Tahimik na mga Sandata—Gaano Katotoo ang Banta?
HINDI na bago ang pagtatangkang pumatay sa pamamagitan ng sakit kapag may digmaan. Noong ika-14 na siglo, sa silangang Europa, ang mga bangkay ng biktima ng plague ay inihagis sa mga pader ng lunsod na kinukubkob. Sa isang pangyayari pagkalipas ng 400 taon, sadyang binigyan ng mga opisyal na Britano ang mga Amerikanong Indian ng mga kumot na may virus ng bulutong sa isang komperensiyang pangkapayapaan noong panahon ng Digmaan ng Pranses at Indian. Ito ang pinagmulan ng epidemya na naging dahilan ng pagsuko ng mga Indian. Gayunman, sa pagtatapos lamang ng ika-19 na siglo natuklasan na ang mga mikrobyo ang sanhi ng nakahahawang sakit. Ang kaalamang ito ang nagbukas ng bago at nakatatakot na mga posibilidad na gawing sandata ang sakit.
Mangyari pa, ang mga pagsulong sa medisina at siyensiya ang umakay rin sa paggawa ng mga gamot at pambakuna. Naging napakatagumpay ng mga ito sa paggamot at pag-iwas sa sakit. Subalit sa kabila ng mga pagsulong na ito, nananatiling isang nakatatakot na kaaway ang nakahahawang sakit, anupat pumapatay ng mahigit na 17 milyon katao taun-taon—mga 50,000 araw-araw. Ito ang isang nakababalisang situwasyon: Habang ginugugol ng matatalinong lalaki at babae ang kanilang buhay sa pagsugpo sa sakit ng mga tao, ang iba naman na may gayunding sigasig at kasanayan ay nagbubuhos ng panahon sa paglupig sa mga tao sa pamamagitan ng sakit.
Mga Pagsisikap na Ipagbawal ang Biyolohikal na mga Sandata
Sa loob ng mahigit na 25 taon, buong-tiyagang itinaguyod ng Estados Unidos, ng dating Unyong Sobyet, at ng ilang iba pang mga bansa ang paggawa ng biyolohikal na mga sandata. Subalit noong 1972 nagkasundo ang mga bansa na ipagbawal ang mga sandatang ito. Gayunman, palihim na ipinagpatuloy ng ilang bansa ang paggawa at pananaliksik, pag-iimbak ng napakaraming nakamamatay na biyolohikal na mga elemento, pati na ang pagbuo ng mga pamamaraan upang maihatid ang mga ito.
Ano ang umakay para opisyal na ipagbawal ang gayong mga sandata? Ayon sa pag-iisip noong unang mga taon ng dekada ng 1970, bagaman napakapanganib, ang biyolohikal na mga elemento ay mahinang klaseng mga sandatang pandigma. Ang isang dahilan dito ay sapagkat hindi agad tumatalab ang mga ito—gumugugol pa ng panahon bago lumitaw ang mga sintomas. Ang isa pang dahilan ay sapagkat nakadepende ang pagiging mabisa nito sa pagbabagu-bago ng hangin at panahon. Isa pa, natanto ng mga bansa na kapag ginamit ng isang bansa ang biyolohikal na mga sandata laban sa isa pang bansa, malamang na gumanti ang pinupuntiryang bansa sa pamamagitan ng sarili nitong biyolohikal na mga sandatang nakaimbak o ng mga sandatang nuklear. Sa dakong huli, kinasuklaman ng maraming tao ang sinadyang pagpapakalat ng buháy na mga organismo na babalda o papatay sa kaniyang kapuwa-tao.
Wala sa mga dahilang ito ang makahahadlang sa mga tao na nagngingitngit sa pagkapoot at handang lumabag sa tradisyonal na mga pamantayang moral. Para sa mga taong mahilig pumatay, ang biyolohikal na mga sandata ay lubhang kaakit-akit. Ang biyolohikal na mga sandata ay maaaring palihim na gawin at ikalat. Maaaring itago ang pagkakakilanlan ng taong sumasalakay, at kung sakaling makilala ang sumasalakay, hindi madaling gantihan ng aktibistang mga grupo sa maraming bansa ang kawing-kawing na grupo ng terorista. Isa pa, maaaring panghinain ng di-napapansin, di-nakikita, mabagal kumalat, at nakamamatay na biyolohikal na pagsalakay ang maraming tao sa pamamagitan ng pagkakagulo lamang. Maaaring maging sanhi ng kakapusan sa pagkain o pagbagsak ng ekonomiya ang mga pagsalakay sa mga pananim o hayupan.
Ang isa pang pangganyak ay ang medyo mababang halaga sa paggawa ng biyolohikal na mga sandata. Inihambing ng isang pagsusuri ang halaga ng paggamit ng iba’t ibang sandata para patayin ang walang kalaban-labang mga sibilyan sa isang lugar na may sukat na isang kilometro kuwadrado. Tinataya na ang halaga sa paggamit ng pangkaraniwang mga sandata ay $2,000, para sa mga sandatang nuklear, $800, sandatang nerve gas, $600, at biyolohikal na mga sandata, $1.
Teknolohikal na mga Hadlang Para sa mga Terorista
Sinabi ng mga ulat sa media na nag-eksperimento ang ilang grupong terorista sa paggamit ng biyolohikal na mga sandata. Subalit, napakalaki ng pagkakaiba sa pagitan ng pag-eeksperimento sa biyolohikal na mga sandata at paglulunsad ng isang epektibong pagsalakay sa pamamagitan ng mga ito.
Upang maging matagumpay, kailangang madaig ng isang terorista o organisasyon ng terorista ang mahihirap na teknikal na mga problema. Una, kailangang makakuha ang terorista ng sapat na nakamamatay na uri ng baktirya ng sakit. Ikalawa, dapat na alam niya kung paano gagamitin at itatago nang tama at ligtas ang baktirya. Ikatlo, dapat na alam niya kung paano ito pararamihin. Kayang salantain ng kakaunting mikroorganismo ang isang bukirin ng pananim, isang kawan ng mga hayop, o isang lunsod ng mga tao, kung halimbawang wastong naihatid ang baktirya sa pinupuntirya. Gayunman, hindi madaling mabuhay ang biyolohikal na mga elemento sa labas ng laboratoryo. Ang totoo, katiting lamang na biyolohikal na elemento ang nakaaabot sa pinupuntiryang mga tao, kaya mas marami nito ang kakailanganin upang makapaglunsad ng kapaha-pahamak na pagsalakay.
May iba pang hadlang. Kailangang maunawaan ng terorista kung paano mapananatiling buháy at epektibo ang baktirya habang ibinibiyahe ito mula sa pinanggalingan nito patungo sa lugar kung saan ito ikakalat. Sa kahuli-hulihan, kailangang malaman niya kung paano mabisang ikakalat ang baktirya. Nasasangkot dito ang pagtiyak na tama ang dami ng baktirya na inihatid sa pinupuntirya, para sa malaki-laking lugar, at may sapat na dami upang mahawahan ang marami. Gumugol nang sampung taon ang lubhang sinanay na pangkat ng mga mananaliksik sa mikroorganismo na ginagawang sandata sa digmaan sa Estados Unidos para makagawa ng mahusay na sistema sa paghahatid ng biyolohikal na mga sandata. Minsang maisaboy sa atmospera ang biyolohikal na mga elemento, nalalantad ito sa araw at iba’t ibang temperatura, na maaaring maging sanhi para mamatay ang mikroorganismo. Samakatuwid, nangangailangan ng detalyadong kaalaman hinggil sa galaw ng biyolohikal na mga organismo sa labas para gawing sandata ang biyolohikal na mga elemento.
Kung isasaalang-alang ang pagkarami-raming nasasangkot na teknolohikal na mga hadlang, hindi kataka-taka na bihira lamang ang pagtatangka ng mga terorista na sumalakay gamit ang biyolohikal na mga sandata. Isa pa, kakaunti ang namamatay sa gayong mga pagtatangka. Limang tao ang namatay sa Estados Unidos kamakailan lamang dahil sa mga sulat na may anthrax. Kahindik-hindik na rin iyan, subalit mas kakaunti naman ang mga namatay kaysa kung ang ginamit ay maliit na pampasabog o maging isang baril. Tinataya ng mga mananaliksik na sapol noong 1975, sa 96 na porsiyento ng mga pagsalakay sa buong mundo kung saan ginamit ang kemikal o biyolohikal na mga elemento, hindi hihigit sa tatlong tao ang namatay o nasaktan.
Sa pagkilala sa mga problemang nasasangkot sa matagumpay na paglulunsad ng biyolohikal na pagsalakay, sinabi ng British American Security Information Council: “Bagaman kinakaharap ng mga gobyerno ang napakaraming banta ng terorismo na gumagamit ng kemikal at biyolohikal na elemento, naniniwala ang karamihan sa mga taong nagsusuri na ang kapaha-pahamak na mga pangyayari kung saan maraming tao ang mamamatay, bagaman posible, ay malamang na hindi mangyari.” Subalit bagaman maaaring mababa ang posibilidad, ang mga kahihinatnan ng gayong pagsalakay ay maaaring maging kakila-kilabot.
Ang Masasamang Balita
Nabanggit na natin ang magandang balita: Ipinahihiwatig kapuwa ng teknolohikal na mga problema at kasaysayan na ang kapaha-pahamak na biyolohikal na mga pagsalakay ay malamang na hindi mangyari. Ang masamang balita naman, sa simpleng pananalita ay ito: Ang kasaysayan ay hindi wastong giya para sa hinaharap. Bagaman talagang nabigo ang nakalipas na mga pagsalakay, maaaring magtagumpay ang mga ito sa susunod.
May kinatatakutan pang mga bagay. Dumarami ang mga terorista na waring determinadong pumatay ng maraming tao. Hindi lamang dumarami ang mga grupo ng terorista na gumagamit ng makabagong teknolohiya kundi ang ilang grupo ng terorista ay may nakakatulad na pinansiyal at teknikal na pinagkukunan gaya ng taglay ng ilang gobyerno.
Waring hindi nababahala ang mga eksperto sa pagbibigay ng mga bansa ng biyolohikal na mga sandata sa mga grupo ng terorista. Ganito ang sinabi ng isang tagasuri: “Ang mga gobyerno, gaano man kalupit ito, gaano man kalaki ang paghahangad nito, at gaano man karadikal ang ideolohiya nito, ay mag-aatubiling magbigay ng di-pangkaraniwang mga sandata sa mga grupo ng terorista na hindi nila lubusang makokontrol; maaaring matukso ang mga gobyerno na sila mismo ang gumamit ng gayong mga armas sa unang pagsalakay, subalit mas malamang na gamitin nila ito bilang pananakot kaysa sa aktuwal na pakikipagdigma.” Ang talagang ikinababahala ng mga eksperto ay na maaaring kalapin ang mahuhusay na sinanay na mga siyentipiko na inaalukan ng malalaking pakinabang upang magtrabaho para sa mga grupo ng terorista.
Ginagawa Upang Magdulot ng Sakit
Ikinababahala rin ang mga pagsulong sa biyoteknolohiya. May kaalaman na ang mga siyentipiko kung paano babaguhin ang umiiral na mga baktirya para gawing higit na nakamamatay ang mga ito subalit madaling gamitin. Maaari nilang baguhin ang henetikong kayarian ng di-nakapipinsalang mga mikroorganismo para maging lason. Puwede ring manipulahin ang mga organismo upang makalusot ang mga ito sa pangkaraniwang pamamaraan ng pagtutop. Isa pa, ang mga mikroorganismo ay magagawang hindi tablan ng mga antibiyotiko, pangkaraniwang pambakuna, at mga paraan sa paggamot. Halimbawa, sinabi ng mga siyentipikong bumaligtad sa dating Unyong Sobyet na nakagawa sila ng isang baktirya na hindi tinatablan ng 16 na antibiyotiko.
Inaasahan na mapalalawak pa ng mga pagsulong ng biyoteknolohiya at henetikong inhinyeriya sa hinaharap ang mga mapagpipilian. Maaaring bagu-baguhin ng mga siyentipiko ang henetikong kayarian ng mga organismo upang makagawa ng napakaraming biyolohikal na mga sandata—mas nakamamatay, mas matitibay, at mas madaling gawin at ihatid. Maaari itong baguhin upang mas madaling makita at masupil ang mga epekto nito. Ang mga mikrobyo o baktirya ay nagagawa rin nilang mamatay pagkatapos na maabot ang patiunang itinakdang dami ng paghahati ng selula nito—papatay ang mga ito at saka maglalaho.
Ang di-pangkaraniwang tahimik na mga sandata ay maaari ring gawin sa hinaharap. Halimbawa, maaaring sirain ng mga sandatang may espesipikong pinipinsala ang mismong sistema ng imyunidad—sa halip na mahawahan ng pantanging sakit, ang isang biktima ay madaling tablan ng maraming sakit. Kung lumitaw ang isang nakamamatay na virus na katulad ng AIDS, sino ang makaaalam kung ang pinagmulan nito ay natural mutation o isang henetikong pagmamanipula na ginawa sa laboratoryo ng isang kaaway?
Binago ng mga pagsulong sa teknolohiya ang kaisipan ng mga militar. Isang opisyal ng hukbong pandagat sa Estados Unidos ang sumulat: “Kasisimula pa lamang tuklasin ng mga gumagawa ng sandata ang potensiyal ng malalaking pagsulong ng biyoteknolohiya. Lubos na pinag-iisip nito ang isa hinggil sa mas malalaking pagsulong na magaganap sa hinaharap kaysa sa nagawa noon.”
[Kahon sa pahina 6]
Ano ba ang Biyolohikal na Sandata?
Ang katagang “biyolohikal na sandata” ay tumutukoy sa sadyang pagkakalat ng sakit sa mga tao, hayop, o mga halaman. Lumilitaw ang sakit kapag ang pinupuntiryang mga tao ay nahawahan ng buháy na mga mikroorganismo. Ang mga organismong ito ay dumarami (ang ilan ay naglalabas ng mga lason), at sa takdang panahon ay lumilitaw ang mga sintomas ng sakit. Ang ilang biyolohikal na mga sandata ay nagiging sanhi ng pagkabaldado, ang iba naman ay pagkamatay. Ang iba ay maaari rin namang gamitin upang salakayin at pinsalain ang mga pananim.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Impormasyon Tungkol Sa Biyolohikal Na Sandata
Anthrax: Isang nakahahawang sakit na sanhi ng baktiryang gumagawa ng spore. Maaaring katulad ng pangkaraniwang sipon ang unang mga sintomas ng pagkalanghap ng anthrax. Pagkalipas ng ilang araw, lumalala ang mga sintomas mula sa mahirap na paghinga hanggang sa labis na pananamlay. Ang uring ito ng anthrax ay malimit na nakamamatay.
Sa mga taong nalantad sa anthrax, maaaring iwasan ang impeksiyon sa pamamagitan ng mga antibiyotiko. Mahalaga na magamot agad ito; nababawasan ang tsansang mabuhay kapag naantala ang paggamot.
Napakalayong mangyari na maikalat nang tuwiran ng isang tao sa iba ang anthrax at maaaring hindi talaga ito mangyari.
Noong huling kalahatian ng ika-20 siglo, ginawang sandata ng ilang bansa ang anthrax, kasali na ang Estados Unidos at dating Unyong Sobyet. Ang bilang ng mga bansang ipinalalagay na may programa para sa biyolohikal na mga sandata ay tumaas mula sa 10 noong 1989 hanggang sa 17 noong 1995. Hindi tiyak kung ilan sa mga bansang ito ang gumagawa ng anthrax. Ayon sa isang pagtantiya ng gobyerno ng Estados Unidos, ang pagsasabog ng 100 kilo ng anthrax sa pamamagitan ng aerosol sa isang malaking lunsod ay nakamamatay na gaya ng isang hydrogen bomb.
Botulism: Isang sakit na nakapaparalisa ng kalamnan na sanhi ng baktirya na naglalabas ng lason. Kasali sa mga sintomas ng botulism na nanggagaling sa pagkain ay ang pagdoble o panlalabo ng paningin, pagbagsak ng talukap ng mata, malabong pagsasalita, mahirap na paglunok, at panunuyo ng bibig. Humihina ang kalamnan ng katawan mula sa balikat pababa. Ang pagkaparalisa ng mga kalamnan para sa paghinga ay nagiging sanhi ng kamatayan. Hindi naililipat ng isang tao ang botulism sa iba.
Kapag maaga-agang naibigay ang panlaban sa lason, nababawasan ang kalubhaan ng mga sintomas at ang posibilidad na kamatayan.
Ang lason ng botulin ang unang-unang pinipili bilang biyolohikal na sandata hindi lamang dahil sa ito ay isa sa mga kilalang pinakanakalalasong substansiya kundi dahil sa ito rin ay napakadaling paramihin at ihatid. Karagdagan pa, yaong mga nahawahan nito ay nangangailangan ng matagalan at mabuting pangangalaga. Pinaghihinalaang ginagawa ng ilang bansa ang lason ng botulin bilang biyolohikal na sandata.
Plague: Isang sakit na lubhang nakahahawa na sanhi ng baktirya. Ang unang mga palatandaan ng nakamamatay na pneumonic plague ay lagnat, pananakit ng ulo, panghihina, at ubo. Kasunod nito ang septic shock, at kung hindi ito magagamot agad ng antibiyotiko, halos tiyak ang kamatayan.
Naililipat ang sakit sa ibang tao sa pamamagitan ng mga talsik ng laway.
Noong ika-14 na siglo, sa loob ng limang taon, ang plague ay pumatay ng halos 13 milyon katao sa Tsina at 20 milyon hanggang 30 milyon sa Europa.
Noong mga dekada ng 1950 at 1960, parehong gumawa ng mga pamamaraan ang Estados Unidos at dating Unyong Sobyet para ikalat ang pneumonic plague. Pinaniniwalaan na ginagawa ng libu-libong siyentipiko ang plague upang maging sandata.
Bulutong: Isang sakit na lubhang nakahahawa na sanhi ng virus. Ang unang mga sintomas ay mataas na lagnat, pagkahapo, pananakit ng ulo at likod. Sa bandang huli, lumilitaw ang makirot na mga sugat na napupuno ng nanà. Isa sa tatlong biktima ang namamatay.
Nasugpo ang bulutong sa buong daigdig noong 1977. Natapos ang rutin ng pagbabakuna para sa bulutong noong kalagitnaan ng dekada ng 1970. Hindi tiyak ang antas ng imyunidad, kung mayroon man, sa mga taong binakunahan noon. Walang napatunayang paraan ng paggamot sa bulutong.
Ang sakit ay kumakalat sa mga tao sa pamamagitan ng may impeksiyong mga talsik ng laway. Ang nahawahang mga damit o sapin sa kama ay maaaring magkalat din ng virus.
Pasimula noong 1980, inilunsad ng Unyong Sobyet ang matagumpay na programa sa pagpaparami ng virus ng bulutong at binago ito para maihatid sa pamamagitan ng mga intercontinental ballistic missile. Pinagsikapan ding makagawa ng mga uri ng bulutong na mas nakamamatay at mas nakahahawa.
[Larawan]
Ang baktirya ng “anthrax” at bilugang “spore”
[Credit Lines]
Pinagkunan: U.S. Centers for Disease Control and Prevention, Johns Hopkins Center for Civilian Biodefense Studies.
Biktima ng anthrax: CDC, Atlanta, Ga.; baktirya ng anthrax: ©Dr. Gary Gaugler, Photo Researchers; baktirya ng botulism: CDC/Courtesy of Larry Stauffer, Oregon State Public Health Laboratory
Baktirya ng plague: Copyright Dennis Kunkel Microscopy, Inc.; virus ng bulutong: ©Meckes, Gelderblom, Eye of Science, Photo Researchers; biktima ng bulutong: CDC/NIP/Barbara Rice
[Larawan sa pahina 7]
Naghasik ng takot kamakailan lamang ang mga sulat na may “anthrax”
[Credit Line]
AP Photo/Axel Seidemann
[Larawan sa pahina 7]
Sinira ang mga kemikal at biyolohikal na bombang pinasasabog sa himpapawid pagkatapos ng Gulf War
[Credit Line]
AP Photo/MOD