Kung Paano Kami Nakatakas sa Nakatatakot na Agos ng Lava!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CONGO (KINSHASA)
MARTES noon, Enero 15, 2002—na parang isang pangkaraniwang araw sa Sentral Aprika. Kasama ang isa pang Saksi ni Jehova, dumating ako sa Goma, Kivu, Congo (Kinshasa), upang makipagkita sa mga Saksi mula sa rehiyon ng Great Lakes.
Wala Nga Bang Dapat Ipag-alala?
Bagaman ang bulkan ng Nyiragongo (3,470 metro ang taas) ay matatagpuan 19 na kilometro ang layo mula sa lunsod ng Goma, nakatawag ng aming pansin ang pagkilos nito.a Naririnig namin ang pagdagundong nito, at nakikita rin namin ang usok na nagmumula sa bulkan. Para sa mga tagaroon, pangkaraniwang pangyayari lamang ito sa mga panahong ito, at hindi sila nag-aalala.
Noong bandang hapon, dumalo kami sa pagpupulong ng dalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Patuloy naming nararamdaman ang pagyanig ng lupa at naririnig ang pagdagundong. Tila wala namang nababahala rito. Matiyagang nagbibigay ng katiyakan ang lokal na mga awtoridad sa mga tao na walang dahilan para mataranta. Bagaman mga ilang buwan nang inihuhula ng isang eksperto sa bulkan na taga-Congo ang mga pagputok, walang naniniwala sa kaniya. Isang kaibigan ang di-sinasadyang nagkomento, “Mamumula ngayong gabi ang kalangitan dahil sa aktibong bulkan.”
“Dapat Tayong Tumakas Agad!”
Pagbalik namin sa aming tuluyan, tahasang sinabi sa amin: “Dapat tayong tumakas agad!” Peligroso ang situwasyon. Nanganganib nang lubos ang lunsod. Kaydaling nagbago ng mga bagay-bagay! Pinag-uusapan pa lamang namin kani-kanina ang planong gamitin ang Goma bilang sentro para sa gawaing pangangaral. Ngayong magtatakip-silim na, sinabihan kaming lisanin ang lunsod, yamang nanganganib itong malipol!
Habang kumakagat ang dilim, namumulang parang apoy ang kalangitan—at may dahilan naman! Ang agos ng lava mula sa Nyiragongo ay patungo na sa lunsod. Ang bundok ay nagmistulang isang pagkalaki-laking kumukulong kaldero na umaapaw ang laman, maapoy at lusaw na lava na nagwawasak sa lahat ng madaanan nito. Noon pa lamang kami nakapag-impake ng gayon kabilis! Malapit nang mag-ika-7 n.g.
Libu-libo ang Tumatakas na Nasa Lansangan
Habang nagmamadali kami sa pagtakas, napuno ang lansangang palabas sa Goma ng mga taong tumatakas para iligtas ang kani-kanilang buhay. Karamihan ay naglalakad, na dala-dala ang kanilang mga ari-arian na basta nadampot nila. Sunung-sunong ng marami ang kanilang dala-dalahan. Ang ilan ay nagsiksikan sa mga sasakyang punung-puno ng laman. Patungo ang lahat sa kalapít na hanggahan ng Rwanda. Pero ang bulkan ay walang kinikilalang mga hangganan na gawa ng tao. Walang hukbo ang makahahadlang sa pag-agos nito! Nakakita kami ng mga sundalong umaatras dahil sa lava yamang sila rin ay tumatakas para iligtas ang kanilang buhay. Talagang imposibleng makaraan ang mga sasakyan. Dapat na patuloy kaming maglakad. Nasa gitna kami ng pulutong na ito ng 300,000 katao—mga lalaki, babae, bata, at mga sanggol—na nagpupunyaging tumakas mula sa nagngangalit na bulkan. Patuloy na yumayanig at dumadagundong ang tinutuntungan naming lupa.
Ang lahat ay tumatakas para iligtas ang kanilang buhay. Kami ng aking kaibigan, na mga estranghero mula sa isang malaking lunsod, ay nasa gitna nila, kasama ng ilang Saksi na nangangalaga sa amin. Labis na nabagbag ang aming damdamin dahil sa kanilang pagkanaroroon at sa kanilang lubos na pag-aalala at nagbigay ito sa amin ng kapanatagan sa napakaigting at napakahirap na kalagayang ito. Tumatakas ang mga tao na dala lamang kung ano ang mabibitbit nila—mga damit, kaldero at kawali, kaunting suplay ng pagkain. Nagtutulakan ang mga tao sa gitna ng pulutong na ito. Ang ilan sa kanila ay nabangga ng mga kotseng nagpupumilit dumaan, anupat nabitiwan ng ilan ang tangan nilang mga pag-aari, na nahulog muna saka natapakan. Kaawa-awa ang sinumang madapa. Hilong-talilong ang mga tao. Takot na takot ang lahat. Sinisikap naming makarating sa Gisenyi, mga ilang milya lamang ang layo sa Rwanda. Patuloy kaming nagpumilit sa paglalakad.
Isang Gabi ng Kapanatagan
Nakarating kami sa isang bahay-panuluyan, pero, siyempre pa, wala nang matutuluyan. Nakontento na lamang kami sa pag-upo sa isang panghardin na mesa. Nakaupo lamang kami pagkatapos ng tatlo at kalahating oras ng nakapapagod na paglalakad. Tuwang-tuwang kami dahil sa buháy kami at ligtas at kapiling ang aming mga kapatid na Kristiyano na naglakbay na kasama namin. Mabuti na lamang at walang namatay sa mga Saksi.
Maliwanag na kailangan naming magpalipas ng gabi sa labas. Mula sa ligtas na layong ito ay napagmamasdan namin ang namumulang parang apoy na kalangitan sa lunsod ng Goma. Talagang kahanga-hanga at napakaganda niyaon! Nagbubukang-liwayway na. Nagpatuloy sa buong magdamag ang pagdagundong at pagyanig. Kapag nagbabalik-tanaw kami sa nagdaang mahihirap na araw, hindi namin mapigilang mabagbag ang aming damdamin sa libu-libong pamilya na kailangang tumakas kasama ang kanilang mga paslit na anak.
Dumating Agad ang Tulong
Sinamahan kami ng mga Saksi mula sa Kigali, ang kabisera ng Rwanda, noong tanghaling-tapat ng Biyernes, Enero 18. Nagpasimulang kumilos ang isang komite sa pagtulong na binuo ng mga kapatid sa Goma at Gisenyi. Ang unang tunguhin ay bigyan ng tuluyan ang nagsilikas na mga Saksi sa anim na Kingdom Hall na nasa pook na iyon. Ito mismo ang ginawa sa araw na iyon. Isang paskil ang inilagay sa daan na nasa wikang Pranses at Swahili, itinuturo nito kung nasaan ang Kingdom Hall sa lugar na iyon, kung saan maaaring bigyan ng tulong at kaaliwan ang mga nagsilikas. Nang araw ring iyon, dumating ang tatlong tonelada ng pangunahing mga pangangailangan sa mga Kingdom Hall kung saan tumutuloy ang mga Saksi. Kinabukasan, Sabado, isang trak na punung-puno ng pagkain, kumot, malalaking plastik, sabon, at gamot ang dumating mula sa Kigali.
Tumitindi ang Kabalisahan
Labis-labis ang pag-aalala sa panahong ito. Paano matutugunan ang pangangailangan ng lahat ng taong ito? Kumusta na ang bulkan? Kailan hihinto ang pagputok nito? Gaano kalawak ang napinsala sa lunsod ng Goma? Hindi mabuti ang ibinabadya ng kumakalat na balita at patuloy na pagyanig ng lupa. Ipinangangamba ng mga eksperto na maparurumi ng mapanganib na antas ng sulfur dioxide ang atmospera. Ikinababahala rin ang pagdumi ng tubig ng Lake Kivu bunga ng kemikal na mga reaksiyon.
Sa loob ng 48 oras pagkatapos ng pagputok, kumalat ang nakatatakot na mga balita. Pagkatapos, nabalitaan namin noong Sabado ng hapon na mga 10,000 katao, kasali na ang 8 Saksi na may kasamang isang bata, ang nakulong ng lava na nakapalibot sa kanila, na dalawang metro ang lalim sa ilang lugar. Ang hangin ay punung-puno ng nakalalasong mga gas. Natatakot kami para sa kanilang buhay. Parang walang kapag-a-pag-asa ang mga bagay-bagay. Maging ang katedral ng Goma ay talagang nawasak ng di-mapigilang pag-agos ng lava. Walang sinuman nang panahong iyon ang nag-iisip na makaliligtas ang Goma.
Ilang Nakaaaliw na Balita
Linggo nang ika-9 n.u., tumanggap kami ng isang tawag sa telepono mula sa isa sa mga kapatid na napalibutan ng lava. Sinabi niya na nagbabago ang situwasyon. Bumubuti na ang kalagayan. Dahil sa umuulan na, lumalamig na ang lava, at umaaliwalas na ang kapaligiran. Bagaman mainit pa rin at mapanganib ang lava, nagsisimulang tumawid sa agos ang mga tao para magtungo sa mas ligtas na lugar. Hindi naman lubusang nawasak ang lunsod.
Ito ang kauna-unahang magandang balita sapol nang magsimula ang kapaha-pahamak na mga pangyayari. Tila tumahimik na ang bulkan. Nagkakasalungatan ang pangmalas ng mga eksperto sa pook na iyon. Nagawa naming makipag-ugnayan sa kalapit na lunsod ng Bukavu, na matatagpuan sa dulong ibayo ng Lake Kivu. Napag-alaman namin na limang pamilya, gayundin ang tatlong bata na hindi kasama ang kanilang mga magulang, ay nakarating sa Bukavu sa pamamagitan ng bangka. Pangangalagaan sila ng mga Saksi sa lunsod.
Makababalik Na Kami!
Pagsapit nang Lunes, Enero 21, nagawa naming patibayin at aliwin ang mga biktima sa Gisenyi, at alamin din naman ang kanilang mga pangangailangan. Nakita namin na inoorganisa ang mga kapatid na pansamantalang pinatuloy sa anim na Kingdom Hall. Nakuha namin ang eksaktong bilang ng mga nagsitakas—1,800 kasali na ang mga bata.
Kumusta sa hinaharap? Agad na nagplanong magtayo ang lokal na mga awtoridad ng mga kampo para sa mga nagsilikas. Subalit mayroon pa ring mapapait na alaala ang ilang tao hinggil sa mga kampong itinayo para sa mga nagsilikas pagkatapos ng pag-ubos ng lahi noong 1994. Ipinasiya naming bumalik sa Goma, at noong magtatanghaling-tapat ay nakarating kami sa lunsod. Halos 25 porsiyento nito ang nawasak. Nalakaran na namin ang tumigas nang lava na umagos sa mga lansangan ng lunsod. Mainit pa rin iyon, at nasa paligid pa rin ang sumisingaw na mga gas. Determinado ang maraming tao na bumalik sa lunsod.
Nang ika-1 n.h., nakipagkita kami sa 33 Kristiyanong elder sa Kingdom Hall ng Goma Center Congregation. Iisa ang opinyon: Ipinasiya nilang bumalik sa Goma. “Iyon na ang kinamulatan namin,” ang sabi nila. Paano naman kung pumutok muli ang bulkan? “Sanay na kami roon,” ang sagot nila. Ipinangangamba nila na kung hindi sila agad makababalik, nanakawin ang lahat ng kanilang ari-arian. Kinabukasan, ang lahat ng pamilyang Saksi na tumakas ay nagsibalik sa Goma. Ang higit na nakararami sa 300,000 katao na tumawid sa hanggahan ay nagsibalik din sa nasalantang lunsod.
Paglipas ng Isang Linggo
Buháy na buháy na namang muli ang lunsod. Maliwanag na hindi ito maglalaho. Hindi nagtagal at pinasimulang patagin nang maayos ang lava upang mapagdugtong ang dalawang bahagi ng lunsod na nahati. Nawasak ang lahat ng dinaanan ng lava. Gumuho ang sentro ng komersiyo at pampamahalaang bahagi ng lunsod. Tinatayang nasira ang isang katlo ng runway ng paliparan.
Ipinakikita ng isang tumpak na bilang na kasali ang 180 pamilyang Saksi sa mga nawalan ng lahat ng ari-arian at bahay. Nagsaayos ang komite sa pagtulong para tulungan ang humigit-kumulang 5,000 lalaki, babae, at bata na marasyunan ng pagkain araw-araw. Ang isang kargamento ng plastik na mga trapal na iniabuloy ng mga Saksi ni Jehova sa Belgium, Pransiya, at Switzerland ay gagamitin para sa pansamantalang tirahan ng mga nawalan ng bahay, at para rin naman sa mga pulungang dako para sa mga kongregasyong labis na nasira o nawasak ang mga Kingdom Hall. Makikipisan naman ang ilang pamilyang nawalan ng bahay sa mga Saksi na hindi nasira ang bahay, samantalang ang iba ay patitirahin sa pansamantalang mga tuluyan.
Noong Biyernes, Enero 25, mga sampung araw paglipas ng kahindik-hindik na gabing iyon, 1,846 ang dumalo sa pulong na ginanap sa isang bakuran ng paaralan sa Goma upang makinig sa nakapagpapatibay na mga salita mula sa Kasulatan. Umuulan ang pasasalamat ng mga kapatid para sa kaaliwan gayundin sa praktikal na tulong na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Labis na naantig ang puso naming mga bisita dahil sa kagitingan at tibay ng pananampalataya na ipinakita ng mga kapatid sa kabila ng kanilang kahila-hilakbot na kalagayan. Sa gitna ng gayong pagdurusa, anong inam na maging bahagi ng isang kapatiran na nagkakaisa sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova, ang Pinagmumulan ng walang-hanggang kaaliwan!—Awit 133:1; 2 Corinto 1:3-7.
[Talababa]
a Sa wikang Swahili ang bulkan ay kilala bilang mulima ya moto, na nangangahulugang “bundok ng apoy.”—Tingnan ang artikulong “Pagdalaw sa Isang Aktibong Bulkan” sa Gumising! ng Disyembre 8, 1975.
[Mga mapa sa pahina 22, 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ipinakikita ng mga linya ang direksiyon ng agos ng lava
CONGO (KINSHASA)
Bundok Nyiragongo
↓ ↓ ↓
Paliparan ng Goma ↓ ↓
↓ GOMA
↓ ↓
LAKE KIVU
RWANDA
[Mga larawan sa pahina 23]
Napilitang lisanin ng sampu-sampung libong mamamayan ang lunsod ng Goma dahil sa lusaw na lava
[Credit Line]
AP Photo/Sayyid Azim
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Sa loob ng isang linggo, naorganisa ng mga Saksi ang kanilang mga Kristiyanong pagpupulong