Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 5/22 p. 7-10
  • Pagharap sa Banta ng Terorismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagharap sa Banta ng Terorismo
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsalakay sa Pamamagitan ng Computer
  • Terorismo sa Pamamagitan ng mga Kimikal at mga Mikrobyo
  • Mga Sandatang Nuklear sa Kamay ng mga Terorista?
  • Ang Malaking Pinsala
  • May Bagong Anyo ang Terorismo
    Gumising!—2001
  • Terorismo—Malapit Nang Magwakas!
    Gumising!—2001
  • Mawawala Pa Ba ang Terorismo?
    Iba Pang Paksa
  • Tahimik na mga Sandata—Gaano Katotoo ang Banta?
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 5/22 p. 7-10

Pagharap sa Banta ng Terorismo

NOONG huling mga taon ng dekada 1980, waring naglalaho na ang terorismo. Gayunman, isang bagong uri ng terorista ang lumitaw. Ang banta ng terorismo sa ngayon ay pangunahin nang nagmumula sa mga ekstremista na nagtatag ng kanilang sariling mga pinagkukunan ng pondo​—sa pamamagitan ng pagbebenta ng droga, pribadong negosyo, sariling kayamanan, mga kawanggawa, at lokal na pinansiyal na suporta. At malulupit pa rin sila.

Nitong nakalipas na mga taon ay dumami ang walang-saysay na mga gawang terorismo. Ang World Trade Center sa New York City ay binomba, na pumatay ng 6 katao at nakasugat ng halos 1,000. Isang kulto ang nagpakalat ng sarin nerve gas sa sistema ng subway sa Tokyo, na pumatay ng 12 at puminsala ng mahigit sa 5,000. Pinaguho ng isang terorista ang isang gusaling pederal sa Oklahoma City sa pamamagitan ng isang bomba na inilagay sa trak, na pumatay ng 168 at nakasugat ng daan-daan. Gaya ng ipinakikita ng tsart sa pahina 4 at 5, ang iba’t ibang uri ng mga gawang terorismo ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon.

Sa pangkalahatan, waring hindi na gaanong nagpipigil ang mga terorista di-tulad noong nakalipas. Ang nahatulang nambomba sa gusaling pederal ng Oklahoma City noong 1995 ay sinipi nang sabihin niya na upang makuha ang dami ng atensiyon na kailangan niya, gusto niyang “bangkay ang bibilangin.” Nais ng lider ng grupong responsable sa pambobomba sa World Trade Center noong 1993 sa New York City na maibuwal ang isang gusali upang ito’y bumagsak sa isa pa, anupat mamamatay ang lahat ng nasa dalawang gusali.

Bago na rin ang nagugustuhang mga sandata na nasa kamay ng mga terorista. Ganito ang sinabi ni Louis R. Mizell, Jr., isang dalubhasa sa terorismo: “Nabubuhay tayo sa isang panahon ng hindi lubos-maisip na pagngangalit at mapamuksang mga arsenal: nuklear, kimikal, at biyolohikal.” Ang mga ekstremista na nagnanais na makalikha ng mas matinding impresyon ay bumabaling sa mas nakamamatay na mga sandata na dulot ng teknolohiya.

Pagsalakay sa Pamamagitan ng Computer

Kabilang sa tinatawag na cyberterrorism ang paggamit ng makabagong teknolohiya, gaya ng mga computer. Ang isang sandata ay ang virus sa computer, na sumisira sa mga impormasyon o nagpapatigil sa mga sistema. Mayroon ding mga “logic bomb” na lumilinlang sa mga computer upang gawin ang isang bagay na hindi naman kaya ng mga ito, sa gayo’y nasisira tuloy ang mga ito. Yamang ang ekonomiya at ang seguridad ng mga bansa ay lalong dumedepende sa mga network ng computer, marami ang nakadarama na ang publiko ay higit na madaling salakayin ng gayong mga terorista. At bagaman ang karamihan sa mga hukbo ay may mga sistema upang mapanatiling umaandar ang kanilang komunikasyon maging sa panahon ng nuklear na digmaan, ang mga sistemang pambayan​—suplay ng kuryente, transportasyon, at mga kalakalan sa pananalapi​—ay malamang na mas madaling isabotahe.

Dati, kung nais ng isang terorista na magkaroon ng blackout, halimbawa, sa Berlin, marahil ay mamamasukan ito bilang isang obrerong pambayan upang masabotahe niya ang sistema ng elektrisidad. Ngunit ngayon, sinasabi ng ilan na maaaring maging posible para sa isang bihasang computer hacker na padilimin ang lunsod kahit na siya ay nasa kaniyang bahay sa isang liblib na nayon sa kabilang panig ng daigdig.

Hindi pa natatagalan, isang hacker mula sa Sweden ang nakapasok sa isang sistema ng computer sa Florida at pinutol ang isang sistema ng serbisyong pangkagipitan sa loob ng isang oras, anupat nahadlangan ang mga pagtugon ng serbisyo ng pulisya, pamatay-sunog, at ambulansiya.

“Sa diwa ay nakagawa tayo ng isang pangglobong komunidad na walang departamento ng pulisya,” ang sabi ni Frank J. Cilluffo, direktor ng Information Warfare Task Force ng Center for Strategic and International Studies (CSIS). At si Robert Kupperman, nakatataas na tagapayo sa CSIS, ay nagsabi noong 1997 na kung gugustuhin ng mga terorista na gumamit ng makabagong mga pamamaraan, “walang ahensiya ng pamahalaan na umiiral sa kasalukuyan ang makahaharap sa mga epekto ng kanilang pagsalakay.”

Naniniwala ang ilang tagasuri na ang mga terorista sa computer ay may mga kasangkapan sa teknolohiya na magagamit upang linlangin ang anumang mga kagamitang pamproteksiyon na nalikha ng mga puwersang panseguridad. “Ang isang kalaban na may kakayahang magsingit ng angkop na virus o makapasok sa tamang terminal ng computer ay maaaring makalikha ng malaking pinsala,” ang sabi ni George Tenet, direktor ng U.S. Central Intelligence Agency.

Terorismo sa Pamamagitan ng mga Kimikal at mga Mikrobyo

Ikinababahala rin ang paggamit ng sandatang kimikal at biyolohikal. Nagulantang ang daigdig maaga noong 1995 nang marinig ang pagsalakay ng terorista na gumamit ng nakalalasong gas sa sistema ng subway sa Tokyo. Ang insidente ay ipinalalagay na kagagawan ng isang sektang nanghuhula tungkol sa katapusan ng mundo.

“Nagbago na ang terorismo,” ang sabi ni Brad Roberts ng Institute for Defense Analyses. “Ang mga tradisyonal na terorista ay nagnanais ng pulitikal na pagkilala. Ngunit ngayon, sinasabi ng ilang grupo na ang kanilang pangunahing tunguhin ay ang malawakang pagpatay. Iyan ang dahilan kung bakit kaakit-akit ang mga sandatang biyolohikal.” Mahirap bang makakuha ng gayong mga sandata? Ang magasing Scientific American ay nagsasabi: “Maaaring magparami ng trilyun-trilyong baktirya ang isa nang di-gaanong naisasapanganib ang kaniyang sarili sa tulong ng kagamitan na kasinsimple lamang ng pampakasim ng serbesa at isang pinag-aalagaan ng mikroorganismo na nabubuhay sa protina, isang gas mask at isang plastik na panlabas na kasuutan.” Kapag naihanda na ang mga mikrobyo, ang paghahatid sa mga ito ay napakadali lamang. Ni hindi pa nga malalaman ng mga biktima na may pinakawalang isang sandata hanggang sa lumipas pa ang isa o dalawang araw. At sa panahong iyon, maaaring huli na ang lahat.

Ang anthrax ay sinasabing mas pinipili bilang isang sandatang biyolohikal. Ang pangalan ng sakit ay nagmula sa salitang Griego para sa uling​—isang pagtukoy sa maiitim na langib na karaniwang namumuo sa mga singaw na lumilitaw sa balat ng mga taong nakahawak sa mga hayop na nahawahan ng anthrax. Ang mga tagaplano ng depensa ay mas nababahala sa mga impeksiyon sa bagà na dulot ng pagkalanghap ng anthrax spores. Sa mga tao, marami ang namamatay dahil sa impeksiyon sa anthrax.

Bakit kaya gayon na lamang kabisa ang anthrax bilang isang sandatang biyolohikal? Ang baktirya ay madaling paramihin at napakahirap kontrolin. Ilang araw pa ang lilipas bago maranasan ng mga biktima ang unang sintomas nito, isang tulad-trangkaso na pananamlay at pagkahapo. Susundan ito ng ubo at kaunting paninikip ng dibdib. Pagkatapos ay saka mararanasan ang matinding hirap sa paghinga, pagbagsak ng sirkulasyon ng dugo, at sa loob lamang ng ilang oras, kamatayan.

Mga Sandatang Nuklear sa Kamay ng mga Terorista?

Matapos bumagsak ang Unyong Sobyet, ang ilan ay nag-iisip kung mayroon kayang nakaw na sandatang nuklear na lilitaw sa ilegal na pamilihan. Gayunman, maraming eksperto ang naniniwalang hindi ito kailanman mangyayari. Si Robert Kupperman, na sinipi kanina, ay nagsabi na “walang ebidensiya na may grupong terorista na nagbalak na makakuha ng nuklear na materyal.”

Ang isang higit na ikinababahala ay ang tahimik ngunit nakamamatay na kamag-anak ng bombang nuklear​—ang radyoaktibong materyal. Hindi ito sumasabog. Walang napipinsala dahil sa pagsambulat o init nito. Sa halip, naglalabas ito ng radyasyon na sumisira sa indibiduwal na mga selula. Pantangi nang madaling masira ang mga selula ng utak sa buto. Ang pagkamatay ng mga ito ay sinusundan ng iba’t ibang epekto, kabilang na ang labis na pagdurugo at pagbagsak ng sistema ng imyunidad. Hindi tulad ng mga sandatang kimikal, na humihina ang bisa kapag nahaluan ng oksiheno at halumigmig, ang radyoaktibong materyal ay patuloy na makapagdudulot ng pinsala sa loob ng maraming taon.

Ipinakikita ng isang aksidente sa Goiânia, isang lunsod sa timog-sentral ng Brazil, na lubhang nakamamatay ang radyasyon. Noong 1987, binuksan ng isang walang kamalay-malay na lalaki ang isang sisidlang tingga na nakakabit sa isang piraso ng pinabayaang kasangkapan sa medisina. Ang sisidlan ay naglalaman ng cesium-137. Palibhasa’y nahalina sa maningning na kulay-bughaw na kinang ng bato, ipinakita niya ang kaniyang natagpuan sa kaniyang mga kaibigan. Sa loob ng isang linggo, ang unang mga biktima ay nagsimulang magtungo sa lokal na klinika para sa kalusugan. Libu-libo ang sinuri kung may mga palatandaan ng pagkahawa. Mga sandaang residente ang nagkasakit. Limampu ang kinailangang maospital, at apat ang namatay. Ang pag-iisíp hinggil sa maaaring nangyari kung ang cesium ay sinadyang ikalat ay nagdulot ng malaking takot sa mga eksperto sa paglaban sa terorismo.

Ang Malaking Pinsala

Ang kalunus-lunos na pagkitil ng buhay ng tao ang pinakamaliwanag na bunga ng terorismo. Ngunit may mas malawak na mga nasasangkot dito. Maaaring sirain o antalahin ng terorismo ang proseso ng kapayapaan sa magugulong bahagi ng ating planeta. Pinupukaw, pinatatagal, o pinatitindi nito ang mga labanan, at pinabibilis nito ang siklo ng karahasan.

Maaari ring magkaroon ng epekto ang terorismo sa mga pambansang ekonomiya. Ang mga pamahalaan ay napilitang gumugol ng napakaraming oras at kayamanan upang labanan ito. Halimbawa, sa Estados Unidos lamang, ang gastos sa paglaban sa terorismo ay may badyet na mahigit sa sampung bilyong dolyar para sa taóng 2000.

Napapansin man natin ito o hindi, ang terorismo ay nakaaapekto sa ating lahat. Iniimpluwensiyahan nito ang paraan ng ating paglalakbay at ang mga pagpili na ating ginagawa kapag tayo ay naglalakbay. Pinipilit nito ang mga bansa sa palibot ng daigdig na gumugol ng malalaking halaga ng salaping mula sa buwis upang ipagsanggalang ang mga kilaláng tao, mahahalagang instalasyon, at ang mga mamamayan.

Kaya nananatili ang katanungan, Mayroon bang namamalaging solusyon sa salot ng terorismo? Tatalakayin ito sa susunod na artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Terorismo sa Ngalan ng Ekolohiya

Isang bagong uri ng terorismo ang lumitaw sa anyo ng “mga panununog, pambobomba at pananabotahe sa ngalan ng pagliligtas sa kapaligiran at sa mga kinapal nito,” ulat ng pahayagang Oregonian. Ang mapangwasak na mga gawang ito ay tinawag na ecoterrorism. Di-kukulangin sa sandaang matitinding gawa na may ganitong uri ang naganap sa kanlurang Estados Unidos mula noong 1980, na may pinsalang umaabot sa $42.8 milyon. Ang gayong mga krimen ay karaniwan nang nilalayon upang patigilin ang pagtotroso, ang paggamit sa mga dakong iláng para sa paglilibang, o ang paggamit sa mga hayop para pagkunan ng balahibo, gawing pagkain, o gamitin sa pananaliksik.

Ang mga gawang ito ay itinuturing na mga gawang terorismo sapagkat sangkot dito ang karahasan na nilayon upang baguhin ang paggawi ng mga indibiduwal at mga institusyon o palitan ang mga patakarang pampubliko. Binibigo ng mga ecoterrorist ang mga imbestigador sa pamamagitan ng pag-atake sa mga puntirya na nasa liblib na dako, na kadalasa’y kung gabi, at halos walang ebidensiyang iniiwan maliban sa natupok na mga guho. Hanggang nitong kamakailan, ang mga krimen sa ngalan ng pagsasanggalang sa kapaligiran ay mayroon lamang limitado at lokal na epekto, at hindi gaanong napapansin. Ngunit lumalaki ang naging mga puntirya nitong nakalipas na mga taon. “Ang tunguhin ng mga taong ito ay ang maitawag-pansin ang kanilang ipinakikipaglabang pagbabago,” sabi ng special agent na si James N. Damitio, isang beteranong imbestigador ng U.S. Forest Service. “At kung sa palagay nila’y hindi sila napapansin, susubok sila ng iba namang paraan.”

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

Ang Terorismo at ang Media

“Ang publisidad ay kapuwa nagiging pangunahing tunguhin at sandata ng mga gumagamit ng pananakot laban sa mga inosenteng tao upang magtaguyod ng mga kapakanang pulitikal o basta lumikha ng kaguluhan,” sabi ni Terry Anderson, isang peryodista na binihag sa loob ng halos pitong taon ng mga terorista sa Lebanon. “Ang mismong pag-uulat ng isang pagkidnap na udyok ng pulitika, isang pataksil na pagpatay o isang nakamamatay na pambobomba ay isang patiunang tagumpay para sa terorista. Kung wala ang atensiyon ng daigdig, ang malulupit na gawang ito ay walang kabuluhan.”

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

1. Isang patiwakal na pambobomba sa Jerusalem, Israel

2. Binomba ng mga etnikong terorista ang isang bangko sa Colombo, Sri Lanka

3. Isang bomba na inilagay sa kotse ang sumabog sa Nairobi, Kenya

4. Pamilya ng mga biktima ng isang pagsabog ng bomba sa Moscow, Russia

[Credit Lines]

Heidi Levine/Sipa Press

A. Lokuhapuarachchi/Sipa Press

AP Photo/Sayyid Azim

Izvestia/Sipa Press

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share