Saan Napupunta ang Tubig?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
NATARANTA ako! Iyan ang unang reaksiyon ko. Bumubulwak ang abuhing likido sa drenahe sa sahig ng banyo ko na nagbabantang gawing pusali ang aking apartment. Tumawag ako kaagad ng tubero. Habang ako’y naghihintay na nasisiraan na ng loob, anupat nanunuyo na ang aking bibig dahil sa nerbiyos at unti-unting nababasâ ang mga medyas ko, napag-isip-isip ko, ‘Saan galing ang tubig na ito?’
Habang abala ang tubero sa pag-aalis ng bara sa drenahe, ipinaliwanag niya: “Ang isang pangkaraniwang tagalunsod ay gumagamit ng 200 hanggang 400 litro [50 hanggang 100 galon] ng tubig sa isang araw. Sa bawat lalaki, babae, at bata, halos 100,000 litro [25,000 galon] ang pinaaagos nilang tubig sa loob ng isang taon.” Nagtanong ako: “Paano ko kaya ginagamit ang gayon karaming tubig? Tiyak naman na hindi ko iniinom iyon!” “Hindi nga,” ang sabi niya, “pero araw-araw ka namang nagsa-shower o naliligo, nagpa-flush ng inodoro, at marahil gumagamit ng isang washing machine o isang dishwasher. Dahil sa mga ito at sa iba pang paraan, ang modernong istilo ng pamumuhay ay nagpangyaring madoble ang dami ng tubig na ginagamit natin kaysa sa ginamit ng ating mga ninuno.” Pagkatapos ay pumasok sa isip ko ang katanungang, ‘Saan napupunta ang lahat ng tubig na ito?’
Natuklasan ko na ang tubig na umaagos sa drenahe sa araw-araw ay pinoproseso nang magkaibang-magkaiba depende sa kung saan tayo nakatirang bansa o lunsod. Sa ilang bansa, isa na itong usapin na nagsasangkot ng buhay at kamatayan. (Tingnan ang mga kahon sa pahina 27.) Sumama ka sa akin na maglibot sa isang wastewater treatment plant (planta kung saan pinoproseso ang maruming tubig) sa aming lugar at tuklasin mo kung saan napupunta ang tubig at kung bakit sulit na mag-isip nang mabuti bago mo itapon ang mga bagay-bagay sa drenahe o sa inodoro, saan ka man nakatira.
Pamamasyal sa Planta
Alam kong iniisip mo na hindi magandang pasyalang lugar ang wastewater treatment plant. Sang-ayon ako diyan. Subalit, ang karamihan sa atin ay nakadepende sa gayong planta upang hindi apawan ang ating lunsod ng mismong basura nito—at lahat tayo ay may pananagutang tumulong upang tumakbo nang maayos ang mga plantang ito. Ang pupuntahan natin ay ang pinakamalaking planta sa Malabar, sa bandang timog lamang ng kilalang Sydney Harbor. Paano napupunta sa planta ang tubig sa aking banyo?
Kapag ako ay nagpa-flush ng inodoro, nag-aalis ng tubig sa lababo, o nagsa-shower, ang tubig ay naglalakbay tungo sa wastewater treatment plant. Pagkatapos nitong maglakbay nang 50 kilometro, ang tubig na ito ay sumasama sa 480 milyong litro ng bumubulwak na tubig sa loob ng isang araw na nagtutungo sa planta—katumbas ng dami ng tubig sa bawat minuto na makapupuno sa dalawang swimming pool na pang-Olympic.
Ipinaliliwanag kung bakit hindi naman pangit tingnan at masama ang amoy ng plantang ito, sinabi sa akin ni Ross, ang liaison officer sa komunidad ng planta: “Ang malaking bahagi ng planta ay nakabaon sa ilalim ng lupa. Ito ang nagpapangyaring makulong namin ang mga gas at salain ang mga ito sa mga air scrubber (isang hanay ng naglalakihang tsiminea na hugis palayok), na nag-aalis ng mabahong amoy. Ang nalinis nang hangin ay pinalalabas. Bagaman pinalilibutan ng libu-libong bahay ang planta, mga sampung tawag lamang sa telepono ang tinanggap ko sa loob ng isang taon na nagrereklamo tungkol sa mabahong amoy.” Tiyak na ang susunod na lugar na pagdadalhan sa amin ni Ross ay ang pinagmumulan ng “masamang amoy.”
Ano ba ang Maruming Tubig?
Habang pababa kami nang pababa sa planta, sinabi sa amin ng giya namin: “Ang maruming tubig ay 99.9 porsiyentong tubig na may kasamang dumi ng tao, kemikal, at sari-saring mga bagay. Ang maruming tubig na natitipon mula sa mga bahay at industriya na nagtutungo sa lugar na mahigit na 55,000 ektarya [130,000 akre] ang lawak, sa mga tubo na 20,000 kilometro [12,000 milya] ang haba ay pumapasok sa planta na dalawang metro [6 na talampakan] ang layo sa ibaba ng kapantayan ng dagat. Dito ang tubig ay pumapasok sa magkakasunod na mga iskrin na sumasala ng mga basahan, bato, papel, at plastik. Sumunod, sa mga grit chamber, ang organikong bagay ay pinalulutang sa tubig sa pamamagitan ng bula, at ang mas mabigat na butil ng buhangin o bato ay lumulubog. Ang lahat ng di-organikong basura ay tinitipon at dinadala sa tambakan ng basura. Ang natitirang maruming tubig ay binobomba sa taas na 15 metro [50 talampakan] tungo sa mga tangke para sa latak.”
Ang lugar na sinasaklaw ng mga tangkeng ito ay halos kasinlaki ng isang palaruan ng soccer, at dito mo matatanto na magrereklamo ngang talaga ang mga kapitbahay kung hindi mahusay ang sistema ng pagdalisay sa hangin. Habang unti-unting umaagos ang tubig sa mga tangke, ang langis at mantika ay lumulutang at inaalis ang mga ito. Ang pinung-pinong solidong bagay, tinatawag na banlik, ay tumitining, at kinakayod ng naglalakihang de-makinang mga talim ang banlik kung saan inihiwalay ito para iproseso pa nang husto.
Ang naiprosesong maruming tubig ay paaagusin sa dagat sa pamamagitan ng pálabasang tunel sa ilalim ng lupa na may tatlong kilometro ang haba. Doon ang tubig ay tumataas mula sa pinakasahig ng karagatan at kumakalat sa dagat, 60 hanggang 80 metro sa ilalim ng mga alon. Ang malalakas na agos sa baybay-dagat ang nagsasabog sa maruming tubig, at ang likas na katangiang magdisimpekta ng tubig-alat ang tumatapos sa proseso. Ang natitirang banlik sa planta ay binobomba patungo sa malalaking tangke na tinatawag na mga anaerobic digester, kung saan binubulok ng mga mikroorganismo ang organikong mga bagay para maging methane gas at banlik na hindi nagbabago ang kayarian.
Mula sa Banlik Tungo sa Lupa
Palibhasa’y nakahinga na nang maluwag, sinundan ko si Ross sa itaas para sumagap ng sariwang hangin, at pumanhik kami sa tuktok ng isa sa mga tangke ng banlik na hindi napapasok ng hangin. Ganito ang patuloy niyang sinabi: “Ang methane na ginagawa ng mga mikroorganismo ay ginagamit upang paandarin ang de-kuryenteng mga genereytor at inilalaan nito ang mahigit na 60 porsiyento ng kuryente para mapaandar ang planta. Ang banlik na hindi nababago ang kayarian ay dinidisimpekta, pagkatapos ay nilalagyan ng apog, anupat ito’y nagiging kapaki-pakinabang na materyal, sagana sa sustansiya para sa halaman na tinatawag na mga biosolid. Ang Malabar Sewage Treatment Plant lamang ang nakagagawa ng 40,000 tonelada ng biosolid taun-taon. Sa nagdaang sampung taon, ang di-naiprosesong banlik ay sinusunog o itinatapon sa karagatan; ngayon ay mas pinakikinabangan na ang yaman na ito.”
Binigyan ako ni Ross ng isang brosyur na nagpapaliwanag: “Lumago nang 20 hanggang 35 porsiyento ang mga kagubatan sa [New South Wales] pagkatapos malagyan ng mga biosolid.” Sinasabi rin nito na ‘dumami nang hanggang 70 porsiyento ang ani ng trigo [na itinanim] sa lupa na nilagyan ng mga biosolid.’ Napansin ko rin na ang mga biosolid na ginawang abono ay ligtas ko na ngayong magagamit bilang pataba sa mga bulaklak sa aking halamanan.
Habang Hindi Nakikita, Hindi Naiisip?
Sa pagtatapos ng aming paglilibot, ipinaalaala sa akin ng aming giya na ang pagtatapon ng pintura, pestisidyo, gamot, o langis sa drenahe ay maaaring makamatay sa mga mikroorganismo sa planta at sa gayo’y makasisira ito sa proseso ng pagreresiklo. Idiniin niya na ‘unti-unting pinagbabara ng langis at mantika ang mga linya ng sistema ng tubo kung paanong pinagbabara rin nito ang mismong mga ugat natin at ang itinatapong lampin, damit, at plastik na ipina-flush sa inodoro ay hindi talaga natutunaw. Sa halip, bumabara ito sa mga tubo.’ Gaya ng natutuhan ko, maaaring mawala sa paningin natin ang basura, subalit kapag pinaapaw ito ng tubig sa drenahe, saka mo maaalaala ang basurang itinapon mo. Kaya sa susunod na mag-shower ka, mag-flush ng inodoro, o mag-alis ng tubig sa lababo, pag-isipan mo kung saan napupunta ang tubig.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
Mula sa Maruming Tubig Tungo sa Maiinom na Tubig
Ang ilang milyong naninirahan sa Orange County—isang lugar sa California, sa Estados Unidos, na di-gaanong maulan—ay nakinabang mula sa makabagong solusyon sa problema sa maruming tubig. Sa halip na itapon nang tuwiran sa karagatan ang milyun-milyong litro ng maruming tubig araw-araw, ang karamihan dito ay naibabalik sa pinagkukunan ng tubig. Sa loob ng maraming taon, ang tagumpay na ito ay naisagawa ng wastewater treatment plant. Pagkatapos ng unang pagpoproseso, ang maruming tubig ay dumaraan sa ikalawa at ikatlong proseso. Kasali rito ang pagdadalisay ng tubig upang ito’y maging kasinlinis ng pangkaraniwang iniinom na tubig. Pagkatapos ay humahalo ito sa tubig sa balon at sumasama sa tubig sa ilalim ng lupa. Napapalitan doon ang tubig sa ilalim ng lupa at naiiwasan ding pumasok ang tubig-alat at masira ang imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa. Hanggang 75 porsiyento ng kabuuang tubig na kailangan ng distrito ay kinukuha mula sa suplay na ito sa ilalim ng lupa.
[Kahon sa pahina 27]
Limang Paraan ng Matalinong Paggamit sa Tubig
◼ Palitan ang tumatagas na sapatilya—maaaring maaksaya ang 7,000 litro ng tubig sa loob ng isang taon dahil sa tumutulong gripo.
◼ Tiyakin na hindi tumatagas ang inyong inodoro—maaaring maaksaya nito ang 16,000 litro ng tubig sa loob ng isang taon.
◼ Kabitan ng bukilya ang dutsa na pampulandit sa tubig. Ang isang pangkaraniwang dutsa ay naglalabas ng 18 litro sa isang minuto; ang dutsa na mahinang pumulandit ng tubig ay naglalabas ng 9 na litro sa isang minuto. Matitipid ng isang pamilya na may apat na miyembro ang hanggang 80,000 litro sa loob ng isang taon.
◼ Kung dalawahan ang flush sa inyong inodoro, gamitin ang buton para sa half flush kung angkop—makatitipid ito ng mahigit sa 36,000 litro sa loob ng isang taon para sa isang pamilya na may apat na miyembro.
◼ Kabitan ng aerator ang inyong mga gripo—napakamura nito at kalahati ang nababawas nito sa pagdaloy ng tubig nang hindi nababawasan ang kapakinabangan nito.
[Kahon sa pahina 27]
Krisis sa Maruming Tubig sa Daigdig
“Mahigit sa 1.2 bilyon katao ang wala pa ring makuhang malinis na tubig na maiinom samantalang ang 2.9 bilyon ay walang sapat na pasilidad para sa sanitasyon, na sanhi ng pagkamatay ng 5 milyon katao taun-taon, ang karamihan ay mga bata, dahil sa mga sakit na nakukuha sa tubig.”—The Second World Water Forum na ginanap sa The Hague sa Netherlands.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Proseso ng Wastewater Treatment sa Malabar (Pinasimpleng larawan)
1. Patungo sa planta ang maruming tubig
2. Pagsasala
3. Mga grit chamber
4. Patungo sa tambakan ng basura
5. Mga tangke para sa latak
6. Patungo sa karagatan
7. Mga anaerobic digester
8. Mga de-kuryenteng genereytor
9. Tipunang tangke para sa biosolid
[Mga larawan]
Ginagawa ng mga tangkeng “anaerobic digester” na maging kapaki-pakinabang na abono at “methane gas” ang banlik
Sinusunog ang “methane gas” para lumikha ng kuryente