Mga Pambatang Isport—Ang Panibagong Epidemya ng Karahasan
◼ Isang grupo ng mga estudyante sa haiskul ang nagkasama-sama sa isang larong football. Ang laro ay natapos sa paglalabu-labo, anupat mahigit sa 100 magulang, coach, at manlalaro ang nagbulyawan at nagsuntukan matapos maipanalo ng isang overtime touchdown ang laro.
◼ Isang grupo ng mga batang edad 9 hanggang 12 ang naglalaro ng football na kapuwa panlalaki’t pambabae. Nang hindi masalo ng isang sampung-taóng-gulang na manlalaro ang bola, ibinalibág siya ng kaniyang coach, na ikinabali ng dalawang braso nito.
◼ Inalis ng coach ng isang koponan ng Little League baseball ang isa sa kaniyang mga manlalaro habang ito’y naglalaro. Binantaan ng ama ng bata na papatayin niya ang coach at ang ama’y sinentensiyahang mabilanggo nang 45 araw.
◼ Sa isang praktis sa larong pambata na ice hockey, pinagtalunan ng dalawang ama ang pagpapatupad sa mga patakaran ng laro. Binugbog ng isang ama yaong isa hanggang sa ito’y mamatay mismo sa harap ng tatlong anak ng biktima.
ANG nakapangingilabot na mga ulat na gaya nito ay palasak na ngayon. Sa malalawak na palaruan, basketball court, ice rink, at mga palaruan, sa wari’y lumalaganap na ang isang panibagong epidemya ng karahasan. Ito ay ang karahasan ng mga magulang at mga coach na mamatamisin pang makipag-away kaysa sa matalo. Ang sabi ni Jeffrey Leslie, presidente ng Jupiter-Tequesta (Florida) Athletic Association: “Nakita ko ang pagsigaw ng mga magulang sa kanilang mga anak, anupat pinupuwersa silang paghusayin ang laro; mga batang nananakit habang naglalaro, dahil sa sulsol ng kanilang magulang; mga batang umiiyak sa tapakán ng pitcher dahil hiniya sila . . . ng kanilang mga magulang.” Dagdag pa niya: “Wala nang sasamâ pa sa mga magulang pagdating sa mga pambatang isport.” Upang maingatan ang mga bata sa gayong karahasan, mahigpit na ipinagbawal ng ilang komunidad na panoorin ng ilang magulang ang laro ng kanilang mga anak.
Ano ang naging resulta ng epidemyang ito ng pagngangalit? “Ang nakahihiyang ugaling ito ng parami nang paraming adulto,” sabi ni Fred Engh, tagapagtatag at presidente ng National Alliance for Youth Sports na nakabase sa Florida, “ay nakasasamâ sa mga isport ng kabataan, anupat sumisira ng katuwaan, at nagbibigay ng pangit na mga mensahe sa milyun-milyong bata.”
Manalo Anuman ang Mangyari
Lumilitaw na ang ugat ng problemang ito ay ang paghahangad ng ilang magulang na makitang mas magaling ang kanilang mga anak kaysa sa ibang mga bata at dapat manalo ang mga ito anuman ang mangyari. Ang sabi ng isang kinatawan ng Institute for the Prevention of Child Abuse, sa Canada: “Kapag wala nang mahalaga kundi ang manalo, kapag wala nang mahalaga kundi ang kapangyarihan, lumilikha ito ng isang kapaligiran na ang nagdurusa ay ang mahihina. Sa mga isport na ito, ang mga bata ang mahihina.” Sinabi ng isang opisyal ng Ontario (Canada) Physical and Health Education Association na ang mga batang dumaranas ng gayong kaigtingan “ay posibleng magkaroon ng problema sa isip sa murang edad. At kapag sila’y malaki na, maaaring mahirapan silang tumanggap ng pagkabigo.”
Hindi nga kataka-taka, karaniwan nang namamana mismo ng mga kabataang atleta ang pagngangalit ng mga magulang at ang sobrang pagkasigasig ng mga coach. Minsan sa isang larong volleyball ng mga batang babae, pitong ulit na nilusob ng mga manlalaro ang mga reperi. Isang batang babae na inalis sa isang labanan sa tenis ang gumanti sa pamamagitan ng paninira sa kotse ng isang opisyal. Matapos itawag-pansin ang isang foul, iniuntog ng isang haiskul wrestler ang kaniyang noo sa noo ng reperi, at nawalan ng malay-tao ang reperi. “Dati, ang mga isport ng kabataan ang bukod-tanging pinagmumulan ng tunay na pagkamaginoo,” ang sabi ni Darrell Burnett, isang klinikal na sikologo para sa mga bata at sikologo sa isport para sa mga kabataan. “Hindi na ngayon. Hindi na ito basta laro lamang.”
Ang Magagawa ng mga Magulang
Makabubuting alalahanin ng mga magulang na ang katuwaan at ehersisyo ang mga dahilan kung bakit gustung-gusto ng mga bata ang isport. Kaya nga kung ang mga pambatang isport ay magdudulot ng labis na kaigtingan at magiging dahilan upang sila’y makarinig ng masasakit na salita, ang ibubunga nito ay kabaligtaran—at kawalan ng pagmamahal. Ang sabi ng Bibliya: “Mga magulang, huwag ninyong ibuyó kailanman ang inyong mga anak sa galit.”—Efeso 6:4, The Jerusalem Bible.
Ano kaya ang makatutulong sa isang magulang upang makapanatiling timbang sa bagay na ito? Una sa lahat, makatutulong kung aalalahanin mo ang iyong kabataan. Ikaw ba mismo ay nakapaglaro sa halos propesyonal na antas sa larangan ng isport? Makatuwiran bang gayundin ang asahan mo sa iyong anak? Kung tutuusin, “ang mga bata ay maseselan.” (Genesis 33:13) Gayundin naman, sikaping magkaroon ng tamang pangmalas sa pagkapanalo at pagkatalo. Ang tawag ng Bibliya sa di-masawatang pagpapaligsahan ay “walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”—Eclesiastes 4:4.
Kapansin-pansin, hinihikayat ng isang dating manlalaro ng major league baseball ang mga magulang na ilagay sa lugar ang pagkapanalo at pagkatalo, anupat hindi ikinagagalit ang di-mahusay na paglalaro ng bata ni labis na ikinatutuwa ang kaniyang pagkapanalo. Sa halip na iukol ang lahat ng atensiyon sa pagkapanalo, dapat na ang bigyang-pansin ng mga magulang ay ang katuwaan ng mga bata at ang pakinabang sa pagkakaroon nila ng magandang pangangatawan.
Nasabi tuloy ng ilang magulang na ang organisadong mga pambatang isport ay parati na lamang nauuwi sa di-kanais-nais na espiritu ng kompetisyon. Gayunman, hindi naman ito nangangahulugang hindi na makadarama ng katuwaan ang kanilang mga anak sa pakikipaglaro sa iba. Halimbawa, natuklasan ng maraming Kristiyanong magulang na natutuwa rin naman palang makipaglaro ang kanilang mga anak sa kanilang mga kapananampalataya sa likod-bahay o sa isang parke sa lugar nila. Sa ganitong paraan ay mas kontrolado ng mga magulang ang pakikipagsamahan ng kanilang mga anak. Maaari ring magbigay ng higit pang pagkakataon para sa kapaki-pakinabang na paglalaro ang pamamasyal ng pamilya. Ipagpalagay na ngang hindi gaanong kapana-panabik na manalo kung ito’y isang laro lamang sa likod-bahay. Gayunman, huwag kalilimutan kailanman na sa pinakamabuti “ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti [lamang]; ngunit ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay.” (1 Timoteo 4:8) Kung pananatilihin ang timbang na pangmalas na ito sa isport, maiingatan mo ang iyong anak sa pagiging biktima ng panibagong epidemyang ito ng karahasan.
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang isport ay dapat na nakatutuwa, hindi pinagmumulan ng away