Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 8/22 p. 24-25
  • Mag-ingat! Ako’y Makamandag

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-ingat! Ako’y Makamandag
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa mga Lunsod?
  • Mag-ingat! Mga Ahas!
  • Paano Kung Matuklaw Ako?
  • Gaano Kalaki ang Panganib?
  • Isang Gagamba na Nagbabalatkayong Isang Langgam
    Gumising!—2002
  • Gagamba
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Malabong Paningin ng Jumping Spider
    Gumising!—2013
  • Pagkatuto Mula sa mga Gagamba
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 8/22 p. 24-25

Mag-ingat! Ako’y Makamandag

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia

KALIMITANG sinasabi sa mga nandarayuhan at mga bisita sa Australia na ang mga makamandag na ahas at mga gagamba ay halos nagkalat sa lahat ng lugar sa napakalaking bansang ito. Subalit, sa kilalang mga uri ng gagamba, halos 1,700 lamang ang matatagpuan dito. Bibihira ang talagang may tatak na “Mag-ingat! Ako’y Makamandag,” subalit ang karamihan ay hindi naman nakapipinsala.

Kung tungkol naman sa mga ahas, tinatayang 2,500 uri ang naninirahang kasama natin sa planetang Lupa. Ang halos 140 nito ay matatagpuan sa Australia, at halos 20 lamang ang makamandag. Talaga bang posible na makaharap ang isa sa mga makamandag na nilalang na ito?

Sa mga Lunsod?

Makapupong higit na ang karamihan ng makamandag na mga ahas at gagamba ay namumugad sa probinsiya, o sa kagubatan. Gayunman, ang ilang mga nakatira sa lunsod sa may tabing-dagat ay kailangang mag-ingat nang husto, lalo na pagdating sa mga gagamba. Halimbawa, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ang Sydney funnel-web na gagamba ay nakatira sa mismong pinakamalaking lunsod sa Australia, sa Sydney at sa palibot nito. Dahil sa taglay nitong nakausling itim na mga pangil, maaaring ito ang mamalagi sa isipan ng isa sa kaniyang masamang panaginip.

Ang lalaking funnel-web ay makikilala sa pamamagitan ng nakausling tahid sa ikalawang binti nito, at ito ang mapanganib​—ang kamandag nito ay limang ulit na mas nakalalason kaysa kamandag ng babaing gagamba. Ang pormal na pangalang Latin na ibinigay sa gagambang ito ay Atrax robustus. Ganito ang sabi ng aklat na The Funnelweb noong 1980: “Sa nakalipas na pitumpung taon mga labinsiyam katao ang napag-alamang namatay dahil sa kagat ng mga gagambang Funnelweb.” Noong 1980 nagawa ang kauna-unahang matagumpay na panlaban sa kamandag para sa kagat ng funnelweb.

Ang isa pang gagamba na dapat pag-ingatan ay ang redback, pinangalanan dahil sa malakahel na pulang guhit nito na nakapalibot sa malasutlang itim na tiyan nito. Kung minsan ang guhit nito ay kulay rosas o mapusyaw na abuhin pa nga. Ang babaing redback ang mapanganib. Ang panlaban sa kamandag para sa nakamamatay na kagat nito ay nakuha na noong 1956. Ang redback ay matatagpuan sa buong Australia at may kaugnayan sa kilalang gagambang black widow.

Mag-ingat! Mga Ahas!

Ang mga ahas ay matatagpuan sa mga damuhan o palumpungan ng mga bahay sa labas ng lunsod, lalo na kung gabi. Kakaunti ang mapanganib​—gaya ng tiger snake, ang death adder, at ang taipan. Ang tiger snake ay halos 1.5 metro ang haba. Ito’y maaaring makilala sa maitim na guhit sa likod nito. Kapag ito’y galit paubo itong sumisingasing nang malakas.

Ang death adder ay nagkakaiba-iba sa kulay, subalit may manilaw-nilaw na puting bahagi sa dulo ng buntot nito, na pinakikibot nito upang mang-akit ng biktima nito. Karaniwang matatagpuan ito sa mabuhanging lugar, kung saan ito’y hihigang parang hugis bakal ng kabayo. Ang death adder ay halos 0.6 metro kahaba at kataba.

Sa kabilang dako, ang taipan ay maaaring lumaki nang hanggang 3 metro ang haba! Ito’y kulay kayumanggi, na may mapusyaw na ilong. Ito’y may malaking glandula para sa kamandag, at ang ilang ispesimen ay may mga pangil na mahigit na isang sentimetro ang haba. Isang kabayo ang namatay sa loob ng limang minuto pagkakagat ng isang taipan!

Paano Kung Matuklaw Ako?

Ang mga panlaban sa kamandag ng kapuwa kagat ng gagamba at tuklaw ng ahas ay makukuha, at ang mga center na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa kamandag ay handang tumugon sa lahat ng oras sa buong Australia. Napagbuti na ang mga pamamaraan sa paggamot ng mga tuklaw ng ahas. Ang idea na dapat hiwain agad-agad ang sugat at sipsipin ang kamandag ay itinuturing ng marami na hindi lamang makaluma kundi nakapipinsala. Ang payo ng mga manggagamot ngayon ay panatilihing di-kumikilos at kalmado ang pasyente at lagyan ng tornikey o benda ang pagitan ng kagat at ng puso. Pagkatapos, dapat lagyan ng makapal na benda at ang natuklaw na paa o bisig ay dapat na may balangkat upang hindi maigalaw. Pagkatapos nito ay dapat magpatingin ang pasyente sa doktor o dalhin agad-agad hangga’t maaari sa ospital.

Ang mga gagambang funnel-web at redback ay bihirang matagpuan sa loob ng bahay. Ang mga redback ay nagtatago sa mga garahe o mga silungan o sa anumang tahimik, hindi nagagalawang lugar, gaya ng isang lumang kotse, bunton ng basura, o sa palikuran sa labas ng bahay. Mag-ingat na ang mga ito’y madala sa loob ng bahay nang di-sinasadya.

Gaano Kalaki ang Panganib?

Karamihan sa mga Australiano ay hindi pa kailanman nakakakita ng redback o death adder at personal na nakaaalam ng tungkol sa sinumang nakagat na nito. Ang totoo, wala talagang panganib na makagat ng makamandag na gagamba o ahas kung gagawin ang makatuwirang pag-iingat. Karamihan sa makamandag na mga nilalang ay umiiwas sa iyo at maaari lamang maging mabalasik kapag nabulabog o nasukol.

Gayunman, isang katalinuhan na mag-ingat. Isang Australianong siyentipiko na eksperto sa makamandag na mga nilikha ang nasisiyahan sa “paghahardin nang nakaguwantes, pangingisda nang nakabota at paglalakbay nang nag-iingat.” Bakit nakabota? Buweno, marahil dahil iyan sa makamandag na mga uri ng pugita at dikya, gayundin ang stonefish.

Marahil mas makabubuti kung sa susunod na lamang natin pag-usapan ang mga ito.

[Larawan sa pahina 24]

Babaing gagamba na redback

[Credit Line]

Itaas: Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations

[Larawan sa pahina 24]

Death adder sa kahilagaan

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ni Ross Bennett, Canberra, Australia

[Larawan sa pahina 25]

Gagambang funnel-web

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations

[Larawan sa pahina 25]

Taipan

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ni J. C. Wombey, Canberra, Australia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share