Kapag Naging Malalaking Sakuna ang Maliliit na Pagkakamali
NOONG Hulyo 6, 1988, kinukumpuni ng mga manggagawa ng drilling rig ng Piper Alpha na nasa laot ng North Sea ang bomba ng langis ngunit hindi nila natapos ang trabaho. Dahil sa walang komunikasyon sa pagitan ng mga manggagawa, binuksan ng karilyebong mga manggagawa ang bomba ng langis. Nagkasunog. Dahil sa ang mga manggagawa ay nasa napakataas na dako mula sa dagat at wala silang matatakasan, 167 katao ang namatay.
Pagkalipas ng 12 taon, noong Hulyo 25, 2000, isang napakabilis na jet na Concorde ang humahagibis sa runway ng Charles de Gaulle Airport sa Paris, Pransiya. Habang bumubuwelo ang eroplano, pumutok ang isang gulong nito dahil sa labí ng isang maliit na piraso ng titanium sa runway na naging dahilan naman upang sumabog ang tangke ng gasolina sa pakpak ng eroplano. Tumagas ang gasolina sa mga makina sa kaliwa, anupat namatay ang makina nito at nagliyab ang apoy na 60 metro ang haba. Pagkaraan ng dalawang minuto, ang eroplano ay bumangga sa isang otel, anupat namatay ang lahat ng nakasakay rito gayundin ang mga tao na nasa lupa.
Sa pagbubulay-bulay sa mga aksidenteng iyon, ganito ang sabi ni James Chiles sa kaniyang aklat na Inviting Disaster—Lessons From the Edge of Technology: “Sa ating bagong daigdig, na napaliligiran ng mga makinang paminsan-minsan ay nawawalan ng kontrol, kailangang kilalanin natin ang pambihirang pinsala na magagawa ngayon ng karaniwang mga pagkakamali.” Sa isang rebista sa aklat ni Chiles, ganito ang sabi ng babasahing Science: “Ang pambihira at mabilis na pagsulong ng siyensiya at teknolohiya sa nakalipas na ilang dantaon ay nakatutuwa. Nadarama natin na halos walang takda ang posibilidad para maunawaan at manipulahin ang pisikal na daigdig. [Subalit] walang dahilan upang mag-isip na hindi na tayo gaanong magkakamali sa ngayon na gaya ng dati.”
May kinalaman sa mas mapanganib na mga teknolohiya, ganito ang sabi ng Science: “Kahit na ang napakaliit na panganib [ng pagkakamali] ay maituturing na napakalaki. Para sa mga teknolohiyang iyon, kailangang igiit natin ang kawalan ng pagkakamali.” Subalit ipinakikita ba ng rekord ng mga nagawa ng tao na maaaring matamo ang kawalan ng pagkakamali? Malayong mangyari! Kaya walang-alinlangang magpapatuloy ang malalaking sakuna na nauugnay sa mga pagkakamali.
Ngunit hindi ito magpapatuloy magpakailanman. Makaaasa ang mga taong may takot sa Diyos sa isang kinabukasan kung saan ang buhay ay hindi mapupugto sa kalunus-lunos na paraan dahil lamang sa pagkakamali o mga limitasyon ng tao. Bakit? Sapagkat aalisin ng Diyos, sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na pamahalaan ng Kaharian, ang lahat ng sanhi ng kamatayan, lumbay, at kirot.—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
AP Photo/Toshihiko Sato