Kristiyanismo na Isinasagawa—Sa Gitna ng Kaguluhan
NAGSIMULA ang lahat nang biglang-bigla isang araw noong Abril 1994. Ang pagbagsak ng isang eroplano ay kumitil sa buhay ng mga presidente ng Burundi at Rwanda. Sa loob lamang ng ilang oras ay kakila-kilabot na karahasan ang lumaganap sa Rwanda. Pagkalipas lamang ng mahigit sa tatlong buwan, mahigit sa 500,000 taga-Rwanda—mga lalaki, babae, at mga bata—ang nangamatay. Tinukoy ng ilang tao ang yugtong iyon bilang “ang paglipol ng lahi.”
Ang kalahati sa 7.5 milyong naninirahan sa Rwanda ay kinailangang tumakas. Kasali rito ang 2.4 milyon na nanganlong sa karatig na mga bansa. Iyon ang pinakamalawak at pinakamabilis na paglikas ng mga tao sa modernong kasaysayan. Madaliang nagtayo ng mga kampo para sa mga nagsilikas sa Zaire (ngayo’y Demokratikong Republika ng Congo), Tanzania, at Burundi. Ang ilan sa mga kampong ito—ang pinakamalaki sa daigdig—ay tinuluyan ng 200,000 katao.
Kabilang sa mga nagsilikas ay ang marami sa mga Saksi ni Jehova, isang maibigin-sa-kapayapaang bayan na nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay. Saanmang lupain sila naninirahan, sila’y mahigpit na nanatiling neutral at nagkakapit ng simulain na nakapaloob sa mga salitang ito ng Isaias 2:4: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong grupo na hindi nakibahagi sa paglipol ng lahi sa Rwanda.
Sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” Gayunman, dahil sa sila’y “nasa sanlibutan,” hindi sila laging makatatakas sa mga kaguluhan ng mga bansa. (Juan 17:11, 14) Sa panahon ng paglipol ng lahi sa Rwanda, mga 400 Saksi ang nasawi. Mga 2,000 Saksi at mga taong interesado sa mensahe ng Kaharian ang nagsilikas.
Ang pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ay nangangahulugan ba na walang ginagawa ang mga Saksi ni Jehova kapag humampas ang kalamidad? Hindi. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Kung ang isang kapatid na lalaki o isang kapatid na babae ay nasa hubad na kalagayan at nagkukulang ng pagkaing sapat para sa araw, gayunman ay may isa sa inyo na nagsasabi sa kanila: ‘Humayo kayo sa kapayapaan, magpainit kayo at magpakabusog,’ ngunit hindi ninyo sila binibigyan ng mga pangangailangan para sa kanilang katawan, ano ngang pakinabang nito? Kaya, gayundin, ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.” (Santiago 2:15-17) Ang pag-ibig sa kapuwa ay nag-uudyok din sa mga Saksi upang tulungan yaong may relihiyosong paniniwala na hindi kapareho ng sa kanila.—Mateo 22:37-40.
Bagaman minimithi ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig na matulungan ang kanilang mga kapananampalatayang nakaharap sa kapaha-pahamak na situwasyon sa Rwanda, ang pag-uugnay ng mga gawain sa pagtulong ay iniatas sa Kanlurang Europa. Noong tag-araw ng 1994, sumugod ang isang pangkat ng mga boluntaryong Saksi mula sa Europa upang tulungan ang kanilang mga Kristiyanong kapatid sa Aprika. Itinayo ang napakaorganisadong mga kampo at mga pansamantalang ospital para sa mga nagsilikas na taga-Rwanda. Maraming damit, kumot, pagkain, at literatura sa Bibliya ang ipinadala sa kanila sakay ng eroplano o sa pamamagitan ng ibang pamamaraan. Mahigit na 7,000 naghirap na mga tao—halos tatlong ulit ng bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Rwanda nang panahong iyon—ang nakinabang sa mga tulong. Pagsapit ng Disyembre ng taóng iyon, libu-libong nagsilikas, kasali na ang karamihan sa mga Saksi ni Jehova, ang bumalik sa Rwanda upang muling magsimula sa kanilang buhay.
Digmaan sa Congo
Noong 1996, sumiklab ang pagdidigmaan sa silanganing rehiyon ng Demokratikong Republika ng Congo. Ang lugar na ito ay nasa hangganan ng Rwanda at Burundi. Muli na namang naganap ang panghahalay at pagpatay. Sa gitna ng sumasagitsit na mga bala at nasusunog na mga nayon, tumakas ang mga tao upang iligtas ang kanilang buhay. Ang mga Saksi ni Jehova ay naipit sa kaguluhan, at mga 50 ang namatay. Ang ilan ay napatay ng ligaw na mga bala. Ang iba ay pinaslang dahil sila’y kabilang sa isang partikular na grupong etniko o kaya’y napagkamalang kaaway. Tinupok ng apoy ang isang nayon na kung saan may 150 Saksi ang nakatira. Sa ibang mga nayon ay sinunog ang napakaraming bahay at ilang Kingdom Hall. Palibhasa’y nawalan ng tahanan at ari-arian, ang mga Saksi ay tumakas tungo sa ibang lugar at tinulungan ng mga kapuwa mananamba roon.
Kasunod ng digmaan ay taggutom, yamang nasira ang mga pananim, nilooban ang mga imbakan ng pagkain, at pinigil ang paghahatid ng mga panustos. Mataas ang halaga ng makukuhang pagkain. Sa Kisangani, noong pasimula ng Mayo 1997, ang isang kilo ng patatas ay nagkakahalaga ng mga tatlong dolyar, na talagang hindi kayang bilhin ng marami sa mga tao. Ang karamihan ay nakakakain lamang nang isang beses sa isang araw. Sabihin pa, sakit ang kasunod ng kakapusan sa pagkain. Pinahihina ng malnutrisyon ang kakayahan ng katawan na labanan ang malarya, mga sakit na diarrhea, at mga sakit sa tiyan. Ang mga bata ang lalo nang nagdurusa at namamatay.
Inalam ang Pangangailangan
Agad na namang tumugon sa pangangailangan ang mga Saksi ni Jehova sa Europa. Noong Abril 1997 ay isang relief team ng mga Saksing kinabibilangan ng dalawang doktor ang lumipad patungo roon taglay ang mga gamot at salapi. Ang lokal na mga Saksi sa Goma ay nakapag-organisa na ng mga komite sa pagtulong upang alamin ang situwasyon nang sa gayo’y maibigay kaagad ang tulong. Ginalugad ng pangkat ang lunsod at ang nakapalibot na mga lugar. Nagpadala ng mga mensahero upang kumuha ng mga ulat mula sa mas malalayong lugar. Nakakuha rin ng impormasyon mula sa Kisangani, na mahigit sa 1,000 kilometro ang layo pakanluran ng Goma. Ang lokal na mga kapatid ay tumulong sa pag-uugnay ng mga pagbibigay ng tulong sa Goma, kung saan naninirahan ang 700 Saksi.
Ganito ang sabi ng isa sa Kristiyanong matatanda sa Goma: “Kami’y lubhang naantig na makitang dumating ang aming mga kapatid galing sa malayo upang tulungan kami. Bago sila dumating, nagtulungan na kami sa isa’t isa. Ang mga kapatid mula sa mga lalawigan ay kinailangang tumakas patungo sa Goma. Ang ilan ay nawalan ng kanilang tahanan, at iniwan nila ang kanilang mga bukid. Tinanggap namin sila sa aming mga tahanan at ibinahagi ang aming mga damit at ang kaunting pagkain na mayroon kami. Maliit lamang ang nagawa namin. Ang ilan sa amin ay dumaranas ng malnutrisyon.
“Subalit ang mga kapatid mula sa Europa ay nagdala ng salapi na naipambili namin ng pagkain, na kakaunti at napakataas ang halaga. Tamang-tama ang pagdating ng pagkain, yamang marami ang walang makain sa kanilang tahanan. Ipinamahagi namin ang pagkain kapuwa sa mga Saksi at di-Saksi. Kung hindi dumating nang gayon ang tulong, marami pa marahil ang namatay, lalo na ang mga bata. Iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan. Labis na humanga ang mga di-Saksi. Marami ang nagkomento tungkol sa ating pagkakaisa at pag-ibig. Kinilala ng ilan na ang atin ang siyang tunay na relihiyon.”
Bagaman ang pagkain ay binili sa lugar na iyon at ibinigay ang mga gamot, higit pa ang kailangan. Nangailangan ng mga damit at kumot, gayundin ng mas marami pang suplay ng pagkain at gamot. Kailangan din ang tulong sa pagtatayong-muli ng mga tahanang nawasak.
Bukas-Palad na Nagbigay ang mga Tao
Sabik na namang tumulong ang mga kapatid sa Europa. Ang tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Louviers, Pransiya, ay nanawagan sa mga kongregasyon sa Rhône Valley, Normandy, at sa bahagi ng Paris. Dito ay kumapit ang isa pang simulain sa Kasulatan: “Siya na naghahasik nang kakaunti ay mag-aani rin nang kakaunti; at siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana. Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.”—2 Corinto 9:6, 7.
Maligayang sinamantala ng libu-libo ang pagkakataong makapagbigay. Ang mga kahon at bag ng mga damit, sapatos, at iba pang bagay ay nagdatingan sa mga Kingdom Hall at pagkatapos ay dinala sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Doon ay nakahanda ang 400 boluntaryo upang makibahagi sa kasunod na baytang ng operasyong “Tulungan ang Zaire.” Habang nagdaratingan ang mga donasyon, pinagbukud-bukod, tiniklop, at inimpake ng mga boluntaryong ito ang mga damit sa mga kahon na isinalansan nang tig-30 sa isang paleta. Naisip naman ng mga bata ang kanilang mga batang kapatid sa Aprika at nagpadala sila ng mga laruan—makikintab na laruang kotse, trumpo, manyika, at mga teddy bear. Inimpake ang mga ito kasama ng mga bagay na kailangan sa buhay. Lahat-lahat, siyam na 12-metrong container ang pinuno at ipinadala sa Congo.
Gaano karaming tulong ang naipadala sa Sentral Aprika mula sa libu-libong Saksi sa Belgium, Pransiya, at Switzerland? Pagsapit ng Hunyo 1997 ay umabot na ang kabuuang dami sa 500 kilo ng gamot, 10 tonelada ng mga biskuwit na mayaman sa protina, 20 tonelada ng iba pang pagkain, 90 tonelada ng mga damit, 18,500 pares ng sapatos, at 1,000 kumot. Nagpadala rin ng literatura sa Bibliya sa pamamagitan ng eroplano. Ang lahat ng ito ay lubhang pinahalagahan, anupat nakaaliw sa mga nagsilikas at nakatulong sa kanila upang mabata ang kanilang mga pagsubok. Ang kabuuang halaga ng panustos ay umabot halos sa $1,000,000, U.S. Ang gayong mga abuloy ay katunayan ng kapatiran at pag-ibig ng mga naglilingkod kay Jehova.
Pamamahagi sa Congo
Nang magsimulang dumating ang mga kargada sa Congo, dalawang kapatid na lalaki at isang kapatid na babae ang dumating buhat sa Pransiya upang gumawa kasama ng lokal na mga komite sa pagtulong. Hinggil sa pasasalamat na ipinakita ng mga Saksing taga-Congo, ganito ang sabi ni Joseline: “Marami kaming natanggap na mga liham ng pasasalamat. Isang dukhang kapatid na babae ang nagbigay sa akin ng isang palamuting yari sa malachite. Ang iba naman ay nagbigay sa amin ng kanilang mga larawan. Habang papaalis na kami, ang mga kapatid na babae ay humalik sa akin, niyakap ako, at umiyak. Umiyak din ako. Marami ang nagsabi ng gaya ng, ‘Si Jehova ay mabuti. Iniisip tayo ni Jehova.’ Kaya kinilala nila na ang papuri para sa ganitong pagbibigay ay nauukol sa Diyos. Nang namamahagi kami ng pagkain, pinuri ng mga kapatid si Jehova sa pamamagitan ng mga awiting pang-Kaharian. Iyon ay totoong makabagbag damdamin.”
Miyembro ng pangkat na iyon ang isang doktor na nagngangalang Loic. Marami ang nagsiksikan sa Kingdom Hall at matiyagang naghintay sa kanilang pagkakataong matulungan niya. Dahil sa ibig ding makatulong, isang kapatid na babaing taga-Congo ang gumawa at nag-abuloy ng mga 40 doughnut para sa mga naghihintay na matingnan ng doktor. Yamang mga 80 katao ang naghihintay, bawat isa ay nakatanggap ng kalahating doughnut.
Tulong sa mga Di-Saksi
Ang makataong tulong na ito ay hindi lamang sa mga Saksi ni Jehova ibinigay. Nakinabang din ang iba, kung paanong nakinabang ang marami noong 1994. Kasuwato ito ng Galacia 6:10, na nagsasabi: “Tunay nga, kung gayon, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.”
Namahagi ang mga Saksi ng gamot at damit sa ilang paaralang primarya at sa isang bahay-ampunan malapit sa Goma. Ang bahay-ampunan ay tahanan ng 85 bata. Sa isang naunang paglalakbay upang alamin ang situwasyon, dinalaw ng relief team ang bahay-ampunan at nangakong dadalhan sila ng 50 kahon ng mga biskuwit na mayaman sa protina, mga kahon ng damit, 100 kumot, gamot, at mga laruan. Ang mga bata ay pumila sa looban at umawit para sa mga bisita. Pagkatapos ay mayroon silang pantanging kahilingan—maaari kaya silang magkaroon ng isang bola upang makapaglaro sila ng soccer?
Pagkaraan ng ilang linggo ay tinupad ng relief team ang kanilang pangako na magdala ng mga panustos. Palibhasa’y humanga sa pagkabukas-palad at sa mga nabasa na niya sa mga literatura sa Bibliya na ibinigay sa kaniya, sinabi ng direktor ng bahay-ampunan na siya ay malapit nang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. At nabigyan ba ng isang bola ang mga bata? “Hindi,” ang sagot ni Claude, ang tagapag-ugnay ng relief team mula sa Pransiya. “Binigyan namin sila ng dalawang bola.”
Mga Kampo Para sa Nagsilikas
Ang tulong ay hindi lamang limitado sa Congo. Libu-libong nagsilikas ang tumakas mula sa lugar ng labanan patungo sa isang kalapit na bansa kung saan madaliang itinayo ang mga kampo para sa mga nagsilikas. Naglakbay rin patungo roon ang mga Saksi, upang malaman kung ano ang maaaring gawin. Nang ihanda ang ulat na ito, nakatira sa mga kampo ang 211,000 nagsilikas, na ang karamihan ay mula sa Congo. Humigit-kumulang sa 800 ay mga Saksi kasama ang kanilang mga anak at mga taong interesado sa mabuting balita ng Kaharian. Ang isang pangunahing suliranin sa mga kampo ay ang kakulangan sa pagkain. Sa isang kampo, may sapat na pagkain para sa tatlong araw lamang, at kasali roon ang balatong na tatlong taon na ang tagal.
Gayunpaman, masaya ang mga Saksi. Bagaman kaunti lamang ang kanilang literatura sa Bibliya, nagdaraos sila ng regular na pulong sa labas upang patibayin ang kanilang sarili sa espirituwal na paraan. Abala rin sila sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa iba pa na nasa mga kampo.—Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25.
Kasali sa nagsusuring pangkat ng mga Saksi ang isang doktor. Bagaman pinayagan sila ng mga awtoridad na manatili lamang nang ilang araw sa bawat kampo, natingnan nila ang mga pasyente. Nag-iwan sila ng gamot at pera sa Kristiyanong matatanda. Sa gayon ay nakakaraos ang mga kapatid. Umaasa rin sila na ang mga Saksi sa mga kampo ay makabalik na kaagad sa kanilang sariling lupain.
Paano na sa hinaharap? Inihula ni Jesu-Kristo na magiging magulung-magulo ang ating kaarawan, isang panahon na kakikitaan ng mga digmaan at kakapusan sa pagkain. (Mateo 24:7) Alam ng mga Saksi ni Jehova na tanging ang Kaharian ng Diyos lamang ang tatapos sa pagdurusa na umiiral ngayon sa lupa. Sa ilalim ng pamamahala nito, ang ating makalupang tahanan ay magiging isang paraiso ng kapayapaan, kasaganaan, at walang-hanggang kaligayahan para sa masunuring sangkatauhan. (Awit 72:1, 3, 16) Samantala, ipahahayag ng mga Saksi ang mabuting balita ng makalangit na Kahariang iyon at patuloy ring tutulong sa mga kapuwa mananamba at iba pa sa panahon ng pangangailangan.
[Blurb sa pahina 4]
Sapol noong 1994, ang mga Saksi ni Jehova sa Europa lamang ay nakapagpadala na ng mahigit sa 190 tonelada ng pagkain, pananamit, gamot, at iba pang panustos sa rehiyon ng Great Lakes sa Aprika
[Kahon sa pahina 6]
Kristiyanong Pag-ibig na Isinasagawa
Kabilang sa mga buong-kasabikang nakibahagi sa proyektong “Tulungan ang Zaire” sa Pransiya ay si Ruth Danner. Nang bata pa, siya’y nabilanggo sa mga kampong piitan ng mga Nazi dahil sa kaniyang Kristiyanong pananampalataya. Nagkomento siya: “Maligayang-maligaya kaming gumawa para sa aming mga kapatid sa Aprika! Ngunit may isang bagay na lubhang nagpaligaya sa akin. Noong 1945, nang makauwi kami mula sa Alemanya, kami’y walang-wala. Maging ang damit na suot namin ay hiram. Subalit di-nagtagal, nakatanggap kami ng materyal na tulong mula sa ating espirituwal na mga kapatid sa Amerika. Kaya ang pagsisikap na ito na makatulong ay nagpahintulot sa akin na suklian ang kabaitan na ipinakita sa amin noon. Anong laking pribilehiyo na maging bahagi ng gayong isang malaking pamilya ng magkakapatid na nagsasagawa ng Kristiyanong pag-ibig!”—Juan 13:34, 35.
[Larawan sa pahina 7]
Malapit na—isang makalupang paraiso ng kasaganaan para sa lahat