Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 12/8 p. 16-17
  • Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pasko

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pasko
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinagbawal ang Pasko
  • Ang Pinagmulan ng Pasko
  • Isang “Walang-katuturang Panlilinlang”
  • Pasko—Ito Ba’y Maka-Kristiyano?
    Gumising!—1988
  • Dapat Mo Bang Ipagdiwang ang Pasko?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Sinasang-ayunan Ba ni Kristo ang Pasko?
    Gumising!—1986
  • Ano ang Nangyari sa Tradisyunal na Pasko?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 12/8 p. 16-17

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Pasko

NAGHAHANDA na ang milyun-milyong tao sa buong mundo para magsaya sa Kapaskuhan ng taóng 2002. Marahil ay isa ka sa kanila. Sa kabilang dako naman, baka hindi ninyo kaugalian na makibahagi sa relihiyosong mga aspekto ng popular na pagdiriwang na ito. Alinman dito, malamang na hindi ka makatatakas sa impluwensiya ng Pasko. Laganap ito sa daigdig ng komersiyo at libangan, maging sa mga lupaing di-Kristiyano.

Ano ang nalalaman mo tungkol sa Pasko? Sinusuportahan ba ng Bibliya ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo? Ano ang nasa likod ng popular na pagdiriwang na ito na ginaganap tuwing Disyembre 25?

Ipinagbawal ang Pasko

Kung magsasaliksik ka nang ilang sandali sa paksang ito, matutuklasan mo na hindi nagmula sa tunay na Kristiyanismo ang Pasko. Kinikilala ito ng maraming iskolar sa Bibliya na nagmula sa iba’t ibang relihiyon. Kung iisipin mo ang bagay na iyan, hindi mo dapat ikabigla na sa Inglatera ay ipinag-utos ng Parlamento ni Cromwell noong 1647 na maging araw ng penitensiya ang Pasko at pagkatapos ay lubusang ipinagbawal ito noong 1652. Sadyang nagtitipon noon taun-taon ang Parlamento tuwing Disyembre 25 mula 1644 hanggang 1656. Ayon sa mananalaysay na si Penne L. Restad, “nanganganib na mabilanggo ang mga ministro na nangangaral tungkol sa kapanganakan ni Kristo. Pinagmumulta ang mga bantay sa simbahan dahil sa pagdedekorasyon ng kanilang mga simbahan. Sa batas, nanatiling bukás ang mga tindahan kung Pasko na para bang ito’y isang pangkaraniwang araw ng pagnenegosyo.” Bakit gayon kalabis ang ginawang pagbabawal? Naniniwala ang mga repormador na Puritan na hindi dapat gumawa ng mga tradisyon ang simbahan na wala naman sa Kasulatan. Masisigasig silang nangaral at namahagi ng literatura na nagbabawal sa mga pagdiriwang ng Pasko.

Gayundin ang naging saloobin sa Hilagang Amerika. Sa pagitan ng mga taon ng 1659 at 1681, ipinagbawal ang Pasko sa Massachusetts Bay Colony.a Ayon sa batas na ipinatupad noon, ang Pasko ay hindi dapat ipagdiwang sa anumang anyo o paraan. Pinagmumulta ang mga lumalabag sa batas. Hindi lamang ang mga Puritan sa New England ang hindi nagdiriwang ng Pasko kundi may ilang grupo sa gitnang kolonya ang hindi rin nagdiriwang nito. Kasintatag ng mga Quaker sa Pennsylvania ang Puritan sa kanilang pangmalas tungkol sa pagdiriwang. Sinabi ng isang pinagkunan ng impormasyon na “hindi pa natatagalan pagkatapos na makamit ng mga Amerikano ang kanilang kasarinlan, hinati mismo ni Elizabeth Drinker, na isa ring Quaker, ang mga taga-Philadelphia sa tatlong pangkat. Nariyan ang mga Quaker na ‘hindi ipinangingilin ang araw ng [Pasko],’ ang mga relihiyoso, at ang iba pa na ‘ginugol ito sa walang-taros na pagsasaya at paglilibang.’”

Si Henry Ward Beecher, isang kilalang Amerikanong mangangaral na pinalaki sa sambahayang ortodoksong Calvinista, ay walang gaanong alam tungkol sa Pasko, maliban lamang noong siya’y 30 taóng gulang na. “Hindi pamilyar sa akin ang Pasko,” ang isinulat ni Beecher noong 1874.

Wala ring nasumpungang maka-Kasulatang saligan ang mga relihiyong Baptist at Congregational para ipagdiwang ang kapanganakan ni Kristo. Sinabi ng isang pinagkunan ng impormasyon na noon lamang Disyembre 25, 1772, kauna-unahang ipinagdiwang ng simbahang Baptist ng Newport [Rhode Island] ang Pasko. Ito ay humigit-kumulang 130 taon pagkatapos na itatag ang unang Simbahang Baptist sa New England.

Ang Pinagmulan ng Pasko

Ganito ang pagkilala ng New Catholic Encyclopedia: “Hindi alam ang petsa ng kapanganakan ni Kristo. Hindi ipinahihiwatig ng ebanghelyo ang araw ni ang buwan man . . . Ayon sa pala-palagay na sinabi ni H. Usener . . . at tinatanggap ng karamihan sa mga iskolar sa ngayon, isinunod ang kapanganakan ni Kristo sa petsa ng winter solstice (Disyembre 25 sa Kalendaryong Julian, Enero 6 sa Kalendaryong Ehipsiyo), sapagkat sa araw na iyon, habang nagbabalik ang araw sa kalangitan ng hilagang hemispero, ipinagdiwang ng mga paganong deboto kay Mithra ang dies natalis Solis Invicti (kapanganakan ng di-malupig na araw). Noong Dis. 25, 274, ipinroklama ni Aurelian ang diyos-araw bilang pangunahing patron ng imperyo at inialay ang templo sa diyos-araw sa Campus Martius. Nagsimula ang Pasko sa panahong ubod nang lakas ang kulto ng araw sa Roma.”

Ganito ang sabi ng M’Clintock and Strong’s Cyclopœdia: “Hindi pinasimulan ng Diyos ang pagdiriwang ng Pasko, ni ito man ay nagmula sa B[agong] T[ipan]. Ang kapanganakan ni Kristo ay hindi matitiyak sa B[agong] T[ipan], o, mula sa anumang iba pang reperensiya.”

Isang “Walang-katuturang Panlilinlang”

Gaya ng sinabi sa itaas, dapat nga bang makibahagi ang mga Kristiyano sa mga tradisyon ng Pasko? Nakalulugod ba sa Diyos na paghaluin ang pagsamba sa kaniya at ang relihiyosong mga paniniwala at mga gawain ng mga hindi sumasamba sa kaniya? Si apostol Pablo ay nagbabala sa Colosas 2:8: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”

Isinulat din ng apostol: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa katampalasanan? O anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? Karagdagan pa, anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial [Satanas]? O anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-sumasampalataya?”​—2 Corinto 6:14, 15.

Ayon sa di-matututulang katibayan na tinataglay, ang mga Saksi ni Jehova ay tumatangging makibahagi sa mga pagdiriwang ng Pasko. Kasuwato ng Kasulatan, sinisikap nilang isagawa “ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos,” sa pamamagitan ng pananatili nilang “walang batik mula sa sanlibutan.”​—Santiago 1:27.

[Talababa]

a Itinatag noong 1628 ng mga Puritan na Ingles, ang Massachusetts Bay Colony ang pinakamalaki at pinakamatagumpay na pamayanan noong sinaunang panahon sa New England.

[Blurb sa pahina 16]

Ipinagbawal ng Parlamento ng Inglatera ang Pasko noong 1652

[Blurb sa pahina 17]

“Hindi pamilyar sa akin ang araw ng Pasko”​—HENRY WARD BEECHER, AMERIKANONG KLERIGO

[Larawan sa pahina 17]

Ipinagdiwang ng mga paganong deboto kay Mithra at sa diyos-araw (makikita sa “bas-relief”) ang Disyembre 25

[Credit Line]

Musée du Louvre, Paris

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share