, gayundin ang kanilang paraan ng pagluluto at kultura.

Ito ang naging dahilan ng iba’t ibang puntó na maririnig dito. Ngunit maging yaong mga may pamilyang napakatagal nang panahong naninirahan dito ay may kakaiba pa ring puntó at paraan ng pagsasalita ng Ingles. Ang bigkas sa Australia ng mga patinig sa Ingles na a, e, i, o, u ay matigas at karaniwan nang malabo ang tunog, anupat hindi kaagad maunawaan. Saka may mga pananalitang sa Australia lamang maririnig. Halimbawa, anumang oras sa umaga o gabi, sa halip na sabihing “Magandang umaga” o “Magandang gabi,” puwede nang bumati ng palakaibigang “Magandang araw, kaibigan (G’day, mate)!” Madalas na ito’y sinusundan ng mapitagang pagsasabi tungkol sa kalagayan ng kalusugan, at ang panauhin ay maaaring tanungin, “Kumusta ka, kaibigan, ayos ba (How yer goin’, mate, orright)?”

Naiiba Rin ang mga Tao

Kailangan ang pakikibagay at tibay ng personalidad upang makapanatili sa mabatong lupaing ito. Ito’y dahil sa labis na pagkaoptimista ng marami sa mga Australiano, anupat naging bukambibig ang pananalitang, “Maaayos din iyan, kaibigan (She’ll be right, mate)!” Ipinahihiwatig nito na hindi dapat labis na mabalisa ang isa kapag sumasamâ ang mga bagay-bagay, yamang sa dakong huli ay maaayos din naman ang lahat.

Ganito ang sabi sa paunang-salita sa lathalaing The Australians: “Makatuwiran lamang na magkaroon ng ilang kaakit-akit at iba’t ibang kaugalian ang isang bansang pinasimulan ng mga bilanggo, at pagkalipas ng dalawang daang taon ay naging isa sa pinakamasikap at pinakamaunlad na bansa. . . . Sila ang bumubuo ng . . . The Australians.”

Lumitaw ang katangian ng pagkakaibigan dahil sa tindi ng likas na pagnanais na mailigtas ang buhay sa loob ng nakalipas na dalawang siglo. Nais nilang ituon ang pansin sa kahigpitan ng mga sundalong Australiano noong Digmaang Pandaigdig I. Kasama ng hukbong sandatahan ng New Zealand, ang malalakas na pangkat na ito ay tinawag na Anzacs, ang akronim ng pinagsamang Australian and New Zealand Army Corps. Kilalang-kilala rin sila bilang “mga tagahukay,” ngunit hindi tiyak kung ito’y tumutukoy sa kanilang paghuhukay ng mga kanal o paghuhukay sa minahan ng ginto sa Australia, kung saan nagkasama-sama ang mga lalaki noong mga taon ng 1800.

Pagmamaneho​—Isang Malaking Pagkakaiba

Masusumpungan ng mga panauhin mula sa mga bansang ang daloy ng trapiko ay nasa gawing kanan ng kalye na ibang-iba ang pagmamaneho sa Australia. Sa lahat ng lugar sa bansang ito, ang mga sasakyan ay minamaneho sa gawing kaliwa ng kalye.

Kaya kapag ikaw ay dumating sa Australia mula sa isang bansang ang pagmamaneho ay nasa gawing kanan, ang iyong unang pagtawid sa matrapik na kalye ay maaaring maging mapanganib. Kung sanáy kang ‘tumingin sa kaliwa, pagkatapos ay sa kanan, at muli sa kaliwa’ ang pagtawid-tawid sa daan ay maaaring magbunga ng sakuna. Ngayon ay tatandaan mo, ‘tumingin sa kanan, pagkatapos ay sa kaliwa, at pagkatapos ay sa kanan uli’ bago tumawid. Magaling! Madali kang matuto. Oops! Muntik ka nang magkamali sa pagpasok sa kotse. Nalimutan mong ang upuan ng tsuper sa bansang ito ay nasa gawing kanan!

Naiibang Takbo ng Lagay ng Panahon

Sa gawing ibaba, kung itutulad sa Hilagang Hemispero, baligtad ang mga panahon. Ang mainit, tuyong hangin ay galing sa hilaga at hilagang-kanluran, samantalang ang lahat ng paglamig ay galing sa timog. Ang malamig na hangin mula sa hilaga ay hindi kailanman nabanggit dito, ngunit mag-ingat sa mayelong bugso ng hangin mula sa timog, taglay ang napakalamig na hangin at marahil ang pagpatak at pagbagyo ng niyebe.

Ang Australia ang pinakatuyo at pinakamainit na kontinente sa lupa, na ang temperatura sa mga tuyong dako ng interyor ay umaabot sa 30 digris Celsius. Ang pinakamataas na napaulat ay 53.1 digris. Ang pinakamababa ay 22 digris, malapit sa Mount Kosciusko, ang may pinakamataas na tuktok ng bundok sa Australia, sa lugar ng Snowy Mountains.

Kung iaayon sa pamantayan ng Hilagang Hemispero, hindi gaanong lumalamig dito. Halimbawa, tingnan ang Melbourne, ang kabiserang lunsod ng estado ng Victoria. Bagaman ang lunsod na ito ay nasa dulong timog ng Australia, ang katamtamang temperatura araw-araw kung buwan ng Hulyo ay naglalaro sa 6 hanggang 13 digris Celsius. Ihambing ito sa katamtamang temperatura araw-araw kung Enero sa Beijing, Tsina, na -10 hanggang +1 digri o sa New York na -4 hanggang +3 digris. Ang mga lunsod na ito ay kapuwa katulad ng Melbourne ang distansiya sa ekwador. Bakit kaya mas mainit sa gawing ibaba, lalo pa nga at ang Australia ay malapit sa pinakamalamig na lugar sa lupa​—ang Antarctica?

Ang pagkakaiba ay na mas nakararami ang mga lupain sa Hilagang Hemispero samantalang mas maraming karagatan sa Timugang Hemispero. Ang Australia at New Zealand ay napalilibutan ng libu-libong kilometro kuwadrado ng karagatan, na lumilikha ng harang ng mas mainit na hangin laban sa napakalamig na hangin mula sa Antarctica, kung kaya napananatili ang mas mainit na klima.

Dahil sa malaking sukat ng kontinente ng Australia, ang pagkakaiba-iba ng klima sa iba’t ibang bahagi ay totoong kapansin-pansin. Sa mga estado sa gawing timog, kitang-kita ang pagkakaiba ng mga panahon, na kung gabi ng taglamig ay maliwanag, malamig, o may mga hamog ng yelo, na madalas na sinusundan ng kaayaaya at mainit na klima sa kinaumagahan. Ang kaayaayang mga araw na ito kung taglamig ay madalas na nakakatulad ng temperatura kung tag-init sa maraming bansa sa Hilagang Hemispero. Gayunman, sa mga hilagang estado ng Australia, ang taon ay nahahati lamang sa dalawang panahon​—ang mahabang mainit na panahon at ang maulang panahong dala ng hanging amihan. Sa Darwin, ang kabiserang lunsod ng Northern Territory, ang temperatura ay nananatiling mga 32 digris Celsius.

Iba Pang Pagkakaiba

Bilang resulta ng nakahihigit na mainit na panahon sa halos buong kontinente, ang mga Australiano ay kadalasan nang karaniwan lamang kung manamit. Subalit ang pagsusuot ng malapad na sumbrero ay mahalaga. Mas malimit dito ang kanser sa balat kaysa sa mga bansang may kainaman ang klima dahil sa mas madalas na pagkakalantad sa araw.

Palibhasa’y marami pang napakalalawak na espasyo sa Australia, maraming ginagawang lugar na mapagpipiknikan na may mga ihawan sa labas. Mura lamang kung ihahambing sa iba ang karne, kaya karaniwan nang ang kinakain ay inihaw na soriso at karne. Ngunit may mga sekretong senyasan ba ang mga taong iyon na nakatayo sa palibot ng ihawan sa labas? Wala naman, ipinapaspas lang nila ang kanilang libreng kamay para bugawin ang mga langaw! Mga langaw at lamok ang problema sa pagkain sa labas, lalo na kung mainit ang panahon.

Kaya nga, ang paninirahan sa gawing ibaba ay nangangahulugan ng paninirahang kasama ng mga langaw at lamok, at ang mga pinto sa harap at likod ng karamihan ng mga bahay ay may screen. Noon, ang mga tao ay nakasumbrero na may nakasabit na mga tapon sa gilid nito para maging pambugaw ng langaw. Nang magkaroon na ng mga kimikal na pambugaw sa mga insekto, hindi na gaanong isinusuot ang ganitong mga sumbrero.

Ang isa pang pagkakaiba ay may kinalaman sa kahanga-hanga, makukulay na bulaklak at mga namumulaklak na mga palumpong at mga punungkahoy. Walang maaamoy na halimuyak ng bango na di tulad sa Hilagang Hemispero. Dito, kailangan pang ilapit ng mahilig sa hardin ang kaniyang ilong sa mga bulaklak upang maamoy na mabuti ang bango ng mga ito. Mangyari pa, hindi naman lahat ng bulaklak sa Australia ay ganito. Halimbawa, masasarapan ka sa pag-amoy sa mga palumpon ng daphne at hasmin. Subalit karaniwan na, ang mga bulaklak dito ay hindi gaanong mababango kung ihahambing sa mas malalamig na klima.

Napakalalawak na Espasyo

Ang espasyo ay isang aspekto ng paninirahan sa gawing ibaba na tunay na naiiba. Ang konsepto ng kung ano ang malapit o kung ano ang malayo ay iba kaysa sa maraming bansa sa hilaga. Ang mga pagitan ng ilang bayan ay napakalayo anupat napakatagal na oras ang ipaglalakbay mo bago ka makarating sa susunod na bayan. Ito’y totoong-totoo lalo na sa dakong sa malambing na paraan ay tinatawag na kabukiran (outback). Nakagugulat ang espasyo at katahimikan dito at maaaring punuin ng bisita ang kaniyang mga baga ng sariwa at malinis na hangin. Sa malapit ay ang puno ng eukalipto, na karaniwang tumutukoy sa puno ng gum. Ang mga puno ng gum at wattle, o mga puno ng akasya, ang namamayani sa tanawin sa gawing interyor.

Habang gumagabi, masisiyahan ang iyong mga mata sa maningning na paglubog ng araw. Subalit magugulat ka sa biglang pagkagat ng dilim, sapagkat bahagyang-bahagya nang masilayan ang takipsilim sa gawing ibabang iyon. Maya-maya, sa maliwanag na kalangitan ng gawing Timog ay maglilitawan ang napakaraming bituin, lakip na ang popular na hugis na kung tawagin ay Timugang Krus. Ang mga puno ng gum ay waring nakaukit sa kalangitan habang ang buhay-ilang ay nagsisimula nang manahimik, at sasakmalin ka ng nakabibinging katahimikan na waring lalong nagpapatingkad sa napakalawak na espasyo.

Maingat na patayin ang sigâ bago mamaluktot sa iyong sleeping bag. Mahalaga iyan, sapagkat kapag hindi naapula ang apoy sa kagubatan ng Australia, di-magtatagal at ito’y magiging isang malaking lagablab ng apoy na susupok sa bawat madaanan nito. Ang pinakakorona ng mga puno ng gum ay sasabog sa matinding init, na magpapakalat ng apoy sa totoong nakasisindak na bilis. Sa mga buwan ng mainit at tuyong tag-araw, ang sunog sa kagubatan ay madalas na kinatatakutan niyaong mga nakatirang malapit sa mga dakong kagubatan. Ang mga pagbabawal sa pagsisigâ at mga patakaran sa pagsisindi ng apoy sa labas ay dapat na maingat na sundin.

Walang-anu-ano’y bukang-liwayway na, at magigising ka sa maingay na halakhakan ng isang kawan ng mga kookaburra na natulog sa kalapit na puno ng gum habang masayang nag-aawitan. Sa iyong pagkamangha, napatingin ka sa labas ng iyong tolda at nakita mo ang ibang mga punungkahoy na pinamumutiktikan ng mga ibong pagkagaganda ng kulay. Sa ngayon ay nakakita ka na marahil ng marami nito, gayundin ang iba pang mga kinapal, kasali na ang mga kanggaru, koala, emu, at marahil ay isang wombat pa nga. Ang ayaw mong makita ay ang mga ahas at gagamba. Oo, ang kontinenteng ito ay may ilang pinakamakakamandag na ahas at gagamba sa daigdig. Ngunit karamihan sa mga ito’y hindi panganib sa iyo kung hindi mo pakikialaman ang mga ito.

Oras na ng almusal sa tabi ng sigâ​—madalas ay bacon at itlog at mga hiniwang tinapay na tamang-tama ang pagkakatusta. Ginaganahan ka dahil sa sariwang hangin. Pagkatapos, habang masaya kang nag-aalmusal kasama ng mga langaw, sinisimulan mong bulay-bulayin ang naging karanasan mo sa kagubatang ito, na nagpaunawa sa iyo kung gaano kalaki ang kontinente ng Australia.

Natapos na ang iyong paglalakbay sa napakalawak na bansang ito, at pauwi ka na ngayon. Walang alinlangan na ang iyong naging karanasan na makilala ang mga palakaibigang Australiano at ang kanilang simpleng paraan ng pamumuhay ay mananatili sa iyong alaala. Gaya ng karamihan sa mga naging panauhin, marahil ay nanaisin mong makabalik muli balang araw. Ngunit may isang konklusyon na walang-pagsalang napatunayan mo: Naiiba ang buhay sa gawing ibaba!

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Parakeet at kulay rosas na cockatoo: Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations; babae: Sa kagandahang-loob ng West Australian Tourist Commission

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share