Ang Matinding Taggutom sa Ireland—Sunud-sunod na Pakikipagpunyagi sa Kamatayan at Pandarayuhan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA IRELAND
SA LILIM ng anino ng “banal” na bundok ng Ireland, sa Croagh Patrick,a ay masusumpungan ang isang lubhang di-karaniwang barko. Ito’y parang isang maliit na barkong naglalayag noong ika-19 na siglo na ang proa nito ay nakaturo sa kanluran patungo ng Karagatang Atlantiko. Subalit ang barkong ito ay hindi na maglalayag kailanman. Ito’y permanenteng nakapatong sa isang sementadong pundasyon. Nakahabi sa mga palo nito ang nakatatawag-pansing kayarian ng mga kalansay ng tao.
Ang barko ay isang malaking eskulturang metal na opisyal na inalisan ng takip noong 1997 upang alalahanin ang isa sa pinakamalalaking trahedya sa kasaysayan ng Ireland—ang Matinding Taggutom. Ang mga kalansay at ang barko ay mga simbolo ng kamatayan at lansakang pandarayuhan na nagsilbing tanda ng kalunus-lunos na mga taon ng 1845-50.
Mangyari pa, hindi lamang ang Ireland ang dumanas ng taggutom. Maraming bansa ang nagdusa sa ganitong paraan. Subalit sa maraming paraan, ang Matinding Taggutom sa Ireland ay naging masyadong kalunus-lunos. Noong 1845, ang populasyon ng Ireland ay mga walong milyon. Noong 1850, marahil ay isa at kalahating milyon ang namatay dahil sa taggutom! Isang milyon pa ang nandayuhan upang humanap ng mas mabuting buhay, karaniwan na sa Britanya o sa Estados Unidos. Isa nga bang matinding taggutom? Talaga nga.
Ano ang naging sanhi ng napakatinding taggutom? Anong tulong ang ibinigay sa mga biktima nito? Ano ang matututuhan natin mula sa kalamidad na ito? Upang maunawaan ang mga sagot sa mga tanong na ito, atin munang suriin nang ilang sandali kung ano ang naging buhay sa Ireland noong mga taon bago ang taggutom.
Bago ang Matinding Taggutom
Sa pagsisimula ng ika-19 na siglo, pinalawak ng Britanya ang pamamahala nito sa malaking bahagi ng lupa. Kabilang na riyan ang Ireland. Ang kalakhang bahagi ng Ireland ay naging pag-aari ng mga Ingles, na ang karamihan sa mga ito ay sa Inglatera nakatira. Ang mga may-aring ito ng lupa na wala sa Ireland ay sumisingil nang malaki sa mga nangungupahan sa kanila na taga-Ireland at mababa naman kung magpasuweldo sa kanilang pagpapatrabaho.
Libu-libong hamak na mga magsasaka, o mga cottier, ang labis na nagdarahop. Dahil sa hindi makabili ng karne o ng marami sa iba pang pagkain, ang mga tao ay nagtanim ng pinakamura, pinakamadali, at pinakamarami na maaaring anihin sa ganitong mga kalagayan, ang patatas.
Ang Kahalagahan ng Patatas
Ang patatas ay ipinasok sa Ireland noong bandang 1590. Lubha itong nagtagumpay dahil sa basâ at katamtamang klima ng Ireland na angkop sa pagtubo nito at ang patatas ay maaaring tumubo kahit na sa napakahinang klase ng lupa. Ito ang naging pagkain kapuwa ng tao at ng hayop. Sa kalagitnaan ng mga taon ng 1800, halos ikatlo ng sinasakang lupa ang tinamnan ng patatas. Ang halos dalawang-katlo ng mga ito ay para sa tao. Ang isang karaniwang lalaking taga-Ireland ay kumakain ng patatas araw-araw—at halos wala nang iba pa!
Yamang maraming tao ang lubusang umaasa sa patatas para sa pagkain, ang kalagayang iyan ay malamang na magdulot ng panganib. Ano ang mangyayari kung humina ang ani?
Unang Paghina ng Ani
Paminsan-minsang humina na rin ang ani ng patatas noong una. Napagtagumpayan ito dahil sa panandaliang remedyo, at nang bumuti ang ani nang sumunod na taon, hindi masyadong naging mahirap ang kalagayan. Kaya, nang humina ang ani ng patatas noong 1845, hindi gaanong nabahala ang mga awtoridad.
Subalit sa pagkakataong ito ang mga bagay-bagay ay naging mas malala. Napag-alaman natin ngayon na isang sakit na dala ng fungus, ang phytophthora infestans—na kilala rin bilang blight—ang naging sanhi ng mahinang ani noong 1845. Ang fungus na ito na dala ng hangin ay mabilis na kumalat sa iba’t ibang taniman ng patatas. Ang mga patatas na may fungus ay talagang nabulok sa lupa, at yaong mga nasa imbakan ay sinasabing “natunaw.” Yamang isa lamang uri ng patatas ang itinanim, ang pananim sa buong bansa ay naapektuhan. At yamang ang binhi para sa sumunod na taon ay nagmula sa ani ng taóng iyon, sinalanta rin ng fungus na ito ang sumunod na mga tanim.
Ikalawang Paghina ng Ani
Ang binhi ng patatas na maisasalba ay itinanim nang sumunod na taon, 1846, subalit sinira rin ng blight ang ikalawang ani na ito. Yamang wala nang aanihin pa, maraming magsasaka ang nawalan ng kanilang trabaho. Hindi na sila kayang upahan pa ng mga may-ari ng bukirin.
Ang pamahalaan ay gumawa ng iba’t ibang paraan ng pagtulong, anupat inupahan ang mga mahihirap na taong ito—pangunahin na para sa paggawa ng daan—upang matustusan ng mga ito ang kanilang mga pamilya.
Ang ilan ay nakapagtrabaho naman sa mga bahay-ampunan. Binigyan ng trabaho ng mga institusyong ito ang mahihirap. Bilang kabayaran sa kanilang trabaho, ang mga manggagawa ay nagkaroon ng pagkain at tuluyan. Ang trabaho ay mahirap. Kadalasan, ang pagkain ay bulok, at ang mga tuluyan ay kaaba-aba. Ang ilang manggagawa ay hindi nakaligtas.
Ang mga pamamaraang ito ay nakapaglaan ng kaunting kaginhawahan. Subalit may mas masama pang mangyayari. Ang taglamig ng 1846/47 ay napakaginaw, anupat dahil dito ay nabawasan ang karamihan ng trabaho sa labas. Iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang namahagi ng libreng pagkain. Gayunman, makalipas ang dalawang taon, nagsimulang maubos ang pondo ng pamahalaan para sa ginagawang pagtulong na ito, at ang lahat ng inilaang tulong ay hindi makasapat sa patuloy na pagdagsa ng nanghihinang mga tao. Pagkatapos, isa pang mapangwasak na dagok ang tumama sa Ireland.
Ang mga may-ari ng lupa na wala roon—na ang karamihan ay malalaki rin ang pagkakautang—ay patuloy na naniningil sa kanilang mga upa. Marami sa nangungupahan ang hindi na makabayad, at bilang resulta nito, libu-libo ang pinaalis sa kanilang lupain. Ang ilang nangungupahan ay basta umalis sa lupain at nagtungo sa mga lunsod na umaasang magkakaroon ng mas mabuting buhay. Subalit dahil sa kawalan ng pagkain, kawalan ng pera, at kawalan ng tirahan, saan sila pupunta? Para sa dumaraming mga tao, ang pandarayuhan ang tanging lunas.
Lansakang Pandarayuhan
Ang pandarayuhan ay hindi na bago. Buhat pa sa pagsisimula ng ika-18 siglo, patuloy na nagkaroon ng unti-unting pandarayuhan mula sa Ireland tungo sa Britanya at Amerika. Pagkatapos ng taglamig ng 1845, lalo pang dumagsa ang mga ito! Pagsapit ng 1850, 26 na porsiyento ng mga naninirahan sa New York ay mga taga-Ireland—mas marami pang mamamayan doon na taga-Ireland kaysa sa nasa kabiserang lunsod ng Ireland, ang Dublin.
Sa loob ng anim na taóng taggutom, limang libong barko ang mapanganib na naglakbay ng 5,000 kilometro patawid ng Atlantiko. Ang marami sa mga barko ay luma na. Ang ilan ay dati nang ginamit bilang mga barko ng mga alipin. Patuloy lamang na ginagamit ito dahil sa gipit na kalagayan. Hindi gaanong inaayos ang mga kulong na tulugan. Walang sanitasyon, at ang mga pasahero ay nabubuhay lamang sa kakaunting pagkain.
Libu-libong pasahero ang nagkasakit, palibhasa’y nanghina na dahil sa taggutom. Marami ang namatay habang nasa dagat. Noong 1847, ang mga barko na patungong Canada ay binansagang mga kabaong na barko. Mula sa 100,000 o mahigit pang mandarayuhan na karga ng mga ito, mahigit sa 16,000 ang namatay sa dagat o di-nagtagal pagdaong. Ang mga liham na ipinadala sa mga kaibigan at mga kamag-anak sa Ireland ay nagsaysay tungkol sa mapanganib na mga kalagayang ito—subalit napakarami pa ring mandarayuhan ang patuloy na umalis.
May ilang may-ari ng lupain ang tumulong sa mga dating nangungupahan sa kanila. Halimbawa, isa sa kanila ang umarkila ng tatlong barko at tumulong upang makasakay ang libu-libong nangupahan sa kaniya. Gayunman, ang karamihan sa mandarayuhan ay nagpapakahirap sa paghahanap ng sariling pamasahe. Kadalasan, isa o dalawa lamang mula sa isang malaking pamilya ang maaaring makasakay. Gunigunihin ang paghihirap ng damdamin ng mga nasa daungan habang libu-libong miyembro ng pamilya ang namamaalam—malamang na hindi na sila kailanman magkikita-kita pang muli.
Sakit at ang Ikatlong Paghina ng Ani
Pagkatapos ng dalawang magkasunod na paghina ng ani ng patatas at maramihang pagpapalayas ng mga naninirahan sa lupain, ang nalilipol na populasyon na kailangang harapin ay isa pang matinding dagok. Sakit! Ang tipos, disintirya, at iskerbi ay kumitil ng marami pang buhay. Marami sa mga nakaligtas ang nag-akalang hindi na lulubha pa ang mga bagay-bagay, subalit sila’y nagkamali.
Dahil sa napalakas ang loob bunga ng matagumpay na ani noong 1847, tinatlong ulit nila ang ektarya na tinamnan ng patatas noong 1848. Pagkatapos nito ay sumapit ang kasakunaan! Ang tag-araw na iyon ay naging masyadong maulan. Ang blight ay muling sumalakay. Ang ani ay nasira sa ikatlong pagkakataon sa apat na kapanahunan. Halos wala nang magawa ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga kawanggawa. Gayunpaman, ang pinakamalubhang pangyayari ay hindi pa natatapos. Noong 1849 isang epidemya ng kolera ang kumitil pa ng buhay ng 36,000 katao.
Ang Resulta
Ngunit ang epidemya ay naging tanda ng isang mahalagang pagbabago. Ang sumunod na ani ng patatas ay naging matagumpay. Unti-unting bumuti ang mga bagay-bagay. Gumawa ang pamahalaan ng bagong mga batas na nagpapawalang-bisa sa lahat ng pagkakautang dahil sa taggutom. Ang populasyon ay muling dumami. Bagaman nasira ng blight ang ilang pananim nang sumunod na mga taon, hindi na kailanman nangyari ang nakasisindak na kalagayan na naging dahilan ng pagkawala ng mahigit sa sangkapat ng populasyon ng Ireland sa kalunus-lunos na mga taóng iyon ng taggutom.
Sa ngayon, sa buong Ireland, ang gumuhong mga pader na bato at ang sirang mga bahay ay nagsisilbing malagim na paalaala ng mahihirap na panahon na nagbunga ng malawakang pangangalat ng mga taga-Ireland. Sa Estados Unidos lamang, mahigit sa 40 milyon ang nag-aangking sila’y nagmula sa angkan ng mga taga-Ireland. Si Presidente John F. Kennedy ng Estados Unidos kagaya rin ni Henry Ford, imbentor ng sasakyang de-motor na Ford, ay mga tuwirang nagmula sa mga mandarayuhang naglayag mula sa Ireland sakay ng mga barko ng taggutom.
Sabihin pa, ang paulit-ulit na pagkasira ng ani ng patatas ay isang malaking salik sa malungkot na salaysay na ito ng kamatayan at pandarayuhan. Ang isa pang mahalagang salik ay ang inilarawan ng sinaunang manunulat ng Bibliya na ‘panunupil ng tao sa tao sa kaniyang ikapipinsala.’ (Eclesiastes 8:9) Mabuti na lamang, tiniyak sa atin ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na ang Maylalang ng lupa at lahat ng bunga nito ay magtatatag ng isang malaparaisong bagong sanlibutan, na magdudulot ng namamalaging kapayapaan at kasaganaan sa lahat. (2 Pedro 3:13) Gayundin, ang sinaunang salmista ay humula: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
[Talababa]
[Larawan sa pahina 14]
Isang sagisag ng Matinding Taggutom
[Larawan sa pahina 15]
Paghahanap ng mga patatas, gaya ng paglalarawan ng “Illustrated London News,” Disyembre 22, 1849
[Larawan sa pahina 16]
Pamamahagi ng damit sa mahihirap na pamilya
[Credit Line]
at pahina 15: Mula sa pahayagang The Illustrated London News, Disyembre 22, 1849
[Larawan sa pahina 16, 17]
“Ang Barko ng Mandarayuhan” (Pinta ni Charles J. Staniland, c. 1880)
[Credit Line]
Bradford Art Galleries and Museums, West Yorkshire, UK/Bridgeman Art Library
[Larawan sa pahina 17]
Ang sirang mga bahay ay nagsisilbing malagim na paalaala ng mahihirap na panahon na idinulot ng mga taon ng taggutom
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Dibuho sa itaas: Sa kagandahang-loob ng “Views of the Famine” Web site at http://vassun.vassar.edu/-sttaylor/FAMINE