Sunog! Aling Pamatay-Apoy ang Dapat Mong Gamitin?
KAY dalas nating lampasan ang tahimik at maliit na guwardiyang iyan sa dingding na hindi man lamang ito pinag-iisipan! Gayunman, isang araw ay baka mailigtas nito ang ating opisina o pabrika o maging ang ating tahanan mula sa pagkatupok sa apoy. Ang mga pamatay-apoy (fire extinguisher) na nabibitbit ay maaaring makatulong upang ang isang maliit na problema—isang kawaling nagliliyab sa kalan o kurtinang nagliyab dahil sa isang heater—ay hindi lumaki. Tulad ng mga sandatang pangmabilisan, dinisenyo ang mga ito upang patayin ang isang malupit na kaaway bago pa ito makapag-ipon ng lakas.
Dahil ang kaaway na ito ay may iba’t ibang uri—apoy na dulot ng kahoy, ng langis at gasolina, apoy na nagmula sa kuryente—marami ring uri ang mga pamatay-apoy na nabibitbit. Siyempre pa, nais mong makilala kapuwa ang iyong kaaway at iyong mga sandata. Hindi ito nangangahulugan na kailangan mo ang kaunawaan ng isang propesyonal na bumbero, ngunit nangangahulugan ito ng pag-alam sa ilang saligang simulain. Halimbawa, ano ang gagawin mo sa sumusunod na situwasyon?
Isang tagapagluto ng pastel ang nagpapainit sa isang hurno ng isang salansanan na may 20 bagong pan na pinahiran ng maraming mantika nang siya’y naghahandang magluto ng tinapay. Ngunit may diperensiya ang thermostat, at lubhang tumaas ang temperatura, anupat umusok ang mantika. Nakaguwantes ang mga kamay, mabilis na binuksan ng tagapagluto ang hurno at hinila ang salansanan. Ngunit sa paggawa nito, lubos na nahanginan ang umuusok na mantika. Wuf! Dahil sa spontaneous combustion (kusang pagliliyab ng isang bagay), lumiyab ang apoy hanggang kisame. Yamang hindi naman nasaktan, tumakbo ang kusinero at sa loob ng ilang segundo ay bumalik na may dalang pamatay-apoy na carbon dioxide at mabilis na inapula ang apoy. Ngunit kaagad na umusok pa uli ito, at muling nagliyab ang mantika. Naulit ito nang apat na beses! Sa takot na baka maubusan na ng laman ang pamatay-apoy, kinuha ng tagapagluto ang isang fire blanket (tulad-kumot na pang-apula sa maliliit na apoy) mula sa lalagyan nito sa tabi at itinalukbong ito sa salansanan. Laking ginhawa niya sapagkat napatay nito ang apoy—at hindi na nagliyab pang muli.
Siyempre pa, nais nating gamitin ang pinakamagagaling na sandatang makukuha upang mapatay ang maliit ngunit nagbabantang apoy. Ngunit kung alam lamang sana ng tagapagluto ang hinggil sa spontaneous combustion—na isang malaking posibilidad kailanma’t may usok—maaaring pinatay na lamang niya ang hurno, pinanatiling nakasara ang pinto, at hinayaang kusang lumamig ang laman ng hurno. O maaari sanang ginamit muna niya ang fire blanket at pagkatapos, kung kinakailangan, ang pamatay-apoy na carbon dioxide. Anuman ang nangyari, ipinakikita ng karanasang ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng saligang kaalaman hinggil sa apoy at kung ano ang pinakamagaling na paraan upang mapatay ito.
Ang “Tatsulok” na Nangangahulugang Apoy
Ang tinatawag na tatsulok ng apoy ay isang lohikal na pormula na nagtatakda ng mga kalagayan para sa pagningas ng apoy: pagsama-samahin ang gatong, oksiheno, at init at ang katumbas nito ay apoy. Alisin mo ang kahit isa lamang sa mga sangkap na ito, at hindi mo lamang pinatay ang apoy kundi pinigilan mo rin ang muling pagliliyab. Tingnan natin kung paano ito nangyayari.
GATONG: Tulad natin, namamatay ang apoy kapag walang pagkain. Ginagamit ng mga bumbero ang simulaing ito sa mga sunog sa gubat at sa mga pananim kapag gumagawa sila ng puwang sa daraanan ng apoy. Sa kusina naman, ang pag-aalis ng gatong ay maaaring mangahulugan lamang ng basta pagpatay sa gas. Gayunman, sa ibang mga situwasyon, ang pag-aalis ng gatong ay maaaring mahirap kung hindi man imposible.
OKSIHENO: Muli, katulad natin, ang apoy ay kailangang huminga. Tabunan mo ng lupa o ng fire blanket ang apoy, at mapapatay mo ito. Bilang karagdagan, ang antas ng oksiheno ay hindi na kailangang bumaba pa sa sero upang mamatay ang apoy. Kung mapabababa mo ang antas ng oksiheno mula sa normal na 21 porsiyento na nasa hanging nakapalibot sa atin tungo sa 15 porsiyento, maraming sangkap—halimbawa, mga likidong madaling magliyab at kahit ang ilang mga solido—ang hindi na magniningas.
INIT: Ang pagmumulan ng init na makapagpapaningas ng apoy ay maaaring isang heater sa kuwarto, isang kalan, mga kurdon na nakakabit sa lubhang kargadong saksakan ng kuryente, isang siklab o baga, kidlat, o init na dulot ng nabubulok na mga halaman, mga kemikal na madaling magliyab, o ano pa mang ibang bagay. Tandaan, kapag nakakita ka ng usok, lalo na kung ito’y galing sa langis o sa mantikang nakasalang sa anumang pinagmumulan ng init, maaaring sandali na lamang at kusa itong magliliyab.
Dinisenyo Para sa Bawat Uri ng Maliit na Apoy
Bagaman maraming tahanan ang walang pamatay-apoy, ang mga pabrika, mga opisina, at mga pampublikong gusali ay kadalasang hinihilingan ng batas na magkaroon ng mga ito. Ang mga pangunahing uri ng pamatay-apoy ay tubig, wet chemical, foam, dry powder, at carbon dioxide. Ang mga pamatay-apoy na halon ay hindi na ginagamit dahil may hinalang ang mga ito ay nakasisira sa ozone layer ng atmospera ng lupa. Upang matulungan ang mga gumagamit na pumili ng tamang pamatay-apoy sa panahon ng kagipitan, karamihan sa mga pamatay-apoy ay may mga simbolong larawan na nagpapakita kung saan ito puwedeng gamitin at kung saan hindi, o maaaring ito’y may kodigong de-kulay. At ang karamihan ay may letra, tulad ng A, B, o C, na kumakatawan sa espesipikong uri ng apoy. Ang propellant, ang gas na pressurized, ang pumupuwersa sa aktibong sangkap upang lumabas sa tubo ng pamatay-apoy nang napakabilis kapag pinisil ang kalabitan nito. Dahil ang mga pamatay-apoy ay nagtataglay ng gas na may presyon, kailangan itong suriin sa pana-panahon. At dapat na laging nakasabit ang mga pamatay-apoy malapit sa mga labasan at dapat na madali itong makuha. Sandali nating tingnan ngayon ang bawat uri ng pamatay-apoy.
Ang mga pamatay-apoy na dry powder ay pumipigil sa pagliliyab sa pamamagitan ng kemikal at halos matatawag na ang panlahatang pang-apula ng apoy. Hindi lamang mabisa ang dry powder sa pagsugpo kapuwa sa apoy na class A at class B kundi magagamit din ito sa pagsawata sa apoy na class C (nagmula sa kagamitang de-kuryente). Kaya naman, ang pamatay-apoy na ito na maraming mapaggagamitan ay nagbibigay ng mahusay na proteksiyon sa iyong tahanan. Makalat ang dry powder—ngunit maaaring ang kalat nito ay maliit na kabayaran kung ihahambing sa pinsalang idudulot ng apoy na hindi napatay!
Ang mga pamatay-apoy na pressurized water ay angkop sa apoy na nagmumula sa papel, kahoy, plastik, basura, o tela. Ang mga ito ay madalas na tawaging apoy na class A. Ang bisa ng tubig bilang pamatay ng apoy ay dahil sa kahusayan nitong sumipsip ng init. Kapag sapat ang dami nito, inaalis lamang ng tubig ang init ng apoy nang mas mabilis kaysa sa muling pag-iinit nito, kaya namamatay ang apoy. Ngunit huwag mong gamitin ang tubig sa mga likidong madaling magliyab. Ikakalat mo lamang ang apoy—anupat sasabog ito! Gayundin, dahil dumadaloy sa tubig ang kuryente, hindi mo ito dapat gamitin o ang anumang pamatay-apoy na may tubig sa mga kurdong may kuryente.
Ang mga pamatay-apoy na wet chemical ay gumagamit ng pressurized na alkali salt na tinimpla sa tubig at lalo nang mabisa laban sa langis at mantika ngunit hindi sa mga produktong petrolyo. Mabisa rin ang mga ito laban sa apoy na class A.
Ang mga pamatay-apoy na foam ay mahusay, hindi lamang sa apoy na class A kundi lalo na sa apoy na nagmumula sa mga likidong madaling magliyab (mga lubrikante sa pabrika, gasolina, pintura), karaniwan nang tinatawag na apoy na class B. May dalawang uri ng pamatay-apoy na foam, kaya suriin kung alin ang pinakaangkop sa iyong pangangailangan. Kapag ginamit sa nagliliyab na likido, binabalot ito ng foam sa isang manipis na panakip na hindi natatagusan anupat inaapula ang singaw na madaling magliyab at pinananatili rin itong walang oksiheno. Kaya dapat gamitin ang foam nang mas banayad upang hindi ito tumagos sa likido kundi sa halip, agad itong kumalat sa ibabaw nito. Ingatang huwag gumamit ng foam malapit sa kuryente.
Ang mga pamatay-apoy na carbon dioxide ay maaaring gamitin sa lahat halos ng apoy maliban sa apoy na nagmumula sa gas. Gumagana ito salig sa simulain na hinahalinhan ng carbon dioxide ang oksiheno. Ngunit gaya ng nakita natin kanina, kung ang bagay na maaaring masunog ay may init pa rin, ang muling pagliyab nang kusa ay posible. Ang carbon dioxide ay isang gas, kaya nalilimitahan ng isang mahangin at malaking lugar ang bisa nito. Gayunman, dahil sa kalinisan nito, ito ang pinipiling pamatay-apoy upang gamitin sa maseselang na makina at elektronikong kagamitan. Subalit sa masisikip na lugar, maaaring makahadlang sa paghinga ang carbon dioxide, kaya kapag ginamit mo ito sa gayong lugar, tiyaking umalis kapag patay na ang apoy at isara ang pintuan sa likuran mo.
Ang fire blanketa ay isang pang-apula sa apoy na madaling gamitin at angkop sa maliliit at di-kalat na apoy tulad niyaong matatagpuan sa ibabaw ng kalan sa kusina o sa isang maliit na bahagi ng karpet. Kunin lamang ang blanket mula sa maayos at maliit na lalagyan nito sa dingding, iladlad ito sa harap mo upang maingatan ang iyong sarili mula sa apoy, at isaklob ang blanket sa apoy. Siyempre pa, kung hindi mo pa nagagawa, patayin mo agad ang pinagmumulan ng init kung posible.
Nakapagliligtas-buhay rin ang mga fire blanket kung sakaling magliyab ang damit mo. Kapag nangyari iyan, tandaan ang mahalagang tuntuning ito: “Huminto, humiga, at magpagulung-gulong.” Huwag na huwag kang tatakbo; papaypayan mo lamang ang apoy. Kung ikaw o ang sinuman ay makapagbabalot ng isang fire blanket sa katawan mo habang gumugulong ka, mas mabilis mong mapapatay ang apoy.
Mas Mahusay Pa sa mga Pamatay-Apoy
Siyempre pa, ang pinakamahusay na proteksiyon laban sa sunog ay ang pag-iwas sa sunog; kaya gumamit ng tamang pagpapasiya. Ingatang huwag paglaruan ng mga bata ang mga posporo at mga lighter. Alisin ang lahat ng bagay na nasa ibabaw o nasa tabi ng kalan na maaaring masunog. Huwag magsuot ng damit na may maluluwag at nakalaylay na manggas habang nagluluto, yamang maaaring madikit sa apoy ang mga ito. Maglagay ng mga smoke detector sa inyong tahanan.
Narito pa ang ilang mungkahi. Huwag sasaksakan ng labis sa makakayanan nito ang mga saksakan ng kuryente o mga extension cord. Huwag iiwanan ang langis o mantika na nakasalang sa mainit na kalan. Mag-ingat kung saan mo ilalagay ang mga heater sa kuwarto. Kung mayroon kang mga tangke ng gas malapit sa bahay, itutok ang mga safety valve—parang blowtorch ang mga ito kapag may apoy—na palayo sa gusali. Gumamit ng mga fuse ng kuryente na tama ang laki. Palitan ang sirang mga kurdon ng kuryente.
Isinaalang-alang mo na ba ang pagkakaroon ng fire drill (pagsasanay sa kung ano ang gagawin sakaling magkasunog) sa iyong tahanan? Maaaring makapagligtas ito ng buhay. Isaayos na magtagpo ang pamilya sa isang espesipikong lugar—alinmang tiyak at ligtas na lugar na madaling makita sa araw o gabi. At mag-atas ng mga pananagutan: Sino ang magdadala sa mga sanggol o may kapansanan sa ligtas na lugar? Sino ang tatawag ng bumbero? Oo, ang mga dril ay nagliligtas ng buhay dahil iniinsayo nito ang tamang pagtugon, anupat ginagawa itong awtomatiko at mabilis.
Kung Sakaling Mangyari ang Pinakamalubha
Tandaan, napapalitan ang mga bagay ngunit hindi ang buhay. Huwag isapanganib ang iyong buhay sa pagpatay sa apoy. Gayunman, kung ligtas naman na apulain mo ang apoy, gawin ito mula sa lugar na magpapahintulot sa iyo na makalabas. Ngunit kung may alinlangan ka kung tama ang pamatay-apoy na dala mo o natatakot ka na baka ang apoy ay napakalaki para rito, lumabas agad at tumawag ng bumbero.
Pansinin din na ang usok, lalo na ang nakalalasong usok mula sa mga sintetiko, ay pumapatay ng mas maraming tao kaysa sa apoy—nakapapatay ito sa loob ng wala pang dalawang minuto! Kaya kapag lumilikas mula sa isang nasusunog na gusali, manatiling nakababa sa sahig. Mas kaunti ang usok malapit sa sahig, at mas malamig ang hangin doon. Kung posible, takpan ng basang tela ang iyong bibig. Bago buksan ang isang pintuan, pakiramdaman mo ito ng ibabaw ng iyong kamay. Kung ito’y mainit, may apoy sa kabila; maghanap ng ibang labasan. At isara ang lahat ng pintuan sa likuran mo habang lumilikas ka. Nililimitahan nito ang daloy ng oksiheno patungo sa apoy. Siyempre pa, huwag na huwag kang gagamit ng elebeytor kapag may sunog—baka makulong ka rito at ito’y maging parang isang hurno!
Kaya kung balak mong bumili ng proteksiyon laban sa sunog para sa iyong tahanan, sasakyan, o negosyo, makabubuti na ipakipag-usap ito sa mga lokal na awtoridad na eksperto sa sunog. Maaaring nagkakaiba-iba ang mas maliliit na detalye sa iba’t ibang bansa kung kaya’t hindi na ito saklaw ng artikulong ito.
Anuman ang mangyari, sa susunod na pagkakataon na makita mo ang isa sa mga tahimik at maliit na guwardiyang iyon, huminto ka at higit itong kilalanin. Baka isang araw ay lubos kang magkautang na loob dito.
[Talababa]
a Kung ang paggamit ng fire blanket ay pangkaraniwan sa iyong bansa, tiyaking alam mo kung paano ito gagamitin nang wasto. Ang U.S. National Fire Protection Association ay nagsasabi: “Dapat na idiin na . . . ang mga fire blanket ay pangalawahin lamang. Dapat na gamitin lamang ang mga ito kapag ang mga ito’y madaling makuha. . . . Ang maling paggamit ng mga fire blanket ay maaaring magpalubha sa mga pinsalang dulot ng usok at apoy kapag ang usok ay naitaboy ng blanket sa mukha o kung ang blanket ay hindi inalis pagkatapos na mapatay ang apoy.”
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
APOY
gatong
init
oksiheno
[Mga larawan]
CLASS A
CLASS B
[Credit Line]
Chubb Fire Safety
[Dayagram sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Kapag nagliyab ang iyong damit, huwag tumakbo
1. HUMINTO
2. HUMIGA
3. MAGPAGULUNG-GULONG
[Credit Line]
© Coastal Training Technologies Corp. Reproduced by Permission
[Larawan sa pahina 24]
May iba’t ibang pamatay-apoy na maraming mapaggagamitan para sa tahanan
[Credit Line]
Larawan sa itaas: Reprinted with permission from NFPA 10-1998, Portable Fire Extinguishers, Copyright © 1998, National Fire Protection Association, Quincy, Massachusetts 02269. This reprinted material is not the complete and official position of the NFPA on the referenced subject which is represented only by the standard in its entirety.