Abrolhos—Huwag Kayong Kukurap
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL
NOONG ika-16 na siglo, ang mga magdaragat na malapit sa bahura ng mga korales na malayu-layo sa dalampasigan ng lalawigan ng Bahia, Brazil, ay sinabihan ng kanilang kapuwa magdaragat: “Abra os olhos!” (Huwag kayong kukurap!) Ayon sa sali’t saling sabi, ito ang naging pangalan ng grupo ng limang maliliit na isla sa rehiyon—ang kapuluan ng Abrolhos—dahil sa paulit-ulit na pagbababalang ito.
Matatagpuan ang Abrolhos sa Timog Atlantiko, mga 80 kilometro mula sa baybaying-dagat ng mga bayan ng Caravelas at Alcobaça. Gayunman, ito ay napalibutan at naibukod ng mga bahura ng korales. Sapat na para ikatakot ng mga magdaragat ang paglalayag sa karagatang ito dahil sa mga bahura na hindi nakatala sa mapa at gayundin sa malalakas na bagyo sa Atlantiko kung hindi nga lamang dahil sa mapang-akit na pagkakakitaan ng malaking salapi, ang balyenang humpback.
Ang Panghuhuli at Pagmamasid sa mga Humpback
Ang mga balyena sa Abrolhos ang malaking pinagkakakitaan ng salapi ng mga bayan na nangingisda sa baybaying-dagat noong ika-19 nasiglo. Pagkatapos dumalo sa isang espesyal na Misa kung saan binasbasan ng lokal na pari ang kanilang mga bangka, magsasagwan o maglalayag ang mga manghuhuli sa kapuluan sakay ng isang maliit na bangka. Paano nila pinapatay ang gayon kalaking nilalang? Sinasamantala nila ang likas na ugali ng pagiging ina ng balyena. Una munang sinasalapang ng mga nanghuhuli ng balyena ang batang balyena at pagkatapos ay gagamitin ito bilang bitag para palapitin ang ina. Ang mga napapatay nilang balyena ay hinihila sa kabayanan para kunin ng isa sa anim na pabrikang nasa Caravelas na nagpoproseso ng mahalagang langis na ito ng balyena.
Gayunman, dahil sa biglang pagbagsak ng lokal na pamilihan ng langis noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, humina ang industriya ng panghuhuli ng balyena. Sa pagsapit ng ika-20 siglo, pagkatapos hulihin sa loob ng maraming dekada, talagang iniwan ng humpback ang Abrolhos na siyang lugar kung saan ito nagpaparami. Bunga nito, huminto sa wakas ang panghuhuli ng balyena sa buong kapuluan. Ang huling pagkakataon na nakasalapang doon ng balyena ay noong 1929.
Nagsimula ang bagong kabanata sa kasaysayan ng Abrolhos noong 1983 nang ipahayag bilang pambansang pasyalan sa dagat ang limang isla ng kapuluan at ang bahura ng Abrolhos—na may kabuuang sukat na 910 kilometro kuwadrado. Wala nang gaanong nabalitaan pa tungkol sa mga balyena sa loob ng 50 taon, subalit noong 1987, iniulat ng mga mananaliksik na nakakita sila ng balyena sa pasyalan sa dagat at ipinasiya nilang mag-imbestiga. Laking gulat nila na matuklasang minsan pang nagbalik ang humpback sa lugar kung saan ito nagpaparami.
Nakaakit sa mangilan-ngilang bisita ang mga balita tungkol sa pagbabalik ng mga balyena lakip na ang pagiging kilala ng Abrolhos bilang ang nawawalang paraiso. Minsan isang maaliwalas na umaga ng tag-araw, sumakay sa isang maliit na pangisdang bangka ang isang pamilya mula sa Caravelas at nagtungo sa Abrolhos, na anim-na-oras na lakbayin. Ganito inilarawan ng isa sa kanila ang kaniyang pamamasyal sa mga isla.
Isang Pader ng Malalaking Sombrero
“Habang binabagtas ni Manoel, ang aming bangkero, ang Reef of Walls, naunawaan ko kung bakit takot maglayag ang sinaunang magdaragat na mga Portuges sa karagatang ito. Ang mga haligi ng korales na sari-sari ang kulay—umaabot nang 20 metro ang taas at 50 metro ang lapad malapit sa ibabaw ng tubig—ay pagkataas-taas na nakausli mula sa pinakasahig ng dagat. Dahil sa ang hugis nito ay parang nakabaligtad na kono, tinagurian ito ng mga tagaroon bilang malalaking sombrero. Sa ilalim ng tubig, marami sa mga haliging ito ng korales ay nagsama-sama anupat nag-anyo itong pagkálalakíng arko at pasilyo at mga pader pa nga na 20 kilometro ang haba na nakausli anupat nagsisilbing pinakasahig na bahura. Ito ang mga pader ng Reef of Walls.
“Nang lisanin namin ang bahura, tumambad sa harap namin ang Abrolhos. Mula sa di-kalayuan ay nagmistulang malalaking kalso ng pinto na lumulutang sa karagatan ang limang isla. Sinabi ng mga heologo na noong sinaunang panahon, sapilitang inilabas ng presyon ng umaapaw na lava ang malalapad at naglalakihang tipak na ito ng bato mula sa pinakasahig ng karagatan. Bunga nito, iisa ang topograpiya ng mga isla—malalim at matarik na dalisdis na nakausli mula sa tubig sa gawing timog-silangan at medyo padalisdis naman patungo sa makipot na dalampasigan sa dakong timog-kanluran.
“Nakikita namin ngayon ang parola at ang di-pantay-pantay na taas ng dalawahang palapag na mga bahay sa pinakamalaking isla, ang Santa Bárbara. Dumedepende nang malaki sa suplay na dala ng bapor na dumarating tuwing dalawang linggo ang mga nagtatrabaho sa Brazilian Institute of the Environment and Renewable Natural Resources (IBAMA) gayundin ang mga nagtatrabaho sa Brazilian Marines na nakatira sa isla. Madaling isipin na ang pagdating ng suplay ay pinananabikan din ng napakaraming kambing doon—ang reserbang pagkain ng mga tagaisla kung sakaling magkagipitan na. Hindi pinahihintulutang magtayo ng mga paupahang bahay, otel, bar, o mga restawran. Ang mga turista na gustong magpalipas ng gabi ay kailangang magtiis na matulog sa mga bangkang nakapugal sa palibot ng mga isla.
“Habang dahan-dahang ibinababa ni Manoel ang angkla, na tinitingnang mabuti ang bahura ng korales, sumakay ang dalawang bantay ng IBAMA sa aming bangka at ipinaliwanag ang mga alituntunin sa lugar ng pasyalan. Dalawang isla lamang ang maaaring pasyalan ng mga turista, ang Siriba at Redonda, na sinusundan ang itinakdang daanan, at dapat laging may kasamang bantay. Bawal mangisda at hindi maaaring pumulot ng mga bagay para gawing subenir—kahit na isang maliit na bato na nasa baybaying-dagat. Mahigpit ding ipinatutupad ang alituntunin sa pagmamasid sa balyena. Hindi lalampas sa tatlong bangka ang maaaring lumapit sa mga balyena, at hindi makalalapit ang mga ito nang mahigit sa 100 metro. Kapag lumapit ang isang balyena sa bangka, dapat patayin ang makina at paaandarin lamang muli kapag pumaibabaw na ang balyena. Kailangang lisanin ng bangka ang lugar kung makakita ng anumang palatandaan na naliligalig ang balyena.”
Nakatatawag-Pansing Langkay ng mga Ibon
“Nabubuhay rito ang mga ibon. Ang ibong tropic, ang masked booby, brown booby, ang maringal na ibong frigate, at ang sooty tern ay pawang may kolonya kung saan nagpaparami ito sa Abrolhos.
“Habang nangungunyapit kami sa mabatong dalampasigan ng Siriba sa unang araw ng aming pagdalaw, itinuro sa amin ni Jordan, isang mananaliksik ng IBAMA, ang pinamumugaran ng mga booby at mga ibong red-billed tropic. Masayang namumugad ang booby sa lupa, pero mas gusto naman ng red-billed tropic ang mga siwang sa batuhan, na nagsasanggalang sa kanila sa malalakas na pagbugso ng hangin na madaling magpabaligtad sa pugad nito.
“Ang sikát sa mga ibon ay walang-alinlangang ang ibong frigate, na kasinlaki ng isang manok. Kapag panahon ng pagpaparami, nagiging mapulang-mapula ang nakatatawag-pansing lukbutan sa lalamunan ng lalaking ibon at namimintog ito na kasinlaki ng bola ng football. Balintuna nga, na dumedepende ang frigate sa dagat pero takot naman ito sa tubig. Kakaunti ang langis na pang-ayos nito sa balahibo, kaya hindi ito maaaring sumisid para mangisda nang hindi basang-basa.
“Kulang man ang langis ng ibong frigate para hindi tagusan ng tubig ang balahibo nito, magaling naman itong lumipad. Sa taglay nitong kahanga-hangang pakpak na dalawang metro ang haba, nakukulong nito ang mainit na daloy ng hangin at nananatili itong hindi gumagalaw sa himpapawid, samantalang minamatyagang mabuti ang walang kamalay-malay na kapareha nito sa pangingisda, ang booby. Minsang makahuli ng isda ang booby, sasalimbay ang frigate at susunggaban ang isda sa pamamagitan ng mahaba at parang kalawit na tuka nito, kung minsan pa nga ay inaagaw nito ang isda sa mismong tuka ng booby. Kapag nahulog ng booby ang huli nito dahil sa takot, sumasalimbay ang frigate at may-kahusayang sinasalo nito ang isda bago malaglag ito sa tubig. Paano kung nalulon na ng booby ang isda? Kilala ang palaaway na frigate na nanunugis ng booby at sapilitang ipinaluluwa nito ang pagkain ng booby!”
Ang mga Tagpo sa Ilalim ng Tubig
“Ginugol namin ang ikalawang araw ng pagdalaw namin sa paggalugad sa ilalim ng tubig. Hindi kailanman bumababa sa 24 na digri Celsius ang temperatura ng tubig sa kapuluan, at may makikita pa rin hanggang sa 15 metro ang lalim. Hindi na kailangan pa ang mamahaling kagamitang panisid para galugarin ang tahimik at mababaw na tubig malapit sa mga isla. Isang snorkel, mask, at mga flipper (pansagwan sa paa) lamang ang kailangan mo. Makikita ang kawan ng mga isda habang tumatagos ang liwanag ng araw sa ilalim ng tubig, tumatama ito sa kulay berde, lila, at dilaw na mga korales, at gayundin sa pulang mga sponge at lumot. Napalilibutan kami ng sari-saring kulay ng liwanag. Bagaman kakaunti ang uri ng mga korales kung ihahambing sa iba pang bahura sa tropiko, dito lamang matatagpuan ang ibang uri.
“Ang matingkad na kulay asul na tubig sa palibot ng isla ay saganang-sagana sa mahigit na 160 uri ng isda. May mga nilalang na pawang iba’t iba ang hugis at laki: ang bibihirang pagong na loggerhead; ang French angelfish, surgeonfish, needlefish, parrot fish, ang dambuhalang sea bass, at ang igat na moray. Talagang napakaamo ng mga isda anupat talagang kumakain ang mga ito sa iyong kamay, at kapag ubos na ang pagkain, kinakagat-kagat nito ang iyong mga daliri, na naghahanap pa ng pagkain.”
Ang Pagbabalik
“Noong hapon nang ikatlong araw namin sa kapuluan, magkahalo ang emosyong nadama namin sa aming pagbalik sa Caravelas. Nabighani ako sa Abrolhos pero malungkot ako dahil hindi pa kami nakakakita ng kahit isa man lamang balyena. Gayunman, nang halos 30 minuto na kaming naglalakbay papauwi, biglang sumigaw si Manoel: ‘Balyena! Balyena!’ Tatlong humpback na balyena—dalawang adulto at isang batang balyena—ang lumitaw mga 200 metro ang layo. Kitang-kita namin ang puting gilid ng pagkalaki-laking palikpik nito. Marahil ay nag-uusisa, lumapit ang isa at lumangoy sa tabi namin sa loob ng ilang minuto. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita nang lumukso sa tubig ang balyena. Itinaas ng balyena ang kalahati ng dambuhalang katawan nito sa tubig at saka ito bumagsak nang patihaya. Lumikha ito nang pagkalaki-laking linya sa karagatan! Habang lumiliit mula sa malayo ang isla sa likuran namin, nakikita pa rin namin ang palikpik ng balyena gayundin ang manaka-nakang pagbubuga nito ng tubig na sumisirit sa ibabaw ng tubig. Tuwang-tuwa kami na makitang nagbabalik ang balyena.”
Hindi Tiyak na Kinabukasan
Maaaring hindi na nga nanganganib ang mga balyena mula sa mga nanghuhuli nito, subalit may iba pa ring mga panganib. Hindi makatotohanang isipin na hindi maaapektuhan ng problema sa kapaligiran ang nakabukod na mga islang ito. Ganito ang sabi ng isang dalubhasa sa karagatan: ‘Hindi sapat na ingatan ang kapuluan at higpitan ang pagpasok dito kung ang lahat naman ng nakapaligid ay sinisira.’
Naniniwala ang maraming siyentipiko na ang pag-init ng temperatura ng globo ang may pananagutan sa pagkupas ng kulay ng Reef of Walls, isang tanda na naglalaho na ang pagkaliliit na lumot. Waring hindi maiiwasang makasira sa dakong huli sa mga korales ng kapuluan ang pagkakalbo ng kagubatan at pagkaagnas ng lupa sa pangunahing bahagi ng lupain, kung saan dumarami ang banlik na iniluluwa ng mga ilog patungo sa dagat. At, siyempre pa, habang dumarami ang mga bumibisita taun-taon, kailangang maging mapagbantay ang mga nangangalaga sa kapaligiran upang maiwasang mapinsala ng Abrolhos ang sarili nitong kagandahan na hindi pa nasisira.
Gayunman, hanggang sa ngayon ay wala pa naman sa maulap at madilim na hinaharap ng Abrolhos ang lumalambong sa dalisay na kagandahan nito—ang kamangha-manghang nagsisirkong mga balyena, nakatutuwang mga ibon, at kakaibang mga korales. Halos 500 taon pagkatapos na matuklasan ito, nananatili ang Abrolhos na isang lugar kung saan hindi kayo dapat kumurap. Nakalulugod ang pagdalaw rito at isa itong di-malilimutang karanasan.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BRAZIL
ABROLHOS
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KAPULUAN NG ABROLHOS
Siriba
Redonda
Santa Bárbara
Guarita
Sueste
[Larawan sa pahina 15]
Ang parola sa Abrolhos, itinayo noong 1861
[Larawan sa pahina 16]
Ibong “frigate”
[Larawan sa pahina 16]
“Brain coral”
[Credit Line]
Enrico Marcovaldi/Abrolhos Turismo
[Larawan sa pahina 16]
“French angelfish”
[Larawan sa pahina 16, 17]
“Masked booby”
[Larawan sa pahina 16, 17]
Redonda
[Credit Line]
Foto da ilha: Maristela Colucci
[Larawan sa pahina 17]
Igat na “moray”
[Larawan sa pahina 17]
“Surgeonfish”
[Larawan sa pahina 17]
Ibong “red-billed tropic”
[Larawan sa pahina 18]
Isang “humpback” at batang balyena