Mga Palasyong Kristal sa Dagat
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA
“MALAKING lumulutang na tipak ng yelo (iceberg) sa unahan!” sigaw ng balisang bantay. Ang tripulante sa plataporma ng barko ay kumilos karaka-raka. Ang mga makina ay pinaatras upang iwasan ang pagbangga. Subalit lubhang huli na ang lahat. Ang gawing kanan ng barko ay nagkaroon ng malaking laslas.
Sa loob ng wala pang tatlong oras, nilamon ng Hilagang Atlantiko ang noo’y pinakamalaking de luhong pampasaherong barko ng daigdig. Noong Abril 15, 1912, limang araw pa lamang sa unang paglalayag nito mula sa Europa patungong Hilagang Amerika, ang Titanic ay namahinga sa pinaka-sahig ng karagatan, apat na kilometro sa ilalim. Halos 1,500 pasahero at tripulante ang namatay sa dagat.
Ano ang natira sa malaking lumulutang na tipak ng yelo? Ito’y nanatiling walang bawas. Ang dulo lamang nito ang bumangga sa Titanic. Kinabukasan, nakita ito ng mga mananaliksik na lumulutang patimog sa mas mainit na tubig, na para bang walang nangyari. Ang wakas ng iceberg, ang unti-unting pagkatunaw nito sa napakalawak na karagatan, ay sandaling panahong malilimutan. Subalit, ang paglubog ng Titanic ay natatandaan pa rin bilang isa sa kalunus-lunos na malaking sakuna sa dagat.
Mga iceberg! Ang mga ito’y kahali-halina at maringal, gayunma’y napakatigas. Nakakita ka na ba nito nang malapitan at nadama ang epekto ng mga ito sa tao at sa kalikasan? Nais mo bang malaman kung bakit at kung paano umiiral ang mga ito? At ano ang ginagawa upang maingatan ang mga taong nasa dagat mula sa potensiyal na panganib ng mga iceberg? (Tingnan ang kahon na “International Ice Patrol.”)
Pinagmulan at Siklo ng Buhay
Ang mga iceberg ay parang dambuhalang mga cube ng yelo mula sa tubig-tabang. Ang mga ito’y galing sa mga glacier at mga tumatakip na yelo at niyebe sa Hilaga at sa Antártikó. Alam mo bang ang tumatakip na yelo at niyebe sa Antártikó ay gumagawa ng mga 90 porsiyento ng mga iceberg sa lupa? Ito rin ang gumagawa ng pinakamalalaking iceberg. Ang mga ito ay tumatayo na kasintaas ng 100 metro sa ibabaw ng marka ng tubig sa labas ng barko (waterline) at maaaring sumukat ng mahigit na 300 kilometro sa haba at 90 kilometro sa lapad. Ang malalaking iceberg ay maaaring sa pagitan ng 2 milyon at 40 milyong tonelada. At tulad ng mga snowflake, walang dalawang berg ang magkatulad. Ang ilan ay tabular, o patag ang tuktok. Ang iba naman ay may hugis na parang kalang, parang mga toreng patulis, o parang simburyo.
Karaniwan na halos sangkapito hanggang sangkasampu lamang ng laki ng iceberg ang nakikita sa ibabaw ng tubig. Totoo ito lalo na sa mga iceberg na patag ang tuktok. Ito’y katulad ng nakikita mo kapag ang isang cube ng yelo ay lumulutang sa isang baso ng tubig. Ngunit, ang katumbasang ito ng nakalantad na yelo sa nakalubog na yelo ay iba-iba, depende sa hugis ng berg.
Ang mga iceberg sa Antártikó ay waring patag ang tuktok at tuwid ang mga gilid, samantalang ang mga iceberg naman sa Artikó ay kadalasang baku-bako at parang maliliit na tore. Ang mga huling banggit na ito, na ang karamihan ay galing sa malaking tumatakip na yelo at niyebe sa Greenland, ang pinakamalaking banta sa tao, yamang ang mga ito ay maaaring matangay tungo sa ruta ng mga barko sa transatlantiko.
Paano nga ba nagkakaroon ng mga iceberg? Sa gawing hilaga at timog na mga rehiyon ng lupa, ang niyebe at napakalamig na ulan ay kadalasang lumalabis sa pagtunaw at ebaporasyon. Ito’y nagpapangyari na magkaroon ng mga suson ng niyebe sa mga ibabaw ng lupa upang maging yelo mula sa glacier. Taun-taon, habang higit pang niyebe at ulan ang bumabagsak, isang patuloy na pagtitipon ang nangyayari. Ito’y lumilikha ng pagkalaki-laking tumatakip na yelo sa napakalawak na dako na gaya niyaong sa Greenland. Sa wakas, naaabot ng yelo ang kapal at tigas na nagpapangyari sa mabigat na glacier na dahan-dahang dumausdos pababa mula sa mataas na mga dalisdis tungo sa mga libis at sa wakas sa dagat. Sa paglalarawan sa kilos na ito, binanggit ni Bernard Stonehouse sa kaniyang aklat na North Pole, South Pole: “Ang matigas na yelo ay elastiko ngunit madaling magbago ng hugis; sa ilalim ng puwersa ang animsulok na mga kristal nito ay humahanay, pagkatapos ay dumadausdos sa bawat isa upang gawin ang pag-agos at pagbagsak na iniuugnay natin sa mga glacier.”
Isip-isipin lamang ang isang ilog ng yelo na kumikilos sa baku-bakong lupa nang napakabagal, parang malamig na molases. Nagtataglay na nang malalalim na patayong mga bitak, ang dambuhalang takip na ito ng yelo ay nagtutulak pa upang gumawa ng isang kagila-gilalas na di-pangkaraniwang bagay pagdating nito sa baybayin ng dagat. Dahil sa pinagsamang mga epekto ng paglaki at pagkati ng tubig, pabagu-bagong alon, at pagtunaw sa ilalim ng tubig, ang isang malaking tipak ng yelo mula sa tubig-tabang na maaaring paabutin ng mga 40 kilometro sa dagat ay dumadagundong na hihiwalay mula sa glacier. Isang iceberg ang isinilang! Inilarawan ito ng isang tagamasid bilang isang “lumulutang na kastilyong kristal.”
Sa Artikó, sa pagitan ng 10,000 at 15,000 iceberg ang nabubuo taun-taon. Subalit kakaunti lamang, kung ihahambing, ang makararating sa dagat sa gawing timog sa kahabaan ng baybayin ng Newfoundland. Ano ang nangyayari sa mga iceberg na gumagawa niyan?
Pagkilos ng Iceberg
Pagkasilang ng mga iceberg, dinadala ng agos ng karagatan ang karamihan sa mga ito sa isang dagdag na paglalakbay bago palikuin ang ilan sa mga ito sa kanluran at timog at sa wakas sa Dagat ng Labrador, na binansagang Iceberg Alley. Ang mga iceberg na nakaliligtas sa pagtangay rito na humigit-kumulang dalawang taón mula sa kanilang dakong sinilangan tungo sa karagatan sa Atlantiko hanggang sa Labrador at Newfoundland ay nakararanas ng isang maikling haba ng buhay. Natatangay sa mas mainit na tubig, nararanasan ng mga ito ang higit pang pagkasira dahil sa pagkatunaw, pagkaagnas, at higit pang pagsilang ng iceberg.
Karaniwan na, sa araw ang yelo ay natutunaw at ang tubig ay natitipon sa mga bitak. Sa gabi ang tubig ay nagyeyelo at lumalaki sa mga bitak na ito at nagpapangyari sa mga piraso na mahiwalay. Ito ang lumilikha ng isang biglang pagbabago sa hugis ng berg, binabago ang sentro ng grabidad nito. Pagkatapos ang kimpal na ito ng yelo ay gugulong sa tubig, inilalantad ang isang ganap na bagong lilok na yelo.
Habang nagpapatuloy ang siklong ito at ang mga kastilyong yelo ay lumiliit pa sa pamamagitan ng paghahati, ang mga ito’y gumagawa ng sarili nilang mga iceberg na tinatawag na “bergy bits,” halos kasinlaki ng isang katamtamang bahay, at mga “growler,” mga kasinlaki ng isang maliit na silid—ang huling banggit ay pinanganlang gayon dahil sa tunog na nililikha ng mga ito samantalang lumulutang sa mga alon. Ang ilang mas maliliit na growler ay maaari pa ngang magtumulin sa mababaw na tubig ng dalampasigan at mga ilog pasukan.
Anuman ang kalagayan, ang kapaligiran sa mga tubig na galing sa timog ay magpapangyari sa mga iceberg na mabilis na maglaho tungo sa maliliit na piraso ng yelo ng tubig-tabang at pagkatapos ay tungo sa makapangyarihang karagatan. Subalit, hanggang sa mangyari iyan ang mga iceberg ay dapat na pakitunguhan taglay ang pag-iingat.
Kung Paano Apektado ng mga Iceberg ang Ating Buhay
Ang mga mangingisda na dumedepende sa karagatan para sa kanilang ikabubuhay ay waring minamalas ang mga iceberg na isang abala at isang panganib. Ganito ang sabi ng isang mangingisda: “Ang iceberg ay maaaring makatuwa sa mga turista, ngunit sa mangingisda ito ay isang posibleng panganib.” Ang mga mangingisda ay nagbalik upang tingnan ang kanilang huli, upang masumpungan lamang na sinira ng isang iceberg, na tinangay ng paglaki at pagkati ng tubig at ng agos, ang kanilang mahalagang lambat at ang kanilang huli.
Ang mga iceberg ay karapat-dapat sa paggalang. “Makabubuting lumayo ka rito,” sabi ng isang kapitan ng barkong-layag. “Ang mga iceberg ay hindi mawari! Ang pagkalaki-laking mga bahagi ay maaaring humiwalay mula sa malalaking iceberg, o kapag humampas sa ilalim, ang malalaking tipak ay maaaring maputol at tumudla sa iyo. Isa pa, ang berg ay maaaring umikot at gumulong, pawang mapanganib sa sinumang nangangahas nang napakalapit!”
Ang pagkayod ng mga iceberg sa pinaka-sapin ng karagatan ay isa pang bagay na ikinababahala. “Kung ang lubog ng iceberg ay halos katumbas ng lalim ng tubig, ang pinaka-ilalim nito ay maaaring humukay ng mahahaba at malalalim na kanal. Ang gayong gawain sa mga rehiyon na ginalugaran ng langis ay magkakaroon ng kapaha-pahamak na mga epekto sa mga instalasyon sa pinaka-sahig ng dagat gaya ng mga well-head,” ayon sa isang tagamasid.
Sa ngayon malamang na nag-iisip ka na makabubuti pang walang mga iceberg. Subalit, ang kuwento tungkol sa iceberg ay hindi naman pawang negatibo. Ganito ang sabi ng isang taga-Newfoundland: “Mga taon na ang nakalipas, bago nauso ang pagpapalamig, ang mga tao sa ilang maliliit na nayon sa tabing-dagat ay nangunguha ng maliliit na piraso ng berg at inihuhulog ang mga ito sa kani-kanilang balon upang panatilihing malamig ang tubig. Ang isa pang gawain ay ang ipreserba ang mga piraso ng yelong berg sa mga kahon ng kusot upang tumulong sa paggawa ng gawang-bahay na sorbetes.”
Ang mga turista ay lalo nang naaakit sa pagkalaki-laking mga bundok na ito ng lumulutang na yelo ng glacier. Naghahanap sila ng magandang puwesto sa paliku-likong baybayin ng Newfoundland upang makakuha ng isang panoramic view ng Atlantiko at pagsawain ang kanilang mga mata sa mga dambuhalang ito ng dagat. Nagtunugan ang mga kamera upang bihagin ang sandaling ito sa pilm.
Ang mga iceberg ay may potensiyal din na maglaan ng halos walang-katapusang panustos ng malinis na maiinom na tubig. Ang pagdalisay at pagsasabotelya ng tubig mula sa iceberg ay sa wakas maaaring maging isang madaling pagkakitaan sa panahong ito ng walang katulad na polusyon ng tubig. Kung tungkol sa pagkuha ng maraming maiinom na tubig, maaaring tila simpleng bagay lamang na hanapin ang isang dambuhalang “ice cube” at hilahin ito sa daungan para sa pagproseso. Sa totoo, ito’y isang pagkalaki-laking hamon na napatunayang isang mabigat na gawain.
Isang Kababalaghan ng Nilalang ni Jehova
Ang Maylikha ng langit at ng lupa ay nagtatanong: “Sa kaninong tiyan nagmula ang yelo?” (Job 38:29) Alam ni Elihu, sapagkat nauna rito ay sinabi niya: “Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ay naibibigay ang yelo.”—Job 37:10.
Kaya nga, kapag minamasdan natin ang nagtataasan at kumikinang na mga kababalaghang ito ng dagat, ang ating mga kaisipan ay bumabaling sa ating Maylikha, na naglagay ng mga iyon doon. Tulad ng salmista, sinasabi natin: “Anong pagkasarisari ng iyong mga gawa, O Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay punô ng iyong mga gawa.” Sabi pa niya: “Kamangha-mangha ang iyong mga gawa.”—Awit 104:24; 139:14.
Tunay, si Jehova ay isang Maylikhang gumagawa ng kababalaghan. Gayon na lang ang pagnanais nating makilala siya nang higit! Magagawa natin iyan sa pagbibigay-pansin sa kaniyang Salita.—Roma 11:33.
[Kahon sa pahina 18]
International Ice Patrol
Pagkatapos ng trahedya ng pampasaherong barko na Titanic, ang International Ice Patrol (IIP) ay itinatag noong 1914 upang matiyak ang kinaroroonan ng mga iceberg, sabihin ang mga kilos nito batay sa agos ng karagatan at ihip ng hangin, at saka magbigay ng mga babala sa publiko. Taglay ang layunin na maglaan ng proteksiyon mula sa mga dambuhalang kristal ng dagat na ito, ginagawa ang lahat ng makakaya upang magtipon ng kaalaman tungkol sa mga katangian at gawi ng yelo. Kabilang sa teknolohiyang ginagamit ang pagmamanman sa pamamagitan ng mata at radar sa pamamagitan ng eruplano, mga ulat ng komersiyal na barkong tumatanaw ng yelo, larawang kuha ng satelayt, at mga pagsusuri at sinasabi ng karagatan.
[Larawan sa pahina 16, 17]
Hugis-toreng patulis
Hugis-simburyo
Patag ang tuktok