Pagmamasid sa Daigdig
“Mga Pantasya sa Pagyaman”
Nalinlang ng matinding pag-aanunsiyo ang maraming dukha na maniwalang matatakasan nila ang karalitaan sa pamamagitan ng pagsusugal, bagaman ang mga tsansang manalo ng anumang malaking halaga ay talagang napakaliit, ang ulat ng Times of Zambia. Ayon sa artikulo, “pinupukaw ng pag-aanunsiyo sa loterya ang mga pantasya sa pagyaman, luho at isang buhay na biglang walang problema,” samantalang “bihirang banggitin ang mga tsansang manalo.” Ganito ang pagtatapos ng pahayagan: “Anumang katuwiran ang ibigay ng isa, ang pagsusugal ay tahasang pagnanakaw at dapat ipagbawal sa alinmang lipunan na matuwid sa moral.”
Takót sa Dilim
“Mas takót sa dilim ang mga bata kaysa sa kanilang mga magulang dahil ang higit na pagkalantad sa artipisyal na liwanag ay nangangahulugan na bihira nilang maranasan ang pusikit na kadiliman,” ayon sa ulat ng The Times ng London. Sinuri ng sikologo at awtor na si Aric Sigman ang pananaliksik na nagpapakitang iginigiit ng halos dalawang-katlo ng mga batang wala pang sampung taóng gulang ang pagtulog nang may ilaw sa magdamag. Sinasabi niyang ang imahinasyon ng mga bata ay nahahadlangan dahil sa hindi pagkalantad sa dilim—kahit sa pagtulog sa gabi. “Ang imahinasyon ng mga bata ay kailangang mabigyan ng pagkakataon upang umunlad,” sabi ng ulat. “Maaaring maging kawili-wili para sa kanila na maglaro at maglibang sa dilim, sapagkat ang lahat ng mga larawang maguguniguni nila ay magiging natatangi.” Subalit sa ngayon, “ang gawa nang mga larawan na nakikita sa telebisyon, sine at mga laro sa computer na naikintal sa isipan ng mga bata” ay nakatatakot sa kanila. Ganito ang komento ni Dr. Sigman: “Tila isang makalumang payo na sabihing dagdagan ang pagbabasa at bawasan ang panonood ng telebisyon, subalit kailangan nating ulitin ito.”
Natitibag ang “Ice Shelf” sa Antartiko
Sa loob lamang ng 35 araw pasimula noong katapusan ng Enero 2002, isang 3,250-kilometro-kuwadradong bahagi ng Larsen B ice shelf sa silangang panig ng Peninsula ng Antartiko ang nagkapira-piraso at naging libu-libong lumulutang na malalaking tipak ng yelo (iceberg), ang ulat ng University of Colorado’s National Snow and Ice Data Center. Ang kalakhang bahagi ng Antartiko ay napalilibutan ng makakapal at susun-suson na namuong yelo, subalit lumiliit naman yaong namuong yelo sa peninsula dahil sa umiinit na klima roon mula noong mga huling taon ng dekada ng 1940. Dahil sa lumulutang ang ice shelf, hindi naman lubhang mapatataas ng pagkatibag nito ang kapantayan ng dagat. Gayunman, “ang mga ice shelf ay nagsisilbing pader, o panghadlang, para sa mga dumadausdos na yelo (glacier),” ang sabi ng ulat. “Minsang maalis ang kanilang mga ice shelf, ang mga dumadausdos na yelo . . . ay maaaring magtambak ng mas maraming yelo sa karagatan kaysa sa tinitipon nila bilang niyebe.” Hindi pa maliwanag ang mga dahilan ng pag-init, at maaaring nakalilito ang mga impormasyon. Sa kabila ng peninsula, “ang iba pang bahagi ng Antartiko ay walang palatandaan ng laganap na pag-init,” sabi ng The New York Times. Sa katunayan, ipinakikita ng ilang pananaliksik na ang kontinente sa kabuuan ay maaaring lumamig sa nakalipas na 35 taon.
Programang Pangkalawakan ng Tsina
Noong Abril 1, 2002, matagumpay na lumapag ang sasakyang pangkalawakan ng Tsina na Shenzhou III sa Inner Mongolia na walang sakay na tao pagkaraan ng isang linggong misyon, ang ulat ng BBC News. Ang sasakyan ay may dalang “artipisyal na tao”—isang manikin na nasasangkapan ng mga sensor para subaybayan ang mga antas ng oksiheno at temperatura bilang pagsubok sa mga life-support system na magagamit sa hinaharap na mga paglalakbay sa kalawakan na may sakay na tao. Ipinahayag ng mga opisyal sa programang pangkalawakan ng Tsina ang mga plano na magpadala ng tao sa kalawakan sa 2005. “Ang pangmatagalang tunguhing inilagay ng ahensiya sa programang pangkalawakan ng Tsina ay ang magpadala ng mga tao sa Buwan sa 2010,” ang sabi ng ulat.
Para sa mga “Budgie,” Maganda ang Matingkad na Kulay
Paano pumipili ng kapareha ang mga budgerigar (budgie), o mga shell parakeet? Ang kasagutan ay maaaring depende sa kung gaano kakinang ang balahibo ng mga ibon. Ang balahibo ng mga budgie ay may kemikal na tinatagusan ng ultraviolet na liwanag at muling inilalabas ito sa mas mahabang wavelength, anupat ang mga balahibo nito ay kumikinang na manilaw-nilaw na pula. Pinahiran ni Dr. Justin Marshall ng University of Queensland, Australia, at ng kaniyang mga kasamahan ng sunscreen ang balahibo ng ligáw na mga budgie upang hindi maging makinang. “Ang mga ibong hindi makinang ay hindi gaanong nakaaakit sa mga di-kasekso,” ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Sinabi ni Marshall na ang matinding kinang ay malamang na nagpapahiwatig ng isang mataas na uri ng ibon. Bagaman ang mga katawan ng ibang nilalang ay may mga kemikal na kumikinang, sinabi ni Marshall na ito ang “unang nagpakita sa gamit ng kinang sa kaharian ng mga hayop,” ang sabi ng Herald.
Papaubos Nang mga Leon
“Baka malapit nang malipol ang mga leon sa kalakhang bahagi ng Aprika,” ang ulat ng magasing New Scientist. Nangangailangan ng 500 hanggang 1,000 leon upang magkaroon ng mga 100 pares na magpaparami—sapat upang maiwasan ang pagpapalahi ng malapit na magkakamag-anak. Ayon sa World Conservation Union, mas kaunti pa sa bilang na iyan ang mga leon sa Kanluran at Sentral Aprika. “Isa itong seryosong kalagayan,” ang sabi ni Hans Bauer ng Leiden University sa Netherlands. “Hindi kami nakatitiyak kung mabubuhay roon ang isang leon.” Ang pangunahing dahilan sa pag-unti ng mga leon ay ang panghihimasok ng tao sa tirahan ng mga hayop. Nangangailangan ng napakalaking lugar para makapangaso ang mga leon—mga 200 kilometro kuwadrado para sa isang lalaking leon. “Ang leon ay isang pinagsasaligang uri,” ang babala ni Bauer. “Isa itong babala—ang bagay na nanganganib ngayon ang mga leon ay maaaring mangahulugan na nanganganib ang iba pang uri sa loob ng 20 hanggang 30 taon.”
Mga Panganib ng “Sunbed”
“Ang mga gumagamit ng sunbed ay dalawang ulit na mas malamang na magkaroon ng kanser sa balat, at lalong nanganganib ang mga kabataan,” ang ulat ng The Guardian ng London. Kinapanayam ni Propesor Margaret Karagas, ng Dartmouth Medical School, New Hampshire, E.U.A., ang 1,500 katao na edad 25 hanggang 74, na ang mahigit sa kalahati ay mga pasyenteng bago pa lamang nasuri na may kanser sa balat. Ang mga tsansa na magkaroon ng kanser ay dumami “nang hanggang 20 porsiyento sa bawat sampung taon na paggamit ng sunbed bago umabot sa edad na 50,” ang sabi ng The Times of London. Ganito ang sabi ni Propesor Karagas: “Tinutularan ng mga tanning lamp ang liwanag ng araw [na may] matindi at maraming dosis ng ultraviolet na radyasyon.” Tatlong ulit na mas marami ang namamatay ngayon dahil sa kanser sa balat sa Britanya kaysa noong dekada ng 1960, at sa Scotland, apat na ulit na mas marami ngayon kaysa noon. Sinisisi ng mga dalubhasa ang higit na pagkalantad sa ultraviolet na radyasyon dahil sa pagbibilad sa araw at sa paggamit ng mga tanning lamp na siyang sanhi ng mga pagkamatay. “Nakapipinsala ang pagpapaitim ng balat,” ang sabi ng tagapagsalita para sa Cancer Research sa United Kingdom. “Sa katunayan ang pag-itim ng balat ay reaksiyon ng katawan sa napinsalang DNA.”
Nanganganib na “mga Toreng Imbakan ng Tubig”
Kalahati ng populasyon ng daigdig ay dumedepende sa sariwang tubig mula sa mga ekosistema ng bundok, ang sabi ng The Toronto Star ng Canada. Lubhang nanganganib ang mga kabundukang ito, na tinatawag na “mga toreng imbakan ng tubig sa daigdig” sa isang ulat ng United Nations na nagtatakda sa UN Year of Mountains. Ayon sa Star, ang pinsala ay dahil sa “pagbabago ng klima, polusyon, armadong labanan, pagdami ng populasyon, pagkalbo sa kagubatan at pagsasamantala ng mga industriya ng agrikultura, pagmimina at turismo.” Ang ulat ay nagbababala na ang “lumulubhang kalagayan na ito ay maaaring humantong sa higit pang mga baha, pagguho ng lupa at taggutom,” ang sabi ng pahayagan.
Pagkasugapa sa Alak
Isa sa bawat 13 katao sa Britanya ngayon ay sugapa sa alak, ang ulat ng The Independent ng London, anupat ang pagkasugapa sa alak ay naging “dalawang ulit na pangkaraniwan na gaya ng pagkasugapa sa ipinagbabawal o kailangan ng reseta na mga gamot.” Mula noong 1994 hanggang 1999, dumami nang mga 43 porsiyento ang mga kamatayang tuwirang nauugnay sa pag-abuso sa alak—kasali na yaong dahil sa sakit sa puso, sakit sa atay, at pagkalason dahil sa alak. Dumami ang mga aksidente dahil sa pagmamaneho nang lasing mula sa 10,100 noong 1998 tungo sa 11,780 noong 2000 at siyang dahilan ng 1 sa 7 kamatayan sa daan. Animnapung porsiyento ng mga nagpapatrabaho ang nagkakaproblema sa mga empleadong labis uminom ng alak, at 40 porsiyento niyaong gumagawa ng marahas na krimen ay nagsasagawa nito sa ilalim ng impluwensiya ng alak. Ganito ang sabi ni Eric Appleby, direktor ng kawanggawang Alcohol Concern sa Britanya: “Ang malawak na saklaw ng mga problema batay sa epekto sa kalusugan ng tao, mga kaugnayan at gastos, hindi pa kasali ang epekto sa mga serbisyo publiko, . . . ay nagpapasidhi sa pangangailangan para sa apurahan at nagkakaisang pagkilos.”