Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Hindi na Ako Mahal ng Aking Magulang?
“Bago diborsiyuhin ng aking itay ang aking inay, madalas kaming magpunta sa tabing-dagat, kumain sa labas, at mamasyal sakay ng kaniyang kotse. Pagkatapos ay lubusan itong natigil. Nagbago ang aking itay. Sa palagay ko’y diniborsiyo rin niya ako.”—Karen.a
NAPAKARAMING kabataan ang nakararanas ng gayong damdamin. Tulad ni Karen, nadarama nilang hindi na sila mahal ng isa sa kanilang magulang—o hindi sila minahal kailanman. Hindi namin tinutukoy rito ang tampuhan na maaaring mangyari bunga ng pansamantalang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga kabataan at ng kanilang mga magulang; ni tinutukoy man namin ang hinanakit na maaaring bumabangon paminsan-minsan bilang reaksiyon sa disiplina ng magulang. Sa halip, sa ilang kalagayan, ang mga magulang ay talagang nagpapabaya, anupat nabibigong ibigay sa kanilang mga anak ang kinakailangang pansin at disiplina. Sa ibang mga kaso naman, palaging may matindi at malupit na pakikitungo, marahil ay may kasamang masasakit na salita o pambubugbog.
Wala nang sasakit pa sa pagtatakwil ng isang magulang. “Pakiramdam ko ay inayawan ako at pinabayaan,” ang sabi ni Karen. Kung naranasan mo na ang gayong kahirap na katayuan, isaalang-alang ang ilang mungkahi kung paano haharapin ang iyong damdamin. Makatitiyak ka na kahit na kulang ang suporta ng iyong magulang, makapananagumpay ka sa buhay!
Pag-unawa sa Iyong Magulang
Unang-una, angkop lamang na asahan mong mahalin ka ng iyong magulang. Ang pagmamahal ng isang magulang para sa anak ay dapat na maging likas at maaasahan gaya ng pagsikat ng araw. Inaasahan ng Diyos na ipakikita ng mga magulang ang gayong pag-ibig. (Colosas 3:21; Tito 2:4) Kaya bakit pinababayaan, iniiwan, o minamaltrato kung minsan ng mga magulang ang kanilang mga anak?
Ang isa sa mga dahilan ay maaaring ang kanilang sariling mga karanasan sa buhay. Tanungin ang iyong sarili, ‘Saan natutuhan ng aking mga magulang ang pagpapalaki ng mga anak?’ Sa maraming kaso, maaaring matuto lamang ang mga magulang mula sa kanilang sariling mga karanasan noong bata pa sila sa piling ng kanilang mga magulang. At sa ating malupit na makabagong daigdig, na napakaraming tao ang “walang likas na pagmamahal,” kadalasang lubhang depektibo ang gayong pagsasanay. (2 Timoteo 3:1-5) Kung minsan, nagdudulot ito ng sunud-sunod na reaksiyon, minamaltrato ng mga magulang ang kanilang mga anak kung paanong minaltrato rin sila noon.
Karagdagan pa, ang mga magulang ay maaaring labis na di-maligaya dahil sa ilang kadahilanan. Sinusubukan ng ilan na takasan ang kahapisan at kabiguan sa pamamagitan ng labis na pagtatrabaho, paggamit ng alkohol, o droga. Halimbawa, sina William at Joan ay lumaki kasama ang isang alkoholikong ama. “Nahihirapan ang aking ama na purihin kami,” ang sabi ni Joan. “Gayunman, ang pinakamasaklap ay ang kaniyang galit kapag nagsimula siyang uminom. Magdamag niyang binubulyawan ang aking ina. Madalas akong natatakot.” Kahit na ang mga magulang ay hindi naman lantarang nang-aabuso, ang kanilang paggawi ay maaaring maging dahilan upang labis silang mapagod anupat hindi na nila kayang ibigay sa kanilang mga anak ang kinakailangang pag-ibig at atensiyon.
Nadarama ni William na nauunawaan niya ang dahilan ng sumpunging paggawi ng kaniyang ama. “Lumaki ang aking ama sa Berlin, Alemanya, noong Digmaang Pandaigdig II,” ang paliwanag niya. “Bilang isang bata, nakaranas siya ng napakaraming nakasisindak na pangyayari at nakakita ng napakaraming kamatayan. Kinailangan niyang magpunyagi sa kaniyang buhay sa araw-araw upang may makain lamang. Sa palagay ko’y labis na naapektuhan ang aking ama ng mga naranasan niya.” Sa katunayan, kinikilala ng Bibliya na ang mga taong nasa ilalim ng matinding paniniil ay maaaring kumilos nang di-makatuwiran.—Eclesiastes 7:7.
Para ba kina William at Joan ay maaaring ikatuwiran ang naging mga karanasan ng kanilang ama sa pagtrato nito sa kanila? “Hindi,” ang sabi ni William. “Ang kaniyang nakaraan ay hindi maikakatuwiran sa paglalasing at masamang paggawi. Gayunman, ang kabatiran hinggil dito ay nakatulong sa akin na magkaroon ng higit na kaunawaan tungkol sa paggawi ng aking ama.”
Ang pagtanggap mo sa katotohanan na ang iyong mga magulang ay di-sakdal at ang kabatiran tungkol sa kanilang pinagmulan ay makatutulong sa iyo nang malaki upang maunawaan sila. Sinasabi ng Kawikaan 19:11: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.”
Pagharap sa Iyong Damdamin
Mayroon pang ibang negatibong damdamin na makasasakit sa iyo dahil sa kalagayan sa tahanan. Halimbawa, ang kakulangan ng atensiyon mula sa kaniyang ama at ina ang nagpadama kay Patricia na siya ay “walang silbi at di-kaibig-ibig.” Nasumpungan ni LaNeisha na mahirap magtiwala sa mga lalaki sa pangkalahatan matapos umalis ang kaniyang ama nang siya ay walong taóng gulang lamang. At nasumpungan ni Shayla ang kaniyang sarili na naghahanap ng atensiyon mula sa halos lahat ng makilala niya, upang mapagtakpan lamang ang kawalan na iniwan ng isang ina na ang buhay ay “kontrolado ng droga.”
Ang galit at paninibugho ay maaari ring maging mga problema. Nang makita ni Karen na ipinakikita ng kaniyang ama, na nag-asawang muli, sa kaniyang bagong pamilya ang pagmamahal na hinahanap-hanap niya mismo, nakadama siya ng “labis na paninibugho sa loob ng isang partikular na panahon.” Kung minsan, nadarama pa nga ni Leilani na kinapopootan niya ang kaniyang mga magulang. “Lagi akong nakikipagtalo sa kanila,” ang sabi niya.
Ang lahat ng damdaming ito ay mauunawaan naman kung isasaalang-alang ang mga kalagayan. Gayunman, paano mo mahaharap sa kapaki-pakinabang na paraan ang gayong negatibong damdamin? Isaalang-alang ang sumusunod na mga mungkahi.
• Lumapit ka sa Diyos na Jehova. (Santiago 4:8) Magagawa mo iyan sa pamamagitan ng personal na pagbabasa sa Bibliya at regular na pakikipagsamahan sa kaniyang bayan. Habang nakikita mo ang paraan ng pakikitungo ni Jehova sa iba, malalaman mo na siya ay matapat. Mapagkakatiwalaan mo siya. “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan?” ang tanong ni Jehova sa mga Israelita. “Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo,” ang pangako niya. (Isaias 49:15) Kaya manalangin nang regular sa Diyos. Huwag mag-alala hinggil sa paggamit ng lubhang tumpak na mga salita. Nauunawaan ka niya. (Roma 8:26) Kilalanin na mahal ka ni Jehova kahit na waring walang ibang nagmamahal sa iyo.—Awit 27:10.
• Magtapat sa isang pinagkakatiwalaang adulto. Makipagkaibigan sa mga maygulang sa espirituwal. Malayang ipahayag sa kanila ang iyong damdamin at mga ikinababahala. Sa kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova, makasusumpong ka ng espirituwal na mga ama at ina. (Marcos 10:29, 30) Gayunman, baka kailangan mong magkusang sabihin sa kanila ang iyong niloloob. Hindi malalaman ng iba ang iyong nadarama malibang sabihin mo sa kanila. Ang ginhawang makukuha kung ihihinga mo ang iyong mga niloloob ay maaaring maging tunay na kaaliwan sa iyo.—1 Samuel 1:12-18.
• Maging abala sa paggawa ng mga bagay para sa iba. Upang maiwasan ang panganib na maawa sa sarili, sikaping huwag laging isipin ang negatibong mga aspekto ng iyong kalagayan. Sa halip, pag-aralang pahalagahan kung ano ang taglay mo. Samantalahin mo ang maraming oportunidad sa pamamagitan ng ‘pagtutuon ng iyong mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng iyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.’ (Filipos 2:4) Magtakda ng espirituwal na mga tunguhin, at pagkatapos ay magpagal sa pagtataguyod sa mga ito taglay ang positibong saloobin. Ang paglilingkod sa mga pangangailangan ng iba sa ministeryong Kristiyano ay isang mahusay na paraan upang manatiling nakatuon ang iyong pansin sa iba sa halip na sa sarili mo.
• Patuloy na magpakita ng paggalang sa iyong mga magulang. Huwag kalilimutang mangunyapit sa mga simulain at mga pamantayan sa Bibliya. Kalakip diyan ang pagpapakita ng paggalang sa iyong mga magulang. (Efeso 6:1, 2) Ang gayong paggalang ay hahadlang sa pagkakaroon ng mapaghiganting saloobin. Tandaan, gaano man karami ang waring masamang nagawa ng isang magulang, hindi nito mabibigyang katuwiran ang paggawa mo ng masama. Kaya ipaubaya ang mga bagay-bagay sa kamay ni Jehova. (Roma 12:17-21) Siya ay “maibigin sa katarungan” at may matinding pagmamalasakit sa proteksiyon ng mga bata. (Awit 37:28; Exodo 22:22-24) Habang patuloy mong ipinakikita sa iyong mga magulang ang wastong paggalang, sikaping linangin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos—higit sa lahat, ang pag-ibig.—Galacia 5:22, 23.
Makapananagumpay Ka
Walang alinlangan na ang kakulangan ng pag-ibig ng magulang ay makapagdudulot ng hapis. Ngunit ang kabiguan ng mga magulang ay hindi siyang dapat magtakda kung magiging anong uri ka ng tao. Maaari mong piliin ang isang maligaya at matagumpay na kahihinatnan para sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagkakapit sa nabanggit na mga simulain sa Bibliya sa iyong buhay.
Si William, na nabanggit kanina, ay isang buong-panahong boluntaryo sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya: “Binigyan tayo ni Jehova ng maraming paglalaan upang tulungan tayong maharap ang masaklap na mga kalagayang ito. Kaylaking pribilehiyo na magkaroon ng gayong maibigin at mapagmalasakit na makalangit na Ama!” Ang kaniya namang kapatid na babaing si Joan ay isang buong-panahong ministrong payunir, na naglilingkod kung saan may higit na pangangailangan para sa mga ebanghelisador. “Habang lumalaki kami, nakita namin ang maliwanag na pagkakaiba ‘sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya,’” ang sabi niya. (Malakias 3:18) “Ang aming mga karanasan ay nagbigay sa amin ng matibay na kapasiyahan na ipakipaglaban ang katotohanan at dibdibin ito.”
Maaaring magkatotoo rin ito sa iyong kalagayan. “Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan,” ang sabi ng Bibliya. (Awit 126:5) Paano kumakapit ang talatang iyan? Buweno, kung magpapagal ka sa pagkakapit ng wastong mga simulain sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, ang iyong mga luha ay mahahalinhan sa dakong huli ng kagalakan habang nararanasan mo ang pagpapala ng Diyos.
Kaya patuloy na magsikap na lalong mapalapít sa Diyos na Jehova. (Hebreo 6:10; 11:6) Kahit na nakaranas ka ng maraming taon ng kabalisahan, pagkasiphayo, at paninisi sa sarili, ang mga damdaming ito ay maaaring unti-unting maglaho at mahalinhan ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”—Filipos 4:6, 7.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
[Kahon sa pahina 21]
Nadarama Mo Bang . . .
• Kakaunti ang pakinabang o halaga mo?
• Mapanganib o di-matalino na magtiwala sa iba?
• Kailangan mo ng palagiang pagbibigay-katiyakan?
• Walang kontrol ang iyong galit o paninibugho?
Kung ang sagot mo sa mga tanong na ito ay oo, ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa isang pinagkakatiwalaang magulang, matanda, o may-gulang sa espirituwal na kaibigan sa lalong madaling panahon.
[Mga larawan sa pahina 22]
Gumawa ng positibong mga hakbang upang maharap ang iyong damdamin