Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 11/8 p. 7-10
  • Pag-aalis sa Agwat—Ang Tunay na Solusyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-aalis sa Agwat—Ang Tunay na Solusyon
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naitatag at Kumikilos Na ang Kaharian ng Diyos!
  • Kristiyanismo na Isinasagawa—Sa Gitna ng Kaguluhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Internasyonal na Pagtatayo ng Kingdom Hall sa Ilang Lupain sa Europa
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Lumalawak ang Tunay na Pagsamba sa Silangang Europa
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1999
  • Sama-samang Sumusulong sa Pag-ibig
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 11/8 p. 7-10

Pag-aalis sa Agwat​—Ang Tunay na Solusyon

SINISIKAP ng daan-daang milyon katao sa buong daigdig na makaraos bawat araw sa kabila ng matinding karalitaan. Maliwanag na kailangan ng sangkatauhan ang matuwid na pamahalaang hindi magiging tiwali at may taimtim na hangaring baguhin ang kawalang-katarungang ito. Kailangan ding may sapat na kapangyarihan ang gayong pamahalaan upang isagawa ang mabubuti nitong layunin. Makatotohanan bang asahan natin na makabubuo ang mga tao ng gayong pamahalaan?

Pinatutunayan ng kasaysayan ang pagiging totoo ng babala ng Bibliya: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.” (Awit 146:3) Napansin mo ba na karaniwang humahantong sa kabiguan ang pagtitiwala sa mga pamahalaan ng tao o sa mga taong lider? Gayunman, kanino pa ba tayo maaaring umasa?

Ang totoo, milyun-milyon katao ang nananalangin para sa isang matuwid na pamahalaan na babago sa di-makatarungang kalagayang ito. Malamang na sinasambit mo rin ang modelong panalangin na itinuro ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa. Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito; at patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin. At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.”​—Mateo 6:9-13.

Ang Kaharian bang ito ang kailangan natin? Matuwid ba ito at hindi magiging tiwali? May sapat ba itong kapangyarihan upang isagawa ang mabubuti nitong layunin? Tiyak na gayon nga! Ang Diyos na nagtatag ng pamahalaang ito, ang ‘Ama natin na nasa langit,’ ay “isang matuwid na Diyos at isang Tagapagligtas,” na “matuwid sa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Isaias 45:21; Daniel 9:14) Ganito ang sinasabi hinggil sa kaniya: “Napakadalisay ng iyong mga mata upang tumingin sa kasamaan,” kaya makatitiyak tayo na hindi kailanman magiging tiwali ang kaniyang pamahalaan. (Habakuk 1:13) At yamang “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya,” alam natin na interesado siya sa kapakanan ng bawat indibiduwal sa lupa.​—Gawa 10:34, 35; Roma 2:11.

Naitatag at Kumikilos Na ang Kaharian ng Diyos!

Bagaman ang Kaharian ng Diyos ay isang makalangit na pamahalaan, aktibo nitong pangangasiwaan ang mga pangyayari sa lupa upang maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Kasali rito ang paghalili ng sakdal na pamahalaan ng Diyos sa di-sakdal na pamahalaan ng tao. Ganito ang pangakong mababasa sa Daniel 2:44: “Sa mga araw ng mga haring iyon [mga pamahalaan] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”

Sa ilalim ng pangangasiwa ng Kahariang ito, magaganap na sa wakas ang kalooban ng Diyos kapuwa sa langit at sa lupa. Nakapagpapatibay malaman na kayang alisin ng pamahalaang ito ang lahat ng bakas ng di-pagkakapantay-pantay na nagpalaki sa agwat ng mayaman at mahirap! Hindi na iiral ang isang kalagayang iilan lamang ang mayaman at marami ang mahirap.

Tunay na kasiya-siyang malaman na naitatag na ang makalangit na pamahalaan ng Diyos upang lutasin ang mga problemang ito magpakailanman! Maliwanag na ipinakikita ng kronolohiya ng Bibliya at ng mga pangyayari sa daigdig na ang taóng 1914 ang panahon nang itatag sa langit ang pamahalaan ng Diyos.a Kaya, sa loob ng halos isang siglo na, aktibo nitong inihahanda ang pundasyon para sa bagong sanlibutan ng katuwiran.

Yaong mga nakaaalam na naitatag na ang Kaharian at masunuring nagpapaakay ngayon sa patnubay nito ay hindi nagtatangi. Nangangaral ang mga Saksi ni Jehova sa halos lahat ng bansa. Ang mga mamamayan ng mga bansang ito, gaanuman sila kayaman o kahirap, ay binibigyan ng pagkakataong matuto kung paano magtatamo ng walang-hanggang buhay. (Juan 17:3) Hindi sinusukat ng mga Saksi ang katayuan o halaga ng isang tao sa kanilang mga kongregasyon batay sa antas ng kaniyang kabuhayan. Hindi nila hinuhusgahan ang mga tao batay sa kung ano ang tinataglay nila. Sa halip, iginagalang sila dahil sa kanilang pagkatao. Mas binibigyang-halaga nila ang espirituwal na mga pamantayan kaysa sa materyal na mga bagay.

Gusto mo bang malaman kung paano ka mabubuhay sa ilalim ng matuwid na pamahalaang ito? Kung gayon, simulan mo nang magsuri ngayon. Alamin kung paano ka magkakaroon ng pag-asang mamuhay nang maligaya kapag ang daigdig ay hindi na nababahagi dahil sa kayamanan.

[Talababa]

a Tingnan ang pahina 95-107 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]

Magkakapatid, Mayaman Man o Mahirap

◼ Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II, maraming Saksi ni Jehova sa Europa at sa Silangan ang nangailangan ng pagkain, damit, at tirahan. Ang mga Saksi sa ibang mga bansa ay nagpadala ng tone-toneladang damit at pagkain sa kanilang espirituwal na mga kapatid sa Europa, Pilipinas, at Hapon. Ang mga Saksi sa Estados Unidos at Canada ay nag-abuloy ng panustos sa Alemanya, Austria, Belgium, Czechoslovakia (ngayo’y Czech Republic at Slovakia), Finland, Gresya, Holland, Hungary, Inglatera, Italya, Pransiya, Poland, at Romania.

[Mga larawan]

Estados Unidos

Switzerland

Alemanya

◼ Kamakailan lamang, noong tag-araw ng 1994, isang pangkat ng mga Saksing boluntaryo mula sa Europa ang mabilis na naglaan ng tulong sa kanilang Kristiyanong mga kapatid sa Aprika. Itinayo ang organisadong mga kampo at pansamantalang mga klinika para sa mga lumikas na taga-Rwanda. Bultu-bultong damit, kumot, pagkain, at literatura sa Bibliya ang ipinadala upang tumulong sa mahigit 7,000 lumikas​—halos tatlong beses ng dami ng mga Saksi ni Jehova sa Rwanda nang panahong iyon.

◼ Makalipas ang dalawang taon, noong 1996, sumiklab ang digmaan sa silanganing rehiyon ng Democratic Republic of Congo. Nasira ang mga pananim, sinamsam ang nakaimbak na mga pagkain, at naputol ang suplay ng mga panustos. Isang beses lamang sa isang araw nakakakain ang karamihan sa mga tao, anupat humantong ito sa malnutrisyon at pagkakasakit. Mabilis na tumugon ang mga Saksi ni Jehova sa Europa. Upang makatulong, isang pangkat ng mga Saksi, kabilang na ang mga doktor, ang nagtungo roon na may dalang gamot at salapi. Pagsapit ng Hunyo 1997, nakapag-abuloy ang mga Saksi sa Belgium, Pransiya, at Switzerland ng 500 kilo ng gamot, 10 tonelada ng biskuwit na sagana sa protina, 20 tonelada ng iba pang pagkain, 90 tonelada ng damit, 18,500 pares ng sapatos, at 1,000 kumot​—na nagkakahalaga ng halos $1,000,000.

◼ Bukod sa paglalaan ng materyal na pangangailangan, mas interesado ang mga Saksi ni Jehova sa pagtulong sa mga tao sa espirituwal na paraan. Kaya naman nais nilang magtayo ng mga Kingdom Hall upang gamitin bilang mga sentro ng pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya. Ganito ang ulat noong 1997: “Dahil sa suporta ng mga kapatid sa ibang lupain, nakatulong ang [Watch Tower] Society sa pagtatayo ng 413 bagong Kingdom Hall at sa pagkukumpuni ng 727 iba pa sa loob lamang ng apat na buwan sa 75 iba’t ibang bansa.” Pagsapit ng 2003, ganito ang iniulat: “Kabilang sa mga bansa sa Europa na nakikinabang sa kaayusan sa pagtulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi ay ang Romania, kung saan 124 na Kingdom Hall ang itinayo mula pa noong Hulyo 2000. Gamit ang iisang disenyo para sa halos lahat ng kanilang Kingdom Hall, nakapagtayo ang Ukraine ng 61 Kingdom Hall noong taóng 2001 at ng karagdagan pang 76 noong 2002. Sa tulong ng salaping iniabuloy sa Kingdom Hall Fund, daan-daang Kingdom Hall ang naitayo sa Bulgaria, Croatia, Macedonia, Moldova, Russia, at Serbia at Montenegro.”

[Mga larawan]

Croatia

Bulgaria

Romania

[Larawan sa pahina 7]

Boluntaryo na nag-aalaga sa dalawang ulila na lumikas

[Credit Line]

© Liba Taylor/Panos Pictures

[Larawan sa pahina 10]

Ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng pag-asa

[Larawan sa pahina 10]

Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang karalitaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share