Ang Pangmalas ng Bibliya
Mga Panalanging Dinirinig ng Diyos
“Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo. Sapagkat bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong, at sa bawat isa na kumakatok ay bubuksan ito.”—LUCAS 11:9, 10.
SA PAGPAPAKITA ng lubusang pagtitiwala sa mga sinabi ni Jesu-Kristo na sinipi sa itaas, idinudulog sa panalangin sa Diyos ng maraming Kristiyano ang kanilang mga problema at mga kabalisahan, anupat nakatitiyak na kaniyang minamahal at pinagmamalasakitan sila. Subalit ang ilan ay nakararanas ng pagkasiphayo habang hinihintay nila ang kasagutan sa kanilang mga panalangin. Nadarama mo ba na parang walang-bisa ang iyong mga panalangin? Nakikinig nga ba ang Diyos kapag nananalangin ka?
Kahit na waring hindi sinasagot ang ating mga panalangin, hindi ito nangangahulugan na hindi naririnig ng Diyos ang mga ito. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.” (1 Pedro 3:12) Sa gayon, naririnig ng Diyos na Jehova ang mga panalangin ng matutuwid na tao, ito man ay binibigkas nang malakas o sinasambit mula sa puso. (Jeremias 17:10) Sinusuri rin ni Jehova ang mga kaisipan at mga damdamin na nasa likod ng bawat panalangin, na maaaring hindi lubusang nauunawaan ni nababatid man maging ng taong nananalangin.—Roma 8:26, 27.
Gayunman, kailangang matugunan ng mga panalangin ang ilang kahilingan para tanggapin ng Diyos ang mga ito. Una, ang mga ito ay dapat na sa Diyos lamang idulog—hindi kay Jesus, sa isang “santo,” o sa isang idolo. (Exodo 20:4, 5) Ang mga panalangin ay dapat ding ipaabot sa pangalan ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. (Juan 14:6) Nangangahulugan ba ito na dinirinig muna ni Jesus ang ating mga panalangin at pagkatapos ay inihahatid niya ang mensahe sa Diyos? Hindi. Sa halip, sa pamamagitan ng pananalangin kay Jehova sa pangalan ni Jesus, ipinakikilala natin ang ating mga sarili bilang mga alagad ni Kristo at kinikilala natin na dahilan lamang sa kaniyang pantubos kung kaya tayo ay nakalalapit sa Diyos.—Hebreo 4:14-16.
Dapat manalangin nang may pananampalataya. Sinabi ni apostol Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Paano nalalaman ng isang tao kung taglay niya ang ganiyang uri ng pananampalataya? Ganito ang sagot ng manunulat sa Bibliya na si Santiago: “Ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.” (Santiago 2:18) Oo, pinakikilos tayo ng pananampalataya, at ipinakikita naman ng ating mga pagkilos na iniibig natin ang Diyos at sinisikap nating palugdan siya.
Ang mga mananamba ng Diyos ay dapat ding maging matiyaga sa pananalangin. Niliwanag ito ni Jesus sa Lucas 11:9, 10, gaya ng sinipi sa simula. Tutal, kung minsan lamang ipinananalangin ng isang tao ang tungkol sa isang bagay, hindi ba’t ipinahihiwatig nito na hindi talaga siya seryoso hinggil sa kaniyang hinihiling?
Kung Ano ang Ipinangangako ng Diyos
Gaano man kadalas at kataimtim tayo manalangin, nabubuhay pa rin tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Bagaman totoong sinabi ni Jesus na magiging maligaya ang kaniyang mga tagasunod, hindi naman niya sinabi na magiging walang problema ang kanilang mga buhay. (Mateo 5:3-11) Ngunit sinabi niya na maaaring maging maligaya ang kaniyang mga alagad sa kabila ng pagdadalamhati, pagkagutom, pagkauhaw, o pag-uusig.
Ang kaligayahan na binanggit ni Jesus ay hindi nakadepende sa pagkakaroon natin ng magandang kalagayan sa buhay. Sa halip, ito ang tinataglay nating panloob na pagkakontento dahil sa naglilingkod tayo sa Diyos. Dahil dito, maaari nating tamuhin ang isang antas ng kaligayahan maging sa gitna ng maunos na kalagayan.—2 Corinto 12:7-10.
Pagharap sa Personal na mga Problema
Kung gayon, walang-kabuluhan ba na ipanalangin sa Diyos ang hinggil sa personal na mga bagay gaya ng paghanap ng isang angkop na mapapangasawa o pagharap sa mga problema sa pamilya, kalusugan, o trabaho? Hindi naman, bagaman hindi ipinangangako ng Diyos na makahimalang babaguhin niya ang mga kalagayan ng ating buhay, bibigyan niya tayo ng karunungan upang harapin nang matagumpay ang mga ito. Ganito ang isinulat ni Santiago may kinalaman sa mga pagsubok: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Santiago 1:5) Kaya sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, papatnubayan tayo ni Jehova. Makatutulong ito upang maunawaan natin at maikapit ang mga simulain sa Bibliya sa paggawa ng mga desisyon.
Mangyari pa, hindi ang espiritu ng Diyos ang siyang gumagawa ng pasiya para sa atin. Sa kabaligtaran, kailangan ang personal na pagsisikap. Halimbawa, kung may problema tayo, sinaliksik na ba natin ang hinggil dito at sinuri ang iba’t ibang aspekto at panig ng situwasyon? Isa itong pagkilos na nagpapakita sa Diyos na tayo ay may pananampalataya. (Santiago 2:18) Naging matiyaga ba tayo sa paglutas ng ating problema, anupat patuluyang humihiling ng patnubay ng Diyos? (Mateo 7:7, 8) Maingat ba nating sinuri ang mga simulain ng Bibliya na kumakapit sa situwasyon? Maaari tayong gawin ng Salita ng Diyos na ‘lubusang nasasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.’—2 Timoteo 3:16, 17.
Bagaman totoo na maaaring mamagitan ang Diyos sa mga nangyayari sa buhay ng tao at alisin ang lahat ng problema natin, pinahintulutan niya tayong ipakita ang ating kalayaang magpasiya. Nakalulungkot naman, ginagamit ng marami ang kanilang kalayaang magpasiya sa ikapapahamak ng iba. Kaya ang ilang problema na ating ipinapanalangin ay maaaring magpatuloy hanggang sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Gawa 17:30, 31) Baka ito’y isang kalagayang umiiral kung saan tayo nakatira, gaya ng krimen o laganap na digmaan; o baka sangkot dito ang pinagtitiisan nating pagpapahirap ng mga mananalansang. (1 Pedro 4:4) Dapat nating mabatid na sa di-makadiyos na sanlibutang ito ay hindi na bubuti pa ang ilang kalagayan.
Magkagayunman, mahal ng Diyos ang kaniyang mga mananamba at gusto niyang tulungan sila. Kapag isinagawa na ng kaniyang Kaharian ang di-matututulang pamamahala nito sa buong lupa, lubusan niyang aalisin ang nakapangingilabot na mga problema sa daigdig na ito. (Apocalipsis 21:3, 4) Hanggang sa pagdating ng panahong iyan, dapat nating matiyagang hilingin ang kaniyang patnubay sa pagharap sa mga problema sa buhay. Kung gayon ang ating gagawin, makatitiyak tayo na tutuparin ni Jehova ang pangako na nakaulat sa Bibliya sa Isaias 41:10: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.”