Internasyonal na Pagtatayo ng Kingdom Hall sa Ilang Lupain sa Europa
1 Sa nakalipas na mga dekada, hinigpitan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa maraming lupain sa Europa, lakip na ang Silangang Europa. Sa maraming kaso, ang mga paghihigpit ay talagang matindi. Mahirap magdaos ng mga pulong nang hayagan, at ang pagkakaroon ng isang Kingdom Hall ay halos imposible. Gayunman, nitong nakalipas na mga taon, “si Jehova ay gumawa ng dakilang bagay sa ginawa niya sa atin. Tayo ay nagalak.”—Awit 126:3.
2 Pasimula noong 1983, nagsimulang lumuwag ang mapaniil na paghihigpit sa mga Saksi ni Jehova. Pagsapit ng 1989, legal na kinilala ng Poland at Hungary ang mga Saksi ni Jehova. Noong 1991, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na nairehistro sa Russia. Mula noon, sumulong ang gawain sa Russia at sa dating mga republika ng Unyong Sobyet. Sa pagitan ng Marso 1996 at Oktubre 1998, inaprubahan ng Lupong Tagapamahala ang 359 na kahilingan na humiram ng salapi para sa pagtatayo ng Kingdom Hall mula sa mga tanggapang pansangay na nangangasiwa sa 11 lupain sa Europa.
3 Habang pinagmamasdan mo ang mga larawan sa insert na ito, bulay-bulayin ang dakila at kamangha-manghang mga bagay na ginawa ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan. (Awit 136:4) Matutuwa kayong malaman na ang mga kontribusyon ng pambuong-daigdig na kapatiran ay ginagamit nang mahusay, anupat ipinakikita ang binanggit ni Jesus na nakaulat sa Juan 13:35: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”
4 Ang isa sa mga bansa sa Europa na nakikinabang mula sa kaayusan na tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa mga lupain na limitado ang kakayahan o pananalapi ay ang Romania, kung saan 36 na Kingdom Hall ang naitayo mula noong Hulyo 2000. Sa pamamagitan ng paggamit ng pamantayang mga plano para sa halos lahat ng kanilang mga Kingdom Hall, nakapagtayo ang Ukraine ng 61 Kingdom Hall noong taóng 2001 at karagdagan pang 76 noong taóng 2002. Sa tulong ng mga kontribusyon sa Kingdom Hall Fund, daan-daang Kingdom Hall ang naitayo sa Bulgaria, Croatia, Macedonia, Moldova, Russia, at Yugoslavia.
5 Ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa ilang lupain ay hindi naging madali, at malaking pagsisikap ang kailangang gawin bago masimulan ang aktuwal na pagtatayo. Madalas na umuubos ng panahon ang prosesong ito. Gayundin, mas malaki ang gastos ng pagtatayo ng Kingdom Hall sa bahaging iyon ng Europa kaysa sa maraming bahagi ng Aprika o Timog Amerika. Gayunman, dahil sa malaking pagsulong sa bilang ng mga sumasamba kay Jehova, daan-daan pang Kingdom Hall ang kinakailangan sa mga bansa sa Europa na limitado ang kakayahan o pananalapi!
6 Kamangha-mangha ngang makita ang gayon kabilis na pagdami ng itinatayong mga Kingdom Hall! Isang mahusay na patotoo ang naibigay sa mga pamayanan kung saan itinayo ang mga ito, gaya ng ipinakikita ng maraming karanasan. Sa ilang lugar, humanga ang lokal na mga awtoridad dahil sa may-pagkukusang espiritu na ipinakita sa pagsunod sa mga panuntunan sa pagtatayo.
7 Angkop na inihula ni Isaias ang hinggil sa pagsulong sa tunay na pagsamba sa panahong ito. Sa pamamagitan ng propeta ay inihula ng Diyos: “Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” (Isa. 60:22) Walang alinlangan, ang nakalipas na dekada ay talagang panahon ni Jehova para sa pagsulong sa Silangang Europa. Nawa’y patuloy na ibuhos ni Jehova ang kaniyang mayamang pagpapala sa ating mga pagsisikap na pabilisin ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa maraming lupain habang nagbibigay tayo ng ibayong suporta sa Kingdom Hall Fund! Magiging dahilan ito upang marami pang Kingdom Hall ang maidagdag sa mga lupain na limitado ang kakayahan o pananalapi. Makatutulong ito sa paglago ng dalisay na pagsamba sa maraming bahagi ng Europa at sa pagbibigay ng mas malaking patotoo “hanggang sa dulo ng lupa.”—Gawa 13:47.
[Mga Larawan sa pahina 3]
Pasilidad ng Kingdom Hall Moscow, Russia
[Mga Larawan sa pahina 4-6]
Bagong mga Kingdom Hall sa Silangang Europa
Strumica, Macedonia
Daruvar, Croatia
Sokal, Lviv District, Ukraine
Bitola, Macedonia
Mladost, Bulgaria
Plovdiv, Bulgaria
Kurdzhipskoye, Maykop, Russia
Bački Petrovac, Yugoslavia
Tlumach, Ivano-Frankivsk District, Ukraine
Rava-Ruska, Lviv District, Ukraine
Stara Pazova, Yugoslavia
Zenica, Bosnia at Herzegovina
Sokal, Lviv District, Ukraine
Zhydachiv, Lviv District, Ukraine