Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 5/22 p. 3-6
  • May Bagong Anyo ang Terorismo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Bagong Anyo ang Terorismo
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nagbabagong Anyo ng Terorismo
  • Terorismo—Malapit Nang Magwakas!
    Gumising!—2001
  • Mawawala Pa Ba ang Terorismo?
    Iba Pang Paksa
  • Pagharap sa Banta ng Terorismo
    Gumising!—2001
  • Ano ang Lunas?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 5/22 p. 3-6

May Bagong Anyo ang Terorismo

Nang huling itampok sa pabalat ng babasahing ito sa Ingles ang paksa hinggil sa terorismo, isang pamilyar na larawan ang ginamit​—yaong sa mga nakamaskarang mamamatay-tao na may mga baril na ang nasa likuran ay isang malakas na pagsabog. Subalit sa ngayon, iba na ang kalagayan.

HABANG takipsilim, isang komboy ng mga simpleng trak ang tahimik na dumaan sa mga subdibisyon. Ang mga trak ay huminto malapit sa isang gusali ng paaralan. Di-nagtagal, isang pangkat ng mga lalaking pantanging sinanay na nakasuot ng mga gas mask at mga kasuutang pananggalang sa kimikal ang mabagal na bumagtas sa mga madahong palumpong. Ang tanging nalalaman nila ay na isang maliit na bomba ang pinasabog sa isang paligsahan sa isport sa istadyum ng paaralan, na nagpakalat ng usok na naging sanhi ng pagkakasakit ng maraming manonood. Sa pakikipagtulungan ng lokal na mga tauhang pangkagipitan, maingat na pinasok ng apat na lalaki ang apektadong lugar upang alamin kung ano ang nangyari. Ano ang ikinalat ng bombang iyon? Anthrax? Nerve gas?

Ang mga lalaki ay dahan-dahang lumakad patungo sa arena, na dala-dala ang iba’t ibang kagamitan para sa pagsusuri ng kimikal. Narating nila ang isang maliit na silid kung saan natagpuan nila ang labí ng bomba. Maselan ang kanilang misyon, anupat kailangang gumamit ng maliliit na kasangkapang pantuklas at maglipat ng mabibigat na bagay.

Di-nagtagal at lumabo na ang salamin ng kanilang mga gas mask. Ang trabaho ay nakapapagod, maging sa sinanay na mga lalaki. Gayunman, wala pang sampung minuto ay nakilala na ang labí. “Walang alinlangang anthrax ang laman ng bomba,” ang pagtiyak ng kimiko na kasama nila.

Ang Nagbabagong Anyo ng Terorismo

Ang pangyayaring ito ay hindi naman kasimpanganib ng pagkakalahad dito. Ito ay isa lamang pagsasanay, na sumusubok sa pagtugon ng pangkat sa isang kunwari ay pagpapasabog ng nakalalasong gas bilang pagsalakay sa isang lugar sa gawing hilaga ng New York. Ang grupo ay isa sa binuo kamakailan na Weapons of Mass Destruction Civil Support Teams. Ang gayong mga pangkat ay inaatasang tayahin ang lawak at tindi ng bagong uri ng mga pagsalakay ng terorista sa pamamagitan ng pagsusuri sa pinaghihinalaang mga mikrobyo, kimikal, o radyoaktibong materyal.

Ang pangkat na ito ay isa sa maraming pangkat sa buong daigdig na binuo bilang tugon sa nagbabagong mga banta at mga hamon na ibinangon ng terorismo.a Ipinahihiwatig ng mga insidente nitong nakalipas na mga taon na ang mga gawang pananakot ng nagsasariling mga grupo o nagsosolong mga ekstremista ay dumarami. Bagaman pinupuntirya pa rin ng maraming terorista ang mga kampong militar at mga embahada, idinagdag ng ilan sa kanilang talaan ang mga pagsalakay sa tinatawag na mga soft target, gaya ng mga sistema ng pampublikong transportasyon, mga paligsahan sa isport, mga abalang lugar sa lunsod, mga otel, at mga pasyalan ng turista.

Bilang pagkumpirma sa pagbabago ng paggawi ng mga terorista, si Porter Goss, tsirman ng U.S. House Intelligence Committee, ay nagsabi: “Kailangang baguhin na natin ang ating dating kaisipan mula sa terorismo na itinataguyod ng mga estado tungo sa bagong anyo ng terorismo. Napapaharap tayo sa dumaraming terorismo na itinataguyod dahil sa isang layunin.”

Kabilang sa lumilitaw na bagong anyo ng terorismo ang mga pagkilos at mga estratehiya na maaaring mas mahirap hadlangan o labanan. Mas nagagamit ng mga terorista ang mga bagong teknolohiya at nakakakuha ng sariling pondo. Ganito ang ulat ng USA Today: “Dahil sa bagong teknolohiya sa computer at sa komunikasyon at sa mga koneksiyon sa organisadong krimen ay lalong nagiging mahirap labanan ang terorismo.” Kabilang din sa bagong anyo ang mga bagong puntirya, anupat ang mga reporter at mga tagapagsuri ng mga balita ay napilitang umimbento ng mga katagang gaya ng “cyberterrorism,” “bioterrorism,” at “ecoterrorism.”

Gaano ba kapanganib ang bagong anyo ng terorismo? Nanganganib ba ang iyong personal na kaligtasan? Mayroon bang solusyon sa salot ng internasyonal na terorismo? Ang sumusunod na mga artikulo ay magbibigay-liwanag sa mga katanungang ito.

[Talababa]

a Ang mga pananaw hinggil sa kung ano ang maituturing na terorismo ay lubhang nagkakaiba-iba. Halimbawa, sa mga bansang nababahagi dahil sa labanang sibil, ang mararahas na gawa ng isang paksiyon laban sa isa pa ay maaaring malasin bilang lehitimong mga gawa ng digmaan o bilang terorismo, depende kung aling panig ang tinatanong. Sa seryeng ito ng mga artikulo, ang salitang “terorismo” ay pangkalahatang tumutukoy sa paggamit ng karahasan bilang paraan ng pamumuwersa.

[Kahon/Mapa sa pahina 4, 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Isang Dekada ng TERORISMO

1. Buenos Aires, Argentina

Marso 17, 1992

Winasak ng isang bomba na inilagay sa kotse ang Embahada ng Israel. Napatay: 29. Nasugatan: 242

2. Algiers, Algeria

Agosto 26, 1992

Isang bomba ang sumabog sa internasyonal na paliparan. Napatay: 12. Nasugatan: di-kukulangin sa 128

3. New York City, Estados Unidos

Pebrero 26, 1993

Pinasabog ng mga relihiyosong ekstremista ang isang malaking bomba sa ilalim ng World Trade Center. Napatay: 6. Nasugatan: mga 1,000

4. Matsumoto, Hapon

Hunyo 27, 1994

Nag-isprey ng sarin gas sa isang pamayanan ang mga miyembro ng grupong Aum Shinrikyo. Napatay: 7. Napinsala: 270

5. Tokyo, Hapon

Marso 20, 1995

Ang mga miyembro ng Aum Shinrikyo ay nagdala ng anim na pakete sa mga tren sa subway sa Tokyo, anupat nagpakalat ng nakamamatay na sarin gas. Napatay: 12. Napinsala: mahigit sa 5,000

6. Oklahoma City, Estados Unidos

Abril 19, 1995

Isang bomba na inilagay sa trak ang sumabog sa isang gusaling pederal. Sinisisi ang mga ekstremistang makakanan. Napatay: 168. Nasugatan: mahigit sa 500

7. Colombo, Sri Lanka

Enero 31, 1996

Ibinangga ng mga etnikong terorista ang isang trak na punô ng bomba sa isang bangko. Napatay: 90. Nasugatan: mahigit sa 1,400

8. London, Inglatera

Pebrero 9, 1996

Pinasabog ng mga teroristang taga-Ireland ang isang bomba sa isang paradahan. Napatay: 2. Nasugatan: mahigit sa 100

9. Jerusalem, Israel

Pebrero 25, 1996

Pinasabog ng isang patiwakal na nambobomba ang isang bus. Mga relihiyosong ekstremista ang pinaghihinalaan. Napatay: 26. Nasugatan: mga 80 iba pa

10. Dhahran, Saudi Arabia

Hunyo 25, 1996

Isang trak ng petrolyo na may dalang bomba ang sumabog sa labas ng isang pabahay para sa mga militar ng Estados Unidos. Napatay: 19. Nasugatan: 515

11. Phnom Penh, Cambodia

Marso 30, 1997

Apat na granada ang inihagis ng mga sumalakay sa isang demonstrasyon. Napatay: hanggang 16. Nasugatan: mahigit sa 100

12. Coimbatore, India

Pebrero 14, 1998

Sunud-sunod na pambobomba ang isinagawa ng mga relihiyosong militante. Napatay: 43. Nasugatan: 200

13. Nairobi, Kenya, at Dar es Salaam, Tanzania

Agosto 7, 1998

Binomba ang mga Embahada ng Estados Unidos. Napatay: 250. Nasugatan: mahigit sa 5,500

14. Colombia

Oktubre 18 at Nobyembre 3, 1998

Isang pagsalakay sa pamamagitan ng mga bomba at isa naman sa pamamagitan ng mga missile. Isang linya ng tubo ng langis ang puntirya ng unang pag-atake. Napatay: 209. Nasugatan: mahigit sa 130

15. Moscow, Russia

Setyembre 9 at 13, 1999

Winasak ng dalawang malalaking pagsabog ang dalawang gusali ng apartment. Napatay: 212. Nasugatan: mahigit sa 300

[Credit Lines]

Pinagkunan: The Interdisciplinary Center, Herzliya, Israel

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

Victor Grubicy/Sipa Press

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Mga Pagsalakay sa Pamamagitan ng Computer

Marso 1999: Ipinakikita ng mga ulat na ang mga computer sa Pentagon ay “sama-sama at organisadong” dinadaluyong ng mga mapanghimasok. Bawat araw, 60 hanggang 80 pagsalakay mula sa mga hacker (eksperto sa computer) ang naitatala sa mga sistema ng computer ng U.S. Defense Department.

Kalagitnaan ng 1999: Sa loob lamang ng tatlong buwan, ang mga hacker na laban sa pamahalaan ay ilegal na nakapasok sa mga Web page na pag-aari ng U.S. Senate, Federal Bureau of Investigation, U.S. Army, White House, at ilang departamento ng gabinete sa Estados Unidos.

Enero 2000: Sa buong daigdig, ang mga negosyo ay iniuulat na gumugol ng $12.1 bilyon noong nakalipas na taon sa paglaban sa “terorismong pang-ekonomiya” sa anyong mga nakapipinsalang virus sa computer.

Agosto 2000: Isang hacker ang nakapasok sa mga Web site ng ahensiya ng pamahalaan at ng lokal na awtoridad sa United Kingdom.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share