Matitibay na Barkong Handang Tumulong
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND
NAGLILIPARAN ang mga golondrinang-dagat sa maaliwalas na kalangitan. Napakatindi ng sikat ng araw. Maaamoy ang samyo ng mga butil ng kape. Sa wakas, isinara nang malakas ang mga pintuan ng lalagyan ng kargamento ng barko, pinatunog ang malalakas na sirena, at may-kabagalang pumalaot na ang barkong punung-puno ng kargamento. Nagpasimula na ang paglalakbay ng kargamento ng mga butil ng kape patungo sa Finland, isang bansang mahilig sa kape. Gayunman, pagkalipas ng ilang linggo, sa napakaginaw na taglamig, ang barkong nagdadala ng mga sakong ito ng mga butil ng kape ay naipit sa makapal na yelo ng Dagat ng Baltic. Ano ang maaaring gawin? Hindi kailangang mag-alala, yamang parating na ang tulong. Nakikini-kinita na ang paparating na isang matibay na barko—isang icebreaker.
Pagtibag sa Yelo
Karamihan sa kargamento ng daigdig ay isinasakay sa barko. Karaniwan nang hindi ito problema. Ngunit paano makapupunta ang mga barko sa mga daungan kung nagyeyelo ang dagat? Lalo na itong mahirap sa abalang Dagat ng Baltic, na siyang tanging daanang magagamit ng maraming bansa patungo sa laot ng karagatan. Halimbawa, sa panahon ng napakatinding taglamig, karamihan sa mga daungan ng Finland ay nahaharangan ng yelo, at ang pinakahilagang mga daungan ay maaaring napalilibutan ng yelo sa loob ng anim na buwan. Marami ang namatay dahil dito.
Noong 1867, hindi maganda ang ani sa hilaga at gitnang Europa. Yamang walang matatawirang tubig sa Finland dahil sa makapal na yelo hanggang buwan ng Mayo, walang ibang paraan upang makapagdala ng panustos doon hanggang sa matunaw ang yelo. Sa aklat na Through Ice and Snow, ganito ang sabi ng kapitan sa dagat na si Seppo Laurell: “Noong panahong iyon, mga 110,000 katao, o higit sa limang porsiyento ng populasyon [ng Finland], ang namatay dahil sa gutom.”
Nahaharangan din ng yelo ang mga daanan ng kargamento sa ibang lugar. Sa Hilagang Amerika, ito ay isang karaniwang problema sa Great Lakes, sa St. Lawrence River, at sa baybayin ng Canada. Mas mahirap bagtasin ang mga lugar sa Artiko at Antartiko kapag panahon ng taglamig. Doon, ang katamtamang kapal ng yelo ay mula dalawa hanggang tatlong metro.
Sinaunang mga Pagsisikap na Gumawa ng Lagusan sa Yelo
Noong kapanahunan ng mga naglalayag na barko, halos imposibleng makaraan sa nakaharang na yelo. Nang lumitaw ang unang mga barkong gawa sa bakal at pinatatakbo ng singaw, bumuti ang situwasyon. Kung ang barkong pangkargamento ay matibay-tibay, makadaraan ito sa manipis na yelo sa ganang sarili nito. Gayunman, may mga limitasyon ang gayong mga barko, bagaman ang ilan sa mga ito ay espesipikong pinatibay para sa yelo.
Nakapagbigay ng solusyon ang paggawa sa mga icebreaker. Sinasabing ang kauna-unahang icebreaker sa daigdig ay ang City Ice Boat I, na ginawa sa Estados Unidos noong 1837. Sa Europa, ang Eisbrecher ay ginawa sa Hamburg, Alemanya, noong 1871. Di-nagtagal, ipinakita sa karanasan ang mga uri ng barkong pinakamainam sa pagtibag ng yelo, at nang magsimula ang ika-20 siglo, nagawa na ang ilang pangunahing mga disenyo.a
Lumulutang na mga Higanteng Bakal
Ano kaya ang nangyayari kapag naipit ang barko sa yelo? “Nanginginig ang barko na waring may mataas na lagnat ito,” ang sabi ng isang magdaragat. Ang kasko (hull) ng isang icebreaker ay kailangang mas matibay nang maraming beses kaysa sa kasko ng isang barkong pangnegosyo. “Ang pagbangga sa malaking bunton ng yelo ay halos katulad ng pagpapatakbo ng isang motorboat sa mabuhanging baybayin,” ang sabi ng isang manggagawa sa isang icebreaker. Ang aserong mga plato na nasa prowa ay maaaring mahigit sa tatlong sentimetro ang kapal—sa mga icebreaker sa polo ay hanggang limang sentimetro pa nga ang kapal—at ang pangunahing bahagi ng barko ay may pantanging matitibay na tadyang para sa yelo bukod pa sa regular na mga tadyang. Gaano katibay ang gayong mga barko? Noong Digmaang Pandaigdig II, nang tamaan ng bomba ang icebreaker na Tarmo, ang plataporma ng barko at ang karamihan sa mga kabin ay nawasak, ngunit hindi man lamang nabutas ang kasko nito.
Ang hugis ng kasko ay mahalaga sa barkong icebreaker. Madalas na ang pinakamahirap gawin ay hindi ang aktuwal na pagtibag ng yelo kundi ang pagtulak sa mga nadurog na piraso ng yelo sa tabi. Maraming icebreaker ang may waring mababaw na prowa, na hugis-kutsara. Tinitibag ng barko ang yelo sa pamamagitan ng katawan nito at itinutulak ang mga tipak ng yelo sa tabi at sa ilalim ng barko. Pinag-isipang mabuti ang disenyo ng hugis ng kasko upang mabawasan ang pagsayad ng yelo sa katawan ng barko. Karagdagan pa, ang katawan ay nababalutan ng stainless steel o ng napakakinis at napakatibay na pinturang epoxy.
Ano ang nagpapatakbo sa mga higanteng bakal na ito? Lipas na ang mga araw na kailangan pang magpala ng uling ang mga pawisang lalaki na inilalagay sa pakuluan ng makina. Ang makabagong mga icebreaker ay pinatatakbo ng krudo at kuryente, at ang lakas ng mga makina nito ay katulad ng mga barkong pangkargamento na katamtaman ang laki. Upang tumakbo ang mga icebreaker sa mga rehiyon ng polo nang hindi nauubusan ng krudo, ang ilan ay pinatatakbo ng mga reaktor na nuklear.
Kakaibang mga Espesipikasyon
Kapag ang isang bangkang de-sagwan ay naipit sa putikan, maaari itong alisin ng tagasagwan sa pamamagitan ng pag-ugoy sa bangka sa magkabilang tabi nito. Ganiyan din ang simulaing ginagamit sa mga icebreaker. Gayunman, sa kaso ng mga ito, hindi magiging sapat na magtatakbo sa magkabilang tabi ang kahit pa ang lahat ng tripulante na mga 30 lalaki. Ang pag-ugoy ay ginagawa ng isang pantanging sistema upang humilig ang barko sa magkabilang tabi—ang tubig ay inililipat-lipat sa isang malaking tangke ng tubig sa tabi ng kasko tungo sa isa pang tangke sa kabilang tabi. Aba, sa ilang kalagayan, ang paghilig na ito ay naisasagawa sa loob lamang ng 15 segundo! Ang mismong paglalarawan sa isipan ng gayong pag-ugoy ay sapat na upang mamutla ang isang di-sanay sa dagat. Siyempre pa, iba talaga ang mga magdaragat.
Pagsapit ng katapusan ng ika-19 na siglo, may nakaisip na maglagay ng isang propeler sa prowa. Ang pag-ikot ng propeler ay nakapagpapahugos ng tubig na nakababawas sa pagsayad ng yelo sa barko at nakahahawi sa mga piraso ng natunaw na yelo. Ang ilang makabagong icebreaker ay may dalawang propeler sa popa at isa o dalawa naman sa prowa. Subalit sa maraming icebreaker, ang nakaumang na propeler sa prowa ay pinalitan na ng isang sistemang gumagawa ng mga bula. Ang mga tubo sa ilalim ng barko sa may kasko ay nagbubuga ng napakaraming naipong hangin sa tubig sa ilalim ng yelo, na lumilikha ng malakas na pagbula sa tubig, anupat nababawasan ang pagsayad ng yelo sa barko.
Pagsulyap sa Tanawin
Hindi kayang gawin ng lahat ng siyam na matitibay na icebreaker ng Finland ang nagagawa ng mainit na sikat ng araw ng tagsibol—tinitibag nito ang mga nakaharang na yelo sa palibot ng lahat ng daungan, maging sa pinakahilagang mga bahagi ng lupain. Bumabalik ang mga icebreaker sa kani-kaniyang daungan nito, at nangangahulugan ito ng isang maalwang tag-init para sa mga tauhan. Ang mamahalin at pantanging mga barkong ito ay hindi muna tatakbo sa loob ng ilang buwan dahil sa ang kakaibang pagkakagawa rito ay hindi dinisenyo sa karaniwang paglalayag sa laot.
Gayunman, may bagong uri ng mga barko. Ang mga multipurpose icebreaker na ito ay tumatakbo bilang karaniwang mga icebreaker sa taglamig, ngunit kapag wala namang yelo sa dagat, maaaring gamitin ang mga ito sa mga layuning tulad ng paglalatag ng mga kable, mga gawaing pagsasaliksik, at pagmamantini ng mga oil rig sa laot. Ang isa sa gayong barko, ang Botnica, na ginawa noong 1998 upang gamitin ng Finnish Maritime Administration, ay may dalawang sistema na nagpapatakbo sa barko na nakaiikot nang 360 digri at sa gayon ay gumagana hindi lamang bilang mga propeler kundi bilang mga timon din naman. Kahanga-hanga ang mga sistemang ito na nagpapangyaring maging madaling maniobrahin ang barko. Ang disenyong ito ay ginagamit na rin sa mga bagong barkong pampasahero.
Bunga ng sumusulong na mga pamamaraan sa pagtibag ng yelo, lumitaw ang isang ideya para sa bagong uri ng barkong pangkargamento. Kapag umaabante, ang bagong barko ay babagtas sa mga alon sa karaniwang paraan. Gayunman, ang popa ang gagamitin sa pagtibag ng yelo. Ang “double-acting tanker” na ito ay pantangi nang kapaki-pakinabang sa mga lugar ng polo, kung saan karaniwan nang walang mga icebreaker. Ang barko ay maaaring gumawa ng sarili nitong lagusan sa yelo sa pamamagitan ng pag-atras.
Samantala, kailangang-kailangan na ng Finland ang kape nito. Kinalag na ng icebreaker na binanggit sa pambungad na parapo ng artikulong ito ang barkong pangkargamento ng kape at ngayon ay hinihila na ng icebreaker ang barko. Kalmadong humilig ang kapitan ng icebreaker sa beranda. Bumaling siya ngayon sa plataporma ng barko. Oras na upang uminom ng isang tasa ng mainit na kape.
[Talababa]
a Iba-iba ang laki at kayarian ng mga icebreaker, depende sa kung saan tumatakbo ang mga ito—sa mga daungan, sa laot, o sa mga rehiyon ng polo. Pangunahin nang nakatuon ang artikulong ito sa mga icebreaker na ginagamit sa laot.
[Larawan sa pahina 25]
Gumagawa ng daanan ang “icebreaker” na “Otso”
[Credit Line]
Finnish Maritime Administration
[Larawan sa pahina 25]
Naipit sa yelo ang isang “winter steamer”—noong mga 1890
[Credit Line]
Museovirasto
[Larawan sa pahina 26]
Ang barkong “Taymyr” ng Russia na pinatatakbo ng nuklear
[Credit Line]
Kværner Masa-Yards
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga “multipurpose icebreaker” ay magagamit din sa paglalatag ng mga kable at mga tubo
[Credit Line]
Finnish Maritime Administration
[Larawan sa pahina 26]
Ang “Botnica”
[Credit Line]
Finnish Maritime Administration