Mga Alagang Hayop na Kaibig-ibig o Mga Mabangis Pumatay?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND
ISANG nagdya-jogging ang sinalakay ng isang mabalasik na aso at pagkatapos nito ay naubusan siya ng dugo at namatay. Isang batang babae ang pinatay ng kaniyang sariling Rottweiler. Sa harap mismo ng kaniyang mga magulang, isang siyam-na-taóng-gulang na batang lalaki ang namatay matapos itong salakayin ng isang ligáw na German shepherd. Ito ay ilan lamang sa mga trahedya sa Poland na idinulot ng mga asong puro ang lahi.
Upang maiwasan ang gayong mga trahedya, pinahihintulutan lamang ng mga awtoridad sa ilang lugar na mag-alaga ang mga tao ng ilang lahi ng aso pagkakuha ng lisensiya para sa aso. Si Barbara Zaleska, isang miyembro ng Polish Kennel Association, ay nangatuwiran na ang lisensiya ay dapat na ibigay para sa may-ari ng aso hindi para sa aso “sapagkat ang may-ari ang nagpapasiya kung ang mga mastiff, Rottweiler, at bullterrier ay magiging mga mabangis na hayop o mananatiling mga kaibigan ng mga tao.”
Sa ilang kaso, ang mga aso ay sadyang sinasanay na pumatay. Diumano’y kabilang sa mga pamamaraan ng mga tagapagsanay ang pamamalo, pagpapagutom, at maging ang “pagsasanay sa pagpatay,” na nagsasangkot ng pagsasanay sa aso na salakayin at luray-lurayin ang mga manikin. Pagkatapos, ang mga aso ay sinasanay na sumalakay sa mas mahihinang aso na tiyak na mapapatay. Kapag natapos na ang pagsasanay, handa nang sumali ang aso sa aktuwal na labanan ng mga aso, sa kasiyahan ng mga sugarol at manonood na uhaw sa dugo.
Maliwanag na sinasabi ng Bibliya ang pangmalas ng Diyos hinggil sa pagmamalupit sa mga hayop. Sinasabi nito: “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop, ngunit ang kaawaan ng mga balakyot ay malupit.” (Kawikaan 12:10) Ang mga taong nagnanais na palugdan ang Diyos ay hindi nakikitungo nang may kalupitan sa mga hayop. Malulugod tayo na sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang pagsasanay sa mga hayop upang pumatay—para sa libangan o sa anumang dahilan—ay magwawakas.—Awit 37:9-11.