Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagsamba Bago ako naging isang Saksi ni Jehova, hindi ko kailanman maipaliwanag kung ano ang palagay ko tungkol sa Diyos. Ang seryeng itinampok sa pabalat na “Maaari Ko Bang Sambahin ang Diyos sa Sarili Kong Paraan?” (Abril 22, 2002) ang talagang nakapagpaliwanag kung bakit ako naudyukang mag-aral ng Bibliya sa simula pa lamang. Binabalak kong magpadala ng isang kopya sa bawat kapamilya ko.
B. R., Estados Unidos
Talambuhay Naiyak ako dahil sa tuwa at lungkot habang binabasa ko ang talambuhay na “Sa Kabila ng Pagsubok, Nananatiling Maningning ang Aking Pag-asa.” (Abril 22, 2002) Ipinaalaala sa akin ng katapangan ni Brother Hanák, na edad 20 noon, na makaaasa tayo na gagawing determinado ni Jehova maging ang mga kabataan upang itaguyod ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Salamat sa patuloy na paglalathala ng gayon kahusay na mga artikulo na nagbibigay sa aming lahat ng pampatibay-loob na kinakailangan namin sa mapanganib na panahon na ating kinabubuhayan.
K. G., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Ako po’y 11-taong-gulang na batang lalaki, at gusto ko po kayong pasalamatan sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Makatagpo Ako ng Isang Kaeskuwela Habang Ako’y Nangangaral?” (Pebrero 22, 2002) Napaharap din ako sa kalagayang inilarawan ng mga kabataan sa artikulo. Matapos ko itong basahin, naunawaan ko na wala akong dahilan para ikahiya ang mahalaga at apurahang mensahe na inihahatid natin sa mga tao. Maraming salamat po sa impormasyong ito.
D.D.S., Italya
Ako po ay 10 taóng gulang. Salamat po sa artikulong ito. Kinabukasan pagkabasa ko nito, lumabas ako sa larangan at naging mas relaks ako dahil sa pagkakapit sa payo ng magasin.
D.D.C., Italya
Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Napakahirap Pakibagayan ang Aking Kasama sa Kuwarto?” (Abril 22, 2002) ay talagang isinulat para sa akin! Ako ay buong-panahong ebanghelisador, at nakasama ko sa loob ng anim na buwan ang aking kakuwarto. Gaya ng sinabi ng artikulo, ang pamumuhay na kasama ng isang tao na pinalaki sa ibang paraan ay nakatutuwa, subalit maaari rin itong pagmulan ng kaigtingan. Sa tulong ng aking mga magulang, mga elder, at ni Jehova, unti-unti kong nabago ang aking pangmalas. Ngayon ay ibig ko nang lumipat na kasama niya sa isang kongregasyon kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sa palagay ko’y iniregalo sa akin ni Jehova ang artikulong ito!
I. S., Hapon
Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Makapangangaral sa Aking mga Kaeskuwela?” (Marso 22, 2002) ay may pantanging kahulugan para sa akin. Natatandaan ko pa na ibinabahagi ko ang aking pananampalataya, na medyo naaasiwa, sa ilan sa kapuwa ko estudyante at lalo na sa isang kaibigan na gumagalang sa aking mga paniniwala. Matagal na kaming hindi nagkita hanggang sa natuklasan ko pagkalipas ng ilang taon na nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon pareho na kaming elder sa kongregasyon, at kami’y matalik na magkaibigan. Gaya ng ipinakita ng artikulo, ang pakikipag-usap sa iba tungkol kay Jehova ay nagdudulot ng mabubuting bunga.
J.R.M., Brazil
Nagbibigay ng Kaliwanagan sa Lahat Talagang nasisiyahan ako sa inyong mga magasin sapagkat kawili-wili ang mga ito hindi lamang para sa akin kundi para sa mga anak ko rin. Maraming pahayagan at mga magasin ang nagpapasamâ sa ating mga kabataan. Sa kabilang dako naman, pinabubuti ninyo ang mga kabataan. Salamat sa pagbibigay ninyo ng kaliwanagan sa amin.
G. M., Russia