Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 9/22 p. 24-27
  • Ang Dalawang Mukha ng Apoy

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Dalawang Mukha ng Apoy
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mapanganib na Mukha ng Apoy
  • Kapag Nagbabanta ang Sunog
  • Ang Kapaki-pakinabang na Mukha ng Apoy
  • Ang Kahalagahan ng Kontroladong Pagsisiga
  • Marami Pang Dapat Matutuhan
  • Sunog! Aling Pamatay-Apoy ang Dapat Mong Gamitin?
    Gumising!—2001
  • Apoy
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Panganib na Sunog—Dalamhati ng Nigeria
    Gumising!—1985
  • Pagka Hindi Masugpo ang Apoy
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 9/22 p. 24-27

Ang Dalawang Mukha ng Apoy

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ANG apoy ay maaaring maging isang kaibigan o isang kaaway. Maaaring pagandahin ng apoy ang isang tanawin o salantain ito. Maaaring maging lubhang mapangwasak na puwersa ang malalaking apoy anupat napakahirap sugpuin.

Ang isang halimbawa ng malaganap at mapangwasak na pagngangalit ng apoy ay nangyari sa Indonesia noong 1997. Noong taóng iyon, sinalanta ng mga sunog sa kakahuyan ang bansa, na nagdulot ng malaking pinsala sa lupain, sa kalusugan ng mga tao, at sa ekonomiya. At ang mapangwasak na usok mula sa mga sunog na iyon ay kumalat sa kalapit na mga bansa​—walong lahat​—anupat naapektuhan ang tinatayang 75 milyon katao. Ipinakikita ng mga ulat na 20 milyon ang ginamot dahil sa hika, emphysema, at sakit sa puso at sa mga daluyan ng dugo gayundin sa mga sakit sa mata at sa balat.

Sa Singapore, nakatatakot na tumaas ang antas ng polusyon. Napuno ng usok ang lunsod. “Kaming lahat ay mga bilanggo sa aming mga tahanan,” ang dalamhati ng isang residente, na natatakot lumabas sa kaniyang air-conditioned na bahay. Sa pinakamasamang mga araw, hindi makita ng mga tao ang araw dahil sa usok.

Nang sumunod na taon, noong 1998, napilitang lisanin ng 8,000 residente ng British Columbia, Canada, ang kanilang mga tahanan habang mabilis na dumarating ang naglalagablab na apoy. Ang sunog na iyon ay isa lamang sa halos isang libo na sumalanta sa buong Canada nang taóng iyon​—115 rito noon ay itinuturing na hindi maapula. Nilamon ng apoy sa gawing hilaga ng Alberta, Canada, ang 35,000 ektarya ng kagubatan. Isang residente ang nagsabi: “Parang may sumabog na bombang nuklear. Napakalaking ulap ng maitim na usok ang tumakip sa kalangitan sa ibabaw ng pamayanan.”

Ang Mapanganib na Mukha ng Apoy

Ang apoy ay isa sa malalakas na puwersa ng kalikasan. Maaaring baguhin ng isang nagngangalit na sunog sa kakahuyan ang lupain, ang pagkakatimbang sa mga uri ng halaman, ang pamayanang buhay-iláng, at isinasapanganib nito ang buhay at ari-arian.

Ang matinding apoy ay maaaring pagmulan ng pagkaagnas ng lupa. Kapag nalantad ang lupa sa malakas na ulan, na kadalasang kasunod ng mainit na tag-araw, natatangay ang pang-ibabaw na lupa. Apektado nito ang mga uri ng halaman. Nasisira at namamatay ang ilang mas maseselang halaman, samantalang ang iba naman ay mahusay bumagay. Nakalulungkot, karaniwang nabubuhay yaong di-kanais-nais na mga panirang-damo, na kumakalat sa kapaligiran anupat napapahamak ang katutubong halaman.

Nanganganib din naman ang mga hayop na umaasa sa espesipikong mga katutubong halaman. Sa Australia, nanganganib malipol ang mga mamal na gaya ng mga koala at brush-tailed possum kung ang napakalaking bahagi ng kanilang katutubong tirahan ay matutupok ng apoy. Sa nakalipas na 200 taon, 75 porsiyento ng maulang kagubatan, 66 na porsiyento ng dating kakahuyan, 19 na uri ng mamal, at 68 katutubong uri ng mga halaman, na ang karamihan ay hindi masusumpungan saanman sa daigdig ang nawala sa kontinente ng Australia.

Habang lumalawak ang mga siyudad sa nakapaligid na kakahuyan, lalong naapektuhan ng mapangwasak na mga sunog sa kakahuyan ang mga tao. Noong Disyembre 1997, mahigit na 250,000 ektarya ang natupok habang daan-daang sunog ang nagngalit sa mga karatig-pook ng Sydney, Australia, at sa ilang maliliit na bayan sa palibot ng Blue Mountains. Halos kalahati ng mga sunog na iyon ang hindi nasugpo. Sinabi ng komisyonado ng brigada ng pamatay-sunog na ang mga ito ang pinakagrabeng sunog na nakita niya sa loob ng 30 taon. Daan-daan ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan, anupat nasunog ang ilan sa mga ito. Dalawa katao rin ang nasawi sa sunog. Pasimula noong mga huling araw ng Disyembre 2001, sinira ng mga sunog sa kakahuyan na ipinalalagay na kagagawan ng mga arsonista ang 753,000 ektarya ng kakahuyan.

Kapag Nagbabanta ang Sunog

Ilang salik ang maaaring dahilan ng di-masugpong sunog. Ang isang likas na salik ay ang regular na takbo ng panahon na nauugnay sa El Niño, isang penomeno sa klima na sa pana-panahon ay nagdudulot ng mainit at tuyong kalagayan ng panahon sa buong daigdig. Ang alinmang lupain na dumaranas ng di-napapanahong El Niño ay tamang-tama para pagmulan ng sunog.

Kadalasan na, ang mga nagngangalit na sunog ay masisisi sa kawalang-ingat na mga gawain ng tao. Ang sadyang pagsunog sa kapaligiran ay itinuturing na isang krimen sa maraming bansa. Tinatayang ang panununog o mga aksidenteng sunog ang pinagmulan ng mahigit sa kalahati ng bilang ng mga sunog sa mga kagubatang pag-aari ng gobyerno sa New South Wales, Australia.

Isa pang salik na maaaring humantong sa grabeng mga sunog ang walang-malasakit na pakikitungo sa kapaligiran. Dahil sa pagkalbo sa kagubatan at pagtotroso, mas madaling magliyab ang mga kagubatan. Dumarami ang patay at tuyong mga halaman na nagsisilbing gatong sa apoy dahil sa pagdami ng mga labí ng kahoy na karaniwang bunga ng mga operasyon sa pagtotroso. Hinawi rin ng pagtotroso ang mga dahon na nagsisilbing kulandong, anupat tinatamaan ng sikat ng araw ang patay at tuyong mga halaman, na tumutuyo sa mga ito. Minsang magliyab ang madaling sumiklab na kombinasyong ito, ang sunog na dulot nito ay maaaring agad na di-makontrol.

Maaari ring palalain ng salik sa ekonomiya ang problema hinggil sa malalaking sunog. Sa Indonesia, ginagamit sa agrikultura sa loob ng maraming dantaon ang pagkakaingin nang walang gaanong epekto sa pagkakatimbang ng kalikasan. Kapag maingat at kontroladong ginagamit ng mga magsasaka ang apoy, ang epekto nito sa kapaligiran ay halos katulad ng likas na apoy. Subalit kamakailan, lumawak pa ang pagkakaingin, anupat naging industriyalisado. Dahil sa lumalaking pangangailangan sa buong daigdig para sa gayong mga produktong gaya ng langis ng palma, sinunog ang mga kagubatan upang palitan ito ng mabilis-lumaki at malaki ang kita na mga halaman. Ang pinakamadali at pinakamurang paraan upang hawanin ang lupain ay sa pamamagitan ng pagsunog sa likas na pananim. Kaya, sinusunog ng mga tao ang libu-libong ektarya nang hindi gaanong isinasaalang-alang ang pangmatagalang mga kapakinabangan sa pagpapanatili ng sapat na mga kagubatan.

Ang Kapaki-pakinabang na Mukha ng Apoy

Bagaman maaaring lumikha ng malaking pinsala at pagkawasak ang apoy, maaari rin itong maging kapaki-pakinabang sa maraming uri ng mga halaman at mga hayop. Sa katunayan, maaari pa nga itong gumanap ng mahalagang papel sa pagpapanatili ng pagkakatimbang ng kalikasan. Paano nito naisasagawa ito?

Ang apoy ay isa sa pinakamatatandang kaibigan ng tao. Pinananatili siya nitong mainit, binibigyan siya nito ng liwanag, at niluluto nito ang kaniyang pagkain. Ginamit ng mga katutubong Australiano ang apoy sa loob ng maraming dantaon bilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na rutin. Napakahalaga ng apoy sa mga katutubong Yanyuwa anupat mayroon silang mahigit sa isang dosenang salita upang ilarawan ang iba’t ibang uri ng apoy at ang mga epekto nito. Halimbawa, maaari nilang gamitin ang salitang kambambarra kapag tinutukoy nila ang sunog sa kakahuyan o malaking sunog. Ginagamit naman ang salitang warrman upang ilarawan ang lupain na mainam ang pagkakasunog, na tamang-tama para sa pangangaso. Kilala naman ang usok na pumapailanlang at nag-aanyong ulap bilang rrumarri.

Ginagamit ng mga katutubong ito ang pagsisiga upang mahawan ang lupaing kanilang sinasaka. Gumagamit sila ng maliliit at mahihinang apoy upang bawasan ang pagdami ng patay at tuyong mga halaman, na siyang pangunahing gatong sa malalaking sunog. Ang ganitong kontroladong paggamit sa apoy ay nagpangyari sa mga Aborigine na mabisang gamitin ang lupain para matustusan sila habang pinananatili ang tirahan ng mga halaman at mga hayop. Nabawasan din nito ang panganib na ang mga tao ay biglang maapektuhan ng malalaki at mabibilis na sunog.

Ang Kahalagahan ng Kontroladong Pagsisiga

Nang dumating sa Australia ang mga maninirahang Europeo mahigit 200 taon ang nakalipas, ang maselang pagkakatimbang sa pagitan ng tao, kalikasan, at ng apoy ay nagambala. Mula sa pangmalas ng mga Europeo, ang sunog ay dapat na sugpuin. Naging madalang na ang mga sunog, subalit dahil sa pagdami ng gatong, naging mas matindi at mahirap kontrolin ang mga sunog. Gayunman, nitong nakalipas na mga panahon, natuto ang mga pamahalaan mula sa mga kaugalian ng mga katutubong Australiano at gumawa sila ng estratehiya na tinatawag na kontroladong pagsisiga. Ipinahintulot ng pamamaraang ito ang pagsisiga sa kontroladong paraan upang maiwasan ang higit na mapangwasak na mga sunog. Nagsisiga ng maliliit na apoy kapag hindi panahon ng sunog sa kakahuyan. Ang mga apoy na ito ay mabagal kumilos, marahan ang mga liyab, at inaalis ang mga kalat nang hindi ginagambala ang mga punungkahoy. Karaniwan na, pinapatay ito ng hamog sa gabi.

Ang layunin ng pangangasiwa sa sunog sa kakahuyan na ginagamit ang kontroladong pagsisiga ay upang bigyan ng proteksiyon ang buhay at ari-arian habang pinananatili rin ang pagkasari-sari ng katutubong mga halaman at mga hayop. At binabawasan ng kontroladong pagsisiga ang mabilis na paglaganap ng ilang di-katutubong panirang-damo. Pinananatili rin nito ang pagkasari-sari ng mga tirahang kinakailangan para sa pag-iingat sa mga katutubong hayop.

Ang ilang uri ng halaman ay waring umaasa sa apoy upang tulungan ang mga binhi sa kanilang pagsibol. Ang ilan ay may napakatigas na panlabas na balat anupat kailangan ang apoy upang mabiyak ang mga ito at makapasok ang halumigmig. Ipinakikita ng mga pananaliksik na ang usok mula sa apoy ay tumutulong din sa pagsibol ng binhi. May mga 70 sangkap sa usok na inaakalang posibleng salik sa pagsibol ng binhi, ang isang mahalagang sangkap ay ang nitrogen dioxide.

Ang bagong sunog na lupa ay nagpapangyari sa lupa na maging sagana sa mga nutriyente na gaya ng nitroheno at phosphorus. Dahil sa apoy ay lumalabas ang mga nutriyente na nakaimbak sa tuyong mga dahon, mas maraming sikat ng araw ang tumatagos sa lupa, at nagkakaroon ng tamang-tamang punlaan para mag-ugat ang bagong mga halaman. Halimbawa, ang mga wattle o akasya ay muling nagbibinhi pagkatapos ng isang sunog at waring nabubuhay sa mga kalagayang kasunod ng isang sunog.

Waring nakikinabang din ang maraming hayop mula sa mga kalagayan pagkatapos ng sunog, lalo na mula sa bagong tubong mga pananim, na nasusumpungan nilang mas murà at makatas. Madalas na mas gusto ng ilang uri ng mga kangaroo at mga wallaby ang sunóg na kagubatan at sinasabing umaasa ito sa apoy. Ito’y dahilan sa ang mga halaman na inaasahan nila para sa pagkain at tirahan ay umaasa naman sa apoy para sa muling pagtubo at pagmamantini.

Marami Pang Dapat Matutuhan

Ang dalawang mukha ng apoy ay mas nauunawaan na, subalit ang reaksiyon ng apoy sa kapaligiran ay masalimuot, at marami pang dapat matutuhan. Kung paano naaapektuhan ng apoy ang espesipikong mga uri ng halaman at hayop ay isang bagay na nangangailangan ng higit pang pag-aaral. Nangangailangan din ng higit pang pananaliksik kung ano ang reaksiyon at kung paano naaapektuhan ng apoy ang ating ekolohiya sa mas malawak na antas. Ang ilang katanungang kailangang masagot ay: Nakapagpapalala ba ang mga sunog sa greenhouse effect? Ano ang epekto ng usok mula sa mga sunog sa regular na takbo ng lagay ng panahon? Ano ang reaksiyon ng mga sunog sa partikular na mga kalagayan?

Sa kasalukuyan, may mga programa sa computer, na tinatawag na mga modelo, na dinisenyo upang hulaan ang reaksiyon ng apoy. Gumagana ang mga ito sa pamamagitan ng pag-aanalisa sa impormasyon hinggil sa gatong gayundin sa temperatura, bilis ng hangin, at iba pang mga lagay ng panahon. Nakalulungkot, ang mga modelo sa kasalukuyan ay hindi laging tumpak, at hindi nila mahulaan ang di-pangkaraniwang mga pangyayari na gaya ng mga biglang pagliyab ng apoy o biglang pagtindi ng apoy. Sa mga sunog sa Sydney noong 1997, dalawang makaranasang bombero ang nasawi bunga ng isa sa mga pagliyab na ito, na angkop na binansagang “mga daliri ng kamatayan.”

Ang malalaking sunog ay maaaring lalo nang mahirap mahulaan sapagkat ang mga ito ay lumilikha ng kanilang sariling kalagayan ng panahon, pati na ng malalakas na hangin, mga ulap, at maging ng mga bagyong makulog. Ang hanging likha ng mga ito ay maaaring biglang magbago ng direksiyon at bilis, anupat ginagawang pabagu-bago ang kalagayan ng apoy. Inaasahan ng mga mananaliksik na mapabuti pa ang kasalukuyang mga modelo sa pamamagitan ng paglalakip sa mga salik na ito sa iba pang impormasyon, gaya ng uri at dalisdis ng lupa at ng ayos ng gatong.

Ang isang proyekto upang matamo ang layuning ito sa Estados Unidos ay isinasagawa ng National Center for Atmospheric Research (NCAR) sa Colorado. Nilagyan ng NCAR ang isang eroplanong C-130 ng pinakabagong makasiyensiyang kasangkapan at mga computer workstation, na pawang protektado ng makapal na insulasyon. Ang eroplano ay dinisenyo upang lumipad sa nagngangalit na apoy at kumuha ng sampol na mga impormasyon sa pamamagitan ng mga sensor na inilagay sa mga pakpak nito. Ang mga impormasyong ito ay ipadadala naman sa mga computer para sa pagpoproseso. Ang eroplano ay may kamerang infrared na tinatawag na Thermacam, na maaaring magpakita sa tindi ng init ng bawat bahagi ng sunog. Sa ganitong paraan, natututo ang mga siyentipiko sa NCAR na pagbutihin ang kasalukuyang mga modelo hinggil sa reaksiyon ng apoy.

Inaasahang ang pinagbuting mga modelong ito ay makatutulong sa mga eksperto na makontrol ang mga sunog nang mas ligtas. Ang kakayahang mahulaan nang tumpak kung ano ang gagawin ng apoy ay makababawas din sa mga panganib na nakakaharap ng mga bombero sa pagbibigay ng proteksiyon sa komunidad.

Oo, maaaring maging isang mapangwasak at mapamuksang kaaway ang apoy kapag hindi ito nasugpo, subalit maaari rin itong maging isang kapaki-pakinabang na kaibigan. Gumaganap ito ng mahalagang bahagi sa mga siklo ng kalikasan na inilagay ng Maylalang upang pagandahin ang lupa at panatilihing timbang ang iba’t ibang buhay ng halaman at hayop.

[Larawan sa pahina 25]

Naiwasan ng natarantang “elk” ang sunog na lumaganap sa libis ng Bitterroot River sa Montana

[Credit Line]

John McColgan, BLM, Alaska Fire Service

[Larawan sa pahina 26]

Isang kontroladong pagsisiga sa Australia

[Credit Line]

Larawan sa kagandahang-loob ng Queensland Rural Fire Service

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share