Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 12/22 p. 16-21
  • Ang Kahanga-hangang Umaawit na mga Balyena!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kahanga-hangang Umaawit na mga Balyena!
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Lambat na Bulâ
  • “Mga Tatak ng Daliri” ng Humpback
  • Paghinga, Pagsisid, Pag-aanak
  • “Pinakamaamo sa mga Dambuhala”
  • Oh, Ang Pag-awit na Iyon!
  • Isang Kawili-wiling Panonood sa mga Abuhing Balyena
    Gumising!—2003
  • Kilalanin ang mga Balyena!
    Gumising!—2015
  • Ang Palikpik ng Balyenang Humpback
    Gumising!—2013
  • Mga Dambuhala sa Kalaliman ng Dagat
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 12/22 p. 16-21

Ang Kahanga-hangang Umaawit na mga Balyena!

Sino ang makagagawa ng lambat mula sa mga bulâ, makapipilantik ng 40-tonelada, at magkonsiyerto sa ilalim ng tubig?

“TINGNAN ninyo ang kakaibang kulay na mapusyaw-berdeng iyon sa kanan ng bapor!” Sumugod ang mga tao sa panig na iyon ng bapor, at tamang-tama lamang na nakita ko ang isang dambuhalang nakangangang bibig na sumulpot sa gitna ng mga bulâ. Habang ito ay lumululon ng bari-bariles na tubig, ang nakaplegis na lalamunan ay lumulobo dahil sa bigat ng dinadala nito. Ang ibabaw na pangá, na ang tabing na palawit ng mga baleen plates nito na nakabitin na animo’y pagkalaki-laking walis, ay nagsara.

Kakakita ko lamang ng isang balyenang humpback na sumunggab ng pagkain.

Dalawang oras bago nito, mga 30 pasahero at tripulante ang naglayag mula Gloucester, Massachusetts, sakay ng Daunty II para sa isang araw na pagmamasid ng balyena. Si Mason Weinrich, direktor ng Cetacean Research Unit doon, at awtor ng Observations: The Humpback Whales of Stellwagen Bank, ay gumawa ng ilang pangkalahatang komento tungkol sa mga humpback. Nakita na namin ang ilan sa kanilang pagbubugá ng tubig sa malayo, at ang ilan na malapit sa amin ay lumukso upang sumagap ng hangin. At yaong mga umbok na kapansin-pansin sa ulo ng mga humpback? Mga lalagyan ng buhok (hair follicle), sabi sa amin. Ang bawat isa ay naglalaman ng isa o dalawang maiikling buhok, inaakalang nagsisilbing mga pandamdam, gaya ng mga balbas ng pusa.

Saka ang biglang pagsigaw ni Weinrich na huminto sa lahat ng mga pagtatanong at nagpangyari sa aming sumugod sa gawing kanan ng bapor at sa aming unang malapitang pagkakita sa pagkain ng isang humpback. Simula lamang ito ng katuwaan. Tutal, nangangailangan ng ilang mga sunggab ng pagkain upang punuin ang isang tiyan na naglalaman ng 1,300 libra (590 kg)!

“Dito sa ating kinalalagyan, sa Stellwagen Bank,” sabi ni Weinrich, “ang mga humpback ay pangunahing kumakain ng palós, isang maliit at mabilis lumangoy na isdang-pain. Upang mahuli ang marami nito, ang humpback ay gumagamit ng estratehiya na pag-alimbukay ng mga bulâ. Ang balyena ay magsasabog ng mga bulâ sa ilalim ng tubig na pumapaitaas na gaya ng isang malaking, mapusyaw-berdeng mga bulâ. Kung ano ang ginagawa nito ay hindi alam. Marahil nililito o tinitipon nito ang mga palós o ikinukubli nito ang balyena. Anuman ito, ito ay gumagana. Mga 10 o 20 segundo pagkatapos lumitaw ang mga bulâ sa ibabaw ng tubig, ang balyena ay lumilitaw sa gitna ng bulâ na nakanganga ang bibig, gaya ng inyong nakita.”

Saka ipinaliwanag ni Weinrich kung ano ang susunod na nangyari: “Nakita ninyong lumaki ang serye ng mga plegis sa lalamunan samantalang ang tubig ay bumuhos sa kaniyang ibabang panga. Ang mga plegis na ito ay umaabot hanggang sa gitna ng tiyan na hinaharangan ng kalamnan at kaugnay na himaymay. Kapag ang mga ito ay naglolobo sa mabilis na umaagos na tubig papasok, ang mga ito ay nagmimistulang pagkalaki-laking imbakan ng tubig at nahuling isda. Susunod, ang bibig nito ay bahagyang sasara, ang mga kalamnan sa plegis ay kumikipot na parang akordyon. Kasabay nito ang dila ay mamumuwersa, at ang tubig ay lalabas sa bibig ng balyena. Subalit ang mga maliliit na isda ay mananatili, nasala ng mga baleen plate. Siyanga pala,” susog ni Weinrich, “ang mga baleen plate na iyon ay dating ginagamit sa mga korse.”

Mga Lambat na Bulâ

“Ang mga alimbukay na bulâ na ginagamit ng mga humpback sa Stellwagen Bank,” sabi niya sa amin, “ay hindi uubra sa mga karagatan sa Alaska kung saan ang hipong-laot ay hindi lubhang sama-sama. Doon ginagamit ng mga humpback ang lambat na bulâ upang tipunin at siluin ang kanilang biktima.”

Nang malaunan nakita ko sa National Geographic ang isang larawan ng lambat na bulâ na ito at ang paglalarawan kung paano ito gumagana: Ang “matalinong mangangasóng ito ay gumagawa ng paraan upang tipunin ang nagkalat ng mga pagkain sa isang sunggab sa pamamagitan ng pagbugá ng ‘lambat’ na bulâ. Gaya ng isang dambuhalang gagamba sa ilalim ng dagat na humahabi ng sapot nito, ang humpback ay nagsisimula mga limampung piye ang lalim, na bumubugá ng hangin sa butas ng ilong nito samantalang lumalangoy papaitaas. Ang malalaking bulâ, sinusundan ng maliliit na bulâ, ay tumataas upang lumikha ng silindrikong tabing na nagtitipon sa mga hipong-laot at maliliit na isda. Ang mga bulâ at mga pagkain ay nagtutungo sa ibabaw ng tubig, sinusundan ng nakabukas na bibig ng balyena habang ito ay lumilitaw sa gitna ng bulâ nito.”

“Mga Tatak ng Daliri” ng Humpback

Subalit ngayon sa aming pagmamasid ng balyena nakikita at natututo ako ng higit tungkol sa mga humpback sa Stellwagen Bank. Lubha akong humanga sa isang bagay. Nang araw na iyon 20 iba’t ibang mga humpback ang nakita namin, at tinatawag ni Weinrich ang pangalan ng bawat isa kung makikita niya ang ilalim na panig ng kanilang buntot. Walang dalawang humpback ang may magkatulad na marka sa buntot. Para sa pagkakakilanlan, ang mga ito ay maaasahan na gaya ng mga tatak ng daliri! Isang napakahalagang bagay para sa mga mananaliksik sa larangang ito. Minsang makunan ng larawan, ang balyena ring iyon ay maaaring makilala sa pamamagitan ng larawang ito saanman ito magtungo, saan mang karagatan ito magpunta.

Sa nakalipas na mga ilang taon, libu-libong mga buntot ng humpback ang nakunan ng litrato, isinalansan, itinala, at ipinasok sa computer sa College of the Atlantic sa Bar Harbor, Maine. Noong 1984, mahigit 3,000 ang naitala. Ang bagong mga litrato ng nakitang mga balyena ay maaaring ihambing sa master file na ito at maaaring kilalanin nito o idagdag dito.

Ang mga humpback nang araw na iyon ay nagpakita sa amin ng maraming kawili-wiling mga palabas. Sila ay nasa ilalim ng tubig at buntot lamang nila ang kanilang ipinakikita at paulit-ulit na hinahampas ang tubig ng kanilang mga buntot​—“lobtailing.” Magpapahinga sila na ang kanilang mga ulo ay nakalabas sa tubig at lilinga-linga​—nagmamanman. Mula sa ibabaw ng tubig sila ay sisisid na ipinakikita ang magandang arko ng kanilang mga katawan, ang kanilang malalaking buntot ay kumakaway-kaway, ang itim-at-puti na ilalim na panig ng buntot ang kahulihang makikita, na para bang ipinakikita ang kanilang mga pangalan bago maglaho. Gayunman, ang pinakadramatikong palabas na ipinakita nila sa amin ay ang paglukso​—paglukso sa dagat​—pagkatapos ay biglang babagsak, hinahawi ang tubig at pansamantalang ginagawang animo’y libis ang karagatan!

Paghinga, Pagsisid, Pag-aanak

Ang pagmamasid na ito ng mga balyena ay nagpatindi sa aking interes na makaalam nang higit. Ang mga balyena ay maraming espesyalidad. Ang isa ay nagpapangyari sa kanilang huminga samantalang natutulog. Ang mga balyena ay humihinga sa kanilang butas ng ilong sa ibabaw ng kanilang mga ulo. Ang dalawang magkatapat na labi ay nakasara kapag nakarelaks, sa gayo’y hindi nakakapasok ang tubig sa dalawang maliliit na butas ng ilong nito. Upang huminga, dapat kusang buksan ng balyena ang mga butas ng ilong nito​—ang paghinga ay hindi kusa sa mga mamal sa lupa. Ito ay lumilikha ng problema sa panahon ng pagtulog. Dapat utusan ng balyena ang mga butas ng ilong nito na magbukas sa bawat paghinga. Papaano ito makakatulog at gayunma’y huminga? Si Weinrich ay sumasagot: “Inaakala ngayon na ang mga balyena at mga dolphin ay maaaring matulog na ang kalahati ng kanilang utak ang gumagana, pinapangyari ang kalahati na sumupil sa kusang paghinga at panatilihin ang paglutang.”

Ang isa pang pantanging disenyo ay upang maiwasan ang mga pulikat samantalang sumisisid. Ang hangin sa bagà ay siksik sa ilalim ng presyon ng kalaliman ng karagatan, ginagawa nitong posible na tumagas ang nitroheno sa dugo. Kapag ang balyena ay pumapaitaas, ang nitrohenong iyon ay lalawak, mag-aanyo ng mga bulâ na hahadlang sa sirkulasyon at magpapangyari ng mga pulikat. Upang bawasan ang panganib, ang bagà ng balyena ay totoong maliit, binabawasan ang dami ng nitroheno. Gayunman, upang magkaroon ng higit na oksiheno pinapalitan ng balyena ang karamihan ng mga hangin sa bagà nito sa bawat paghinga. Ang mga tao ay maaari lamang magpalit ng 15 hanggang 20 porsiyento sa isang paghinga, subalit ang balyena ay nagpapalit ng 85 hanggang 90 porsiyento.

Gayundin, kakaiba ang pag-iimbak ng balyena ng oksiheno. Ang mga tao ay nag-iimbak ng 34 na porsiyento ng kanilang oksiheno sa kanilang bagà, 41 porsiyento sa kanilang dugo, at 13 porsiyento lamang sa kanilang mga kalamnan, at 12 porsiyento sa ibang himaymay. Gayunman, ang mga balyena ay nag-iimbak ng 9 na porsiyento lamang sa kanilang mga bagà subalit 41 porsiyento sa kanilang mga kalamnan, kung saan madali itong gamitin. Sa natitirang oksiheno, 41 porsiyento ang nasa dugo at 9 na porsiyento sa ibang himaymay. Sa isang mahabang pagsisid, ang dugong may oksiheno ay natatakdaan sa mahalagang mga sangkap. Ang ibang mga gawain ng katawan ay pinababagal. Siyanga pala, tila ang sperm whale ang siyang kampeon na maninisid. Sumisisid ito hanggang 3,000 piye (910 m) at nananatili sa ilalim ng tubig ng mga 90 minuto. Ang mga humpback ay sumisisid sa pinakamalalim ay mga 1,200 piye (370 m).

Ang pag-aanak sa mga balyena ay pambihira. Ang anak ng mga mamal ay karaniwan nang ipinanganganak na una ang ulo, subalit sa mga balyena una ang buntot. Ito ay mahalaga upang ang bagong silang ay hindi lumanghap sa ilalim ng tubig at malunod. Ang pagtungo sa ibabaw ng tubig para sa unang paghinga ang pinakamahalagang sandali sa buhay ng balyena. Sa pagsilang ang sanggol ay 10 piye (3 m) ang haba at tumitimbang ng isang tonelada (900 kg).

“Pinakamaamo sa mga Dambuhala”

“Ang mga humpback ay kilala sa pagiging maamo, subalit ang apatnapung tonelada ay apatnapung tonelada!” Taglay ito sa isipan, ang marine biologist na si Sylvia Earle ay nangangambang pumuslit sa tubig upang malapitan sa kauna-unahang pagkakataon ang mga humpback sa kanilang sariling kapaligiran. Subalit nang lumapit ang isa sa magandang kumilos na mga dambuhala at “sumulyap” sa kaniya, nawala ang kaniyang pangamba tungkol sa “pinakamaamo sa mga dambuhala” na ito.

Waring ganiyan din ang saloobin ng lahat. Napansin ni Deborah Glockner-Ferrari, mananaliksik sa Maui, Hawaii, ang kaamuan ng mga humpback, lalo na sa pagitan ng ina at bulô: “Sila ay malapit sa isa’t isa. Ang pagdaiti ay waring napakahalaga sa kanila. Hahaplusin ng ina ang bulô ng palikpik nito. Ang bulô ay maaaring magpahinga sa ilalim ng baba ng ina.” Ganito pa ang sabi ni Jacques Cousteau: “Kahit na sa gitna ng mga dambuhala, ang pagpapasuso sa anak ay nagpapakita ng magiliw na kaugnayan ng pamilya. Samantalang ang bulô ay sumususo, ang mga palikpik ng inang balyena ay gumaganap ng malaking bahagi anupa’t ang mga ito ay parang mga bisig na nagduduyan ng bata. Ang balyena ay nahihiga sa kaniyang tagiliran at kinakarga ang sanggol sa kaniyang mga palikpik habang pinasususo ito.” At ang yumayapos na mga palikpik na iyon ay 15 piye (4.5 m) ang haba, ang pinakamalaki sa mga balyena.

Ang maamong mga dambuhalang ito ay lumilipat-lipat. Sila ay lumilipat mga 4,000 hanggang 6,000 milya (6,400 hanggang 9,700 km) taun-taon. Sinasabi ng iba na ang mga ruta ay iba-iba sa hilaga-timog na mga paglipat, na ang mga humpback ay halos mga lagalag. Sila ay nagpapalipas ng tag-araw sa malamig na tubig sa hilaga sa mga karagatan ng Atlantiko at Pasipiko, matakaw na nanginginain at nagpapataba. Saka sa taglamig sila ay nagtutungo sa mababaw na tropikal na mga karagatan sa Caribbean, Baja California, at Hawaii, abalang nanganganak, nanliligaw, nagpapalahi, at umaawit. Walang kain-kain, ngunit

Oh, Ang Pag-awit na Iyon!

Isang gabi sa isang maliit na bangka kasama ang kaniyang asawa, malayo sa lupa at nakadarama ng kalungkutan sa dagat, ibinaba ni Roger Payne ang isang pares na hydrophone sa tubig, binuksan ang mga amplipayer, at nakinig sa mga headphone. “Hindi na kami nag-iisa! Sa halip, kami ay napapaligiran ng napakalawak at masayang koro ng mga tunog na mula sa dagat at nag-uumapaw. Ang malawak na karagatan, na gaya ng masayang bulwagan, ay umalingawngaw at umugong sa mga awit ng mga balyena​—mga tunog na dumadagundong, umaalingawngaw, lumalakas, at naglalaho na may armoniya na parang sinulid na hinabi na magandang pakinggan. Lumuwag ang aking pakiramdam, nawala ang kapanglawan sa masiglang tunog nito. Sa buong magdamag kami ay ipinaghele ng maganda, nagsasayaw, at nagyoyodel na mga pag-awit na iyon, na naglalayag sa karagatan ng musikang hindi mula sa lupa.”

Maaaring may pag-awit na solo ng isang balyena, isang duweto, o isang koro ng maraming mga tinig. Ang bawat balyena ay umaawit ng iisang awit subalit hindi kinakailangang kaisa ng iba. Sila ay hindi mekanikal na umaawit kundi kumakatha habang sila ay umaawit. Ang awit sa isang taon ay kakaiba roon sa ibang mga taon. Ang awit sa taóng ito ay nagsisimula na katulad niyaong nakaraang taon, subalit binabago ng mga balyena at di nagtatagal ang awit ay ganap na bago. Hindi lamang sila mga mang-aawit, sila rin ay mga tagakatha. Sa bawat taon isang bagong awit​—at inaawit lamang ng bawat balyena ang bagong awit. Umaawit lamang sila kapag ginugugol ang taglamig sa mainit na mga tubig. Sa loob ng anim na buwan ng tag-init, walang pag-awit; gayunman, kapag nagsimula silang umawit sa susunod na panahon, gagamitin nila ang awit noong nakaraang taon sa pagsisimula​—isang kapansin-pansing pagtatanghal ng kanilang mga kapangyarihan ng memorya!

Bagaman ang mga awitin ay nagbabago sa taun-taon, ang kayarian ay nananatili. Ang lahat ng mga awit ay may anim na mga tema, ang bawat tema ay may ilang magkakatulad o bahagyang nagbabagu-bagong mga prase musikal at ang bawat prase ay may dalawa o limang mga tunog. Ang mga awit ng mga balyena sa iba’t ibang mga karagatan ay iba-iba, subalit ang lahat ay nananatili sa iisang kayarian.

Ang kompletong awit ay maaaring tumagal ng anim na minuto o kalahating oras, maaaring patuloy na ulit-ulitin sa loob ng 24 oras, at maaaring mapakinggan ng ibang mga balyena na 20 o 30 milya (30 o 50 km) ang layo. Ganito ang sabi ng mga siyentipiko tungkol sa kanilang mga awit: “Marahil ang pinakamasalimuot na mga awitin sa kaharian ng hayop.” “Ang pinakamasalimuot na pagtatanghal sa kaharian ng hayop.”

Ang mga maninisid sa dagat kasama ng umaawit na mga balyena ay nagbigay ng kanilang mga impresyon: “Ang awit sa ilalim ng dagat ay napakatindi anupa’t nararamdaman namin ang tunog habang ang mga espasyo ng hangin sa aming mga ulo at katawan ay umuugong.” “Naririnig nang malapitan, ang mga awit ay hindi malilimot​—umuugong at pumipintig.” “Ang tunog ay hindi kapani-paniwala, parang mga tambol sa aking dibdib.” Kung paano nililikha ang mga awit ay isang misteryo. Ang mga humpback ay walang kuwerdas vocales. Walang lumalabas na bulâ sa panahon ng pag-awit. Kung bakit sila umaawit ay hindi alam, bagaman inaakala na ito ay may kaugnayan sa panliligaw at agresibong paggawi ng lalaki. Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga lalaki ang mga mang-aawit.

Ang hinaharap ng mga balyena ay walang katiyakan. Ang mga humpback ba ay nanganganib malipol? Mga 100,000 malalakas na humpback isang siglo ang nakalipas, marami sa kanila ang pinatay ng mga nanghuhuli ng balyena. Mga 7,000 hanggang 10,000 na lamang ang natitira. Ang kamangha-manghang mga nilikhang ito ay pinapatay para gawing pagkain ng aso at pusa. Kay lungkot! Sumilang ang pag-asa noong 1966: Ang mga ito ay inilagay sa ilalim ng pangangalaga ng International Whaling Commission. Napakahuli na ba nito?

Kung sa ibang araw ang mga humpback ay wala na, wala na rin ang kanilang mga lambat na bulâ, ang kanilang 40-toneladang mga pagpilantik, ang kanilang maamong pakikitungo sa kanilang kauri at sa tao, ang kanilang mga paglalakbay na walang mga mapa sa malawak na karagatan, at wala na rin ang kanilang malakas at nakapangingilabot na mga awit na dati’y umaalingawngaw sa mga karagatan sa lupa.

Noong 1977, dinala ng Voyager 1 at 2, na inilunsad sa Cape Canaveral, ang mga rekording ng awitin ng mga balyenang humpback. Iyan na lamang ba ang matitira sa kanilang mga awitin, upang tahimik na pumaimbulog sa kalawakan sa loob ng bilyun-bilyong mga taon, na hindi naririnig ng sinuman? O patuloy bang kakatha at aawit ang kamangha-manghang umaawit na mga balyena ng kanilang mga konsiyerto sa karagatan ng daigdig, upang bighaniin ang hinaharap na mga salinlahi na magpapahalaga sa maraming kamangha-manghang mga nilikha na nagbibigay-dangal sa lupa at sa dagat? (Awit 104:24, 25) Panahon lamang ang makapagsasabi.​—Ng isang patnugutan ng Gumising!

[Mga larawan sa pahina 16]

Itaas: Ang mga plegis sa lalamunan ay lumulobo habang ang tubig at mga isda ay bumubugsô sa loob

Ibaba: Ang dila ng humpback (hindi ipinakikita rito) ay namumuwersa habang ang mga plegis ay kumikipot at ang tubig ay inilalabas, subalit ang maliliit na isda ay naiiwan

[Pinagmulan ng larawan sa pahina 16]

Lahat ng mga larawan sa artikulong ito ay sa kagandahang-loob ni Mason T. Weinrich, direktor ng Cetacean Research Unit, Gloucester, Massachusetts.

[Larawan sa pahina 17]

Ang mga sea gull ay nagtitipon para sa “mga mumo” na nahuhulog sa mesa ng humpback

[Larawan sa pahina 18]

Umaahon para sa pagkain

[Mga larawan sa pahina 19]

Itaas: Ito si Beltane, nakikilala sa itim-at-puting huwaran ng ilalim na panig ng buntot nito

Ilalim: At ito naman si Mosaic, nakikilala sa buntot nito, na ginalusan at sinira ng mga killer whale

[Larawan sa pahina 20]

Isang humpback na pumapailanglang sa tubig

[Larawan sa pahina 21]

Ang malakas na mga buntot ng humpback ay nagmimistulang isang talon ng tubig habang ang mga ito’y pumipilantik at naglalaho tungo sa kalaliman

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share